Wednesday, July 31, 2013

Ikalimang Araw sa Cinemalaya 2013


Muntik na naman akong ma-late sa araw na ito. Bumuhos kasi nang pagkalakas-lakas ang ulan. Pero umabot din naman. First time kong nakanood sa MKP Hall ngayon at sadyang nakareserba raw pala ang couch para sa mga jury kahit na ikatlong set ng chimes na at wala pa rin. In short, hayaan daw itong bakante sa buong palabas, sabi ng usher na si Mike. Dahil eksakto ang dating ko, wala akong masyadong panahon sa rebuttal. So be it, kumbaga. Hindi pa rin ako nagbe-breakfast sa oras na ‘yun. Napansin ko na pangit ang audio sa venue. Parang masyadong loud sa size nito. Pero baka kasalanan lang ng operator. Ganyan din kasi ang pakiramdam ko sa operator sa Dream Theater. Parang hindi masyadong nakikialam sa relevance ng kanyang ipinapalabas (na baka naman natitiyempo lang sa itinerary ko).

Anyway, heto ang mga napanood ko:  

QUICK CHANGE (Eduardo Roy, Jr.) Ang unang take ko sa pelikula ay may napulot akong detalye tungkol sa kalakaran at kalakalan ng plastic surgery para sa mga baklang sumasali sa mga beauty contest o para sa mga personal na kadahilanan (halimbawa, ‘yung male escort na gustong magpalaki ng etits). May mga naririnig na akong kultura tungkol dito pero ngayon ko lang ito nakapulutan talaga ng insight. Klaro naman sa akin ang irony ng transformation ng bidang si Dorina (Mimi Juareza). Wala rin akong issue sa buong pelikula, maganda ang kulay, ‘singkulay ng mga karakter, at wala namang kaso sa script. At some point, natutunugan ko na lang kung saan at kailan liliko at kakambyo at ‘yun siguro ang weakness (kung masasabi mang weakness ito) ng pelikula. Mahusay ang dalawang suporta na sina Miggs Cuaderno (na mas na-appreciate ko rito kesa sa “Purok 7”) at Jun-Jun Quintana.  

SINULOG VIDEOS (Documentary) Ang peg ko sa pagpili nito ay ang mga entry na napanood ko dati sa Cinema Rehiyon. Sobrang taas ng expectation ko dahil tinitingala ko ang filmmaking industry sa Cebu (na tingin ko nga ay mas lumilipad kesa sa Manila). At doon ko unang nakilala si Remton Zuasola. Kaya naman nalungkot ako sa line-up na napanood ko. Wala akong masyadong matatandaan. Siguro ay dahil limitado ito para sa isang okasyon (Sinulog). Ang una ay ang “Cubismo” ni Ruel Rosillo. Interesting sana ang tema dahil gusto ko naman ang ilang nakita kong Picasso kaso walang English subs ang naipalabas sa Dream Theater. Sa ilang nasagap kong Cebuano, maganda ‘yung point sa parallel ng hugis ng cube at ang spirituality ng pintor. Pinakagusto ko, kung papipiliin ako, ang “Ang Katapusang Sayaw” nina John Lindsey Banaynal at Aldo Nelbert Banaynal na nag-document ng huling “sayaw”, literally at figuratively, ni Gov. Gwen Garcia. Puwedeng puwedeng materyal ito sa full length. Ang “A Journey of Faith” naman ni Lemuel Arrogante ay tungkol sa panatisismo ng mga Cebuano sa Sto. Niño. Masyadong flat. May dalawa pang docu na hindi credited sa program. Ang isa ay tungkol sa mga “higante” makers at isang pag-cover ng Sinulog mismo.  

ISHMA (Sari Lluch Dalena at Keith Sicat) May nag-buzz na sa akin na n’ung unang beses na napanood n’ya ang docu ay tumigil daw ito sa gitna. Hindi naman ito nangyari sa screening kagabi sa Little Theater pero may ilang segment na hindi pa pulido kamukha ng mga interview kay Bien Lumbera, na sa tuwing lalabas ay nagtatawanan na lang ang mga manonood dahil hindi in synch ang audio. Gusto ko ang mga napiling interviewees (na mas maganda sana kung hindi lang audio ‘yung kay Nora) at masinop ang pagkakasunud-sunod ng iba’t ibang mukha ni Ishmael Bernal bilang anak, artist, filmmaker at bilang Pilipino. Nagsabi ito ng detalye ng kanyang kapanganakan pero hindi nabanggit kung kelan at paano s’ya namatay. Ang dulo, sa katunayan, ay isang footage ng interview kay Bernal mismo na nagbabahagi ng kanyang stand tungkol sa vision n’ya sa film industry. Ang ambisyon yata ng docu ay magmukha s’yang buhay hanggang ngayon. Pero mahirap itong makamit. Wala kasing Bernal sa hanay ng mga filmmaker ngayon. Meron siguro pero nakakalat. Konting bohemia, konting art, konting pakikibaka at konting humor. Parang ostiya na isinusubo sa misa. Maraming nakatanggap at walang nanahan sa iisang katawan.  

