Musings on life from a (little red) backpacker who adores highschool language classes so much.
Monday, June 03, 2013
Mga Babae sa Likod ng Tagumpay (at Pagkabigo)
Nine
Produksyon: Atlantis Productions
Direksyon: Bobby Garcia
Mandudula: Arthur Kopit (halaw mula sa pelikulang “8 1/2” ni Federico Fellini na unang ginawan ng libretto ni Mario Fratti na may pamagat na “The Italian”)
Libretto at Musika: Maury Yeston
Mga Nagsiganap: Jett Pangan, Menchu Lauchengco-Yulo, Carla Guevara-Laforteza, Jay Valencia-Glorioso, Eula Valdes, Cherie Gil, Ima Castro, atbp.
Kung ilalagay sa lokal na atmospera ang dula, napakahirap nitong maabot. Malaking porsyento sa ating mga film director ay walang kamukhang estado ng pinagdaanan ni Guido Contini (Jett Pangan), isang pamosong Italian filmmaker na nahaharap sa sariling mid-life crisis. Kadalasan na ang kalakaran sa industriyang Pinoy sa ngayon ay nakakadena sa mga nakahain nang konseptong pangpinansiyal ng mga producer o ng line-up para sa mahabang pila ng mga nakakontratang talent nito. Si Guido, 40 taong gulang, ay hindi makabuntis ng ideya para sa susunod n’yang pelikula habang ang mga babae sa kanyang buhay ay nag-uumpisa nang pumarada sa kanyang harapan: ang asawang si Luisa (Menchu Lauchengco-Yulo), ang kanyang namayapang ina (Jay Valencia-Glorioso), ang kanyang kabit na si Carla (Carla Guevara-Laforteza), ang kanyang musa na si Claudia (Eula Valdes), ang kanyang producer (Cherie Gil) at ang prostitute na si Sarraghina (Ima Castro) na nagbukas ng kanyang muwang noong s’ya ay siyam na taong gulang pa lang.
Ang luho ng artistic freedom ni Guido ay hindi naging ganoon kadali. Bagama’t isa itong pandayan ng kung ano pa mang maaaring mailuwal, isang level kung saan malaya ang pagtitimpla o pagbabawas ng mga sangkap sa bagong pelikula, naging sagabal ito upang maiiri ang inaasahan sa kanya bilang artist. Ang mas pamosong tawag dito ay mid-life crisis. Isa itong pader na binuo ng mga agam-agam mula sa mga unang nagawa (sa kaso ni Fellini, ang kanyang walo at kalahating pelikula) at ang kawalan ng kumpiyansa sa mga maaari pang maibigay. At dahil isa nga itong pader na hindi agad-agad matitibag, walang magagawa si Guido kung hindi bumalikwas ng direksyon at harapin ang mga taong bumuo sa kanyang artistry. Hindi lang naging madali ang lahat na ang ilan dito, kabilang ang babaeng kanyang pinakasalan, ay bumalikwas din. Sa dulo, ang kanyang gatilyo upang tumuloy sa pagrolyo ay ang kanyang sarili kung kailan ito puro at walang dungis, ang kanyang siyam na taong sarili.
Malakas makagulat ang stage design ni David Gallo. Halos mula stage floor hanggang kisame ang kinain nito. Isa itong recreation ng isang traditional bath house sa Venice na hinati sa iba’t ibang level na parang ilang hagdan at ang bukal ay nasa pinakaibaba. May kakaibang psyche na ang lugar kung saan nanggagaling ang tubig ay madalas ginagamit para sa blocking ng bidang si Guido at ang kanyang asawa (o ang ikalawa o ikatlong pinamalapit na babae sa buhay ng direktor) samantalang ang ibang mga babae ay nakapuwesto lang sa mga hagdan. Kung tutuusin, kung ang ticket mo sa produksyon na ito ng Atlantis ay nasa balcony, mapapanood mo pa rin ito nang walang panghihinayang.
Nagkaroon lang ako ng maikling argumento sa isa mga staff dahil ang napili kong extra seat sa balcony ay wala na talagang makita dahil kapantay nito ang isang hilera ng mga upuan. Ideal na ang mga ganitong seat ay merong babala mula sa nagbebenta ng ticket at nasa disposisyon na ng manonood kung susugal pa rito o hindi na. Hindi ko nagustuhan ang burgis na paliwanag ng staff (na sa dilim ay nakikita kong sumasabay sa mga pagkanta ng mga nasa stage), na parang gan’un daw talaga. Dahil dito, isinoli ko ang ticket at kumuha ako ng iba kahit na may karagdagang bayad. Naisip ko na lang na sa sobrang pagkaaliw ko sa set, nararapat lamang na mamuhunan dito ng mas malaki.
Unang beses kong napakinggan ang song selection ng musical (hindi ko napanood ang film version ni Daniel Day-Lewis). Madali naman silang maabot lahat. Ang ilan, sa katunayan, ay may bahid ng pagka-radio friendly. Sa mga nagsiganap, pinakagusto ko ang kontrolado at bihasang atake ni Menchu Lauchengco-Yulo bilang Luisa. Nakuha n’ya ang hinihinging pagkabanayad ng isang asawang sumuko na sa masalimuot na machismo ng kanyang kabiyak. Scene stealer naman si Carla Guevara-Laforteza bilang Carla at nakatawid ang kanyang take na mapaglaro at mapangahas na kerida. Mapanuyo rin ang boses ni Jay Valencia-Glorioso at naramdaman ko ang comfort na kayang ibigay ng isang ina. Vocally ay naka-deliver naman si Jett Pangan. Hindi ko lang nakita ‘yung complexity ng isang artist sa kanya na nanunulay sa pagitan ng paghabi ng isang obra at sa mga babaeng nakapaligid sa kanya. Marahil ay wala s’yang masyadong pinaghuhugutan dito o marahil ay masyado palang s’yang bata para sa karakter.
Lumuwag naman ang pakiramdam ko matapos mapanood ang dula. Nang makita ko ulit ang staff na hindi ko nakasundo, parang wala na ito sa akin. Hindi man ako tuluyang naantig (siguro ay dahil mahirap maabot sa aspetong emosyonal ang dilemma ng bida), nakuha naman ako r’un sa bahaging kailangang balikan ang isang bagay na dalisay upang mabigyan ng angkop na pagsisiyasat ang pangkasalukuyang sarili na nagkukumahog sa hilahil.
No comments:
Post a Comment