The King of the Birds
Produksyon: Tanghalang Ateneo
Direksyon: Ron Capinding
Mandudula: Jean-Claude Carrier at Peter Brook (halaw mula sa tula ni Farid ud-Din Attar)
Mga Nagsiganap: Domie Espejo, atbp.
Sa unang tingin at sa isang napakababaw na layer, puwedeng ikumpara ang mga aktor na naka-costume bilang ibon (kuwago, kalapati, lawin, atbp.) sa mga aktor na naka-costume ng pusa sa "Cats". Tungkol din kasi ito sa isang pulutong ng mga hayop na nag-uusap at nagkukwentuhan. Ito nga lang sa “The King of the Birds”, may masidhing nais itong ipaalala sa atin bilang tao. Ang lahat ay nag-ugat sa pagnanasang makita ng mga ibon ang isang hari (Simourgh). Nagbunsod na mithiin ang ganitong pangangailangan nang mawala ang kanilang lider. Sa pangunguna ni Hoopoe (Domie Espejo), lumipad ang dula sa isang mabigat na paglalakbay ng mga ibon.
Sa punto ng pagsasateksto ng synopsis, hindi pa rin kakakitaan ng insight ang dula. Nagkaroon lang ng igting nang inumpisahan ito sa pamamagitan ng dasal ng isang paring Katoliko, ng isang imam, isang katutubo, isang Buddhist at iba pa. Tungkol ito sa faith, isang ispiritwal na paglalakbay na ang dulo ay walang ibang kinahinatnan kung hindi ang sarili at sarili pa rin. Gamit ang sufism (na ayon sa wikipedia ay “defined by its adherents as the inner, mystical dimention of Islam”) mula sa isang mahabang tula na isinulat noong 12th century pa, isinahalintulad ang flight ng mga ibon sa isang pagsubok. Sa ibang mas kampanteng pananaw, maaari itong tawaging isang pagpapanday sa bakal upang maging mabuting espada o pagkiskis sa magaspang na bato upang maging diyamante.
Hindi naging madali ang paglipad ng mga ibon sa disyerto at pitong burol (sa isang eksena ay bumalik ang paring Katoliko at iba pa upang idulog bilang monologo ang mga pagsubok na kinakaharap ng simbahan ngayon). Sa daan, marami ang nais nang bumitiw at bumalik sa kanilang sari-sariling pugad ng kumpiyansa at kaginhawahan. Ang bawat ibon ay may makasariling rason upang huminto, isang tahasang pagdedeklara ng dula na walang sinisinong relihiyon at lahi ang materyal. Hindi lahat ay nakaabot maging sa gitna ng biyahe. May ilang napagod na at ang ilan ay kumapit sa mga pangakong hindi nila pisikal na mapanghahawakan. Hindi ba’t ito mismo ang pinakabukal na punla ng ating ispirituwalismo? Kamukha ng core ng libro (at pelikulang) “Life of Pi”, sinasabi lang na ang faith (hindi religion, na ayon sa isa pang pelikula naman noon ni Harrison Ford ay maghahati sa atin, hindi magbubuklod) ay malilitis lamang sa oras ng kawalan ng lakas at pag-asa, sa hangganan ng pagkalasing o sa dulo ng pisi. Walang kasiguraduhan na ang pananampalataya kailanman ay matatagpuan sa bahay-dasalan o sa kung ano pa mang bagay. Sabi nga ng isang ibon, “I see nothing and yet I see everything.”
Maliban sa mortal na katawan (para sa mga ibon, ang kanilang mga pakpak), kinakailangan ding saliwan ang paglalakbay ng mga ilang aral na pag-uusbungan ng second wind. Sa daloy ng dula, may ilang maiiksing kuwento ang ipinapakita upang manatili sa focus ang mga ibon. Hindi ko alam kung may direkta itong pagpapatungkol sa mga kuwento sa, halimbawa, Bibliya o Koran, na madalas na ginagamit bilang giya sa buhay. Kung ano pa man, ang gusto yatang pagtibayin ng dula ay ang angkop na pagsasabuhay ng isang faith na pinagbuklod ng pisikalidad at karampatang binhi ng salita o teksto.
Hindi ko na sasabihin kung natagpuan ng mga ibon ang kanilang hari. Hindi na ito masyadong mahalaga sa ngayon. Sa umpisa ng dula, ipinabahagi ang ilang papel na dilaw sa mga manonood. Hiniling na isulat dito ang mga bagay na makakapagpigil sa atin upang kagiliwang makita ang hari at ang kawalan ng pagkakataon na makakabalik pa. Hindi ako nabigyan nito pero kung sakali, isusulat ko siguro ang aking pamilya. May munting agam-agam sa akin kung ano ang partikular na sagot ng ilang kabataan sa audience. Siguro ay kasintahan, comfort ng sariling silid, internet, sasakyan at kung anu-ano pang luho o bisyo. Katulad ng mga ibon, may mga bagay talagang magpapabigat sa ating paglipad at ito, bilang isang mortal, ay hindi maiiwasang pasanin.
Matagal ko sigurong makakalimutan ang eksena sa dulo tungkol sa pagharap sa liwanag. Kinilabutan ako, isang bagay na bihirang bihira kong maramdaman sa isang sermon sa simbahan. Para akong pinasadahan ng neuralyzer sa “Men in Black” at nakalimutan ko ang kinang ng direksyon ni Ron Capinding dito at ang ensemble acting o ng mga magarang costume at make-up o kung gaano kapayak ang production design ni Gigi de Jonghe. Naalala ko ang consequence ng pagsugod ng gamugamo sa apoy sa kuwento ni Rizal. Maaari natin itong ikasunog nang tuluyan o maaari rin namang ikawala lang ng pakpak upang mapilitang harapin ang kapalaran. “Enter”, ‘yan ang nag-iisang clue na ibinigay ng hari (na ang pangalang Simourgh ay katunog ng “see more”). Kamukha yata ito ng pagsambit ng “Siya nawa” o “Amen” sa bawat dulo ng dasal. Isa itong pagseselyo ng pagsuko sa isang higher being at pagluhod sa pag-iisang dibdib ng sariling katawan at isa pang “sarili” sa loob nito.
No comments:
Post a Comment