Total Pageviews

Sunday, November 04, 2012

Nag-uumapaw na Galak Mula sa Isang Trahedya

Ang larawan ay kinuha mula sa website ni Gibbs Cadiz

Sintang Dalisay
Produksyon: Tanghalang Ateneo
Direksyon: Ricardo Abad
Mandudula: G.D. Roke (pagbabalangkas mula sa kanyang awit na “Ang Sintang Dalisay ni Julieta at Romeo” na halaw mula sa “Romeo and Juliet” ni William Shakespeare)
Mga Nagsiganap: Kalil Almonte, Tasha Tañada, Brian Sy, atbp.

Uunahin ko na, sa mga napanood kong lokal na produksyon ngayong taon, ito na siguro ang naghatid sa akin sa maraming pedestal ng pagkasining at pagkalibang, akademiko man o pamatay-oras lang. Ito ‘yung lumabas ako ng Rizal Mini-Theater sa Ateneo na halos mayakap ko ang cast na naghihintay sa labas at nagte-Thank you for watching, at ipaalala sa kanila kung gaano kadakila ang galak na ibinigay nila sa akin sa hapong ‘yun. Bumalik ako sa Katipunan at hinarap ang Metro Manila na may baong ngiti at pagmumuni na ito ang isa sa maraming dahilan ng pananatili rito.

Kung sa aspetong pang-akademiko lang, maraming inilatag ang dula. Ang pinakanangibabaw na siguro rito ay ang walang sawang paglalahad ng “Romeo and Juliet” ni Shakespeare. Walang binago sa pagkakasunod ng tagpo at napakarelihiyoso nito sa orihinal na obra. Ikalawa, nabigyan tayo ng pagkakataon upang mapagtuunan ng pansin ang pagkakahalaw sa trahedya bilang isang awit (ang “Florante at Laura” ni Francisco Balagtas ay isang halimbawa nito, ayon sa playbill) na isinulat ng isang nagngangalang G.D. Roke n’ung 1901. Kung sino man s’ya, ang kanyang nalathalang halaw na lang ang aandap-andap na pruweba ng kanyang pagkamanunulat. May ilang website na nagsasabing kumuha rin ng teksto ang dula mula sa pagkakasalin ng National Artist for Theater and Literature na si Rolando Tinio sa “Romeo and Juliet” pero hindi naman ito nabanggit sa playbill. Kung totoo man ito at bagama’t hindi klaro ang pagkakahati ng ambag, malaking bagay ang pinagsamang puwersa ng pagkakapreserba ng akda ng isang halos malapit nang makalimutan at isang pinagpipitaganan sa industriya. Na-localize din ang trahedya sa isang imaginary community sa Mindanao kung kaya’t si Romeo ay naging si Rashiddin (Kalil Almonte) at si Juliet naman ay naging si Jamila (Tasha Tañada) mula sa magkalabang angkan ng mga Mustapha at mga Kalimuddin. Ang kapalaran ng dalawang mangingibig ay pilit pinag-ugnay ng isang imam (Brian Sy) na katumbas ng isang pari sa Kamindanawan. Nakatutok lang ang pagkaka-localize sa core ni Shakespeare at hindi ito kailanman nahulog sa bitag ng pagkalihis ng tema o conceit na magpaka-socially relevant (maliban siguro sa ilang pagpupugay ng stand ng theater group sa RH Bill). Tungkol lang talaga ito sa pag-ibig at sa pagkadalisay nito.

Maliban sa script, ipinakilala rin ng dula ang sayaw na “igal” na ayon sa playbill ay mula sa Sama o mas kilalang Bajau o Bajo. Hindi lang ito pamatid-uhaw sa panonood na isinisingit bilang breather kundi kasali talaga ito bilang paraan ng pagkukwento. Minsan ay sinasabayan ito ng mga tauhan at minsan naman ay nangungusap itong mag-isa (sigalot ng dalawang angkan, ang pagniniig ng dalawang bida at maging ang kanilang kamatayan). May ilang eksena na kahit blangko sa speaking lines at gumagalaw lamang ang mga tauhan sa saliw ng live music mula Konta-GaPi at Tanghalang Ateneo Music Ensemble na idinesenyo ng nag-iisang si Edru Abraham, abot na abot ang mga emosyon na nais nitong iparating sa mga manonood. Dito naman sa puntong ito, napapatingkad ang kontribusyon ng sayaw bilang form of expression at bilang bahagi ng kalinangan ng sining. Hindi lang basta sayaw kundi pagpupugay na rin sa kultura ng mga kapatid nating Muslim kung saan ang sayaw ay isang matatawag na way of life. Sa isang kritikal na intersection ng mga elemento ng sayaw (o kawalan nito) at drama, hindi matatawaran 'yung eksenang pilit isinasayaw ni Rashiddin ang walang buhay na si Jamila.

