Total Pageviews

Saturday, March 30, 2013

‘Sangkaterbang Dula Para sa Malamyang Buhos ng Manonood sa 4th National Theater Fest Noong Nakaraang Taon



Hindi ko alam kung may kinalaman ang bumubuo ng marketing team dahil hindi nakuha ng 4th National Theater Festival (na may tagline na “Ikaapat na Tagpo” bilang pagpupugay sa unang tatlong “tagpo” na naganap sa magkakalayong taon) sa CCP ang inaasahan kong ligwak ng manonood kamukha, halimbawa, ng Cinemalaya. Siguro ay hindi pantay ang pagkumpara sa Cinemalaya, dahil hindi kasing discriminating ng dula ang pelikula, pero festival kasi ito at kahit papaano ay nangangailangan ng festive mood. Ang mga inaasahang daloy ng mga estudyante mula sa iba’t ibang eskuwelahan ay hindi ko nakita. Nagkaroon kaya ng imbitasyon para sa kanila? O, sadyang wala lang ito sa panahon (November 8 – 18) na may karampatang oras ang mga nasa academe? May ilan namang dula ang nagkaroon ng nagsusumiksik na manonood (ang restaging ng “Orozman at Zafira”, halimbawa, ay full house sa dalawa nitong pagtatanghal) pero ang karamihan ay nangangatok ng patron kahit man lang hanggang kalahati.

Baka naman may kinalaman ang presyo ng dula at mahirap nang pagkasyahin sa budget kung magma-marathon pa sa ‘sangkaterbang mga entry rito. Ang isang ticket sa pagtatanghal sa Tanghalang Aurelio Tolentino (TAT o Little Theater) ay pumapatak ng P800 at P500 naman sa Tanghalang Huseng Batute (THB). Kumpara sa mga dulang ginagawa ng Dulaang UP o Tanghalang Ateneo, medyo mas mahal ito. Para sa nais makatipid, nagkaroon sila ng festival passes. Ang TAT Pass sa halagang P3,000 ay may libreng entrance na sa lahat ng pitong produksyon na gagawin sa TAT samantalang ang Student Pass naman sa halagang P1,000 ay merong tigdalawang entrance sa TAT at THB. In-avail ko ang TAT Pass (ang proseso ay kamukha ng nakaraang Cinemalaya, ‘yung merong card na ini-scan sa bawat pagpasok sa teatro) sa pag-asang makatipid sa mga gusto kong mapanood. Nakakatuwa lang na dahil noong kumuha ako nito, pinansin ng staff na mapapalampas ko raw ang unang pagtatanghal (“Stageshow” ng TP) sa TAT at bilang sukli, maaari raw akong pumili ng kahit anong palabas sa THB. Kung hindi ako nagkakamali, ako lang yata ang kumuha ng TAT Pass (o bilang kami sa daliri) dahil hindi na nila nilalatag ang scanner sa harapan ng venue.

Sa kabila ng kalamyaan, heto ang ilan sa mga napanood ko:  

DULA TA (MSU Kabpapagariya Ensemble) Hindi ko naabutan ang unang kalahati ng dula dahil sa trapik mula sa The Fort hanggang CCP kaya’t nagpakuwento na lang ako ng mga napalampas ko. Sa naabutan ko, tungkol ito sa mga bata na nakikihalubilo sa isang dating sundalo na tinakasan na ng bait. Tungkol sa innocence ang tema at kung paano ito binabasag ng violence sa Mindanao. Sa punto na kailangang i-recreate ang gunfight, halos tumakbo ako mula sa inuupuan ko sa Tanghalang Huseng Batute. Hindi sa nagulat ako sa “putok ng baril” (na mula sa paghampas ng ilan sa produksyon sa plywood at hindi mula sa isang pre-recorded at delatang tunog) kundi dahil nagulat ang karamihan sa audience at handa nang tumalon mula sa kanilang kinauupuan. Ito siguro ang pinakamabisang parte ng dula at ‘yung kilabot na ginawa nito sa akin upang maramdaman ang nararamdaman ng mga kapatid natin sa Mindanao. Sa Q&A portion, sinabi ng mga taga-produksyon na kapag dinadala nila ang dula sa ilang pagtatanghal sa baryo, ang iba ay halos nakakatalon sa pader sa sobrang takot.  

DUHA KA ALIMPO SA HABAGAT... BOHOL 1700 (Bohol Antequera at Maribojoc Cultural Collectives sa pakikipag-ugnayan ng Teatro Bol-Anon) Hindi ko nagustuhan ‘yung premise nito. Tingin ko, unang nabuo ‘yung idea na magkaroon ng kolektibong grupo bago naisulat ang script. Nagmukhang episodic ang pagkakalatag at walang madulas na daloy ng storytelling. Sa kabila nito, mas nagging interesante sa akin na malaman na ang mga miyembro ng ensemble ay isang diaspora ng Bohol: merong dating kasapi ng children’s choir, merong mangingisda, merong nag-cutting class para lang makarating sa Manila at iba pa. Ang musika ni Lutgardo Labad ay ibang usapin. Gusto ko ang mga areglo at gusto ko rin kung paano ito inawit ng mga kasali sa dula.  

