Musings on life from a (little red) backpacker who adores highschool language classes so much.
Saturday, July 27, 2013
Unang Araw sa Cinemalaya 2013
Hindi ko na nagawang maisingit ang pagdalo sa opening night noong Biyernes (July 26) dahil unang una, malakas ang ulan noon (na parang teaser lang mula sa huling araw ng festival n’ung isang taon). Kung puprusisyon pa ako mula sa panggagalingan ko sa BGC, aabutin ako ng siyam-siyam sa EDSA. Ikalawa, ipapalabas naman ulit sa ibang araw ang opening film na “Jazz in Love” ni Baby Ruth Villarama-Gutierrez. Ikatlo, ayokong manood ng mga trailer sa opening program.
Kaya ayun, kanina lang ako nakapunta sa CCP bitbit ang season pass (P3,000 ngayong taon na ito para sa lahat ng pelikula, competition man o hindi) at ang hindi masyadong pamoso na katagang “indie spirit”. May patsi-patsi pa rin ng nagbabadyang ulan nang ako’y dumating pero pinaghandaan ko naman ito (payong, jacket at mga sapatos na puwedeng mabaha). Katulad ng inaasahan, meron pa ring nagi-inspeksyon ng bag pero hindi na ako tinanong kung may dala ba akong camera (baka bukas, tanungin na ako). Halos 10 minuto na lang bago mag-umpisa nang galugarin ko ang entrance papuntang Dream Theater. Marami nang tao. Marami na ring notice ng sold-out lalo na sa mga maliliit na tanghalan kamukha ng MKP at Tanghalang Huseng Batute. At sa buong araw, bumaha rin ng mga kakilala (ilan sa kanila ay nakikita ko lang kapag merong Cinemalaya).
Para sa unang araw, heto ang mga napanood ko:
ANI (Animation/Experimental) Taun-taon ay merong ganitong screening na isang koleksyon ng mga nagwaging video sa Gawad CCP. Natuwa lang ako na properly credited na ang mga filmmaker sa flyer. Walang lumutang sa akin para sa line-up ngayon pero masasabi ko naman na good trip pa rin ito. Sa animation, halimbawa, marami namang promising lalo na’t halos college-based ang ilang produksyon. May pagka-animated short ng Pixar ang “Kaleh and Mbaki” (Dennis E. Sebastian) tungkol sa isang manlililok at isang ibon at nakapaglatag naman ng texture ang “Marianing” (Nico Salazar) kahit na wala naman itong naikuwento talaga. Muntik nang hindi maipalabas ang mga eksperimental dahil mukhang hindi naabisuhan ang mga nasa projection room. Sa section na ito, gusto ko ang “Pikit sa Alas-Tres” ni Mark Sherwin Maestro dahil nadakot nito ang angst ng isang call center agent (sleeping habits, monotony at iba pa).
YANAN (Mae Urtal Caralde) Na-hook ako ng material ng docu na ito tungkol sa isang nanay (“yanan” kapag ibinaliktad) na NPA at kung paano n’ya pinalaki ang mga anak kahit na malayo sa kanya at nasa piling na ng bagong pamilya ng asawa. Nakita ko sa mga mukha ng mga anak na optimistic sila at mukhang lahat matatalino. Sa pagitan ng mga interview na malakas makakurot, ipinapakita ang ilang clips mula sa libing ng ina na may bahid makakaliwa. ‘Yun nga lang, parang isang bahagi lang ang docu na pinitas mula sa mas malaki pang larawan. Parang marami pa itong puwedeng palawigin at parang meron pa itong kailangang tahiin sa dulo.
BUKANG LIWAYWAY (Pabelle Manikan) Kadobol ito ng “Yanan” bilang kasali sa feature na “Cinemalaya Documentaries”. Hindi hamak na mas kumpleto naman ito kahit na hindi kasing warm n’ung una. Malapit ang atake sa “Tundong Magiliw” ni Jewel Maranan (na apparently ay creative consultant dito at sa “Yanan”) at maganda ang na-capture na immersion ng dokumentarista. Tungkol ito sa isang babaeng buntis ng tatlong buwan na may matinding karamdaman at ang pang-araw-araw na buhay n’ya kasama ang ama at isang albularyo. Maraming puwedeng pag-usapan. Puwedeng tumbukin ang medical na plataporma ng gobyerno para sa mga hindi kayang magpa-ospital o puwede ring advocacy ito para sa mga albularyo natin na nakapako sa mga tradisyonal na paraan ng panggagamot.
PUROK 7 (Carlo Obispo) Ito ang unang competition film ko para sa taong ito at hindi ako masyadong masaya. Malapit sa akin ang milieu dahil lumaki rin naman ako sa probinsya at may mga kaklase akong umuuwi pa sa kani-kanilang baryo (tawag namin dito sa Quezon ay “linang”) mula sa sentro. Nag-umpisa ang pelikula sa isang serye ng mga palaro sa isang rural area sa norte. Maganda sana ang introduksyon dahil nakuha nito sa camera ang katapatan ng emosyon ng mga naninirahan doon. Para sa akin, hindi ito madaling maabot lalo na’t isa itong crowd scene. Mula rito ay sinundan ng audience ang buhay ng magkapatid na sina Diana (Krystle Valentino na isang revelation para sa unang pagganap sa pelikula) at Julian (Miggs Cuaderno) na parehong inabandona ng kanilang ina na nasa death row sa China for drug trafficking samantalang ang ama ay may bago nang asawa at nakatira sa ibang bahay. Siyempre, ang unang tanong ko, bakit sila hinahayaang mabuhay na wala man lang guardian? Wala ba silang ibang kamag-anak man lang? Sa pagitan ay ang nakabinbing paghanga ni Diana sa kababatang si Jeremy (Julian Trono). Dito rin sa mga eksenang ito nababasag ang mga drama sa buhay ng magkapatid. Base sa mga nagtitiliang grupo sa audience, mukhang epektibo ang segment tungkol kina Diana at Jeremy. Bagama’t stellar ang pagganap ng bidang babae, hindi ko naman masyadong maramdaman ang authenticity ng rural setting. Ang batang si Julian, halimbawa, ay maayos ang pronunciation ng “TV” subali’t hindi n’ya alam kung ano ang “burger”. Wala rin akong makitang character sa lugar. Parang kahit ilipat ang backdrop sa urban area, mukhang gagana pa rin ito. Natuwa lang ako na tinapos ang agony nang walang kaabog-abog, walang emotional breakdown at wala ang required na resolution. Ayoko na sanang sabihin at baka mahusgahan na isang sarcasm pero sobrang nagustuhan ko ang movie poster nito at 'yung dalawang dance number sa pelikula. Mahusay 'yung choreo at magaling na dancer si Julian Trono.
Matapos ang screening, nagkaroon ng maiksing Q&A segment. Medyo nakakadismaya lang ang karamihan sa mga tanong kamukha ng "Nasaan si Jeremy (Julian Trono)?" at "Kung hindi ikaw ang director ng pelikula, ano ang rating mo rito?" Isinalba na lang ng pinakahuling tanong tungkol sa stand ng director sa injustice sa mga Pinoy sa China.
THE PRIVILEGED MIGRANTS (Rica Arevalo) Comfort zone ang documentary na ito na nangumusta sa mga dating high school classmate sa St. Scho ng filmmaker. Lahat ng subject ay pawang mga migrants na sa iba’t ibang bahagi ng mundo (US, China, Thailand, Singapore at Canada). Hindi nga lang lahat sa kanila ay nasa estado na ng contentment. Gusto lang namang i-highlight na mas masarap pa ring tumira sa Pilipinas kahit na wala ang kaawalwanan. Alam na natin halos lahat ‘yan. Ang pinakagusto ko lang ay ‘yung kuhang kuha sa camera ang tiwala ng subject sa filmmaker dahil magkakaibigan sila. Mahirap minsan na manakaw ang mga ganoong level ng emotion.
No comments:
Post a Comment