Tuesday, November 06, 2012

Ang Babaeng Nawawala sa Dilim

The Woman in Black
Produksyon: Dulaang Kalay
Direksyon: William Elvin Manzado
Mandudula: Stephen Mallatratt (halaw mula sa libro ni Susan Hill)
Mga Nagsiganap: Jeremy Domingo at Reb Atadero

Ang interior ng Teatrino sa Greenhills ay umakma sa panonood ng dula lalo na’t nakaupo ka r’un sa unang bahagi ng venue na malapit sa stage. Meron kasing isang espasyo sa pagitan ng una at huling bahagi ng teatro na ginagamit upang lakaran ng audience. Elevated ang area sa parteng likuran at pantay lang sa harapan. Pinili kong umupo na malapit sa stage at pinili ko na lang ang upuan na walang masyadong nakaharang sa harapan ko. ‘Yun pala, gagamitin ang espasyo upang gumala ang babaeng multong nakaitim na pasulput-sulpot habang tumatakbo ang dula. Para sa katulad kong nakaupo sa may harapan, nakakapraning isipin na ang babaeng nawawala sa dilim ay maaaring nasa likuran ko na pala.

Actor’s piece ang materyal. Tungkol ito sa dalawang tauhan na sina Arthur Kipps bilang matanda (Jeremy Domingo) na nais magtanghal ng kanyang kuwento at ang actor na gaganap bilang batang Arthur Kipps (Reb Atadero). Inumpisahan ito sa kanilang pagkikita sa isang teatro at tumahak ang dula sa isang nakakapanindig-balahibong retelling ng isang misyeryosong pangyayari sa Crythin Gifford. Ang lahat ng mga karakter (Sam Daily, Horatio Jerome, Keckwick) na nakasalamuha ng batang Arthur Kipps sa kanyang kuwento ay pawang ginanapan ng aktor na gumaganap bilang matandang Arthur Kipps.

Hindi ko nabasa ang libro ni Susan Hill at hindi ko rin napanood ang film version na pinagbidahan ni Daniel Radcliffe pero ayon sa mga nabasa ko, pareho itong tumalakay sa nakakatakot na chapter ng batang si Arthur Kipps. Palabok na lang sa stage adaptation ang mga prologue at epilogue nito pero hindi naman ito naging pabigat. Sa katunayan, nagkaroon ng panibagong perspektibo ang curse ng babaeng nakaitim sa munting surpresa ng dula sa dulo. May kakaiba ring nginig ang ideya na ang babaeng nakaitim ay kasama lang din sa entablado at pagala-gala. May isang tila montage sa dula ang nagpakinang sa set design ni Nissi Gatan na umangkop sa ilaw ni Meliton Roxas, Jr. Kung mabilis lang siguro akong matakot, baka napanaginipan ko na ito.

Sa kabila ng kahubaran ng stage, nagawa naman nitong mag-inject ng hinihingi nitong ambience. Nakatulong ang physique ng babaeng nakaitim at walang sabit ang atake ng mga artistang sina Jeremy Domingo at Reb Atadero. Ito ‘yung mga pagkakataon na madaling maramdaman kung ang pagganap ay walang kumpiyansa dahil maraming karakter ang papalit-palit na ginagampanan. Hindi man ito kasing bilis ng “The Mystery of Irma Vep” ni Charles Ludlam, ang ilang tagpo naman ay masyadong emotionally taxing para sa mga aktor at malaya itong naitawid. Ang blocking ni William Elvin Manzano (na nasaksihan ko sa ilang pagtatanghal hindi bilang direktor kundi bilang musikero) na gumamit sa bawat kanto at limitasyon ng venue ay naging epektibo upang hindi magmukhang payak ang pagtatanghal.

Kung meron pang pagkakataon, magandang karanasan sanang mapanood ang “The Woman in Black” ng Dulaang Kalay (ng Kalayaan College sa Quezon City) na halos nag-uumpisa pa lamang sa larangan ng stage production. Para sa akin, na-exhaust nito ang lahat ng hangganan (maliit na budget, kawalan ng maturity sa larangan at iba pa) upang magmungkahi ng konting takot. Siguro ay mas literary ang appreciation kung napanood ko ang film version o kung nabasa ko ang libro pero sapat na ‘yung discomfort na ibinigay nito habang pinapakiramdaman ko kung katabi ko na ang babaeng nawawala sa dilim.

No comments:

Post a Comment