Saturday, November 10, 2012

Ang Patuloy na Pag-aabang sa Paghilom ng Sugat

Ang larawan ay kinuha mual sa website ng Broadway World - Philippines.

Walang Sugat
Produksyon: Tanghalang Pilipino
Direksyon: Carlos Siguion-Reyna
Libretto: Severino Reyes
Musika: Fulgencio Tolentino, Constancio de Guzman at Mike Velarde
Karagdagang Teksto: Nicanor Tiongson
Karagdagang Musika: Chino Toledo
Mga Nagsiganap: Cris Villonco, Noel Rayos, Noemi Manikan-Gomez, Lou Veloso, Gino Ramirez, atbp.

Napanood ko na ang sarswelang ito n’ung 90’s at ang natatandaan ko, nanindig ang balahibo ko n’ung unang beses kong marinig ang “Bayan Ko” ni Constancio de Guzman sa larangan ng teatro. Malaking bagay rin na hindi ko alam ang twist nito dahil mainam na kasali ito sa karanasang mapanood, considering na ang porma ng sarswela ay hindi madaling panoorin hanggang dulo.

Sa restaging na ito ng Tanghalang Pilipino, na-retain naman nang lubos ang core ng sarswela. Unang beses ko itong napanood na magdirek sa teatro si Carlos Siguion-Reyna na alam kong visual sa mga pelikulang kanyang ginawa. Maganda ‘yung nuances n’ung mga eksena sa dula na dadalawa ang karakter na kadalasang nagliligawan, nagtatampuhan o nag-iibigan. Hindi ko alam kung may kinalaman ito sa mga pagtatanghal ng “Aawitan Kita”, sa TV man o ‘yung mga live performances nito sa University of Makati. Siguro ay kailangan lang i-improve ‘yung blocking n’ung mga ensemble number at tingin ko ay isa na itong mahusay na musical revival.

Mapapansin din ang pagkamoderno ng Zen-like stage ni Tuxqs Rutaquio rito. Walang masyadong palamuti sa likod na iniilawan lang asul, puti o pula base sa mood. May ilang layer o nakaangat na platform ang gitna na nagsilbing main piece sa stage. Maganda itong statement sa social classes ng materyal kung saan ang mga prayle ay bumababa lamang hanggang sa ikalawang baytang samantang ang alalay at ang tagasilbi ay nagligawan sa pinakamababang bahagi nito. Kadalasan din na ang mga eksenang kabilang ang mga taong-bayan ay nasa ibaba rin at ang digmaan ay rumagasa mula sa unang layer pababa.

Mas gusto ko ngayon si Cris Villonco kumpara n’ung kabataan n’ya. Nagkaroon ng maturity ang kanyang boses at hindi ko napansin na ganito na pala kaganda ang kalidad ng kanyang boses panteatro. Ang kanyang Julia ay rebelde at punung puno ng pag-asa sa pag-ibig kahit na napapalamutian ito ng presensya ng kanyang konserbatibo at madaling mapayuko na inang si Juana (Noemi Manikan-Gomez sa bibihirang pagkakataon na mapanood ulit sa stage) sa mga pangako ni Tadeo (Lou Veloso) at ng anak nitong si Miguel (Gino Ramirez). Lumaki rin ang pagkahilig ko sa teatro sa pamamagitan ng ilang Repertory Philippines plays at mas madalas sa hindi na kasali rito si Noel Rayos. Maganda ang boses n’ya at akmang akma ang pagka-classical nito pero parang may hinihinging transition ‘yung karakter n’ya. Si Tenyong ay isang simpleng binata at mangingibig na nahubaran ng pagkainosente nang pinapaslang ng mga prayle ang kanyang ama at piniling maging Katipunero. Nakulangan lang ako sa dilim ng delivery ni G. Rayos bilang Tenyong sa ikalawang bahagi ng dula.

Tingin ko, mahirap nang ibenta ang sarswela ngayon sa labas ng intensyong pang-akademiko. Siguro ay mga estudyante at guro na lang ang maaaring kapukawan nito ng interes. Pero magandang suriin ang pagtatanghal bilang isang hugis ng sining na subersibong kumikilatis sa social ills. Kung tutuusin, hindi pa rin naman nawalala ang mga “prayle” ng makabagong panahon na hindi lang tumutukoy sa mga tao sa simbahan na nakaabito. Representasyon na ito ngayon ng kahit na sinong umaabuso sa kahinaan ng ibang kapwa Pilipino. Nakakalungkot lang na hanggang ngayon ay hindi pa rin ito nagagamot. Habang nag-aabang ang lahat sa paghilom ng sugat, hinihikayat tayo ng sarswela na maging tapat sa anumang nais at maging makabayan.

No comments:

Post a Comment