UWAHIG (Integrated Performing Arts Guild) Dance ito na may ilang awit. Isa itong mabulaklak na interpretation ng isang epikong Mindanawon tungkol sa mga diyos, pagkalanta at muling pagsibol. Para sa katulad kong hindi pamilyar sa orihinal na teksto ng epiko (na sana ay alam ko bago ko ito napanood), medyo nawala ako. Parang masyadong marami nang nasala n’ung nagkaroon ito ng buhay bilang isang sayaw na itinanghal sa loob ng 45 minuto. Consolation ko na lang siguro na paminsan-minsan ay nakakaranas ako ng ganitong performance sa Tanghalang Huseng Batute na limitado ang espasyo sa paggalaw.  

SINTANG DALISAY (Tanghalang Ateneo) Sa ikalawang pagkakataon na napanood ko ito, at para sa iba at mas malaking venue, hindi pa rin magbabago ang pananaw ko sa dula. O baka mas lalo ko pa itong nagustuhan, mas napansin ang ilang detalye na hindi ko unang nanamnam. Narito ang kakambal na blog tungkol sa dula.  

HARING +UBU-L (Sipat Lawin Ensemble) Ito na siguro ang perpektong breather para sa line-up ng mga dula na nakapila para sa akin. Kung wala ang unscripted na atake sa dula, ang basa ko rito ay tungkol sa kung gaano ka-fragile ang tao sa pagkasuwapang sa kapangyarihan. Una ay isang mag-asawa ang naghangad ng trono, nakuha ito, nawala, bumalik, nawala at nakuhang muli. Isa siguro itong pagpapatunay sa isang komentaryo ng isang historian noon na bilang Pilipino, hindi natin kayang panghawakan ang pamumuno, na mas gagalaw tayo nang mas epektibo kung merong ibang entity na nagmamaneho sa atin. Maliban d’yan, sapat na sigurong experience ang mapanood sa ilan sa mahuhusay nating aktor sa entablado (Sheenly Gener, Abner Delina at Acey Aguilar) na pangatawanan ang dulang ito na walang harang, walang hugis at walang tuldok. Masaya ring maging bahagi ng audience sa pagtatanghal na ito na halos nakaupo lang sa entablado mismo at paminsan-minsan ay pinapakiusapang makigulo sa takbo ng dula.  

KAKARONG (Barasoain Kalinangan Foundation, Inc.) Pasok naman s’ya sa kategoryang sarswela dahil tumalakay ito sa mga isyu ng bayan (opresyon, himagsikan at iba pa) pero hindi ako masyadong nakuha. Siguro dahil nakita kong medyo trite na ang pagkakakuwento tungkol sa mga kabataan sa kontemporaryong panahon na biglang hinigop ng nakaraan. Sa time zone na ito nila tahasang namalas ang kabayanihan ng isang Bulakenyo at ang pagkadakila ng isang lugar na halos napaglipasan na. Hindi ko rin masyadong nagustuhan ang music dito. Pakiramdam ko, OPM pop ang template pero hindi ko masyadong nasalat ang sariling karakter nito kung meron man. Pero sa kabilang bahagi, nakuha ako n’ung subject na bahagyang tumalakay sa manipis na pagkakahati ng pananampalataya, anting-anting at katapangan. Sana mas nabungkal pa ang lupa nito at pinatubo hanggang lumago.  

ISA PANG KAWING (The Xavier Stage) Ilan sa mga nakahumalingan ko n’ung high school ay magbasa ng mga nanalong dula sa Palanca na kadalasan ay nililimbag kada limang taon o higit pa. Nasa ganoong molde ng mga nabasa kong dula ang one-act play na ito tungkol sa isang bagong kasal na Muslim na kabi-kabila ang mga lihim na nabubunyag sa kanilang honeymoon. Hindi na rin naman bago ang atake pero sa apat na sulok ng hotel room na ‘yun, natalakay rin ang hindi mabilang na isyu, political man o social, na marahil ay alam na rin ng audience. Gusto ko ang pagkakadirek dito. Mabilis ang palitan ng mga linya at game ang dalawang aktor sa mga batuhan ng isyu at paratang. Walang saglit na nasayang o lumaylay at nakatawid ang dula nang hindi kumukurap.  

