Battalia Royale Version 3.0
Produksyon: Sipat Lawin Ensemble
Direksyon: Jk Anicoche
Mandudula: Kolaborasyon nina David Finnigan, Jordan Prosser, Sam Burns-Warr, Georgie McAulye at Sipat Lawin Ensemble (hindi lisensyadong halaw mula sa nobela ni Koushun Takami na “Battle Royale” at pelikula mula sa Toei Company, LTD.)
Mga Nagsiganap: Bodgie Pascua, Thea Yrastorza, Isabelle Martinez, Ness Roque, Acey Aguilar, Kevin Vitug, Ross Pesigan, atbp.
Maraming nire-require sa manonood ang dula mula sa pagbili ng ticket hanggang sa pagtatanghal nito mismo. Hindi gan’un kadaling magkaroon ng ticket. Sa mga merong Facebook account, kinakailangan mong sundin ang nakatalagang instructions sa app. Hindi ko alam kung para sa Version 3.0 ay naglagay sila ng picture file n’ung instructions upang magkaroon ng option kung hindi masyadong user-friendly ‘yung app. Kapag nasa kamay mo na ang mga nais ipagawa, isa-isa mo na itong susundin kamukha ng paghihintay ng email kung naireserba ka nga, paghuhulog ng bayad sa bangko, pagpapadala ng screenshot ng deposit slip at ang optional na pag-reply sa email kasama ang detalye ng deposito. Nawalan ako ng gana sa unang attempt na bumili. Hindi ko kasi masyadong maintindihan kung bakit kailangang pahirapan ang manonood (na aminin natin na sa level ng purchase ay “customer” pa rin naman silang matatawag). Gan’un ba ka-insecure ang dula upang magkaroon ng ganitong nakakalunod na gimik?
Nagbago lang ang desisyon ko nang magkaroon ng communication sa isa sa cast nito. Apologetic s’ya (kamukha ng ilang tweet mula sa produksyon) at wala naman akong ibang dahilan upang magmatigas pa. Besides, hindi naman matatawaran ‘yung curiosity ko kung bakit nagkaroon ng cult following ang dula.
Dahil sa mga paalala sa confirmation email, nagdala ako ng mga dine-demand nitong bagay: extra t-shirt, running shoes at tubig. Marami nang tao sa Museo Pambata n’ung bandang 6:30pm pa lamang (maaga ako ng 30 minuto). Sa desk, d’un ko nakuha ang aking all-access pass na nagsilbing ticket para sa dula. Isa itong “pass” dahil supposedly ay isang remote venue ‘yung lugar kung saan kinidnap ang buong Class Hope ng Our Lady of Guadalupe High School. Hindi nag-umpisa sa takdang oras ang dula at halos punung-puno na rin ang harapan ng museum sa dami ng manonood (mukha na itong crowd ng isang concert). Sa kabilang table mula sa desk kung saan ko nakuha ang aking pass, nand’un naman ang mga merchandise. Merong playbill, t-shirt, ilang kit (na merong flashlight at mapa ng venue) at playing cards na kasing laki ng postcard kung saan nakaimprenta ang mga mukha ng mga players (cast). Hindi ko na matandaan kung magkano ito pero hindi naman gan’un kamahal. Bale ang benta ay magsisilbing boto kung sino ang deserving matira sa Class Hope. Hindi ito required pero dahil gusto kong makigulo, binili ko ang pares nina Jessica Adriano at Julius Francisco.
Mga 7:30pm na yata nang tawagin ang atensyon ng lahat. That time, nakapuslit na akong kumain ng noodles na binebenta sa labas ng gate. Nagpakita si Fraser Solomon (Bodgie Pascua na sa “Battle Royale” ay pinapelan ng magiting na si Takeshi Kitano bilang “Kitano”) at inanunsyo ang ilang paalala habang ginagawa ang dula. Nagkaroon din ng isang patay-patayan game na karamihan naman ay nakisali (kabilang na ako). Pagkatapos nito, hinati na sa apat na grupo ang buong audience (nakita ko ang direktor na si Marie Jamora at ang stage actor na si Nar Cabico na s’ya ring nanalo sa patay-patayan game). Ilang sandali pa at binigyang hudyat na ang lahat upang sumunod sa utos ng mga marshal. Basically, ang paghahati ng grupo ay para lang sa maayos na pagtatalaga ng puwesto sa bawat “pagtatanghal” o sa ilang intersection.
