Tuesday, July 30, 2013

Ikaapat na Araw sa Cinemalaya 2013


Ang unang bumungad sa akin sa araw na ‘to sa CCP ay ang anunsyo ni Soler na meron nang program. Kinuha ako agad matapos akong papirmahin sa isang print-out ng listahan ng mga kumuha ng pass (na umabot na raw ng higit 200 para sa maximum na 300). Doon ko lang nalaman na ang jury pala ay binubuo nina Peque Gallaga, Carlitos Siguion-Reyna, Ditsi Carolino, Maggie Lee (“Canadian film critic”, ayon sa program) at Bastian Meiresonne (“French-Asian movie specialist”). Sa NETPAC naman ay sina Doy del Mundo, Jr., Maryo J. Delos Reyes at Ngo Phuong Lan (“film critic from Hanoi”). Medyo kalmado na ang daloy ng festival.

Lahat sa Main Theater ko napanood ang line-up ko sa araw na ‘to:  

AMOR Y MUERTE (Ces Evangelista) Siguro ang peg nito ay magkaroon ng project na mapapaglagay ng erotisismo sa isang period movie. Nasa 16th century ang panahon at isang Pilipina ang umaariba ang libido sa piling ng kanyang asawang Kastilang sundalo. Wala namang kaso sa pag-inject ng sex. Sa katunayan, isa itong refreshing idea matapos mawala ang mga ganitong klase ng proyekto (ST films o kahit ‘yung mga pelikula nina Peque Gallaga at Celso Ad Castillo na ganito ang tema) at natabunan ng mga gay-themed films na pinapalabas sa Robinsons Galleria (ibang usapan na ito). Nakakita naman ako ng maturity sa filmmaking dito. ‘Yung production design, halimbawa, ay maayos naman. Kahit ‘yung photography at ilang costume. Ang major offense lang para sa akin ay ang pag-cast kay Markki Stroem bilang isang sundalong Kastila. Napaka-complex kasi n’ung mga hinihingi ng character. Una, kailangang sensual dahil maraming eksena ang humihingi ng hubaran. Ikalawa, siyempre, ‘yung pagsasalita ng Kastila at sensibilidad na inaasahan mula rito (mataas, hambog at matapang). Ikatlo, ‘yung trauma na isinusuka ng nakikipaglaban sa giyera at ‘yung poot na paghuhugutan para sa isang lalaking umiibig at napagtaksilan.  

SHORTS A: PARA KAY AMA (Relyn Tan), TAYA (Adi Bontuyan), BAKAW (Ron Segismundo), MISSING (Zig Dulay) at TUTOB (Kissza Mari Campano) Napanood ko na ang “Para kay Ama” bilang kasali sa Short Film Programme ng Cinema One Originals n’ung isang taon. Isa itong pagtalakay sa kultura ng mga Chinese na ang inaasahang papalit sa responsibilidad ng ama ay ang anak na lalaki dapat. Kinunan ang buong dilemma sa isang long take na walang putol (kamukha ng “Ang Damgo ni Eleuteria” at iba pa). Siyempre, gusto ko ang theatrics ng konsepto at ang pag-cast kina Che Ramos-Cosio bilang panganay na babaeng anak at Shamaine Buencamino (bilang ina). Gusto ko rin ang paglabas-pasok ng bidang tauhan bilang paglalarawan ng kanyang pagpupumiglas sa tradisyon. May kurot ang “Taya”. Parang bigla na lang kasi akong naawa r’un sa mga bata kahit na walang subtlety ‘yung pagkakalatag ng materyal. Ang “Bakaw” ay napanood ko na rin kung saan. Hindi ko matandaan. Malakas ang advocacy nito tungkol sa mga batang nagnanakaw ng isda sa Navotas fish port. May appeal sa akin ‘yung chase scene. Ewan ko ba, parang uma-irony sa pagdampot ng isda. Sa “Missing”, tumalakay ito sa mga desaparecidos at kinunan ang buong feature sa B&W at pula. Tingin ko, magandang i-explore sa full length ang tema nito na halos nasa linya ng dulang “Habang May Nawawalang Lalaki sa Dilim” ni Marlon Mente. At least ngayon, puwede na akong kumalma na tama ang pagkakabasa ko sa ending ng “Ekstra” na isinulat din ni Zig Dulay. Technically, OK sa akin ang “Tutob”. Manipulative lang d’un sa gusto nitong tumbukin na diskrimnasyon sa mga kapatid nating Muslim (specifically ang mga nakasuot ng tutob).  