MIND’S EYE (Trumpets) Ang una kong napansin sa dulang ito ay ‘yung stage design ni Lex Marcos. May ilang suhestiyon ito ng pagka-mobile, ‘yung madaling distrungkahin ang set at madali ring ilipat agad. Hindi rin ito mukhang ginastusan pero classy ang execution. Katulad din naman ng dula. Napaka-conventional ng pagkakadirek ni Jaime del Mundo, walang kung anu-anong palabok o ‘yung audio-visual na add-on upang lumapad ang dula. Minimal din ang galaw at nakuha nito ang katahimikan na hinihingi upang magbigay suhestiyon sa espasyo para sa malawak na imahinasyon ng ilang karakter dito. Lutang na lutang ang dedikasyon dito ni Joy Virata upang maitawid ang isang talky na dula tungkol sa escapism. Mahahaba ang mga linya at nai-imagine ko rin na dusa ito para sa ilang artista sa entablado. Marami naman akong napulot. Sa totoo lang, nakakalungkot ang premise. Ang mga pasyente sa ospital na tauhan sa dula ay para ring mga preso. At ito raw ang pinakamalungkot na maaari mong magawa sa isang mortal, ang mapalayo s’ya sa kanyang mga mahal sa buhay. Sa ganitong pagkakaton, walang wala ka nang pagkakapitan kung hindi iluwal ang sarili sa mundo na hindi nahahawakan at maari lang maabot sa tulong ng isip.

SAYAW NG MGA SENIORITA (Gantimpala Theater Foundation) Tingin ko, maayos naman ang pagkaka-adapt ni Jose Javier Reyes sa “Boys in the Band” ni Matt Crowley dahil hindi ko na naisip kung ano ang orihinal na anyo ng dula. Maayos ang pagkakapinid na gawin ito sa lokal na atmospera at humihinga ang mga karakter dito. Naiintindihan ko naman ang konsepto sa umpisa na pagsama-samahin ang mga mga pinagpipitaganang “seniorita” sa showbiz kamukha nina Joel Lamangan, Soxy Topacio, Arnell Ignacio, Manny Castañeda at BB Gandanghari. Mainam din naman itong ideya lalo na’t lumitaw talaga kung sino sa kanila ang talagang may karanasan na sa entablado. Halos minamani na nina Joel Lamangan at Soxy Topacio ang kani-kanilang role samantalang kinakailangan pang dagdagan ni BB Gandanghari ang projection ng boses. Maraming pagkakataon na hindi ko s’ya naiintindihan. Riot ang ilang bagsakan ng linya rito at nakakatawa ang ilang ad lib na mula sa mga aktor mismo. Sa pagtatanghal na napanood ko sa Tanghalang Huseng Batute, kinakailangan lang na bantayan kung kailan dapat pinapatay ang ilaw dahil minsan ay wala itong ritmo. Gusto ko rin ang stage design. Para sa isang venue na limitado ang espasyo, nagawa nitong bigyang buhay ang isang living room kung saan naganap ang pagkikita ng mga magkakaibigan.  

BATA BATUTE (Ony Carcamo at Wanlu) Libre ko lang napanood ito bilang kapalit n’ung “Stageshow” (o sadyang mabait lang at may konsepto ng suki ang namamahala ng automation ng ticketing). Hinati sa dalawang palabas ang puppet show na ito. Una ay mula sa puppeteer na si Wanlu na nilatagan ng ilang song number at ang ikalawa ay mula naman kay Ony Carcamo. May isang segment na ipinakilala ang iba’t ibang uri ng puppet na para sa akin ay isang educational na aspeto ng pagtatanghal lalo na’t ang audience ay binubuo ng mga batang estudyante.  

OROSMAN AT ZAFIRA (Dulaang UP) Pangatlong beses ko na itong napanood at mula sa iba’t ibang venue. Ang una ay sa UP mismo na hindi masyadong malaki ang stage. Ikalawa ay sa isang sinehan sa SM Mall of Asia na mas maluwag at ito ngang sa Tanghalang Aurelio Tolentino na nasa gitna ang sukat ng stage. May ilang karagdagang sequence, kung hindi ako nagkakamali. Nagbago rin ang ilang aktor (kabilang ang debut sa DUP ni Kierwin Larena ng PSF bilang Zelim na unang ginawa nina JC Santos, Acey Aguilar at JM de Guzman). Nagkaroon man ito ng panibagong timpla, hindi pa rin nawala ang tema nito ng karahasan. Napanatili ang pangil ng choreography ni Dexter Santos at umakma naman ang acoustic ng teatro para sa live music ni Carol Bello. Nakakalungkot lang na ito na ang huling pagtatanghal ng dula. Narito sa blog na ito ang aking mga naunang obserbasyon.

Maliban sa mga dulang kasali sa festival, nagkaroon din ng serye para sa mga pelikulang ginawang dula o mga dulang nagkaroon ng film adaptation. Ginamit naman ang Tanghalang Manuel Conde (o Dream Theater) para rito. Nakanood ako ng ilan kamukha ng “Bona” (ni Lino Brocka) na inulit ko, “Anatomiya ng Korupsyon” (ni Dennis Marasigan) at “Noli Me Tangere” (ni Gerardo de Leon) na para sa akin ay pinakasapat at siksik na bersyon ng akda ni Jose Rizal.
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...