Monday, January 21, 2013

Habilin ni Direk Mario

Stageshow
Produksyon: Tanghalang Pilipino
Direksyon: Chris Millado
Mandudula: Mario O’Hara
Mga Nagsiganap: Shamaine Centenara-Buencamino, Nonie Buencamino, Mailes Kanapi, Mae Paner, atbp.

Madali namang makuha ang konsepto ng dula. High concept s’ya sa totoo lang. Nasa iisang linya ito ng mga “Mamma Mia!”, “We Will Rock You”, “Rock of Ages” at maging ang lokal na produksyon na EJ: Ang Pinagdaanang Buhay nina Evelio Javier at Edgar Jopson. Lahat ng mga halimbawang ito ay bumuo ng isang kwento mula sa koleksyon ng mga awit na nailathala na mula sa isang musikero (Abba, Queen, The Dawn) o mula sa isang dekada o genre. Sa kaso ng “Stageshow”, ang kuwento naman ay hinabi gamit ang iba’t ibang karayom at sinulid na skit mula sa isang hugis ng theater performance na matagal nang naisilid sa baul.

Gusto ko ‘yung paglalagay ng kabi-kabilang act upang i-recreate ‘yung era. Mataas ang variety at nag-uumapaw. Merong kantahan, ilang skit na medyo berde, ilang magic at ilang pagtatanghal ng mga singer na merong equivalent sa Amerika (“Ang Fred Astaire ng Pilipinas” na makapigil hiningang ginampanan ng 70-year old na si Tony Casimiro sa isang number). Tingin ko, lahat na yata ng act sa nasabing era ay naisiksik sa dula. Hubad na hubad naman ang stage design ni Tuxqs Rutaquio. Maliban sa ilang bumbilya sa itaas (ang ilan dito ay sinadyang maging pundido) at isang drum set sa kaliwa para sa banda, walang masyadong gimik sa entablado bago makarating sa finale number. Siguro ang ideya ay nakaakbay pa rin sa pagsasabuhay n’ung panahon na ‘yun at ang audience ang nagsilbing mga taong-bayan na nagpapalipas ng oras sa plaza. Sa puntong ito ng pagdala sa akin sa ibang panahon at dimensyon, wala naman akong naging problema. Kung tutuusin, ito marahil ang pangunahing vision ni direk Mario O’Hara, ‘yung hindi malimutan ng kontemporaryong manonood ang panahon ng stageshow. Siguro ay nakasaksi na ako ng ilang mutation ng ganitong pagtatanghal n’ung bata pa pero sa akademikong aspeto, tila ang bodabil lang at iba pa ang mas naisalibro.

Kapag tinanggal natin ang bihis ng high concept, ang matitirang premise nito ay tungkol sa stageshow performer na si Ester (Shamaine Centenara-Buencamino), ang kanyang mga kasamahan sa trio na Tres Dahlias (Mae Paner at Mailes Kanapi) at ang kanyang dakilang pag-ibig kay Tirso (Nonie Buencamino). Tatak-Mario O’Hara ang mga ganitong sensibilidad tungkol sa mga taong pinaglumaan na ng panahon at kung paano sila tinatrato ng kasalukuyan. Kung hindi ako nagkakamali, naalala ko ang karakter ni Ester d’un sa isang project na nakalaan dapat kay Nora Aunor. Sinabi mismo dati ni direk sa pagbisita ko noon sa set ng “Sa Ngalan ng Ina” na ang plano n’yang indie film para kay Nora Aunor ay tungkol sa isang sarswela performer na umeekstra-ekstra na lang sa mga palabas kung piyesta. Marami sanang interesanteng pagkakataon sa dula na minsan ay umaalagwa na ang pagka-cinematic. Mahaba ang panahon na tinahak ng dula, mula sa pagsibol ng musical era na ‘yun n’ung 1950’s hanggang sa makabagong panahon. At mula rito ay kailangang ipakita ang decay na nangyari sa mga performer. Ang paghahanap ni Ester sa kanyang baldadong asawa, halimbawa, ay kinakailangang dumaan sa paglapastangan sa kanya ng isang pulubi. Statement siguro ito na gaano man kadakila ang iniambag mo sa sining, babalahurain lang ito ng iba nang walang pakundangan. Ipinakita rin sa huling 15 minuto kung gaano kawagas ang pag-ibig ni Ester kay Tirso (kahit na minsan ay ipinagpalit s’ya nito sa kanyang kasamahan sa Tres Dahlias) sa pag-aalaga rito at sa pagpapalibing nang marangal at maalwan. Ang naging challenge lang mismo sa pagsasadula ay hindi masyadong even ang mga arko ng kuwento. May ilang minuto na ginugol na tila introduksyon pa rin ng mga karakter samantalang sa bandang dulo ay tila nagkukumahog naman sa mga nais pang isaad sa manonood.

Ang una kong impresyon sa pagkuha sa mag-asawang Buencamino bilang Ester at Tirso ay walang masyadong kulay. Alam ko na mahusay sila sa larangan ng teatro pero bihirang bihira ko silang mapanood sa isang musical na nangangailangan ng sapat na pisikalidad at ritmo. Lumalabas minsan ang limitation na ito. Naisip ko n’un na bakit hindi na lang kumuha ng ibang pares na mas maigting ang musical background. Nitong mga nakalipas na araw ko na lang natanggap na ang ideya sa pagkuha sa mag-asawang Buencamino ay isang mataas na antas ng tribute sa kung anumang era ang gusto nitong iduldol sa ating alaala. Ang pagsayawin mo ng tap dance ang mga artistang hindi naman talaga gumagawa nito ay isa nga palang dalisay na pagbibigay-pugay kahit na ang finished product ay hindi kasing kinis nang nakasanayan.

Tingin ko, love letter ni direk Mario O’Hara ang akda para sa Filipino crowd, kung hindi man isang high-importance na memo para sa mga manonood na walang sense of time. N’ung iniwan n’ya tayo nang tuluyan, mas una n’yang iniwan ang Pinoy film industry. Pakiramdam ko, hindi ko na makikita mula sa hanay ng mga filmmaker ngayon ang dedikasyon at artistry na naipunla n’ya sa kanyang mga pelikula na tumahak ng ilang dekada, mapa-mainstream man o indie. Baka dumating ang araw na gagahasain lang ng isang basurero ang kanyang mga obra. Ang kanyang “Stageshow” ay isang malinaw na pagpupumiglas ng “Huwag po! Huwag po!”

No comments:

Post a Comment