Dahil Linggo, kadalasan na ito ang araw na merong pinakamaraming pumupunta. Medyo mas maaga akong dumating kaya nagpalipas muna ng oras (at nag-agahan na rin) sa Harbor Square. Nawala na ‘yung jitters n’ung unang araw kaya kalmado lang na tumakbo ang buong araw. Napansin ko lang na minsan ay nawawala na ‘yung silbi ng Priority Lane dahil nagpapapasok na ng regular ticket holder ang festival staff kahit hindi pa tapos ang pila para sa mga pass. May nakita akong umalma rito pero parang hindi naman pinagbigyan.
Heto ang mga inani ko sa araw na ‘to:
BABAGWA (Jason Paul Laxamana) Very satisfying ang pelikula. Una, madali s’yang maabot. Kung may mga kaibigan akong hindi masyadong nanonood ng Cinemalaya, puwede itong mairekomenda dahil ganito ‘yung daloy ng pagkukuwento na nakasanayan na natin. Ikalawa, naka-deliver na naman si Jason Paul Laxamana. Ibang iba ito sa kanyang “Astro Mayabang” (na ang humor ay bihirang bihirang makita sa Philippine cinema, kamukha ng “My Paranormal Romance” ni Victor Villanueva). Tumalakay ito ng isang isyu (online scam) na napapanahon at kinakailangang dantayan ng pagmamatyag. Bagama’t masyadong loud ang planting na ginawa (mga “projection” scene), nakuha naman akong ma-hook sa huling ilang minuto rito. Gusto ko rin ang script. Para sa akin, isa itong example kung paano i-explore ang isyu sa mga what-if at kung paano ito mahahanapan ng irony. Mahusay si Alex Medina rito. Dinamita! O maging si Joey Paras kahit na lutang ang effort. Ang ganda rin ng execution ng mga sex scene, napakanatural at hindi kailanman nagtangkang maging erotic.
ANI (Documentary) Mas interesante naman ang line-up sa docu kesa sa animation/experimental ng Gawad CCP. Ang unang docu ay surprisingly kasama si Robin Padilla. “Ang Misyon sa Bundok Apo” (Jophel Ybiosa) ay ang pag-document ng pag-akyat ng aktor sa tuktok sa Mt. Apo kasama ang ilang guide. Walang halong palabok ang material at hindi ito kailanman naging though provoking pero magandang makita ang kanilang struggle sa pag-akyat na inaabot pala ng halos isang araw. Short and sweet naman ang “Hapi Libing” (Steve Cardona) na nagpakita ng ilang sound advice ng tamang outlook sa buhay mula sa mga taong namamahala ng sementeryo. May texture ang docu na parang isang filter sa Instagram na nakadagdag sa pagka-feel good nito. Tungkol din sa mga opinyon ang “The Quiapo Perspective” (Inshallah Montero) na tumalakay naman sa oxymoron ng pagkakaroon ng perya (pampalaglag, pamparegla at iba pa) sa tabi ng mismo ng simbahang Katoliko. Ang huli, ang “Walang Hanggang Buhay ni Leonardo Co” (Nannette Matila) ay tungkol sa napaslang na magiting na botanist sa gitna ng kanyang passion at serbisyo. Malinaw ang picture na gustong mabuo nito sa subject at mula rito ay ang panghihinayang sa kanyang pagkawala at sa pagdadalamhati na rin sa kung anumang walang kawawaang karahasan sa bansa.