DAVID F. (Emmanuel Palo) May tatlong timeline ang pelikula. Una ay ‘yung panahon ng giyera sa Pilipinas noong pagpasok ng 20th century. Tumalakay ito sa kuwento ni David Fagen na isang Afro-American na bumaligtad sa hukbo ng mga Amerikano at kumampi sa mga Pilipino. Kung hindi ako nagkakamali, ang act na nagtatalo ang dalawang Pilipino sa pagpugot ng bihag na Amerikano at nagamit na sa isang dula sa Virgin Labfest (at si Liza Magtoto rin ang sumulat, kung hindi ako nagkakamali). Natuwa lang ako na nasa screen na ito at dalawang mahusay na aktor ang gumaganap (Sid Lucero at Art Acuña). Ang ikalawang segment naman ay nasa dekada ’40 noong panahon ng Japanese occupation. Ipinakita na may koneksyon ang unang period sa ikalawa at tumalakay pa rin sa kung paano tumingin sa kulay. Gusto ko ‘yung pagkaka-execute dito, ‘yung color grading, ‘yung costume at production design. Kahit panandalian lang ay nakita ko naman ang effort ng filmmaker na itawid ang manonood sa kapayakan ng buhay noon (kahit payak din lang ang budget). Ang ikatlo, at pinakamukhang disjointed sa unang dalawa, ay tungkol sa Amerasian (Dax Martin) na naghahanap ng tatay sa Angeles City sa kontemporaryong panahon. Parang merong statement sa paggamit ng comedy bar bilang isang espasyo sa paglibak ng kulay at kung paano tinatanggap ng kultura natin ang pagtawa sa mga okrayan. Ang final product, nagkaroon sa akin ng dating na parang magkakakonek ang tatlong kuwento na parang hindi naman, magkakaiba pero parang hindi rin naman. Ako na lang ang nag-connect the dots. Kung deliberate ang ganitong execution, bumenta sa akin ang pelikula.

SANA DATI (Jerrold Tarog) Gets na natin minsan ang mga eksena na na ang babaeng ikakasal ay nagkakaroon ng cold feet (salamat sa nawawalang sapatos sa pelikula sa pagbigay ng suhestiyon), sa totoong buhay man o maging sa mga pelikula. Pero hindi pa nagsi-sink in sa atin na ang gustong i-highlight ng kasal ay ang walang kamatayang sigalot sa pagitan ng puso at utak. Puso, dahil mahal mo dapat ang mapapangasawa mo at utak dahil point of no return na ito na bahagi ng buhay mo. Mula sa POV ng bride (Love Poe na napakagaling dito, pinakamagaling n'ya para sa akin) ang buong kuwento. Pinalawak nito ang agam-agam sa maraming bagay: sa pagkalimot sa true love (Benjamin Alves) na hindi na mababalikan o sadyang fickle-minded lang ang ikakasal dahil nahaharang s’ya sa pressure ng pamilya at mga kaibigan sa naoohang kasalan. Noong una ay inilatag ang premise na dapat ay sigurado ka (ginagamitan ng utak kesa puso) sa pagpapakasal. Isang karakter (Paulo Avelino) ang naging trigger dito upang masubok ang kasiguraduhan. Pero lumang kuwento na ‘yan at alam ito ng tagakuwento. Sa dulo, ibinasura ng storyteller ang argumento at naglatag ng iba pa, na ang puso ay kailanman hindi natatalo ng utak, na ang kasal ay wala lang at kailanman hindi naging starting point o finish line sa formula ng pag-ibig at ang regular heartbeat ay kasing fluid ng buhay. Sa totoo lang, nablangko ako matapos itong mapanood. Speechless. Andami kasing puwedeng pulutin, andaming puwedeng bigyan ng interpretation. Napaka-powerful ng isang pelikula kung wala kang napansin sa technical nito at nakatutok lang sa content. Ibig sabihin, lahat ay gumana. Parang matapos ma-experience ang “Sana Dati”, nagkaroon din ako ng duda kung naniniwala pa ba ako sa pag-ibig o umiindak na lang.

2 comments: