Total Pageviews

Friday, November 29, 2013

Mga Batang Namatanda

Games People Play
Produksyon: Bahagi ng Karnabal: A Def. Defying Festival ng Sipat Lawin Ensemble
Direksyon: Ed Lacson, Jr.
Mandudula: Glenn Sevilla Mas
Mga Nagsiganap: Dorothea Maria Yrastorza, Kalil Almonte at Abner Delina, Jr.

Sa papel, ang materyal ay tungkol sa tatlong magkakaibigang bata, mga larong kanilang nilalaro mula pagkabata hanggang sa pagtanda (mula 11 years old hanggang 28 years old), mga tao sa kanilang paligid (partikular ang kanilang mga magulang) at kung paano nabuo ang kanilang pagkatao. Tatlong complex na karakter na may complex na back story na isinasabuhay ng tatlong aktor. Kung tutuusin, parang napaka-challenging nitong idirek dahil kinakailangan ng masusing pagsiyasat sa bawat eksena at sa hinihinging beat nito upang makarating sa isang madilim na coming of age tale. At hindi naman nagkulang ang direktor dito na sinubukang “hamunin” ang Palanca-winning na teksto ni Glenn Sevilla Mas.

Sa pagpasok ng performance space sa third floor ng NCCA Building sa Intramuros (unang naipalabas ang dula sa Teatro Hermogenes Ylagan sa UP bilang thesis play), merong isang “ATM” na yari sa karton. Iginiya kami ng isang usher na kailangan daw naming mag-withdraw ng “pera” mula rito gamit ang “ATM card” na gawa rin sa karton. Mula sa makina ay lumuwa ang papel na galing sa “Bank of Imagination”. Ito ay bilang pag-simulate sa laro na s’yang tema ng dula. Pagpasok sa isang hindi kalakihang silid, mapupuna na halos hubad lang ang stage. Hinati ito sa tatlong partition na rumerepresenta sa tatlong tauhan na sina Luna (Dorothea Maria Yrastorza) sa kaliwa, Diego (Kalil Almonte) sa gitna at Julio (Abner Delina, Jr.) sa kanan. Sa likod ni Luna ay isang maliit na simbahan. Isang gubat naman ang nasa likod ni Diego at isang palasyo sa likod ni Julio. Lahat ng structure ay gawa sa karton (na idinisenyo ni Ed Lacson, Jr. mismo), kabilang na ang mga kahon na bumabalot sa footlights at sa iniilawang ID sa ulunan ng mga aktor.      

Noong una, hindi ko halos nakuha kung ano’ng relevance n’ung mga title cards na manual na ipinapakita ng mga karakter. Sa umpisa rin ay meron silang tig-iisang monologo tungkol sa tila deconstruction ng fairy tale na sumasalamin sa avatar ng kanilang kinahantungan. Naging malinaw na lang lahat makalipas ang una at ikalawang eksena na magkakasama ang mga karakter bilang magkababata sa isang probinsya sa Pilipinas. Sa nakasanayang Filipino English ang kanilang accent (hindi American o British) at hindi properly articulated ang bawat bagsak ng salita. Para silang nagsasalita sa punto at bigkas na Tagalog (o sa regional language) pero English. Nakadagdag ito ng pagkakaroon ng sariling timpla ang dula na distinct sa ibang produksyon sa local theater scene. Ilan lang ‘yan sa mga mahusay na desisyon ng direktor upang maitawid nang matining ang isang obra na may impresyon akong hindi madaling isadula.

Mapapansin din ang transition ng tatlong aktor bilang iba pang mga karakter na bubuo sa back story ng tatlong bida. At hindi ito simpleng back story. Kung tutuusin, madilim ang bawat yugto nito na pinaigting ng haunting na score ni Teresa Barrozo at ang pagpatay-sindi ng mga pangalan ng mga karakter sa kanilang ulunan. Bagama’t hindi siguro sinasadya, may kakaibang kilabot sa tuwing namamatayan sila ng ilaw. Parang merong undertone ito ng kawalan ng pag-asa. Kung tutuusin, ang mga structure sa likuran ay sumisimbolo sa kani-kaniyang kulungan. Si Luna, halimbawa, ay lumaki kapiling ang amang lasenggo (si Kalil Almonte rin) at inang sagrado Katoliko (Abner Delina, Jr.). Ang kanyang sekswalidad ay nababalot ng hypocrisy ng simbahan. Si Diego naman ay kapiling ang ina (si Abner Delina, Jr. ulit) na walang ginawa kundi tumunghay sa bintana at maghintay sa ama na kailanman ay hindi na babalik. Ang kanyang patuloy na “pangangaso” ay hatid ng presensya ng magulang na nariyan pero wala naman. Si Julio ay lumaki sa supresyon ng ina (Dorothea Maria Yrastorza) at mga kapatid na babae (parehong si Kalil Almonte) upang mabuhay na ayon sa inaasahan ng iba at hindi ng sarili. Ang palasyo sa kanyang likod ay isang pader upang tuluyan s’yang maging malaya.

Ang resolusyon ay tila isang unscripted na bahagi ng dula kung saan ipinakita ang kinahinatnan ng mga laro na nilalaro ng mga tao makalipas ang maraming taon. Maaaring may mga laro sila na hindi pa game over o meron ding ilan na nilalaro nang walang pagkasawa. Kung sa dulo ay nagmukhang talunan ang tatlong karakter, hindi talaga ito kasalanan ng kani-kanilang game plan. Ang totoong madaya ay ang mga tao sa paligid nila na patuloy na naglalaro nang marumi sa labas ng panuntunan, parang mga patotot sa patintero na lumalampas sa linya o tagabantay ng nakatali palang lata sa tumbang preso. Naipinta sa kapalaran ng tatlong dating bata kung ano ang bagong kahulugan ng namatanda.

Monday, November 25, 2013

Insenso

Maxie, the Musicale
Produksyon: Bit by Bit Company
Direksyon: Dexter Santos
Libretto: Nicolas Pichay (halaw mula sa dulang pampelikula ni Michiko Yamamoto na “Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros” na idinirehe ni Auraeus Solito)
Musika: William Elvin Manzano, JJ Pimpinio at Janine Santos
Mga Nagsiganap: Jayvhot Galang, Jojo Riguerra, Al Gatmaitan, Jay Gonzaga, Nazer Salcedo, Aaron Ching, atbp.

Sa isang eksena sa bahay, inilagay ni Maxie (Jayvhot Galang) ang namantsahang damit ng kanyang kuya na si Boy (Al Gatmaitan) sa isang malaking lata at sinindihan ito. Makikita ang usok na nagmumula sa lata na marahang binuhat ni Maxie. Bumaba s’ya ng hagdan bitbit pa rin ang umuusok na lata at lumabas ng bahay, papunta sa isang kapitbahayan na tila malapit nang gumuho (salamat sa take sa urban poor ng stage designer na si Gino Gonzales). Ang imahe ay parang isang mongha na nagwawasiwas ng insenso upang sumalangit ang mga tao sa paligid, mabawasan ang pagkarupok ng mga haligi ng bahay, maselyuhan ang lamat ng kristal at mapalaya ang moralidad sa pagkakatali.

Marami pa sanang maaaring mabanggit na magandang eksena sa musical pero uunahin ko na na ang pinakamahalaga sa lahat ay ‘yung kumpiyansa na na-translate nang buo ang lahat ng components ng pelikula. Tungkol ito sa isang batang bakla na sigurado na sa kanyang sexuality bago pa man dumating ang kanyang first love sa katauhan ng isang matinong pulis na si Victor (Jojo Riguerra). Malinaw na sa kabi-kabilang katiwalian sa lugar (mga isnatser, pokpok, patayaan ng ending, mga batang hindi pumapasok sa school at iba pa), sa isang taong busilak sa serbisyo pa na-inlab si Maxie. Maliban sa adventure ng unang pag-ibig, ang pelikula at dula ay tumalakay rin sa kabutihan ng loob ng isang bata at kung paano ito nag-morph upang maging isang sindi ng pagbabago. Kung tutuusin, ganito rin ang tema ng Magnifico na si Michiko Yamamoto rin ang sumulat ng script. Marami talagang mahahalukay na pag-asa mula sa kawalan ng muwang ng isang bata.

Kung meron man akong hindi nagustuhan sa adaptation, ‘yun siguro ‘yung pagkaka-articulate ng emotional POV ng pulis na si Victor. Sa dula, binigyan ang audience ng hint bilang isa s’yang “ka-loveteam” ni Maxie. Sa pelikula, one-sided lang lahat. Nakikiramdam at nakikibaka ang viewer mula sa perspektibo ni Maxie at malinaw roon na naaaliw lang ang pulis sa kanyang bagong kaibigan. Sa awit na Kaybilis ng Pangyayari, halimbawa, unang beses pa lang halos ng bonding nina Maxie at Victor pero nagsasalo na sila sa isang duet. Meron itong mga linya na “Sa ingay ng lungsod, yakap mo ngayon ang puso kong mamon” na parang hindi masyadong angkop na kantahin din ni Victor. Bumawi nga lang sa isang number (“Pelikula”) na parang isang tribute sa source ng dula at biglang pag-magnify na rin sa hilig ni Maxie sa panonood ng DVD. Para akong napako sa pagkakaupo dahil ipinakita rito ang isang montage ng mga eksenang tila hinugot mula sa imagination ng isang taong mahilig sa pelikula. Nagsilbi rin itong palusot upang matanggap na ang emotional POV ni Victor ay maaaring nasa kukote lang ng bidang si Maxie.

