Bona
Produksyon: PETA
Direksyon: Soxy Topacio
Mandudula: Layeta Bucoy (halaw mula sa pelikula ni Lino Brocka na isinulat ni Cenen Ramones)
Mga Nagsiganap: Eugene Domingo, Edgar Allan Guzman, atbp.
Ang iniisip ko habang pinapanood ang dula ay ‘yung hindi mahulog sa patibong na maikumpara ito sa film version nina Lino Brocka at Nora Aunor na parang isang imahe ng santo na nasa eskaparate. Pero nitong mga nakaraang araw ay nagkaroon ako ng pagkakataon na mapanood ang pelikula sa ikalawang beses at d’un ko napansin ang malaking puwang na ibinigay ng dula. Hinding hindi talaga kayang maiwasan ang paghahambing at ito ang aking mga napuna:
1. Sa pelikula, nakakapukaw ng konsentrasyon ang opening scene nito na ipinakita si Bona sa pagsali sa kapistahan ng Nazareno. Pahapyaw na pinadaanan ng kamera ang karosa sa isang sinehan, cut sa isang eksena ay ipinakitang nanonood si Bona ng shooting ng kanyang iniidolong si Gardo. Sumunod agad ang isang montage na tila metamorphosis ng obsesyon ng isang fan. Sa dula, ipinakita lang ito sa pagiging deboto ni Bona sa Nazareno sa pagkakaroon ng isang maliit na imahe sa kaliwang bahagi ng stage. Sa umpisa ay nagsindi ng kandila si Bona rito at nagdasal. Hindi tinanggal ang imahe hanggang matapos ang dula. Tila coincidental naman ang pagkakahumaling ni Bona sa kanyang Gino Sanchez matapos mabalitaang ang kanyang dating kasintahan sa call center ay boyfriend na ng dating boss;
2. Maraming stagey na eksena sa pelikula. Palibhasa, nagsusumiksik minsan ang camera sa isang dampa at nakasalalay sa dalawang karakter ang daloy ng kuwento. Ang dula naman ay nagmukhang pilay nang maraming beses itong nagpakita ng video sa isang wall upang magkaroon ng extension ang kuwento. Nariyan ang acting piece ni Gino Gonzales (na redundant na dahil meron din itong talent portion sa stage mismo) nang i-recreate ang kanyang sariling madramang buhay at ‘yung mga eksena sa film shoot. Para sa akin, magagawan ng paraan sa dula na hindi na kailangang ipakita pa sa video ang mga nasabing eksena. Gusto ko lang ‘yung stage design ni Boni Juan dito. Maganda ‘yung mukhang 3D na installation ng neigborhood sa may likuran at ‘yung malaking billboard sa itaas ay ginagamit na video wall. Nakatulong din, para sa akin, ang musika ni Teresa Barrozo upang maging current ang atmosphere;
3. Wala namang halos ipinagkaiba ang pagkaka-characterize sa pelikula at sa dula. Parehong kumapit hanggang dulo si Bona at napuno. Sina Gardo at Gino Sanchez ay gan’un din. Hindi ko alam kung anong statement ang gustong palabasin pero ang parehong lalaking karakter ay madalas ipakitang nakahubad kahit na magkaiba ang sensibilidad noong 80’s at ngayon. Siguro ay gusto lang ipaunawa kung ano ang nagustuhan ng protagonist. Maaari rin itong suhestiyon ng kabalintunaan kung ano ang physical at internal beauty. Ang Nilo sa pelikula (Nanding Josef) at Bert sa dula (Juliene Mendoza) ay parehong ginamit bilang third party na nag-aasam ng pag-ibig ni Bona. Gan’un din na sa dulo ay nagpakasal ito sa iba. Ang kaibahan lang, si Bert ay nakakaalwan at s’ya ang may-ari ng inuupahang bahay nina Bona at Gino Sanchez (samantalang si Nilo ay isang tambay na tumutulong sa pag-igib ng tubig at nagsisilbing koneksyon sa nilayasang pamilya). Nagpapakita s’ya paminsan-minsan kung merong nais kumpunihin sa unit kamukha ng pintuan. Sa isang kaugnay (at memorable) na eksena sa pelikula, sinira ni Gardo ang pinto ng kapit-bahay at inuwi ito. Medyo nararamihan lang ako sa mga karakter sa dula. Parang hindi na rin masyadong kailangan na meron pang kapatid, pamangkin at matalik na kaibigan (na hindi ko alam kung sinasadya na lahat ng pangalan nila ay nagsisimula sa letter B: Binky, Bingo, Baldy at si Bert nga); at
4. Ang Bona ni Nora Aunor sa iconic na eksena ng pagbuhos ng kumukulong tubig sa kanyang diyos-diyosan ay binalutan ng pagkasukol. Bakas sa kanyang mukha na wala na s’yang ibang mapupuntahan. Ang atensyon na kanyang ginugol sa kanyang idolo ay kailanman ay hindi na masusuklian. Wala na s’yang pamilyang mababalikan at ang kanyang Gardo (Phillip Salvador) ay piniling sumama sa ibang babae na mayaman. Nag-freeze ang frame sa dulo ng pelikula na umiiyak si Bona habang nasa tabi nito ang larawan ni Gardo na nakadikit sa dingding. Ang Bona naman ni Eugene Domingo ay tila isang phase lang ng depresyon ang pagkahumaling kay Gino Sanchez (Edgar Allan Guzman na para sa isang hindi visible sa teatro ay mahusay ang interpretasyon) na kailangang panagutan ang babaeng nabuntis. Hindi nagkaroon ng inaasahang bigat ang huling eksena ng pagbuhos ng kumukulong tubig. Una, hinihintay ko na mas paiigtingin pa ni Layeta Bucoy ang karahasan sa dulo. ‘Yun na pala ‘yun. Ikalawa, banayad lang ang atake sa karakter. Maganda ‘yung ilang nakakatawang ad lib dahil nagkakaroon ng distinct touches pero ang epekto sa dulo ay mas matibay si Bona at maaari n’yang malampasan ang anumang marubdob na pagsubok. May suhestiyon ito na kaya n’yang mag-umpisa ulit. Kung statement man ito sa makabagong babae o sa gender equality, hindi ko alam.
No comments:
Post a Comment