EKSTRA (Jeffrey Jeturian) Ang strength ng pelikula ay ang script nito (na nakapangalan sa tatlo: Zig Dulay, Antoinette Jadaone at Jeffrey Jeturian). Kahit na nagpaka-real time ito (upang maramdaman ng audience ang exhaustion na hinihingi ng isang bit player) o tipong nagpapaka-a day in the life of lang, ramdam na ramdam na meron itong script. Nai-shoot nito ang point nang lapat na lapat. Klaro ang motivation ng central character kung bakit ginagawa n’ya ang mga bagay na pinaghihirapan n’ya. Isa rin itong dahilan upang samahan natin si Loida (Vilma Santos) sa kanyang pakikipaglaban sa araw na ‘yun. May tendency na magpaliwanag masyado kung anu-ano ang mga ginagawa sa produksyon pero nasolusyunan naman ito sa paggamit ng isang karakter na baguhang ekstra. Maging ‘yung tanong sa dulo bago matapos ang pelikula, naselyuhan nito ang halaga ng ginagawa natin hindi lang bilang isang taga-film production kung hindi bilang trabahador na rin sa Pilipinas sa pangkalahatang perspektibo. Nakuha rin ako ng humor ni Jeturian dito. Tingin ko, sensibilidad n’ya ang ganitong wit at wala akong makitang direktor ngayon na nasa ganitong level. Ngayon na lang ulit ako natawa sa kanya mula roon sa isang eksena sa “Pila Balde” kung saan kumain ng panis na hopya si Estrella Kuenzler. OK naman si Vilma rito. Masayang makita na ang mga shining moment n’ya rito ay ‘yung mga eksenang tumatawa s’ya. Pero dahil Vilmanian si Jeturian, hindi naman puwedeng walang eksena na aangat si Vilma sa mga nakagamayan na. Gusto ko ‘yung nakikipagpagalingan s’ya para sa isang role bilang katulong. Maliban sa larger than life na presence ng bida, umangat din ang mga suporta rito: Marlon Rivera (bilang soap opera director at so far, s’ya ang aking bet para sa Best Supporting Actor sa Directors Showcase), Tart Carlos (bilang kapwa ekstra at sounding board ng bida) at Ruby Ruiz (bilang Josie).
Sa side note, ganito palang manood ng Vi movie na ang katabi mo ay isang ultimate Vilmanian. Bago mag-umpisa, hindi mo mahagilap dahil parang bomb specialist na iniisa-isa ang mga entrance at exit ng Main Theater kung saan papasok ang mga artista. At malakas din ang tawa n'ya r'un sa isang linya na "Eh bakit si Nora Aunor?"
TRANSIT (Hannah Espia) Naglatag ang pelikula ng isyu tungkol sa mga batang migrante sa Israel na may edad apat na taon pababa na dine-deport pabalik sa Pilipinas. Sa unang bahagi pa lang ay na-explore na ito at hinayaang nakabuyangyang hanggang dulo. Bilang manonood na nasa Pilipinas, wala akong nakuha kung ano ba ang puwede kong magagawa rito. Ano ba ‘yung dapat kong maramdaman tungkol sa kanilang kalagayan? Ano ba ang puwede nitong parallel sa Pilipinas o sa mga anak at magulang na Pilipino na nandito? Kumbaga sa isang computer program, nag-spaghetti loop para sa akin ang premise. Iniisip ko na lang na merong Biblical reference ang sub-plot ni Ping Medina at ang kanyang anak (Marc Justine Alvarez na malakas ang screen presence) na a la-“Man of Steel”. O ‘yung mga polisiya noong panahon ng batang si Hesus tungkol sa mga sanggol na pinapatay at mga kamukhang kuwento nito. Kung ito ang nais tumbukin mula sa umpisa, hindi na siguro kailangan ang devise tungkol sa iba’t ibang POV dahil hindi naman nakatulong talaga. Mahusay ang cast pero parang napanood ko na sila sa ibang pelikula na mas kuminang ang performance. Pero maliban d’yan, gustung gusto ko ang direksyon dito. Para sa isang baguhan na kamukha ni Hannah Espia, isa itong achievement. Mahirap manganak ng pelikula na ganito kabuo ang final product at may kontrol sa pagpapaarte sa cast at sa look and feel (na pinakagusto kong aspeto) ng pelikula.
6 comments:
salamat po sa comment! erratum lang po: "Jason" Paul Laxamana po :D
Wala pong anuman. Nakorek ko na. Salamat din sa erratum.
Since nabanggit mo ang mga bet mo for Best Supporting Actor and Actress, sino naman ang bet mo para sa Best Actress at Best Actor?
Marami pa akong hindi napapanood pero so far, gusto ko sina Alex Medina (Babagwa), Ronnie Quizon (Rekorder), Lovi Poe (Sana Dati) at Krystle Valentino (Purok 7). For the effort ng pagsabak, Vilma Santos (Ekstra). Gusto ko s'yang manalo para gumawa pa ng mga pelikulang nasa ganitong linya. Matagal na dapat n'yang ginawa. Ang tamad-tamad lang. :))
Mr. Manuel Pangaruy, nanalo na nga Best Actress si Vilma Santos pero binagyo naman nun pinalabas sa mainstream kaya affected ang maindie film niya mukhang mild hit lang siya, di kaya lalong tamarin na yan gumawa ulit :)
Hahaha. Well, hindi ako magugulat na tamarin s'ya ulit. Kumbaga eh consistent naman s'ya sa pagiging safe. 'Yun nga lang, sana eh mauntog at magising isang araw.
Post a Comment