Mula sa challenge na isang adaptation ang musical, lumipad pa ito upang maabot ang expected na audience sa PETA Theater. Radio-friendly ang mga awit na tumugma sa mga pitik ng lyrics ni Nicolas Pitchay at paminsan-minsan ay dumadapo sa chord ng mga OPM hits kamukha ng Boy (Cherie Gil), Katawan (Hagibis) at Kapag Tumibok ang Puso (Donna Cruz). At nakakaaliw ‘yung eksena na sumulpot ang isa sa mga composer na si William Elvin Manzano bilang lasenggo at tinawanan lang ang audience. Ang maliit na beauty contest scene sa pelikula ay pinayabong din dito (na sabi nga ng isang kabarkada ni Maxie, “nang bonggang bongga”). Ang produkto ay isang buong pageant na may production number, evening gown at swimsuit competition, talent portion at Q&A segment. Dito na nahulas sa kakatawa ang audience bago pa sumapit sa mabibigat na bahagi ng dula.

Revelation si Jayvhot Galang dito. Tumbling ang lahat sa kanyang solo na Lalagnatin Ako na pinaghalong Adele at Beyonce ang kanyang atake. Hindi ko lang gusto kapag nagfa-falsetto s’ya dahil hindi ito masyadong magandang pakinggan. Naisip ko na lang na baka character singing ito, na baka merong tinutumbok bilang batang bading ang bida. Mahusay rin ang mga kabarkada ni Maxie at sa mga number nila pinakana-compliment ang choreography ni Dexter Santos. Na-pull off din ni Al Gatmaitan ang hinihinging guilt ng character at nakatulong ang kanyang pagiging isang competent na singer at aktor.

Nag-enjoy ako sa buong experience. Lumabas ako ng theater nang nakangiti at hindi masyadong inalintana ang pagpatak ng ambon. Hindi ito ‘yung mga Dexter Santos musical (o straight play) na nakasanayan ko sa DUP. Nagpakita s’ya ng gilas na kaya n’ya palang makagawa ng isang produksyon na mas nakakaangat ang teksto (libretto, lyrics, naratibo) kesa sa comfort zone n’ya na makapagkuwento sa pamamagitan ng galaw. Isang example ang produksyon na nagkasabay-sabay ang tamang stage design, tamang music at libretto, tamang pag-arte, tamang choreography at direction, at tamang pagkakakuwento mula sa isang materyal na dati nang naikuwento. Sa ganitong constellation naging isang ganap na dalaga si Maximo Oliveros.

Sunday, November 24, 2013

Keukenhof Reduxe


Last May this year, I paid a visit to Keukenhof with no particular reason other than taking pictures for the Instagram era. When I first saw the fields of tulips in the said park back in 2006, it was more of curiosity. I thought then that once I saw it, that's pretty much it. The said flower garden only opens during springtime which is interesting to note. It has that exclusivity that makes the experience so unique every year. Maybe that pushed me a bit to have a second look. Anyway, I was accompanied by a colleague on our way to Keukenhof. I remember taking a train first to Amsterdam - Schiphol then another bus (Bus 858) that goes straight to the entrance of the park. We got our tickets through online (www.keukenhof.nl) and that saved us some time as opposed to queuing. At this point, let me finish the rest of the story with flowers (complete set of pictures here):

Friday, November 22, 2013

Ilang mga Pretensyosong Bagay na Napulot ko sa Bagyong Yolanda


1. Lahat ng best lessons in life ay galing sa totoong experience. Ngayon, alam na natin kung ano ang storm surge. Meron na tayong experience kung gaano ito kadelikado. Noong late 90’s, pinakilala sa atin ang Super Typhoon at natuto na rin tayo partly kung ano ito;

2. Lahat ng nasasalanta ay tinutulungan. Hindi lang sana dahil na-magnify ‘yung destruction (to a point na pati ang Empire State Building ay meron pang Philippine colors ang ilaw o dahil tumutulong si Justin Bieber). Kumbaga, sana tumutulong ang tao hindi dahil isang sensation ang pagtulong o volunterism kundi dahil ‘yun naman talaga ang hinihingi mula sa tao. Pero marami pang pagkasalanta sa bansa ha. Art scene. Pelikula. Theater. Edukasyon. Benepisyo ng ating mga sundalo at guro. Lahat ‘yan, dapat tinutulungan din na kasing passionate ng pagtulong sa binagyo;

3. P1.00 donasyon sa Red Cross > 1 million rants sa social media. Proven na ‘to. Sino ba ang nakakabasa sa Facebook o Twitter? Tayu-tayo lang din. And most of the time, alam na natin lahat ‘yan. Nakakatulili lang sa tenga, sabi nga. Ang lubos na nangangailangan ng “wisdom” mula sa ni-repost eh ‘yung mga taong nasa labas mismo ng bakuran ng social media. Lumabas ng bahay. Kausapin ang mga kapitbahay na nangangailangan. Turuan ang mga bata sa kalye ng mga dapat malaman. Magbuhat ng sako ng bigas sa DSWD. Wala rin namang masama sa pagiging opinionated maliban sa ginagawa mo lang ito upang magpaguwapo sa chicks na Facebook friend mo. Maganda nga ‘yun, proactive ka para sa bansa. Pero sana makatawid ng bakod ang satsat. O ‘yung abilidad mong magbigay ng opinyon ay nakakaabot sa mga taong kinakailangang maging proactive din kagaya mo. ‘Yun lang naman;

4. ‘Wag naman sanang gawing parang UAAP ang religion. Ang take dapat eh walang better religion in the same manner na walang diskriminasyon sa pagiging spiritual lalong lalo na sa panahon ng pagkasalanta. Pangit lang kasi n’ung kultura na palibhasa’t hindi gumuho ang isang simbahan ay nakopo na ang championship. O ‘yung mindset na dahil sa mas maraming porsyento ng nasalanta ay nabibilang sa isang relihiyon, weakest link na ito. Ano na lang ‘yung pagki-cringe natin kapag may napapanood tayo na pelikula tungkol sa mga Jew sa loob ng concentration camp? Hindi ba’t gan’un din ang emotional point? Pero malawak pa ‘yang isyu ng relihiyon ha. Kapamilya newscaster. CNN newscaster. Kapuso newscaster. Political party. Local government. Presidency; at

5. Hindi mo kailanman magiging bespren ang netizens. Kapag sinabi nilang (netizens) ‘wag kang mag-post ng selfie o mga pagkain o karangyaan, ‘wag kang maniwala. Hindi ka nila kilala at hindi mo sila kilala. Mas sundin mo ang mga totoong kaibigan at pamilya dahil kahit na mag-post ka na kumain ka sa Vikings, maiintindihan nila ang pinaghuhugutan mo without batting an eyelash. ‘Tsaka new age na ngayon. Lahat ay puwedeng maging tama o mali, depende sa bankability ng ideya para sa mga netizens. Gawin mo ang bagay na gusto mo hanggang umabot sa punto na gustuhin mo na ang makatulong.

Report Card mula sa Cinema One Originals 2013 – Day 06


Sa Trinoma ko tinapos ang festival sa pamamagitan ng isang guest film. Work day pero kayang kaya namang habulin ang 7:30pm screening (salamat sa MRT na huminto pa sa emergency lane ng Shaw Boulevard station dahil ayaw sumara ng Car # 4). Pero hindi ‘yan ang masyadong highlight n’ung experience. Bago kasi mag-umpisa, umupo sa kanan ko si Zanjoe Marudo (na tinawag ni Evelyn Vargas na Zanjoe Cerrudo), samantalang apat na upuan lang din ang layo ko sa kaliwa with De Rossi sisters. Sure, nakaka-starstruck. Ito yata ang unang beses kong manood ng sine na katabi ko mismo ang isang artista. Hindi ko alam kung gagamitin ko ba ‘yung arm n’ung upuan o ipagpaparaya ko lang. Ang masaya lang eh ‘yung merong side comments kamukha ng “D’yan, pagod na talaga kami d’yan!” at “Magaling ‘yang aktor na ‘yan kaso nakalimutan ko lang ang pangalan.” (referring kay Kristoffer King).

Anyway:  

DEATH MARCH (Adolf Alix) Ang iniisip ko bago ito mapanood ay parang isang koleksyon ng mga monologo mula sa mga bihag na sundalong nakibaka sa Death March sa Bataan. ‘Yan lang bale ang expectation ko at kung paano ito maita-translate sa film language. Pero iba pala ang tinahak ng pelikula (na isinulat ni Rody Vera at nanalo sa Palanca). Gusto pala nito na maramdaman din ng manonood ang pagod, gutom, uhaw at pagkabagot na libo-libong beses na naranasan ng mga sundalo. Ang production design na deliberate sa pagiging peke ay nakatulong sa vision ng direktor kung paano masa-simulate ang hirap. Nakagawa ito ng discomfort lalong lalo na roon sa mga hindi sanay sa mga ganitong aesthetic. Naalala ko ang Dogville ni Lars von Trier. Naalala ko rin kung paano n’ya na-derive ang desisyon na tanggalin ang isang filter (pekeng production design versus totoong location/set) sa klase ng pagkukwento. At nakakabilib ang mga ganitong klase ng experimentation. Sa dulo ng martsa ko na lang nalaman kung paano na-utilize nang buo ang discomfort. Base sa huling tatlong pelikulang ginawa ni Adolf, mukhang iba’t ibang scriptwriter ang kayang nais makatrabaho (Ralston Jover sa Porno at Lav Diaz sa Alamat ni China Doll). Hindi ko alam kung meron pa rin s’yang ini-explore kung naratibo lang ang pag-uusapan. Dito, gustung gusto ko ang surrealism sa pelikula partikular na ‘yung eksena na kausap ng isang sundalo (Sid Lucero) ang mga multo ng mga nauna nang casualty. Nakapagbigay ito ng insight kung totoong buhay ka pa ba o naglalakad lang na patay. Sa isang punto ay kailangang patunayan ng sundalo na buhay pa s’ya. Kung ang 2013 ay taon ng ensemble acting (Transit, Iskalawags), ang star studded na cast (Sam Milby, Jason Abalos, Felix Roco, Carlo Aquino, Jacky Woo, Luis Alandy, Jun-Jun Quintana at iba pa) ay kasali dapat sa listahan.

Monday, November 18, 2013

Report Card mula sa Cinema One Originals 2013 – Day 05


Chill na lang ang ikalawa sa huling araw ko sa festival (Linggo, November 17). Dalawa na lang kasi ang kulang ko mula sa listahan ng mga kasali. Wala na namang masyadong kaganapan maliban sa mangilan-ngilang Q&A at ang mahabang pila ng mga manonood ng Shift.

Ilang note:

WOMAN OF THE RUINS (Keith Sicat) Ang problema ko sa pelikula ay hindi ako makakonek sa kanya. Parang ang layo nito sa akin at wala akong makapitan. Noong una nga ay hindi ko alam na post-apocalyptic pala ito (o ang sinabi ng director sa Q&A na alternate history dahil post-WWII daw ito). Maganda sana ‘yung konsepto ng isang maliit na community at kung paano mama-magnify ang isang bansa mula rito pero wala akong masyadong naramdaman na ganito. Buo naman ang naratibo rito at dahil nga alternate history, puwedeng maging generous sa mga eksenang magtataka ka kung bakit ginawa. Dahil sa pagka-distant nito, halos hindi ko napansin na mataas ang grado sa teknikal dito. Maganda ang kulay, malinis ang rehistro sa screen ng mga eksena, idyllic ang ginamit na ruins sa Corregidor at relatively well acted.

SHIFT (Siege Ledesma) Hindi ko masyadong nakitaan ng lalim ng Endo, ang mga undertone nito at pagbuo n’ung mga karakter, dahil masyadong iisa ang direksyon ng pelikula. Para s’yang video journal nang minsang makaramdam ng pag-ibig at mabigo. Napaka-authentic, sa totoo lang. Merong pinaghuhugutan. Maganda rin ‘yung peek sa BPO life though tingin ko, marami pang puwedeng ma-explore dito na mas thought provoking kesa sa pag-iimbestiga ng metrics. Naka-deliver naman si Yeng Constantino (bilang Estella) rito pero sa mga stare ni Felix Roco (bilang bading na si Trevor) ko nakita ‘yung emotional requirement n’ung karakter. Sayang lang at masyadong flat ang pagkakasulat sa kanya to a point na hindi mo maintindihan sa dulo kung ano nga ba talaga ang gusto n’ya. Kung meron man akong sobrang nagustuhan dito (kasama ng OST) eh ‘yung parang study s’ya sa isang (work) environment na people come and go, at kung paano ito makakaapekto sa pagbuo/pagkawala ng isang relationship

Sunday, November 17, 2013

Report Card mula sa Cinema One Originals 2013 – Day 04


Nakalima ulit ako kahapon (Sabado, November 16). Sa Glorietta pa rin. Weekend na kaya medyo nage-expect ako na mas marami ang makakapunta (at totoo naman ito sa karamihan sa mga pelikulang ipinalabas). Unang beses ko ring nakita ang festival pass na wala akong ideya kung paano dini-distribute. Hindi na rin kasi ako nag-effort na magtanong pa kung binibenta ‘yun, ipinakita lang ng isang peer.