LIARS (Gil Portes) Naabutan ko n’ung dekada ’90 ang balita tungkol sa mga batang baseball player na sumali sa isang world match sa US at nanalo. Habang jubilant pa ang mood ng Pinas, heto at ibinulgar ni Miriam Santiago (kung hindi ako nagkakamali) ang sinasabing pandaraya sa edad ng ilan sa mga player. Hindi ko nakita noon ang irony sa apila ng presidentiable na si Miriam sa pagkahalal kay FVR at ang pandaraya upang manalo sa baseball. Ganyan ang ginawa sa materyal na ito ni Senedy Que na inilipat na lang sa taong 2001 kung saan merong impeachment trial kay Erap. Nakitaan ko naman ng pagkapuro ang intensyon. ‘Yun nga lang, hindi masyadong matatas ang execution. Naalala ko ang pagkakadirehe noon ng mga info-mercial ng PCSO, may ganoong dating ang pagkakadirek sa mga eksena. Ang iniisip ko ay kung ano kaya ang iniisip ng direktor na iisipin ng kanyang manonood kapag pinanood ang pelikula. May mga insidente na halos isunganga na sa bunganga mo ang iba’t ibang take sa kahirapan, domestic violence, investigative journalism at integrity na parang wala kang clue kung ano ang mga ito. Nananatili lang ako hanggang matapos ang end credit dahil sa musical score ni Teresa Barrozo na nag-iisang pleasant experience sa pelikula.

Tuesday, July 30, 2013

Ikaapat na Araw sa Cinemalaya 2013


Ang unang bumungad sa akin sa araw na ‘to sa CCP ay ang anunsyo ni Soler na meron nang program. Kinuha ako agad matapos akong papirmahin sa isang print-out ng listahan ng mga kumuha ng pass (na umabot na raw ng higit 200 para sa maximum na 300). Doon ko lang nalaman na ang jury pala ay binubuo nina Peque Gallaga, Carlitos Siguion-Reyna, Ditsi Carolino, Maggie Lee (“Canadian film critic”, ayon sa program) at Bastian Meiresonne (“French-Asian movie specialist”). Sa NETPAC naman ay sina Doy del Mundo, Jr., Maryo J. Delos Reyes at Ngo Phuong Lan (“film critic from Hanoi”). Medyo kalmado na ang daloy ng festival.

Lahat sa Main Theater ko napanood ang line-up ko sa araw na ‘to:  

AMOR Y MUERTE (Ces Evangelista) Siguro ang peg nito ay magkaroon ng project na mapapaglagay ng erotisismo sa isang period movie. Nasa 16th century ang panahon at isang Pilipina ang umaariba ang libido sa piling ng kanyang asawang Kastilang sundalo. Wala namang kaso sa pag-inject ng sex. Sa katunayan, isa itong refreshing idea matapos mawala ang mga ganitong klase ng proyekto (ST films o kahit ‘yung mga pelikula nina Peque Gallaga at Celso Ad Castillo na ganito ang tema) at natabunan ng mga gay-themed films na pinapalabas sa Robinsons Galleria (ibang usapan na ito). Nakakita naman ako ng maturity sa filmmaking dito. ‘Yung production design, halimbawa, ay maayos naman. Kahit ‘yung photography at ilang costume. Ang major offense lang para sa akin ay ang pag-cast kay Markki Stroem bilang isang sundalong Kastila. Napaka-complex kasi n’ung mga hinihingi ng character. Una, kailangang sensual dahil maraming eksena ang humihingi ng hubaran. Ikalawa, siyempre, ‘yung pagsasalita ng Kastila at sensibilidad na inaasahan mula rito (mataas, hambog at matapang). Ikatlo, ‘yung trauma na isinusuka ng nakikipaglaban sa giyera at ‘yung poot na paghuhugutan para sa isang lalaking umiibig at napagtaksilan.  

SHORTS A: PARA KAY AMA (Relyn Tan), TAYA (Adi Bontuyan), BAKAW (Ron Segismundo), MISSING (Zig Dulay) at TUTOB (Kissza Mari Campano) Napanood ko na ang “Para kay Ama” bilang kasali sa Short Film Programme ng Cinema One Originals n’ung isang taon. Isa itong pagtalakay sa kultura ng mga Chinese na ang inaasahang papalit sa responsibilidad ng ama ay ang anak na lalaki dapat. Kinunan ang buong dilemma sa isang long take na walang putol (kamukha ng “Ang Damgo ni Eleuteria” at iba pa). Siyempre, gusto ko ang theatrics ng konsepto at ang pag-cast kina Che Ramos-Cosio bilang panganay na babaeng anak at Shamaine Buencamino (bilang ina). Gusto ko rin ang paglabas-pasok ng bidang tauhan bilang paglalarawan ng kanyang pagpupumiglas sa tradisyon. May kurot ang “Taya”. Parang bigla na lang kasi akong naawa r’un sa mga bata kahit na walang subtlety ‘yung pagkakalatag ng materyal. Ang “Bakaw” ay napanood ko na rin kung saan. Hindi ko matandaan. Malakas ang advocacy nito tungkol sa mga batang nagnanakaw ng isda sa Navotas fish port. May appeal sa akin ‘yung chase scene. Ewan ko ba, parang uma-irony sa pagdampot ng isda. Sa “Missing”, tumalakay ito sa mga desaparecidos at kinunan ang buong feature sa B&W at pula. Tingin ko, magandang i-explore sa full length ang tema nito na halos nasa linya ng dulang “Habang May Nawawalang Lalaki sa Dilim” ni Marlon Mente. At least ngayon, puwede na akong kumalma na tama ang pagkakabasa ko sa ending ng “Ekstra” na isinulat din ni Zig Dulay. Technically, OK sa akin ang “Tutob”. Manipulative lang d’un sa gusto nitong tumbukin na diskrimnasyon sa mga kapatid nating Muslim (specifically ang mga nakasuot ng tutob).  

DAVID F. (Emmanuel Palo) May tatlong timeline ang pelikula. Una ay ‘yung panahon ng giyera sa Pilipinas noong pagpasok ng 20th century. Tumalakay ito sa kuwento ni David Fagen na isang Afro-American na bumaligtad sa hukbo ng mga Amerikano at kumampi sa mga Pilipino. Kung hindi ako nagkakamali, ang act na nagtatalo ang dalawang Pilipino sa pagpugot ng bihag na Amerikano at nagamit na sa isang dula sa Virgin Labfest (at si Liza Magtoto rin ang sumulat, kung hindi ako nagkakamali). Natuwa lang ako na nasa screen na ito at dalawang mahusay na aktor ang gumaganap (Sid Lucero at Art Acuña). Ang ikalawang segment naman ay nasa dekada ’40 noong panahon ng Japanese occupation. Ipinakita na may koneksyon ang unang period sa ikalawa at tumalakay pa rin sa kung paano tumingin sa kulay. Gusto ko ‘yung pagkaka-execute dito, ‘yung color grading, ‘yung costume at production design. Kahit panandalian lang ay nakita ko naman ang effort ng filmmaker na itawid ang manonood sa kapayakan ng buhay noon (kahit payak din lang ang budget). Ang ikatlo, at pinakamukhang disjointed sa unang dalawa, ay tungkol sa Amerasian (Dax Martin) na naghahanap ng tatay sa Angeles City sa kontemporaryong panahon. Parang merong statement sa paggamit ng comedy bar bilang isang espasyo sa paglibak ng kulay at kung paano tinatanggap ng kultura natin ang pagtawa sa mga okrayan. Ang final product, nagkaroon sa akin ng dating na parang magkakakonek ang tatlong kuwento na parang hindi naman, magkakaiba pero parang hindi rin naman. Ako na lang ang nag-connect the dots. Kung deliberate ang ganitong execution, bumenta sa akin ang pelikula.

SANA DATI (Jerrold Tarog) Gets na natin minsan ang mga eksena na na ang babaeng ikakasal ay nagkakaroon ng cold feet (salamat sa nawawalang sapatos sa pelikula sa pagbigay ng suhestiyon), sa totoong buhay man o maging sa mga pelikula. Pero hindi pa nagsi-sink in sa atin na ang gustong i-highlight ng kasal ay ang walang kamatayang sigalot sa pagitan ng puso at utak. Puso, dahil mahal mo dapat ang mapapangasawa mo at utak dahil point of no return na ito na bahagi ng buhay mo. Mula sa POV ng bride (Love Poe na napakagaling dito, pinakamagaling n'ya para sa akin) ang buong kuwento. Pinalawak nito ang agam-agam sa maraming bagay: sa pagkalimot sa true love (Benjamin Alves) na hindi na mababalikan o sadyang fickle-minded lang ang ikakasal dahil nahaharang s’ya sa pressure ng pamilya at mga kaibigan sa naoohang kasalan. Noong una ay inilatag ang premise na dapat ay sigurado ka (ginagamitan ng utak kesa puso) sa pagpapakasal. Isang karakter (Paulo Avelino) ang naging trigger dito upang masubok ang kasiguraduhan. Pero lumang kuwento na ‘yan at alam ito ng tagakuwento. Sa dulo, ibinasura ng storyteller ang argumento at naglatag ng iba pa, na ang puso ay kailanman hindi natatalo ng utak, na ang kasal ay wala lang at kailanman hindi naging starting point o finish line sa formula ng pag-ibig at ang regular heartbeat ay kasing fluid ng buhay. Sa totoo lang, nablangko ako matapos itong mapanood. Speechless. Andami kasing puwedeng pulutin, andaming puwedeng bigyan ng interpretation. Napaka-powerful ng isang pelikula kung wala kang napansin sa technical nito at nakatutok lang sa content. Ibig sabihin, lahat ay gumana. Parang matapos ma-experience ang “Sana Dati”, nagkaroon din ako ng duda kung naniniwala pa ba ako sa pag-ibig o umiindak na lang.

