Total Pageviews

Sunday, May 05, 2013

Ang Bahay Bilang Entablado


A Portrait of the Artist as Filipino
Produksyon: The Philippine Drama Company
Direksyon: Naty Crame- Rogers Mandudula:
Nick Joaquin
Mga Nagsiganap: Naty Crame-Rogers, Florina Castillo, Francis Kenn Cayunda, atbp.

Puwedeng hatiin sa dalawang punto kung bakit ako humagilap ng paraan (at panahon) para mapanood ang isa na naman sa hindi ko mabilang na bersyon ng “A Portrait of the Artist as Filipino” ni Nick Joaquin. Una at dahil ito ang talagang nakaanunsyo sa mga dyaryo, ito na raw ang huling pagkakataon na gaganap bilang Candida ang isa sa haligi ng Philippine theater na si Naty Crame-Rogers. Kung hindi ako nagkakamali, s’ya ang naging template ng Paula na kanyang ginawa sa film adaptation ni Lamberto Avellana at sa mga naunang staging ng dula. Ikalawa ay ‘yung ideya na makanood ng isang dula na nakasalang ang premise sa bahay at ito ay itatanghal sa isa ring bahay.

Maliban sa dalawang dahilan na nabanggit, maganda ring pag-aralan ‘yung pagkakataon na ang karakter nina Candida at Paula (siguro ay nasa 40’s na sa orihinal na konteksto) ay gaganapan ng dalawang artista (Florina Castillo bilang Paula) na mas matanda pa sa kanilang karakter. Si Naty Crame-Rogers, halimbawa, ayon sa mga tala ay nagdiwang ng ika-90 kaarawan n’ung nakaraang taon samantalang ang mga karakter na nakakatandang kapatid na sina Manolo at Pepang ay ginanapan naman ng mas nakababata. Sa mga eksenang magkakasama ang apat na magkakapatid, kitang kita ng mga mata ko ang enigma na kayang gawin ng teatro, na handa itong tumawid ng kasarian, gulang o maging relihiyon.

Wala namang bago sa pagtatanghal na ito ng akda ni Nick Joaquin. Wala ring kung anu-ano pang palabok. Naiimadyin ko na direkta ang pagsasabuhay ng dula mula sa orihinal nitong script. Ang kalumaan ng AmingTahanan Sala Theater (na isa talagang bahay) ay nakatulong upang magbigay-kulay sa tema ng isang nakaraang nagliliwaliw sa bohemia at unti-unting nilalamon ng makabagong era na salat sa delikadesa. Ang totoong hinihingi ng script ay isang marangyang bahay sa Intramuros na nanganganib maglaho dahil nais itong ibenta ng magkapatid na Manolo at Pepang na pawang mga puppet ng modernisasyon at kanipisan ng ideyalismo. Halatang hindi na masyadong naasikaso ang “AmingTahanan” sa 40 Stella Maris St. sa Brgy. Kapitolyo sa Pasig pero lutang na lutang naman na maraming alaala itong nakasiksik sa bawat haligi. Sa niloloob ko, baka ito mismo ay mayroong sariling portrait na nais protektahan at pangalagaan.

Hindi perpekto ang pagtatanghal. Marami itong butas sa dingding na kailangang tapalan. Ang Tony Javier ni Francis Kenn Cayunda ay masyado nang makabago para sa akin at hindi nakatulong ang ilang ad lib upang igiit ang kanyang ritmo at bagsak ng emosyon. O, siguro, mahirap lang burahin sa rehistro ang katotohanang lumalabas lalo ang kanyang kabataan sa gitna ng kanyang mga kaeksenang hamak na mas beterano. Pero gusto ko ang kanyang bulkan na sumasabog, partikular sa mga eksena ng panghihinayang at panlulumo. May ilang pagkakataon na tila naghihintayan ang mga aktor sa kung sino na ang magsasalita at sa maraming beses ay sinasalo ito ng direktor na parang isang gurong gumagabay sa kanyang mga workshopper.

Sa kabila ng lahat, ang pinakanapulot ko sa karanasan ng panonood ng “A Portrait of the Artist as Filipino” ng The Philippine Drama Company ay ang presensya mismo ni Naty Crame-Rogers. Hindi ko yata maisip na ginagawa ko pa rin (o ng mga theater artists mismo) ang bagay na ninanais sa edad na 90 nang walang kapaguran at pag-aalinlangan. May pagkakataon na kailangan na s’yang alalayan ng kanyang Paula sa paglabas ng “stage” pero ang kanyang bersyon ng breakdown scene ni Candida sa air raid practice ay nanatiling makinang at taos-puso. Ang makamayan s’ya pagkatapos ng pagtatanghal (bago kumain ng isang masarap na chicken arroz caldo bilang pasasalamat sa mga nanood na nagmistulang bisita sa nasabing bahay) ay isang malaking bagay.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...