At heto ang ilang harvest (officially, ito ‘yung paglampas ko sa kalahati ng mga entry sa festival):  

ISLANDS (Whammy Alcazaren) Ipinakita ng pelikula na ang melancholia, mula sa (literal na) pagsisiyasat ng filmmaker at crew, ay nagaganap sa nakaraan (pre-historic), kasalukuyan (dilemma ng mga magulang na haharapin ang pag-iisa) at hinaharap (isang astronaut sa kalawakan ang paulit-ulit sa kanyang routine). At inilatag ang isolation dito na madaling maabot: outstanding visuals, saktong putol ng mga sequence at competent cast (mula kina Irma Adlawan hanggang kay Benjamin Alves pati na rin ang maikling eksena ni Peque Gallaga). Hindi ito kailanman naging alienating at masturbatory. Ang huling chunk ay pumatungkol sa nabanggit sa tula na ang kalungkutan ay nasusustentuhan ng pag-ibig. Lumabas ang Assistant Director at hinarap ang cure sa pamamagitan ng isang mala-Before Sunrise na conversation kasama ang isang babaeng kaibigan na naghintay sa kanya na matapos ang shoot. Marami itong gustong sabihin. Ang pelikula na isinisilang ay extension ng puso, isip at kaluluwa ng sinumang filmmaker o crew nito. Ang mga argumentong inilatag sa fictional film ay saloobin ng mga gumawa nito. At mula rito ay sumasalok tayo ng pansariling laban kung paano ito mapapagtakpan at tuluyang magamot sa labas ng pelikula papasok sa loob ng buhay.  

ISKALAWAGS (Keith Deligero) Mukhang ito ang bubuo sa circle ng mga kasali sa festival na tumo-throwback. Hindi ko alam kung dapat akong matuwa na halos lahat ng era na gustong balikan ng mga kalahok ay may tama sa akin. Sa lahat, dito sa pelikulang ito pinakana-evoke nang buo ang pakiramdam na maging batang muli. Binuhay nito ang kaligayahan na makapaglaro sa kalye, magtampisaw sa dagat (sa kaso ko, ang maligo sa ulan) at bumuo ng alliance kasama ang mga kalaro na kapitbahay. Ito ay sa panahon na wala pang text at internet at halos paparating pa lang ang bugso ng mga video games. Libangan ko rin noon ang manood ng betamax sa bahay o sa kapitbahay na may bayad (pero masaya naman dahil kasama mong manood ang iba). Gusto ko rin ang maraming eksena na gumagamit ang mga bata rito (lahat non-actors at para sa akin ay ang ensemble nila ang pinakamahusay gumanap sa lahat ng napanood ko so far) ng flashlight upang makapaglaro sa gabi. Halos ayokong matapos ang pelikula. Ayokong umabot sa dulo na siguradong magpapabago sa kanilang samahan, maging ito man ay isang maayos na paghihiwalay o isang malungkot na pangyayari. Kamukha ito ng pagsakay sa train ng mga bata sa pelikulang Innocence ni Lucille Hadzihalilovic. At hindi ito maiiwasan. Nang makasaksi ang mga bata ng isang pangyayari, na halos tumatawid na sa pagitan ng reyalidad at totoong buhay (salamat sa nakaisip ng pag-cast kay Jeric Raval), tuluyan nang nagbago ang lahat. Wala na itong balikan. Umpisa na ito ng kakaibang phase, ng bagong biyahe. Hindi man kasing carefree kamukha ng kamusmusan, ang maturity naman ang magbubunsod upang mahinog ang pagkatao at magpahalaga sa pagbalik sa nakaraan na walang ibang pinoproblema kundi makapaglaro.  

ANGUSTIA (Kristian Kordero) Ang pinakaproblema ko sa pelikula ay ‘yung script considering na character study ito ng isang pari sa turn of the century (na na-pull off ng production design) sa bansa. Wala akong kaso sa materyal. Wala akong isyu kahit sukdulan sa pagiging irreverent nito lalo na sa simbahang Katoliko. Paminsan-minsan ay healthy namang maging matalas ang kuro upang masuri natin ang ating sarili sa klase ng relihiyon na ating kinabibilangan (assuming siyempre na Katoliko rin ang direktor). ‘Yung eksena na ninakaw ang ostiya at ipinakain sa alagang manok ay may kamukhang eksena sa El Crimen del Padre Amaro (Carlos Carrera) kung saan isang matandang churchgoer ang nag-uwi ng “pagkain” para sa kanyang alagang pusa. Pero hindi ko masyadong maintindihan kung anong nais ipalabas sa karakter na kura na si Don Victorino Fernandez (Alex Medina na tingin ko ay merong struggle sa dialect na ginamit sa kuwento). Dito ay pinakita s’ya na banayad at inosenteng pari sa umpisa na ang tanging libangan ay detalyadong magpinta ng mga nakukuhang plant species sa gubat. Hindi ko alam pero ang pagiging pintor (o botanist, halimbawa) ay may disiplina na malayo sa hinagap na babaliktad ang karakter. Wala ring malinaw na transition. Dahil dito, hindi justified ‘yung isang chunk ng naratibo na tumalakay naman sa pagbisita ng konsensya. Siguro kung nalinis ang pagkakahabi ng mga ito, kahit na sobrang loud pa rin ang commentary sa religion, baka nagustuhan ko ang pelikula.  

ALAMAT NI CHINA DOLL (Adolf Alix) Hindi ko alam kung sinong filmmaker ang china-channel dito ni Adolf pero ang inaabangan ko ay kung ano ang kalalabasan ng isang pelikula na ang script ay isinaing ni Lav Diaz pero iba ang naglagay sa pinggan. Nabasa ko dati ang kanyang Reclusion Perpetua (na para sana kay Nora Aunor) at halos ganito rin ang pagkakalatag ng papapalit-palit at pabalik-balik na panahon (present, flashback, balik sa present, sa gitna). Pero tungkol ba saan ang pelikula? Hindi ko kasi kilala si China Doll (Angelica Panganiban). Wala akong nabalitaan sa dyaryo kung ano ang pedigree n’ya sa ilang high profile crime sa Pilipinas (maliban na lamang kung sobrang luma na ito at hindi ko naabutan o kung totoo s’ya at all). Hindi rin naman talagang tinalakay kung ano s’ya. Siguro ay may ilang pahapyaw na commentary sa mukha ng terorismo, na sa kaso ng pelikula ay isang makinis, maamo at magandang babae. Pero ang sumaklaw sa kalakhan ng running time ay ang rigodon ng mga tao sa likod ng witness protection program at media. Tinumbok din ang korupsyon sa likod nito na hindi na nakakarating pa sa kung ano ang mga nababasa at nakikita sa TV at dyaryo. Baka ito ang punto, na madalas ang mga walang access o koneksyon at mga mahihina ay napapaglamangan sa katotohanan. Maliban sa suhestiyon nito na mawalan ng tiwala sa mga may kapangyarihan, gusto ko rin na hindi ito masyadong nagpapaliwanag. Mataas ang sensibility n’ung materyal. At hindi ako magugulat na sa dulo ay maraming magtatanong kung ano talaga ang nangyari.  

KABISERA (Alfonso Torre III) Hindi maiikaila na isa itong love letter ng pamangkin na direktor sa kanyang uncle (akala ko dati ay mag-ama sila so kailangan kong itama) na napakahusay na aktor sa kanyang panahon. Litaw na litaw ang reference ni Vic Silayan (na para sa akin ay pinakamahusay na Pilipinong aktor sa buong larangan ng Philippine cinema) kay Joel Torre (bilang pangunahing tauhan na si Andres). Bonus na lang siguro ‘yung mala-Kisapmata (na ikinagulat ko na ang peg ng mga nagtanong sa Q&A ay ang pamosong TV show na Breaking Bad at hindi ang pelikula ni Mike de Leon) na inspiration dito. Bukod d’yan, hindi ko nakitaan ang direktor na unang beses pa lang n’yang magdidirek ng feature length. Kitang kita ang kanyang vision para sa buong pelikula at na-execute n’ya ito na para bang hindi s’ya nangangapa (cinematography, scipt, editing, akting, atbp). Puwedeng puwede na itong ilako dahil nasa iisang market lang ito at ang OTJ ni Erik Matti, madaling masundan pero hindi kailanman naging mababaw. Mahusay rin ang ensemble dito: Bing Pimentel, Art Acuña, Ketchup Eusebio, Bernard Palanca o maging ‘yung ilan na bilang na bilang ang mga eksena. Kung ganito ang magiging direksyon ng mga crime films sa bansa, hindi ako magrereklamo lalo na’t meron itong wit na kamukha ng pagkanta sa videoke ng “Bato sa Buhangin” at mga karakter na may pangalang Andres at Jose.