Monday, July 29, 2013

Ikatlong Araw sa Cinemalaya 2013


Lunes ang pinakapatay na araw sa CCP. Sa katunayan, ‘yung ilaw na nakabaybay ng Cinemalaya sa itaas ng Main Theater ay literal na nakapatay rin. Pinansin ko ‘yun. Sabi ng isang bubwit, “Eh siyempre, nagtitipid. Pansinin mo, ang init-init ngayon.” Tsaka ko lang naalala na, oo nga, ano, parang hindi ko na kailangan ng jacket sa Dream Theater (akala ko ay tumataba lang ako lalo). Muntik na akong ma-late kanina sa unang screening. ‘Sakto na ‘yung chimes na ang naabutan ko.

Heto ang mga napanood ko sa araw na ‘to:  

ANI (Short Feature) Dalawa sa limang ipinalabas dito ay napanood ko na. Well, nakalimutan ko ‘yung “Imik” ni Anna Isabelle Matutina (at wala s’ya sa program) pero ‘yung “Mani” ni Hubert Tibi ay natatandaan ko na kasali sa line-up ng Cinema One Originals noong isang taon. Kuhang kuha ako ng “Au Revoir, Philip” (Sigrid Bernardo). Isa itong love letter sa Pilipinas o sa mga migrante. Bale found footage ito at sinahugan na lang ng narration upang makapagkuwento (ganito rin ang estilo na ginagawa ni John Torres sa iba n’yang pelikula). Coherent ang mga kuwento sa subject at hindi kailanman ay hindi lumampas sa nais iparating. Ang mga imahe sa segment ng mga batang sina Marie at Juliette sa isang probinsya sa France ay may kakaibang charm at very promising. Panandalian kong nakalimutan na Pinoy ang filmmaker nito. Ang “Saranghae my Tutor” (Victor Villanueva) naman na tungkol sa ugnayan ng mga English tutor sa Cebu sa mga Korean student ay isang pagpapatunay na gusto ko talaga ang topak ng “My Paranormal Romance”. Sana gumawa pa ng mga ganitong pelikula bilang pambalanse sa mga komedyang nakasanayan na. Ang “Potluck” ni Louis Sweeney ay medyo offensive sa umpisa sa matatas na pagkaka-stereotype ng mga Pinoy sa Amerika. Pero wala naman akong gauge dito upang husgahan. Baka naman may ganito talagang Fil-Am community na parang mafia ang treatment sa mga bisita. Bumawi naman sa redeeming value sa dulo.

JAZZ IN LOVE (Baby Ruth Villarama-Guttierez) Appealing ang look ng documentary na ito considering na maliit lang ang budget. Ang konsepto ay parang “Tundong Magiliw” o “Bukang-Liwayway” rin na nakakababad lang ang camera at hinahayaang dumaloy ang love story sa pagitan ng Pinoy na si Jazz at ang kanyang kasintahang German na si Theo. Sa pagitan ng mga salita ay ang ilang imahe ng nature (ulan, sunrise, sunset, mga halaman, mga bulaklak) at ito ang pinakagusto kong parte ng docu. Naalala ko ‘yung tagline ng “Brokeback Mountain”, na incidentally ay gay-themed din, na “Love is a force of nature” daw. Kamukha ng kasiguraduhan ng pagpatak ng ulan o paglubog ng araw ay ang mga gesture ni Jazz na parang in love na in love naman ito sa kanyang kasintahan na hindi hamak na mas matanda sa kanya, as opposed sa ideya na baka ekonomiko ang dahilan. Nakuha ko naman ang pagkakahabi ng konsepto at ang lapat ng camera o pagkaka-edit ay walang bahid ng diskriminasyon sa subject na medyo taboo pa sa Pilipinas (o specifically, sa isang maliit na baryo sa Malita, Davao). ‘Yun nga lang, hindi ako masyadong pinakalma ng isang tanong: Kung hindi ba bading si Jazz, gagawin pa rin ba ang kanyang kuwento?  

