Thursday, August 01, 2013

Ikaanim na Araw sa Cinemalaya 2013


Mas mabagal naman ang nasakyan kong taxi ngayon. Chill lang si manong kahit na 45 minutes lang ang allowance ko para makaabot sa CCP. Ngayon na ‘yung araw sa buong linggo na nagtatanong na ang mga tao ng mga best na para sa akin, so far, ay mahirap pakiramdaman. Hindi kamukha n’ung isang taon na marami akong nagustuhan at sigurado ako sa kung ano ang paborito ko. Inulit ko ang “Ang Nawawala” dahil wala na rin ako halos maisingit. Nagkaroon ito ng delay ang screening dahil sa tatlong oras na running time ng “Aguila” ni Eddie Romero.

Heto ang mga napanood ko sa araw na ‘to:  

DEBOSYON (Alvin Yapan) Noong bata ako, lumaki ako sa paniniwala na ang Kabikulan ay punung puno ng mga engkanto. Sa bawat pagpasok daw sa bayan ay kailangang sumambit ng “Tabi-tabi po” upang hindi magkasakit. May isang beach daw, halimbawa, sa may Daet na taun-taon ay pinag-aalayan ng buhay. Na-romanticize ng pelikula ang childhood fear na ito. Sa mga nagawa ni Alvin Yapan, ang “Ang Panggagahasa kay Fe” na siguro ang pinakamalapit na companion piece sa obrang ito. Doon ay tinalakay ang kapre bilang isang lalaki na nagbibigay ng proteksyon, kamukha ng knight in shining armor, sa babaeng mortal na binubugbog ng asawa. Dito naman ay baliktad. Ipinakita ang diwata bilang babaeng niluluhuran at inaalayan ng paghanga at pananampalataya, kamukha ng birhen ng Peñafrancia sa Naga. Kumpara sa mga naunang script ng writer/director, mas minimal ito pagdating sa speaking lines. Hinayaang i-explore ang materyal sa pamamagitan ng visual. Ang paulit-ulit na pagpapakita ng bulkang Mayon, halimbawa, ay isang pagbibigay ng emphasis na lumampas na tayo sa epiko, na ang demigod na si Oryol ay nilipasan na ng panahon ng kanyang asawang si Handyong o maging ng apo na si Makusog na ama naman ni Daragang Magayon (salamat sa “Ibalong, the Musical” ng Tanghalang Pilipino). Gustong ipakita na hanggang sa kasalukuyan ay nakikibaka pa rin ito sa pakikipag-ugnayan sa mga mortal kahit na nagkaroon na ang tao ng sariling sinasamba (relihiyon o kung ano pa man). Sa isang frame ay ipinakitang sumabog ang bulkan na tila nasa kontrol ni Oryol at hindi ng kung ano pa mang higher being. Kung tutuusin, s'ya ang manifestation ng pagiging deboto dahil sa walang katapusang paniniwala n'ya sa mga tao.

ANG NAWAWALA (Marie Jamora) Pangatlong ulit ko na ‘to at naapektuhan pa rin ako. ‘Yung isang eksena pa lang na sumalang ang “Minsan” ng Eraserheads, nakuha na naman ako. Inulit ko lang ‘to dahil sa dalawang aktor na sana ay may pelikula ngayon sa Cinemalaya: Alchris Galura (sa “Instant Mommy” sana) at JM de Guzman (sa “Sana Dati” sana).  

BRUTAL (Marilou Diaz-Abaya) Lutang na lutang sa materyal na ito ang pagka-at ease ni Ricky Lee, bilang manunulat, sa mga subject na tumatalakay sa mga kababaihan. Ewan ko, pero basta sa mga ganitong aspeto, parang ramdam na ramdam ko ang koneksyon n’ya sa mga babaeng nangingibabaw (Charo Santos bilang Clara), nangingilalim (Amy Austria bilang Monica) at ang nasa gitna (Gina Alajar bilang Cynthia). Hindi ko pa masyadong makita kung ano ang distinct na Marilou Diaz-Abaya rito bilang direktor maliban sa tema na tinatalakay (“Ikalabing-Isang Utos: Mahalin mo ang Asawa Mo”, “Milagros”, at iba pa). Kung meron man akong higit na hindi makakalimutan, ito siguro ‘yung presence ni Jay Ilagan bilang asawang mapang-abuso.

INSTANT MOMMY (Manolo Abaya) Base sa reaction ng mga nanood sa Main Theater kagabi, epektibo ang pelikula sa pagbuo ng build-up sa karakter ni Eugene Domingo (na hindi ako magugulat kung makakasungkit na naman ng Best Actress award sa festival) bilang isang wardrobe assistant na si Bechay na nagpanggap na buntis para sa kanyang nobyong Hapon (Yuki Matsuzaki). ‘Yun nga lang, hindi masyadong bumenta ang isang parte ng script na kailangang gumamit ng dream sequence. Hindi ito nakadagdag sa kabuohang integrity upang tuluyang ma-appreciate ang pelikula. Maliban d’yan, epektibo naman ito sa pagtawid ng isang comedy na hindi kailanman nahulog sa patibong na maging slapstick o mababaw. Ganito sana ang template ng mga pelikulang kinagigiliwan ng mas malaking audience.

No comments:

Post a Comment