Sunday, January 06, 2013

Pagsasanay ng Mata sa Dilim

Walang Kukurap
Produksyon: Tanghalang Pilipino
Direksyon: Tuxqs Rutaquio
Mandudula: Layeta Bucoy
Mga Nagsiganap: Sharmaine Suarez, Sherry Lara, Peewee O’Hara, Lou Veloso, Mymy Davao, Ding Navasero, Doray Dayao, atbp.

Paminsan-minsan ay nakakatikim tayo ng mga political play mula sa Tanghalang Pilipino kamukha ng musical na “EJ: Ang Pinagdaanang Buhay nina Evelio Javier at Edgar Jopson” ni Ed Maranan, kung hindi pa man sapat ang mga pagtalakay ni Paul Dumol noon sa ating mga bayani katulad ng “Aguinaldo 1899: Ang Pagpatay kay Luna”. Kahanay ng mga ito ang “Walang Kukurap” (na marahil ay wordplay ng “kurap” ang “corrupt”). Tinalakay ng dula ang sugat sa ugat ng korupsiyon, mula sa mga nasa dulo ng linya hanggang sa kung sino man ang nakapila. Bagama’t maraming beses na natin itong namalas sa dula, pelikula at sa mga nag-uumapaw na mga palabas sa TV, nais paalalahanang muli ang manonood na tuminging mabuti sa bawat kandidatong magsasalita sa entablado at mangangampanya sa darating na elekyson sa 2013.

Isang representation ng pangkaraniwang bayan ang mga karakter ng dula. Ang pamilya Medina na pinapangunahan ng balong si Christina (Sharmaine Suarez) ay nakatakdang tumakbo bilang vice mayor upang tugunan ang pangangalaga sa maysakit na ama (Lou Veloso). Nakikipagsabwatan ito sa mag-asawang Molong (na tatakbong mayor) at Purita Perez (Crispin Pineda at Sherry Lara). Sa kabilang panig ng mga Medina, si Melba (Mymy Davao) ay hinahanda naman ang sariling anak na babae bilang kalaban ni Christina sa pagka-vice mayor. Isa pang kandidato na idinadaan sa pera ang kampanya, si Santiago Sr. (Ding Navasero), ang nais tumakbo sa pagka-mayor. Nakipagsabwatan ito sa inang si Aling Panchang (Peewee O’Hara) na namatayan ng anak matapos ang isang riot sa bar na dawit ang mga anak ni Christina. Kaibahan sa mga nasabing politiko, malinis ang hangarin ng isa pang kandidato na si Doray (Doray Dayao) subalit wala itong karampatang lakas at impluwensya upang manalo. Ang tagisan ng diskarte na parang isang chess ay malinaw na nasasaksihan ng kanilang mga anak na nakapila sa kani-kanilang trono at sapilitang kapalaran.

Challenging naman ang gumawa ng dula na gustong tumalakay sa political dynasty lalo na’t hindi na naman ito bago, sa loob at labas man ng theater scene sa Pinas. Kung hindi man masyado yata itong ambisyoso sa pagkakaroon ng maraming karakter at eksena. Sa kaso ni Layeta Bucoy, nagalugad naman n’ya ang bawat bloodline ng isang pamilyang aktibo sa mga serbisyong-bayan at lumabas naman ito nang buo sa dula. ‘Yun nga lang, lumuluwa ang limitasyon ng teatro sa pagkaumapaw. Sa isang punto sa isang eksena sa bar, kailangang mag-tableux ang mga karakter upang ma-highlight ang pag-uusap ng iba. Para sa akin, nagmukha nang mas cinematic kesa stagey ang buong paglalahad ng kuwento. Hindi ko rin nakita ang inaasahan kong Layeta Bucoy ending pero nakuha ko ang sikolohiya na gusto n’yang iparating sa manonood. Bonus na lang ang ilang touches kamukha ng conversation nina Melba at ang anak nito tungkol sa pagsusuot ng sapatos (na isang metaphor sa pagpasok sa politika) at ang madugong sakripisyo ng ama ni Christina.

Bukod sa pagsasatupad ng promise na ipinakita ni Tuxqs Rutaquio sa direksyon, mas lumutang sa akin dito ang kanyang pagiging stage designer. Bumenta sa akin ang mga backlighting na mahusay na nagamit sa unang eksena na tila isang bodega. Sa totoo lang, maganda ang opening scene dito at naihanda ako kung gaano karahas ang pumasok sa politika. Si Purita, halimbawa, na isang maybahay ay ipinakitang panatag subalit may nakahanda palang baril mula sa kanyang hita. Kung tutuusin at kung mapapalawig pa, puwede nang one act play ang nasabing eksena. Ang itaas naman ng “bodega” ay ginawa ring platform upang magsilbing stage sa ibang eksena. Mas payak ang ang nasabing portion pero ‘yun na siguro ang pinakamabisang maaaring gawin sa pag-optimize ng Tanghalang Huseng Batute.

Karamihan naman siguro sa atin ay merong agam-agam sa tuwing sasapit ang eleksyon. Sa maraming banda ay tanggap na natin ang pagsubo sa anumang korupsyon na magaganap kapag nahalal na ang mga nakaupo. At dito namuhunan ang dula, sa mga pag-aalinlangang may kinalaman sa kinabukasan ng isang maliit na bayan (o ng Pilipinas na rin) na nababalutan ng dilim. Ganoon pa man, pinapaalalahanan tayo na ‘wag na ‘wag kukurap sa mga ganitong sandali. Kung susumahin, mas mabilis masasanay ang ating mga mata sa dilim kung mas madalang ang pagkurap.

No comments:

Post a Comment