ANG PINAKAMAGANDANG HAYOP SA BALAT NG LUPA (1974, Celso Ad Castillo) Hindi ko alam pero nang mapanood ko ito, doon ko lang napansin na malakas makapagkuwento si Celso Ad Castillo ng mga kuwentong masyadong nakakabit sa panahon. Nagduda tuloy ako kung kahit ‘yung remake nito kasama si Ruffa Gutierrez ay kayang gumawa ng kaukulang bindikasyon para sa dekada ’90. Andami na rin nating filmmaker ngayon na kayang makapag-frame ng mga bucolic na lugar pero walang matapang magdagdag ng poesiya (o sariling Bibliya) nang buong buo at walang pakundangan. Isulong sana ang pagre-restore/remaster sa kopya ng pelikulang ito.  

REKORDER (Mikhail Red) Ang desisyon na makapanganak ng isang film noir ay malaking bagay. Ito siguro ang pinakagusto kong aspeto sa pelikula, ‘yung buong buo ang vision ng filmmaker kung paano s’ya makakapagkuwento visually. ‘Yung mga homemade video na lumabas sa pagitan ay comfort zone din, sa tingin ko, ng gumawa. Sa totoo lang, na-hook ako sa malaking bahagi ng pelikula. Ang tema mismo ay pang-Best Film: isang cameraman mula sa golden era ang nagka-camcord na lang sa mga sinehan upang makatawid sa buhay. Pero merong area na tingin ko ay hindi masyadong nasaklaw ng storyteller, partikular ang isang malungkot na alaala sa pagkawala ng mahal sa buhay. Hindi ko lang masyadong nagawan ng koneksyon ang resolution at ang bigat na dinadala ng central character sa pagkapit nito sa nakaraan. Siguro ay merong statement dito tungkol sa technology na sabihin na nating kumitil sa pagkarami-raming sinehan. Kahit ako naman mismo ay hesitant pa ring sumabay sa agos ng pagda-download sa internet. Kamukha ng bida, baka ayaw ko ring iwanan ang nakalipas na simple lang ang buhay at kasing-payak ng pagpunta sa sinehan n’ung nasa grade school at ang panonood ng may kadobol. O puwede ring decay ang tema, na ang mga bagay na kumikinang noon ay puwedeng maging patapon na lang ngayon. Mahusay si Ronnie Quizon dito. Sustained ang kanyang karakter mula umpisa hanggang dulo kahit walang speaking lines minsan.

Sunday, July 28, 2013

Ikalawang Araw sa Cinemalaya 2013


Dahil Linggo, kadalasan na ito ang araw na merong pinakamaraming pumupunta. Medyo mas maaga akong dumating kaya nagpalipas muna ng oras (at nag-agahan na rin) sa Harbor Square. Nawala na ‘yung jitters n’ung unang araw kaya kalmado lang na tumakbo ang buong araw. Napansin ko lang na minsan ay nawawala na ‘yung silbi ng Priority Lane dahil nagpapapasok na ng regular ticket holder ang festival staff kahit hindi pa tapos ang pila para sa mga pass. May nakita akong umalma rito pero parang hindi naman pinagbigyan.

Dalawang pelikula sana ni Ate Vi ang mapapanood ko ngayon pero nagdalawang isip ako sa “Burlesk Queen” dahil mas enticing ‘yung docu section ng Ani. Hindi rin daw nagpakita si Ate Vi, sabi ni Nico, at pangit daw ang kopya na ipinalabas. Mabuti na lang. Tutal, manonood din naman ako ng isa pang Celso Ad. – Vi tandem (“Pagputi ng Uwak, Pag-itim ng Tagak”) sa ibang araw.

Heto ang mga inani ko sa araw na ‘to:

BABAGWA (Jason Paul Laxamana) Very satisfying ang pelikula. Una, madali s’yang maabot. Kung may mga kaibigan akong hindi masyadong nanonood ng Cinemalaya, puwede itong mairekomenda dahil ganito ‘yung daloy ng pagkukuwento na nakasanayan na natin. Ikalawa, naka-deliver na naman si Jason Paul Laxamana. Ibang iba ito sa kanyang “Astro Mayabang” (na ang humor ay bihirang bihirang makita sa Philippine cinema, kamukha ng “My Paranormal Romance” ni Victor Villanueva). Tumalakay ito ng isang isyu (online scam) na napapanahon at kinakailangang dantayan ng pagmamatyag. Bagama’t masyadong loud ang planting na ginawa (mga “projection” scene), nakuha naman akong ma-hook sa huling ilang minuto rito. Gusto ko rin ang script. Para sa akin, isa itong example kung paano i-explore ang isyu sa mga what-if at kung paano ito mahahanapan ng irony. Mahusay si Alex Medina rito. Dinamita! O maging si Joey Paras kahit na lutang ang effort. Ang ganda rin ng execution ng mga sex scene, napakanatural at hindi kailanman nagtangkang maging erotic.

