Ang larawan ay kinuha mula sa website ng PETA
William
Produksyon: PETA
Direksyon: Maribel Legarda
Mandudula: Ron Capinding
Musika: Jeff Hernandez
Karagdagang Titik: Rody Vera, Anj Heruela at Rico del Rosario
Karagdagang Eksena: Rody Vera
Mga Nagsiganap: Norbs Portales, Anj Heruela, Jmee Katanyag, John Emmanoel Moran, Ian Segarra, atbp.
Dahil siguro sa target audience nito, simple lang ang daloy ng kuwento. Limang magkakaklase sa high school ang binigyan ng assignment ng kanilang teacher upang isadula bilang monologo ang kanilang napiling tagpo mula sa kahit anong akda ni William Shakespeare. May mga personal na isyu ang mga bata. Si Estela (Anj Heruela) ay malapit sa ama pero malayo sa inang OFW. Si TJ (Norbs Portales) na kanyang lihim na iniibig ay matindi ang pressure sa amang konserbatibo. Ang kasintahan ni TJ na si Sophia (Jmee Katanyag) ay maalwan sa buhay subalit may sariling tinik sa identity dahil ang magulang ay dating mahirap. Ang mahiyaing si Erwin (Ian Segarra) ay lihim na hinahangaan ni Sophia samantang ang bading na si Richard (John Emmanoel Moran) naman ay may sarili ring struggle upang matanggap ng kanyang mga kaibigan bilang siya.
Extensive naman ang pagkakasulat ng dula. Basta Shakespeare, maaasahan si Ron Capinding na malalim ang research na kanyang ginagawa kung hindi man nasa ulo na n’ya ang literatura nito. Kapanipaniwala rin ‘yung konteksto na ginawang pagtatanghal ng mga bata sa dulo at kung paano naidikit ang dakilang mandudula sa indibidwal na buhay. ‘Yun nga lang, hindi ako masyadong nakuha na nakakulong sa apat na silid ng classroom ang dula, na ang mismong pagkakatuklas sa galing ni Shakespeare ay nakasalalay sa paraan ng pagtuturo at motibasyon ng kanilang guro. Nakuha ko naman ang punto nito na kinakailangan nating mag-aral hindi para sa grado kundi para sa buhay. Nakuha ko rin na ang kalidad ng edukasyon ay nasa kamay ng isang mapag-arugang guro. Nawala lang siguro ako sa ideya na maaaring makarating ang dula kahit na sa audience na wala (o wala na) sa classroom. Napakalimitado lang ‘yung suhestiyon na si Shakespeare ay nakakulong sa isang eskuwelahan at maaari lang makakonek sa kanya sa pamamagitan ng isang pormal na edukasyon para sa mga bata.
Sa Tanghalang Aurelio Tolentino sa CCP ko na ito napanood. Medyo nalalakihan ako sa venue para sa blocking at stage design n’ung dula. Siguro ay mas nakakaaliw itong panoorin sa isang mas maliit na lugar kamukha ng PETA Theater Center. Sa performance, wala akong itulak-kabigin sa mga bidang bata. Walang nagsapawan at wala ring naghilahan pababa. Naitawid nila ‘yung angst na gustong bitbitin at engaging ang bawat monologo sa dulo. Aliw na aliw rin ako sa mga musical number na nakatahi sa rap music. Puwede naman palang magawa ang ganitong concoction kahit na hindi pa ito masyadong hardcore.
May ilang pag-aalinlangan ako sa dula tungkol sa limitasyon nito ng audience pero para sa mga nasa loob ng maaari nitong maabot, isa itong variety sa mga homegrown na musical. Klaro ang punto na ang bawat isa sa atin ay may isang Shakesperean character. Kailangan lang buksan, pag-aralan at tanggapin.
No comments:
Post a Comment