Total Pageviews

Wednesday, July 31, 2013

Ikalimang Araw sa Cinemalaya 2013


Muntik na naman akong ma-late sa araw na ito. Bumuhos kasi nang pagkalakas-lakas ang ulan. Pero umabot din naman. First time kong nakanood sa MKP Hall ngayon at sadyang nakareserba raw pala ang couch para sa mga jury kahit na ikatlong set ng chimes na at wala pa rin. In short, hayaan daw itong bakante sa buong palabas, sabi ng usher na si Mike. Dahil eksakto ang dating ko, wala akong masyadong panahon sa rebuttal. So be it, kumbaga. Hindi pa rin ako nagbe-breakfast sa oras na ‘yun. Napansin ko na pangit ang audio sa venue. Parang masyadong loud sa size nito. Pero baka kasalanan lang ng operator. Ganyan din kasi ang pakiramdam ko sa operator sa Dream Theater. Parang hindi masyadong nakikialam sa relevance ng kanyang ipinapalabas (na baka naman natitiyempo lang sa itinerary ko).

Anyway, heto ang mga napanood ko:  

QUICK CHANGE (Eduardo Roy, Jr.) Ang unang take ko sa pelikula ay may napulot akong detalye tungkol sa kalakaran at kalakalan ng plastic surgery para sa mga baklang sumasali sa mga beauty contest o para sa mga personal na kadahilanan (halimbawa, ‘yung male escort na gustong magpalaki ng etits). May mga naririnig na akong kultura tungkol dito pero ngayon ko lang ito nakapulutan talaga ng insight. Klaro naman sa akin ang irony ng transformation ng bidang si Dorina (Mimi Juareza). Wala rin akong issue sa buong pelikula, maganda ang kulay, ‘singkulay ng mga karakter, at wala namang kaso sa script. At some point, natutunugan ko na lang kung saan at kailan liliko at kakambyo at ‘yun siguro ang weakness (kung masasabi mang weakness ito) ng pelikula. Mahusay ang dalawang suporta na sina Miggs Cuaderno (na mas na-appreciate ko rito kesa sa “Purok 7”) at Jun-Jun Quintana.  

SINULOG VIDEOS (Documentary) Ang peg ko sa pagpili nito ay ang mga entry na napanood ko dati sa Cinema Rehiyon. Sobrang taas ng expectation ko dahil tinitingala ko ang filmmaking industry sa Cebu (na tingin ko nga ay mas lumilipad kesa sa Manila). At doon ko unang nakilala si Remton Zuasola. Kaya naman nalungkot ako sa line-up na napanood ko. Wala akong masyadong matatandaan. Siguro ay dahil limitado ito para sa isang okasyon (Sinulog). Ang una ay ang “Cubismo” ni Ruel Rosillo. Interesting sana ang tema dahil gusto ko naman ang ilang nakita kong Picasso kaso walang English subs ang naipalabas sa Dream Theater. Sa ilang nasagap kong Cebuano, maganda ‘yung point sa parallel ng hugis ng cube at ang spirituality ng pintor. Pinakagusto ko, kung papipiliin ako, ang “Ang Katapusang Sayaw” nina John Lindsey Banaynal at Aldo Nelbert Banaynal na nag-document ng huling “sayaw”, literally at figuratively, ni Gov. Gwen Garcia. Puwedeng puwedeng materyal ito sa full length. Ang “A Journey of Faith” naman ni Lemuel Arrogante ay tungkol sa panatisismo ng mga Cebuano sa Sto. Niño. Masyadong flat. May dalawa pang docu na hindi credited sa program. Ang isa ay tungkol sa mga “higante” makers at isang pag-cover ng Sinulog mismo.  

ISHMA (Sari Lluch Dalena at Keith Sicat) May nag-buzz na sa akin na n’ung unang beses na napanood n’ya ang docu ay tumigil daw ito sa gitna. Hindi naman ito nangyari sa screening kagabi sa Little Theater pero may ilang segment na hindi pa pulido kamukha ng mga interview kay Bien Lumbera, na sa tuwing lalabas ay nagtatawanan na lang ang mga manonood dahil hindi in synch ang audio. Gusto ko ang mga napiling interviewees (na mas maganda sana kung hindi lang audio ‘yung kay Nora) at masinop ang pagkakasunud-sunod ng iba’t ibang mukha ni Ishmael Bernal bilang anak, artist, filmmaker at bilang Pilipino. Nagsabi ito ng detalye ng kanyang kapanganakan pero hindi nabanggit kung kelan at paano s’ya namatay. Ang dulo, sa katunayan, ay isang footage ng interview kay Bernal mismo na nagbabahagi ng kanyang stand tungkol sa vision n’ya sa film industry. Ang ambisyon yata ng docu ay magmukha s’yang buhay hanggang ngayon. Pero mahirap itong makamit. Wala kasing Bernal sa hanay ng mga filmmaker ngayon. Meron siguro pero nakakalat. Konting bohemia, konting art, konting pakikibaka at konting humor. Parang ostiya na isinusubo sa misa. Maraming nakatanggap at walang nanahan sa iisang katawan.  

LIARS (Gil Portes) Naabutan ko n’ung dekada ’90 ang balita tungkol sa mga batang baseball player na sumali sa isang world match sa US at nanalo. Habang jubilant pa ang mood ng Pinas, heto at ibinulgar ni Miriam Santiago (kung hindi ako nagkakamali) ang sinasabing pandaraya sa edad ng ilan sa mga player. Hindi ko nakita noon ang irony sa apila ng presidentiable na si Miriam sa pagkahalal kay FVR at ang pandaraya upang manalo sa baseball. Ganyan ang ginawa sa materyal na ito ni Senedy Que na inilipat na lang sa taong 2001 kung saan merong impeachment trial kay Erap. Nakitaan ko naman ng pagkapuro ang intensyon. ‘Yun nga lang, hindi masyadong matatas ang execution. Naalala ko ang pagkakadirehe noon ng mga info-mercial ng PCSO, may ganoong dating ang pagkakadirek sa mga eksena. Ang iniisip ko ay kung ano kaya ang iniisip ng direktor na iisipin ng kanyang manonood kapag pinanood ang pelikula. May mga insidente na halos isunganga na sa bunganga mo ang iba’t ibang take sa kahirapan, domestic violence, investigative journalism at integrity na parang wala kang clue kung ano ang mga ito. Nananatili lang ako hanggang matapos ang end credit dahil sa musical score ni Teresa Barrozo na nag-iisang pleasant experience sa pelikula.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...