Friday, August 02, 2013

Ikapitong Araw sa Cinemalaya 2013


Kapag Huwebes na, kadalasan na medyo nakakalungkot na dahil matatapos na ang isang linggong bakasyon ko. Pero ayos na rin dahil andami ko namang nakakausap na bihirang bihira kong makausap. At so far, sa mundo ng Cinemalaya, wala pang nagtatanong kung kelan ako mag-aasawa. Usually, “Anong best film mo?” lang na medyo nahihirapan akong sagutin. Marami akong nagustuhan pero wala pa akong “Diablo” ngayong taon. O, siguro, nami-miss ko ang line-up n’ung isang taon na parang hindi magkapili dahil maraming kuminang at nagdala sa alapaap. Inilabas na rin ang pinakamabenta sa box office, “Babagwa” para sa New Breed at “Ekstra” para sa Directors Showcase. Magkakaroon ng additional screening sa Linggo sa Little Theater (12:45pm at 3:30pm respectively).

Heto ang mga napanood ko sa araw ng Huwebes:  

BOTONG FRANCISCO: A NATION IMAGINED (Peque Gallaga) Walang masyadong mapipiga sa docu na ito dahil unang una, gagamitin itong parang video installation sa Ayala Museum para i-compliment ang display ng mga ginawa ng National Artist na si Carlos “Botong” Francisco. Gusto ko ‘yung ideya na nabubuhay ang mga karakter sa painting upang magbigay suhestiyon sa inspirasyon nito (pero hindi ba’t ganito naman lahat ng mga painting?). Ang pinakamasayang bahagi na siguro ng panonood ay ‘yung Q&A portion kasama ang mga curator ng museum at sina Peque Gallaga, Lore Reyes at ang sumulat. Mas marami akong napulot sa kanila tungkol sa take nila sa mga subject ni Botong. Halimbawa, merong observation si Peque na ang mga lalaki raw sa painting ay masyadong buffed samantalang ang mga babae raw naman ay merong “beerhouse boobs”. Nasa ganitong linya sana ang inaasahan ko. Sabi nga mismo ng direktor, ang art daw ay kino-confront natin with irreverence upang lubos na maunawaan. Sa puntong ito, nadismaya ako na hindi natalakay ang accuracy ng mga reimagining ni Botong sa kasaysayan ng Pilipinas. Ang natatandaan ko, ang “First Philippine Mass” n’ya (yata) na nasa National Museum ay merong historical lapses. ‘Yun nga lang, malinaw naman sa daloy ng docu na mula sa first person ang perspektibo at ayon na rin sa title na ang lahat ay mula sa interpretation ng artist kung paano nabuo ang bansa.  

OROS (Paul Sta. Ana) Compelling (paboritong salita kahapon ng mga Cinephiles members) pa rin para sa akin ang pelikulang ito mula n’ung isang taon. Siguro malaking factor talaga na napakahusay ni Kristoffer King (at Kristofer Martin na rin) dito. Medyo comparable ang vision (treatment ng material) sa “Quick Change” ngayon.  

PAGPUTI NG UWAK, PAG-ITIM NG TAGAK (Celso Ad Castillo) Malakas ang deconstruction ng “Romeo and Juliet” sa obra na ito. Maraming reference (pinaka-given na siguro na ang pangalan ni Vilma Santos dito ay Julie) sa tragedy ni Shakespeare. Dito ko nakita si Celso Ad in a different light. Nage-gets ko ang poesiya ng mga nature shots n’ya sa ibang pelikula pero rito, klarong klaro ang pagkahilig n’ya sa literary classic. Pinakagusto kong shot eh ‘yung terrace scene na malakas maka-tribute. Wala kasi akong katiting na abiso tungkol sa pedigree ng pelikula at masayang naglalaro sa isip ko ang mga reference hanggang sa sumabog ito sa dulo na nagbigay konklusyon sa mga hinagap. Maraming eksena na may kilometric line si Vilma rito. Napaalala rin sa akin ang era kung saan ang sukatan ng isang pagiging aktres ay nasa haba ng mga linya na kayang mamemorya. Pinagsamang sensuality at controlled acting ang pinamalas n’ya. Maigting din ang chemistry nila ni Bembol Roco rito.  

MALAN (Benji Garcia) Tungkol sa star-crossed lovers din ang pelikulang ito na idinirehe ng direktor (credited na s’ya ngayon bilang “B. Garcia Chicote) ng “Batad” noong 2006 (kung saan nanalo si Alchris Galura bilang Best Actor sa ikalawang Cinemalaya). Ang “Romeo” rito ay si Anton (Glen Antaran) na isang aktibista na nagpapalamig bilang trabahador ng tiyuhin sa Matin-ao (isang lugar sa Polomolok sa South Cotabato). Ang “Juliet” naman ay si Malan (Martha Nikko Comia) na isang katutubong B’laan na nakatakda nang ikasal. Nakuha ko naman ang unang punto tungkol sa pag-ibig na walang pader. Gets ko rin ‘yung naghuhumindig na stand nito sa politics n’ung dekada ’60 at ’70, pati na rin ang mahabang panahon bilang sukatan ng kadalisayan ng pag-ibig. Siguro ay masyado lang ambitious doon sa pagkukuwento, hanggang sa lumago na ito at mahirap nang iula. Sa katunayan, ang mga pinakagusto kong konsepto rito ay ‘yung nag-aanyaya sa mga manonood na maging bahagi ng isang komunidad ng mga B’laan. ‘Yung eksena sa kanilang korte, halimbawa, ay isang interesanteng bahagi at magandang palawigin pa.Refereshing din ang musical score ni Popong Landero rito. Ito siguro ang saving grace para sa akin ng pelikula.

No comments:

Post a Comment