Total Pageviews

Thursday, August 08, 2013

Huling Araw sa Cinemalaya 2013


Dalawang time slot na lang ang available sa huling araw ng festival dahil inihahanda na ang Main Theater para sa awards night. Wala na rin ang mga tindahan sa tabi at isinara na ang pinto palabas ng ramp. Marami pa rin namang tao para sa huling araw. Ngayon kasi ‘yung additional screening ng “Babagwa” at “Ekstra”. May mga humahabol at sumasabit pa.

 Isa sa mga maayos na awards night ang na-execute kinagabihan (hosted by Regina de Vera ng TP). Mabilis ang daloy at walang mga maling spiel o patay na sandali. Salamat sa production team na talagang mga taga-CCP at hindi hinugot mula kung saan. Hindi man nanalo ang mga inaasahan kong manalo (gumawa ng tally ang Pinoy Rebyu rito) pero wala naman akong masyadong napansin na hindi deserving o mahirap maintindihan kung bakit nanalo. Binuksan na rin para sa mga festival pass holder ang gitnang bahagi ng orchestra, partikular ang Row Q pataas. Nakakaaliw rin ang mga thank you speech kamukha ng “Ang lakas maka-Anne Hathaway ng award na ito!” na sinabi ni Joey Paras nang manalo s’ya bilang Best Supporting Actor para sa “Babagwa”. At talagang nag-quote s’ya ng thank you speech ni Anne Hathaway sa Oscars. Gusto ko rin ang pag-“shit” ng director ng short film na “Taya” nang makakuha ito ng Jury Prize (na ginawa na n’ya n’ung gala screening ng Shorts A). Pero siguro ang pinaka-sincere na speech eh galing sa batang si Marc Justin Alvarez (para sa special citation ng jury sa ensemble acting) nang magpasalamat s’ya sa Diyos dahil na-memorize n’ya ang mga linya.

Hindi ko na ililista ang mga nanalo dahil pihadong nakabalandra na ito sa net. May nakapansin na ang jury ngayon ang isa sa mga kapuri-puring jury sa history ng Cinemalaya. Sweep kung sweep. Walang tendency na mag-distribute ng award. Umabot pa sa point na marami silang ibinigay na special citation upang i-highlight ang mga napupusuan nila. Hindi rin sila nagbigay ng Best Actor award para sa Directors Showcase na hindi naman nakakagulat kahit na meron akong pinili.

Heto ang dalawang napanood ko sa huling araw:  

SHORTS B: KATAPUSANG LABOK (Aiess Alonso), ONANG (JE Tiglao), PUKPOK (Joaquin Pantaleon, Stephan Domingo at Imman Canicosa), SA WAKAS (Nica Santiago) at THE HOUSEBAND’S WIFE (Paolo O’Hara) Solid naman ang “Katapusang Labok”. Gusto ko ‘yung isang montage dito na nagpapakita ng contradiction sa mga bagay na sinasamba natin. Gusto ko rin ‘yung isang eksena na kamukha n’ung sa “The Crime of Father Amaro” na nagpapakain ng sagradong bagay sa alagang hayop. At higit sa lahat, ang life goes on na epekto sa akin ng short film. Napa-wow ako sa visual ng “Onang”. Kita pa rin ‘yung kakayanan ng filmmaker na ma-optimize ang materyal sa paggamit ng golden hour. Kumbaga, kung mata lang ang puhunan ng isang direktor, ito na siguro ‘yung pinakalutang. May mga imahe rin sa dulo na disturbing. Napanood ko na ang “Pukpok” dati at endearing pa rin itong panoorin. Puwede na ang humor. May dalawang nag-uumpugang bato ang maaari mong maramdaman sa “Sa Wakas”. Una at pinaka-obvious, mao-offend ka dahil napaka-light ng tingin nito sa topic na abortion. Ikalawa, lulutang para sa ‘yo ang pagkahenyo ng ideya na mapagtagni ang horror at humor. Sa akin, mas na-offend ako dahil pakiramdam ko, nakaka-guilty na tumawa kahit na sobrang nakakatawa ang batuhan ng mga linya ng mag-amang karakter dito. Nasimplehan lang ako sa “The Houseband’s Wife” pero ‘yung kapayakan yata mismo ang nagbigay rito ng award para sa Best Screenplay at Best Short Film. Gumana lang paminsan-minsan dahil mahusay namang artista si Paolo O’Hara.  

NUWEBE (Joseph Laban) Questionable kung bakit naisipan pa ng direktor na gumawa ng full length equivalent ng kanyang award-winning na documentary sa Front Row (GMA7) na may pamagat na “Ang Pinakabata”. Conceit ba ito o comfort zone lang? Una, wala sigurong batang artista ang makakakuha ng emosyon ng isang batang nabuntis ng sariling ama sa murang edad. Ikalawa, ano ang maaaring matumbok ng pelikula, maliban sa pagkakaroon nito ng stellar cast kamukha nina Jake Cuenca at Nadine Samonte (na mahusay naman dito kumpara sa iba nilang nagawa na), na hindi pa naiitawid ng docu? Alam ko ang peg n’ung batang sobrang matalino para sa kanyang edad. Ganito rin kasi ‘yung subject sa docu. Sa katunayan, ‘yung ilang linya ng bata sa pelikula ay nasambit din sa docu. At para palalain pa ang sadyang malala nang proyekto, isiningit pa sa pelikula ang estilong tila ini-interview ang mga tauhan upang magkaroon ng makatotohanang texture. Para sa akin, sana hindi na lang ito ginawa.

Nandito nga pala kumpletong set ng mga pictures.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...