Sa kabila ng ‘sandamakmak na pagbabahagi ng dula bilang educational material (na tingin ko ay gawin sanang isang essential viewing para sa mga estudyante), hindi naman nito nakalimutan ang audience na pumunta lang sa tanghalan upang maglibang. Naaliw ako sa huling stage design ng isa pang National Artist for Theater and Design na si Salvador Bernal na pumanaw noong isang taon matapos maitawid ang unang serye ng staging ng dula. Ang ilang appreciation ko sa teatro noong early 90’s ay bunga ng kanyang disenyo bilang kolaborasyon sa mga TP plays na idinirehe ni Nonon Padilla. Para sa “Sintang Dalisay”, walang masyadong palabok sa entablado. Isang platform ang nasa dulo kung saan nakaupo ang mga musikero at isang simpleng sculptural piece sa itaas nito. Sa ganitong asta, malinaw na ang totoong bida sa pagtatanghal ay ang musika at ang igal na nakakaaliw mabigyang-buhay mula sa ensemble ng Tanghalang Ateneo. Napunan ng direktor ang mga inaasahang paggamit ng isang payak na espasyo upang magkapagkuwento ng isang trahedya na hitik sa character at plot development. Naipakita n'ya nang maayos ang transition at nagamit ang katahimikan kung kinakailangan. Gusto ko rin ang coda na ginawa ng starcrossed lovers sa dulo matapos ang curtain call. Ang choreography naman ni Matthew Santamaria ay mainam sa mata. Nakakahawa ang mga sayaw kung saan ang mga mangingibig ay nag-uumapaw sa kanilang kaligayahan at nakakadurog ang suhestiyon sa dulo na walang espasyo sa marahas na mundong ito ang pagsintang dalisay nina Rashiddin at Jamila.

N’ung una kong napanood si Kalil Almonte sa “R.I.P” ni Alvin Yapan para sa ENTABLADO (narito ang kaugnay na blog), nasabi ko na nasa ibang liga na ang aktor na ito. At hindi ako nagkamali nang napanood ko s’ya bilang Rashiddin para sa Tanghalang Ateneo. Ang kanyang Romeo ay inosente, magilas, mapangahas at nag-uumapaw sa pag-asam na mapasakanya ang pag-ibig na pilit n’yang sinungkit at nabigo. Nakasabay s’ya sa hamon na magsabuhay ng isang role na kinakailangan ng pisikalidad at hinihinging indak. Hindi lang isang ganap na aktor ang aking nasaksihan kundi isang performer na napapalamutian ng versatility sa kanyang balikat. Nakuha naman ni TashaTañada ang hinihinging fragility ng karakter at ang kanyang Juliet ay nakasabay sa demand ng kanyang Romeo.

Walang masyadong pagsidlan ang nag-uumapaw na karanasan kong mapanood ang ganitong dula (sa estilong trahedya) na naigapang ang dalawang mahirap na layunin sa pagtatanghal: to educate at to entertain. Andami kong napulot para sa isip at marami itong naipunla sa dibdib kahit na makailang beses ko nang napanood ang "Romeo and Juliet" sa iba't ibang hugis at pagkabuhay. Ang imahe nina Rashiddin at Jamila na umiindak sa saliw hindi lang sa igal kundi sa kanilang pag-iibigan ay hindi ko makalimutan kahit na noong Agosto ko pa ito napanood (at papanooring muli sa darating na national theater festival sa CCP sa Linggo, November 11). Maliban sa ideya na kaya palang pagsabayin sina Shakespeare, G.D. Roke (at Rolando Tinio) at ang igal, pinaalalahanan din ako nitong tanggapin ang kapalit ng pagsugal sa kaligayahang magmahal. Isa na rin itong babala na ang pinakapurong uri ng pagmamahal ay walang lugar dito, na baka ito ay isang ilusyon lang. Dalawang mukha ng lason ang gusto nitong sabihin. Una ay 'yung pangaraping maging dalisay ang isang relasyon o, sa baliktad na pananaw, panatilihin itong merong bahid upang magtagal.

2 comments:

Anonymous said...

Magandang araw!

Ang "R.I.P." po ay produksyon ng Ateneo ENTABLADO at hindi po ng Tanghalang Ateneo. Dalawang magkaibang theater companies po ang dalawa. Si Kalil Almonte ay alumnus ng Ateneo ENTABLADO ngunit ilang beses na ring umarte para sa mga produksyon ng Tanghalang Ateneo gaya ng May Day Eve, Lysistrata at Sintang Dalisay.

Maraming salamat po.

Manuel Pangaruy, Jr. said...

Maraming salamat po sa koreksyon. Sobra. In-update ko na ang blog. Salamat po at meron palang nagbabasa. :))

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...