ANI (Documentary) Mas interesante naman ang line-up sa docu kesa sa animation/experimental ng Gawad CCP. Ang unang docu ay surprisingly kasama si Robin Padilla. “Ang Misyon sa Bundok Apo” (Jophel Ybiosa) ay ang pag-document ng pag-akyat ng aktor sa tuktok sa Mt. Apo kasama ang ilang guide. Walang halong palabok ang material at hindi ito kailanman naging though provoking pero magandang makita ang kanilang struggle sa pag-akyat na inaabot pala ng halos isang araw. Short and sweet naman ang “Hapi Libing” (Steve Cardona) na nagpakita ng ilang sound advice ng tamang outlook sa buhay mula sa mga taong namamahala ng sementeryo. May texture ang docu na parang isang filter sa Instagram na nakadagdag sa pagka-feel good nito. Tungkol din sa mga opinyon ang “The Quiapo Perspective” (Inshallah Montero) na tumalakay naman sa oxymoron ng pagkakaroon ng perya (pampalaglag, pamparegla at iba pa) sa tabi ng mismo ng simbahang Katoliko. Ang huli, ang “Walang Hanggang Buhay ni Leonardo Co” (Nannette Matila) ay tungkol sa napaslang na magiting na botanist sa gitna ng kanyang passion at serbisyo. Malinaw ang picture na gustong mabuo nito sa subject at mula rito ay ang panghihinayang sa kanyang pagkawala at sa pagdadalamhati na rin sa kung anumang walang kawawaang karahasan sa bansa.

EKSTRA (Jeffrey Jeturian) Ang strength ng pelikula ay ang script nito (na nakapangalan sa tatlo: Zig Dulay, Antoinette Jadaone at Jeffrey Jeturian). Kahit na nagpaka-real time ito (upang maramdaman ng audience ang exhaustion na hinihingi ng isang bit player) o tipong nagpapaka-a day in the life of lang, ramdam na ramdam na meron itong script. Nai-shoot nito ang point nang lapat na lapat. Klaro ang motivation ng central character kung bakit ginagawa n’ya ang mga bagay na pinaghihirapan n’ya. Isa rin itong dahilan upang samahan natin si Loida (Vilma Santos) sa kanyang pakikipaglaban sa araw na ‘yun. May tendency na magpaliwanag masyado kung anu-ano ang mga ginagawa sa produksyon pero nasolusyunan naman ito sa paggamit ng isang karakter na baguhang ekstra. Maging ‘yung tanong sa dulo bago matapos ang pelikula, naselyuhan nito ang halaga ng ginagawa natin hindi lang bilang isang taga-film production kung hindi bilang trabahador na rin sa Pilipinas sa pangkalahatang perspektibo. Nakuha rin ako ng humor ni Jeturian dito. Tingin ko, sensibilidad n’ya ang ganitong wit at wala akong makitang direktor ngayon na nasa ganitong level. Ngayon na lang ulit ako natawa sa kanya mula roon sa isang eksena sa “Pila Balde” kung saan kumain ng panis na hopya si Estrella Kuenzler. OK naman si Vilma rito. Masayang makita na ang mga shining moment n’ya rito ay ‘yung mga eksenang tumatawa s’ya. Pero dahil Vilmanian si Jeturian, hindi naman puwedeng walang eksena na aangat si Vilma sa mga nakagamayan na. Gusto ko ‘yung nakikipagpagalingan s’ya para sa isang role bilang katulong. Maliban sa larger than life na presence ng bida, umangat din ang mga suporta rito: Marlon Rivera (bilang soap opera director at so far, s’ya ang aking bet para sa Best Supporting Actor sa Directors Showcase), Tart Carlos (bilang kapwa ekstra at sounding board ng bida) at Ruby Ruiz (bilang Josie).

Sa side note, ganito palang manood ng Vi movie na ang katabi mo ay isang ultimate Vilmanian. Bago mag-umpisa, hindi mo mahagilap dahil parang bomb specialist na iniisa-isa ang mga entrance at exit ng Main Theater kung saan papasok ang mga artista. At malakas din ang tawa n'ya r'un sa isang linya na "Eh bakit si Nora Aunor?"

