Musings on life from a (little red) backpacker who adores highschool language classes so much.
Total Pageviews
Monday, July 29, 2013
Ikatlong Araw sa Cinemalaya 2013
Lunes ang pinakapatay na araw sa CCP. Sa katunayan, ‘yung ilaw na nakabaybay ng Cinemalaya sa itaas ng Main Theater ay literal na nakapatay rin. Pinansin ko ‘yun. Sabi ng isang bubwit, “Eh siyempre, nagtitipid. Pansinin mo, ang init-init ngayon.” Tsaka ko lang naalala na, oo nga, ano, parang hindi ko na kailangan ng jacket sa Dream Theater (akala ko ay tumataba lang ako lalo). Muntik na akong ma-late kanina sa unang screening. ‘Sakto na ‘yung chimes na ang naabutan ko.
Heto ang mga napanood ko sa araw na ‘to:
ANI (Short Feature) Dalawa sa limang ipinalabas dito ay napanood ko na. Well, nakalimutan ko ‘yung “Imik” ni Anna Isabelle Matutina (at wala s’ya sa program) pero ‘yung “Mani” ni Hubert Tibi ay natatandaan ko na kasali sa line-up ng Cinema One Originals noong isang taon. Kuhang kuha ako ng “Au Revoir, Philip” (Sigrid Bernardo). Isa itong love letter sa Pilipinas o sa mga migrante. Bale found footage ito at sinahugan na lang ng narration upang makapagkuwento (ganito rin ang estilo na ginagawa ni John Torres sa iba n’yang pelikula). Coherent ang mga kuwento sa subject at hindi kailanman ay hindi lumampas sa nais iparating. Ang mga imahe sa segment ng mga batang sina Marie at Juliette sa isang probinsya sa France ay may kakaibang charm at very promising. Panandalian kong nakalimutan na Pinoy ang filmmaker nito. Ang “Saranghae my Tutor” (Victor Villanueva) naman na tungkol sa ugnayan ng mga English tutor sa Cebu sa mga Korean student ay isang pagpapatunay na gusto ko talaga ang topak ng “My Paranormal Romance”. Sana gumawa pa ng mga ganitong pelikula bilang pambalanse sa mga komedyang nakasanayan na. Ang “Potluck” ni Louis Sweeney ay medyo offensive sa umpisa sa matatas na pagkaka-stereotype ng mga Pinoy sa Amerika. Pero wala naman akong gauge dito upang husgahan. Baka naman may ganito talagang Fil-Am community na parang mafia ang treatment sa mga bisita. Bumawi naman sa redeeming value sa dulo.
JAZZ IN LOVE (Baby Ruth Villarama-Guttierez) Appealing ang look ng documentary na ito considering na maliit lang ang budget. Ang konsepto ay parang “Tundong Magiliw” o “Bukang-Liwayway” rin na nakakababad lang ang camera at hinahayaang dumaloy ang love story sa pagitan ng Pinoy na si Jazz at ang kanyang kasintahang German na si Theo. Sa pagitan ng mga salita ay ang ilang imahe ng nature (ulan, sunrise, sunset, mga halaman, mga bulaklak) at ito ang pinakagusto kong parte ng docu. Naalala ko ‘yung tagline ng “Brokeback Mountain”, na incidentally ay gay-themed din, na “Love is a force of nature” daw. Kamukha ng kasiguraduhan ng pagpatak ng ulan o paglubog ng araw ay ang mga gesture ni Jazz na parang in love na in love naman ito sa kanyang kasintahan na hindi hamak na mas matanda sa kanya, as opposed sa ideya na baka ekonomiko ang dahilan. Nakuha ko naman ang pagkakahabi ng konsepto at ang lapat ng camera o pagkaka-edit ay walang bahid ng diskriminasyon sa subject na medyo taboo pa sa Pilipinas (o specifically, sa isang maliit na baryo sa Malita, Davao). ‘Yun nga lang, hindi ako masyadong pinakalma ng isang tanong: Kung hindi ba bading si Jazz, gagawin pa rin ba ang kanyang kuwento?
ANG PINAKAMAGANDANG HAYOP SA BALAT NG LUPA (1974, Celso Ad Castillo) Hindi ko alam pero nang mapanood ko ito, doon ko lang napansin na malakas makapagkuwento si Celso Ad Castillo ng mga kuwentong masyadong nakakabit sa panahon. Nagduda tuloy ako kung kahit ‘yung remake nito kasama si Ruffa Gutierrez ay kayang gumawa ng kaukulang bindikasyon para sa dekada ’90. Andami na rin nating filmmaker ngayon na kayang makapag-frame ng mga bucolic na lugar pero walang matapang magdagdag ng poesiya (o sariling Bibliya) nang buong buo at walang pakundangan. Isulong sana ang pagre-restore/remaster sa kopya ng pelikulang ito.
REKORDER (Mikhail Red) Ang desisyon na makapanganak ng isang film noir ay malaking bagay. Ito siguro ang pinakagusto kong aspeto sa pelikula, ‘yung buong buo ang vision ng filmmaker kung paano s’ya makakapagkuwento visually. ‘Yung mga homemade video na lumabas sa pagitan ay comfort zone din, sa tingin ko, ng gumawa. Sa totoo lang, na-hook ako sa malaking bahagi ng pelikula. Ang tema mismo ay pang-Best Film: isang cameraman mula sa golden era ang nagka-camcord na lang sa mga sinehan upang makatawid sa buhay. Pero merong area na tingin ko ay hindi masyadong nasaklaw ng storyteller, partikular ang isang malungkot na alaala sa pagkawala ng mahal sa buhay. Hindi ko lang masyadong nagawan ng koneksyon ang resolution at ang bigat na dinadala ng central character sa pagkapit nito sa nakaraan. Siguro ay merong statement dito tungkol sa technology na sabihin na nating kumitil sa pagkarami-raming sinehan. Kahit ako naman mismo ay hesitant pa ring sumabay sa agos ng pagda-download sa internet. Kamukha ng bida, baka ayaw ko ring iwanan ang nakalipas na simple lang ang buhay at kasing-payak ng pagpunta sa sinehan n’ung nasa grade school at ang panonood ng may kadobol. O puwede ring decay ang tema, na ang mga bagay na kumikinang noon ay puwedeng maging patapon na lang ngayon. Mahusay si Ronnie Quizon dito. Sustained ang kanyang karakter mula umpisa hanggang dulo kahit walang speaking lines minsan.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment