Total Pageviews

Saturday, August 03, 2013

Ikawalong Araw sa Cinemalaya 2013


Huling weekend na ngayon kaya dagsa na ang tao sa CCP. May mga balitang bumaha rin sa ilang kalye sa may Dapitan. Hanggang tuhod daw. Nag-closing film na rin ng 9pm ang “Burgos” ni Joel Lamangan pero hindi ko na pinanood dahil ipapalabas din naman ito sa mga sinehan. Naaliw lang ako na ito ang may pinakamaraming merchandise na ibinebenta ("Burgos" mugs, fans, keychain, payong at iba pa). Hindi ko masyadong maapuhap ang irony sa pagitan ng komersyalismo at sa tema ng pelikula tungkol sa mga desaparecidos pero gan'un naman ang buhay minsan. Sa ganitong point din ng festival, halos napanood ko na rin lahat ng mga kalahok pero sa totoo lang, nahihirapan pa rin akong makakita ng “Diablo” ko. Iisa lang naman ang sigaw ng konsensya sa araw na ito: “May pasok na sa Lunes.”

Heto ang mga napanood ko:  

PORNO (Adolf Alix) Nag-tweet ako na ang pinakamagandang bahagi ng pelikula ay ang penetrating cinematography nito ni Albert Banzon. Pero seryoso naman ako r’un. Ang ganda ng rehistro ng ilaw na nakapag-compliment sa acid trip ng pelikula. Very distinct, kung hindi man sobrang kopya kung meron mang pinaggayahan. Para sa akin, nagkaroon ito ng sariling punk at nainlab ako rito. Totoo rin naman na given na ito kung ilalatag ang filmography ng cinematographer (“Kalayaan”, “Happyland”, “Ang Mundo sa Panahon ng Bato” at iba pa) pero ito ‘yung sa tingin ko ay mahirap makalimutan. High art ang final product ng pelikulang ito na isinulat ni Ralston Jover (“Bakal Boys” bilang writer/director, “Kubrador” bilang writer at iba pa). Gustong ipakita ‘yung proseso kung paano nakakarating sa mga bahay-bahay ang mga “dibidi” (o online video) na porno (na mas patok sa tawag na “scandal”). Mula sa ganitong devise ay ‘pinakita naman ang tatlong episodic na kuwento ng mga karakter na sa isa o maraming paraan ay apektado ng tinatalakay na subject. Nagdagdag ng pahapyaw na magic realism (na ang reference ng karamihan sa mga nakasalumuha ko sa CCP ay ang pelikulang “Post Tenebras Lux” ni Carlos Reygadas). Ang punto siguro ay ‘yung fascination natin sa voyeurism bilang isang bagay na supernatural din ang ugat at mahirap bigyan ng paliwanag. Puwede rin namang ang take ay may mga bagay na nagko-co-exist sa mundo kasabay ng tao. Nakikita nila tayo pero hindi natin sila nakikita. Mahusay ang cast. Kahit si Yul Servo eh magandang makita na gumagawa ng pelikulang ganito ang tema kahit na isa na s'yang konsehal sa Maynila. Maging si Angel Aquino bilang tranny ay nakatawid naman kahit na may ilang reservation ako sa kanyang body language. Sa lahat, si Carlo Aqiuno ang pinakalumutang sa akin. Sustained ang kanyang vision sa kung paano aatakehin ang karakter. 

THE DIPLOMAT HOTEL (Christopher Ad Castillo) Totoo pala ang mga sabi-sabi na disappointing (mula sa salitang “pangit” hanggang “iwasan ito”) ang pelikula. Gets ko naman ang konsepto, mga karakter na pumunta sa isang haunted na lugar upang i-document ang mga kababalaghan ng mga ispirito roon pero sariling ispirito nila mismo ang kanilang nakaharap. Ganito ‘yung tinumbok ng pelikulang “Contact” ni Robert Zemeckis na natalakay rin ng “Mangatyanan” ni Jerrold Tarog. Hindi ako filmmaker pero may impression ako na parang bulag ang direktor sa kung ano ang suwabeng pag-arte. Paliko-liko ang mga artista rito (mula kay Gretchen Baretto hanggang kay Art Acuña) na parang walang pupuntahan (kung deliberate ito, balitaan n’yo ako). Medyo gumana nang konti ‘yung pagka-“Blairwitch Project” sa mga madidilim na eksena pero hindi naman na-utilize nang buo. Kung ang ambisyon ng pelikula ay upang magpatili, masasabi ko namang naging successful ito base sa mga nanood kahapon sa Main Theater. Pero sa loob-loob ko, tumitili rin ako ng sama ng loob. Wala akong nagawa kung hindi pumunta sa Harbour Square at sinubukang mag-abang ng sunset.  

ANG PIRATA (Jon Red) Sa kamalas-malasang araw, nakatabi ko pa si Arman Reyes sa panonood ng pelikulang ito. Isa kasi sa listahan ko sa mapayapang panonood ng Cinemalaya ay iwasan s’ya dahil maingay sa maraming bagay. Minsan, inuubo at madalas, meron s’yang side comment sa mga eksena na pinangungunahan ng katagang “Putang ina”. Bago matapos ang pelikula, sa huling eksena nito, nag-comment s’ya ng “Mga baliw ang gumawa!” At sumasang-ayon ako sa kanya. At hindi ito masamang bagay. Ito naman talaga dapat ang essence ng so-called “indie filmmaking” (na tahasang binaliktad ni Jon Red sa kanyang introduksyon na “Welcome to the Amateur Night!”), na walang kumpromiso at halos tumatawid nang konti sa pagiging masturbatory. Siyanga pala, tungkol sa gangster ang pelikula.

THE SEARCH FOR WENG-WENG (Andrew Leavold) Malakas ang koneksyon sa akin ng docu dahil lumaki ako na nanonood ng mga pelikula ni Weng-Weng sa mga sinehan sa Lopez sa Quezon. Tandang tanda ko pa ‘yung eksena na tumalon s’ya sa building (na akala ko n’ung una ay gamit ang kumot pero isang malaking payong pala ayon sa mga clips) at alam kong sa Felrose 1 ko ito napanood na katabi ng Ilog Talolong. Marami akong napulot. Una, kokonti pala ang nagawa n’yang pelikula pero ang lakas ng kapit n’ya sa stardom (at least mula sa aking kamuwangan noon). Ikalawa, Virgo rin pala si Weng-Weng (September 7 s’ya ipinanganak). Ikatlo, na alam na rin nating lahat, walang espasyo ang Pinoy film industry sa mga napaglipasan na ng panahon. Sobrang bagsak talaga ang sense of history natin kahit sa showbiz. Kung kaya’t tama ang teoriya na habang sikat ka sa pag-aartista, umpisahan nang mag-ipon. Ikaapat, wala namang ipinagkaiba ang fascination ng dokumentarista sa kanyang “Sto. Niño” sa pagkapanatiko ng iba sa atin (Noranian, Vilmanian, Kapamilya, Kapuso, Kapatid at maging ang mga football fan sa South America o ng mga sagrado Katoliko in general). Ang kanyang walang kamatayang paghahanap, kahit na hindi naman s’ya talaga sagana sa pera base sa interval ng kanyang mga trip papuntang Pilipinas, ay isang katibayan ng tagos na debosyon.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...