TRANSIT (Hannah Espia) Naglatag ang pelikula ng isyu tungkol sa mga batang migrante sa Israel na may edad apat na taon pababa na dine-deport pabalik sa Pilipinas. Sa unang bahagi pa lang ay na-explore na ito at hinayaang nakabuyangyang hanggang dulo. Bilang manonood na nasa Pilipinas, wala akong nakuha kung ano ba ang puwede kong magagawa rito. Ano ba ‘yung dapat kong maramdaman tungkol sa kanilang kalagayan? Ano ba ang puwede nitong parallel sa Pilipinas o sa mga anak at magulang na Pilipino na nandito? Kumbaga sa isang computer program, nag-spaghetti loop para sa akin ang premise. Iniisip ko na lang na merong Biblical reference ang sub-plot ni Ping Medina at ang kanyang anak (Marc Justine Alvarez na malakas ang screen presence) na a la-“Man of Steel”. O ‘yung mga polisiya noong panahon ng batang si Hesus tungkol sa mga sanggol na pinapatay at mga kamukhang kuwento nito. Kung ito ang nais tumbukin mula sa umpisa, hindi na siguro kailangan ang devise tungkol sa iba’t ibang POV dahil hindi naman nakatulong talaga. Mahusay ang cast pero parang napanood ko na sila sa ibang pelikula na mas kuminang ang performance. Pero maliban d’yan, gustung gusto ko ang direksyon dito. Para sa isang baguhan na kamukha ni Hannah Espia, isa itong achievement. Mahirap manganak ng pelikula na ganito kabuo ang final product at may kontrol sa pagpapaarte sa cast at sa look and feel (na pinakagusto kong aspeto) ng pelikula.

Saturday, July 27, 2013

Unang Araw sa Cinemalaya 2013


Hindi ko na nagawang maisingit ang pagdalo sa opening night noong Biyernes (July 26) dahil unang una, malakas ang ulan noon (na parang teaser lang mula sa huling araw ng festival n’ung isang taon). Kung puprusisyon pa ako mula sa panggagalingan ko sa BGC, aabutin ako ng siyam-siyam sa EDSA. Ikalawa, ipapalabas naman ulit sa ibang araw ang opening film na “Jazz in Love” ni Baby Ruth Villarama-Gutierrez. Ikatlo, ayokong manood ng mga trailer sa opening program.

Kaya ayun, kanina lang ako nakapunta sa CCP bitbit ang season pass (P3,000 ngayong taon na ito para sa lahat ng pelikula, competition man o hindi) at ang hindi masyadong pamoso na katagang “indie spirit”. May patsi-patsi pa rin ng nagbabadyang ulan nang ako’y dumating pero pinaghandaan ko naman ito (payong, jacket at mga sapatos na puwedeng mabaha). Katulad ng inaasahan, meron pa ring nagi-inspeksyon ng bag pero hindi na ako tinanong kung may dala ba akong camera (baka bukas, tanungin na ako). Halos 10 minuto na lang bago mag-umpisa nang galugarin ko ang entrance papuntang Dream Theater. Marami nang tao. Marami na ring notice ng sold-out lalo na sa mga maliliit na tanghalan kamukha ng MKP at Tanghalang Huseng Batute. At sa buong araw, bumaha rin ng mga kakilala (ilan sa kanila ay nakikita ko lang kapag merong Cinemalaya).

Para sa unang araw, heto ang mga napanood ko:

ANI (Animation/Experimental) Taun-taon ay merong ganitong screening na isang koleksyon ng mga nagwaging video sa Gawad CCP. Natuwa lang ako na properly credited na ang mga filmmaker sa flyer. Walang lumutang sa akin para sa line-up ngayon pero masasabi ko naman na good trip pa rin ito. Sa animation, halimbawa, marami namang promising lalo na’t halos college-based ang ilang produksyon. May pagka-animated short ng Pixar ang “Kaleh and Mbaki” (Dennis E. Sebastian) tungkol sa isang manlililok at isang ibon at nakapaglatag naman ng texture ang “Marianing” (Nico Salazar) kahit na wala naman itong naikuwento talaga. Muntik nang hindi maipalabas ang mga eksperimental dahil mukhang hindi naabisuhan ang mga nasa projection room. Sa section na ito, gusto ko ang “Pikit sa Alas-Tres” ni Mark Sherwin Maestro dahil nadakot nito ang angst ng isang call center agent (sleeping habits, monotony at iba pa).

YANAN (Mae Urtal Caralde) Na-hook ako ng material ng docu na ito tungkol sa isang nanay (“yanan” kapag ibinaliktad) na NPA at kung paano n’ya pinalaki ang mga anak kahit na malayo sa kanya at nasa piling na ng bagong pamilya ng asawa. Nakita ko sa mga mukha ng mga anak na optimistic sila at mukhang lahat matatalino. Sa pagitan ng mga interview na malakas makakurot, ipinapakita ang ilang clips mula sa libing ng ina na may bahid makakaliwa. ‘Yun nga lang, parang isang bahagi lang ang docu na pinitas mula sa mas malaki pang larawan. Parang marami pa itong puwedeng palawigin at parang meron pa itong kailangang tahiin sa dulo.