Sa umpisa ay medyo may konting adrenaline rush pa. Nakaka-excite kasing tumakbo kasama ang ilang hindi ko naman kilala. At sa dilim pa! Dinala kami sa unang tagpo kung saan nakatumpok na magkakapatong ang mga estudyante na kakagising lang mula sa puwersadong pagpapatulog sa kanila. Ipinaliwanag na rin na kinakailangan nilang magpatayan at isa lang dapat ang mabubuhay. Wala namang kapuna-puna rito maliban d’un sa kawalan ng konteksto kung bakit nila kailangang magpatayan. Hindi malinaw kung bakit nagkaroon ng ganitong “proyekto” at sa Pilipinas pa na demokratiko ang kamalayan. Sa pelikula, bahagya itong ikinuwento. Para sa akin, mas nakakatulong kasi ito upang makisimpatiya sa mga biktima.
Mula rito ay tuluy-tuloy na ang daloy ng pagtatanghal. Minsan ay hahatiin ang mga grupo para sa mga eksenang kanilang mapapanood at minsan naman ay magkakasabay na manonood. Visible ang direktor dito dahil kailangan n’yang idirek ang mga tao kung saan tatakbo at kung paano patatakbuhin ang dula base (yata) sa mga biniling playing cards. Bago sa akin ang ganitong experience dahil nagmistulang isang pagtatanghal ito ng audience at hindi ng mga artista ng dula mismo. Minsan ay vocal ang mga manonood sa kanilang komento tungkol sa mga kaganapan at natutuwa ako kung paano sila mag-react. Buhay na buhay ang performance sa mata pa lang (at takbo) ng mga manonood.
Wala akong ideya kung gaano ka-unique ang plot sa ibang version (mula zero hanggang 3.0) o sa ibang pagtatanghal. Posibleng ang Kakai (Thea Yrastorza), Isidora (Isabelle Martinez), Sanya (Ness Roque), Julius (Acey Aguilar), Sebastian (Kevin Vitug) at Victor (Ross Pesigan) ay may ibang angst at subplot sa napanood ko. Kung tatanggalin ang lahat ng devise (takbuhan, interaction, choose-your-own-adventure, atbp.), mayroon pa rin namang mapupulot na sustansya sa pagkakasulat. Gusto ko ‘yung maikling kuwento tungkol sa dalawang babaeng sinubukang magtalik sa unang pagkakataon o ‘yung magkasintahan na piniling magpakamatay nang sabay. Medyo uneven ang impact ng mga kuwento pero pisikal na ring nakakapagod kung lahat ay pagtutuunan pa ng pansin. Sa mga gumanap, para sa akin, walang stand-out (na tingin ko ay ito ang inaasahan) at wala rin namang naiwan. Maganda ring imahe ang huling eksena para mag-reflect kung hindi pa man hinihingal na ang lahat at wala nang ginawa kung hindi uminom nang malamig na tubig.
Hindi ko alam kung nagustuhan ko ang buong dula. Sigurado ako na may napanood na akong ibang pagtatanghal na mas marahas at mas napapahawak ako sa sa aking sarili sa takot na matapunan ng dugo, literal man o figurative. Kahit ‘yung hinihinging contemplation sa dulo, parang may napanood na rin akong mas nakatagos na parang espada ang mensahe. Ang alam ko lang, hinding hindi ko makakalimutan ang experience na ito, ang experience na makita ang mga manonood bilang artista sa isang desusing pagharap sa karahasan. Para sa akin, mas mainam na dito mag-reflect at makita ang sarili sa iba kung paano nila kaawaan, pagtawanan at maliitin ang mga estudyanteng nakikipagbuno para sa sariling kaligtasan.
No comments:
Post a Comment