BUKANG LIWAYWAY (Pabelle Manikan) Kadobol ito ng “Yanan” bilang kasali sa feature na “Cinemalaya Documentaries”. Hindi hamak na mas kumpleto naman ito kahit na hindi kasing warm n’ung una. Malapit ang atake sa “Tundong Magiliw” ni Jewel Maranan (na apparently ay creative consultant dito at sa “Yanan”) at maganda ang na-capture na immersion ng dokumentarista. Tungkol ito sa isang babaeng buntis ng tatlong buwan na may matinding karamdaman at ang pang-araw-araw na buhay n’ya kasama ang ama at isang albularyo. Maraming puwedeng pag-usapan. Puwedeng tumbukin ang medical na plataporma ng gobyerno para sa mga hindi kayang magpa-ospital o puwede ring advocacy ito para sa mga albularyo natin na nakapako sa mga tradisyonal na paraan ng panggagamot.

PUROK 7 (Carlo Obispo) Ito ang unang competition film ko para sa taong ito at hindi ako masyadong masaya. Malapit sa akin ang milieu dahil lumaki rin naman ako sa probinsya at may mga kaklase akong umuuwi pa sa kani-kanilang baryo (tawag namin dito sa Quezon ay “linang”) mula sa sentro. Nag-umpisa ang pelikula sa isang serye ng mga palaro sa isang rural area sa norte. Maganda sana ang introduksyon dahil nakuha nito sa camera ang katapatan ng emosyon ng mga naninirahan doon. Para sa akin, hindi ito madaling maabot lalo na’t isa itong crowd scene. Mula rito ay sinundan ng audience ang buhay ng magkapatid na sina Diana (Krystle Valentino na isang revelation para sa unang pagganap sa pelikula) at Julian (Miggs Cuaderno) na parehong inabandona ng kanilang ina na nasa death row sa China for drug trafficking samantalang ang ama ay may bago nang asawa at nakatira sa ibang bahay. Siyempre, ang unang tanong ko, bakit sila hinahayaang mabuhay na wala man lang guardian? Wala ba silang ibang kamag-anak man lang? Sa pagitan ay ang nakabinbing paghanga ni Diana sa kababatang si Jeremy (Julian Trono). Dito rin sa mga eksenang ito nababasag ang mga drama sa buhay ng magkapatid. Base sa mga nagtitiliang grupo sa audience, mukhang epektibo ang segment tungkol kina Diana at Jeremy. Bagama’t stellar ang pagganap ng bidang babae, hindi ko naman masyadong maramdaman ang authenticity ng rural setting. Ang batang si Julian, halimbawa, ay maayos ang pronunciation ng “TV” subali’t hindi n’ya alam kung ano ang “burger”. Wala rin akong makitang character sa lugar. Parang kahit ilipat ang backdrop sa urban area, mukhang gagana pa rin ito. Natuwa lang ako na tinapos ang agony nang walang kaabog-abog, walang emotional breakdown at wala ang required na resolution. Ayoko na sanang sabihin at baka mahusgahan na isang sarcasm pero sobrang nagustuhan ko ang movie poster nito at 'yung dalawang dance number sa pelikula. Mahusay 'yung choreo at magaling na dancer si Julian Trono.

Matapos ang screening, nagkaroon ng maiksing Q&A segment. Medyo nakakadismaya lang ang karamihan sa mga tanong kamukha ng "Nasaan si Jeremy (Julian Trono)?" at "Kung hindi ikaw ang director ng pelikula, ano ang rating mo rito?" Isinalba na lang ng pinakahuling tanong tungkol sa stand ng director sa injustice sa mga Pinoy sa China.

THE PRIVILEGED MIGRANTS (Rica Arevalo) Comfort zone ang documentary na ito na nangumusta sa mga dating high school classmate sa St. Scho ng filmmaker. Lahat ng subject ay pawang mga migrants na sa iba’t ibang bahagi ng mundo (US, China, Thailand, Singapore at Canada). Hindi nga lang lahat sa kanila ay nasa estado na ng contentment. Gusto lang namang i-highlight na mas masarap pa ring tumira sa Pilipinas kahit na wala ang kaawalwanan. Alam na natin halos lahat ‘yan. Ang pinakagusto ko lang ay ‘yung kuhang kuha sa camera ang tiwala ng subject sa filmmaker dahil magkakaibigan sila. Mahirap minsan na manakaw ang mga ganoong level ng emotion.