Friday, November 15, 2013

Report Card mula sa Cinema One Originals 2013 – Day 03


Nakalima ako kahapon (Biyernes, November 15) sa Glorietta. Ikalawa at huling araw ko rin ng leave. Suweldo Day ng ilan at merong Midnight Madness sa mall. Minsan nga ay parang ayoko nang lumabas ng cinema area dahil baka matukso lang ako at merong mabili. Maliban d’yan, merong Q&A pagkatapos ng lahat ng screening, isang effort na unang ginawa sa history ng festival. Narito ang mga napanood ko:  

RIDDLES OF MY HOMECOMING (Arnel Mardoquio) Nasa kategoryang silent film ang pelikula dahil wala itong speaking lines at ang bawat sequence ay may nakalapat na musika, unang beses na ginawa ng direktor sa kanyang filmography. Isa itong indication na ang Cinema One Originals ay malakas makaihip ng bagong hangin. Pero mukhang aware naman si Arnel sa kanyang bagong sinubukan. Nasa title, halimbawa, ang clue na ang entry ay hindi diretso ang gustong sabihin. Sa umpisa ay meron ding title card na nagpapaliwanag ng buong paniniwala sa Mindanao tungkol sa mga taong namayapa na at bumabalik sa kanilang lupa upang ito ay protektahan, sapat na itong giya upang mapangatawanan ang viewing experience. Pero ‘yun na ‘yun. Mabilis ang pagkakahati ng mga sequence (salamat sa kontribusyon ng editor nitong si Chuck Gutierrez) na nagpapakita ng mga imahe ng natural calamity, sigalot, gender equality at korupsyon na nakapinta gamit ang mga kulay na walang bahid ni anino ng dahas. Naalala kong bigla ‘yung ilang pelikula na halos nasa ganitong molde, ‘yung Anacbanua (Christopher Gozum) at Colossal (Whammy Alcazaren). Ang kaibahan lang sa mga nabanggit, binibigkas ang tula kasabay ng kabi-kabilang imahe na tila ninakaw mula sa panaginip. Dito, ang pelikula ay ang buong tula mismo. May ilan itong teksto ng mga nagpapapalit-palit (B&W at color) na reality at ang netherworld pero hindi ito binigkas nang literal. Bilang manonood, bahala ka nang lumusong sa ilog upang ramdamin ang pagkabanayad ng tubig at hayaang ang ilog ang yumakap sa ‘yong mga paa.  

BLUE BUSTAMANTE (Miko Livelo) Nakabagbukas ang pelikula ng pinto upang makapagbalik-tanaw sa aking kabataan noong late 80’s hanggang early 90’s, partikular sa unang pagkakataon na hindi ko pinanood ang Saturday Entertainment (Saturday edition ng That’s Entertainment sa GMA7) dahil sa kauna-unahang episode ng Tagalized version na Shaider. Pero maliban dito, klaro naman ang pagkakadugtong ng mga OFW (Joem Bascon) bilang mga bayani. Kailangan na lang pumili kung sino ang bayaning gagamitin (dito ay isang generic na miyembro ng isang superhero group na Force Five na isang palabas sa TV mula sa Japan). Pero kahit na generic ang base premise, on the side ay may ilan naman itong gustong sabihin tungkol sa imported na pop culture, relasyon ng bata sa kanyang absent na magulang at ang panonood ng TV bilang escapism. Makulay rin ang costume at production design na sinahugan pa ng wit na patok (ayon sa mga kasabay kong nanood), sapat na upang kumutan ang katawan ng seryosong tema nito.  

ANG PAGBABALAT NG AHAS (Timmy Harn) Nagustuhan ko ang Pascalina (Pam Miras) dahil nagpakilala ito ng isang karakter na strange (isipin ang mga kontrabida sa X-Files na TV show noong late 90’s) habang nakatali pa rin sa premise na ultra realistic ang pagkakatanim. May ganitong pakiramdam ang unang feature length ni Timmy Harn (na co-director ng experimental na short film na Class Picture kasama si Gym Lumbera) na sinulat ni Pam Miras, gamit ang kamera na ginamit din sa Pascalina. Bagama’t ang pinaka-premise nito ay ang nag-uumpisang decay ng isang middle class na pamilyang Pilipino (nanay na may pabaritong anak, kapatid na madamot, ama na walang pakialam sa pamilya at asawa na nangangabit), kada pintig ay itutuon ang ating atensyon sa isang urban legend tungkol sa isang taong ahas (na noon ay nababalita na itinatago raw ng isang mayamang pamilya na may-ari ng isang mall). Idikit ang dalawang aspetong ito sa tulong ng isang karakter na anak na merong skin allergy at nag-uumpisang matuklap ang balat sa leeg. Kahit na maigting ang deadpan humor ng pelikula at tila walang nangyayari, malalim para sa akin ang manifestation ng decay sa taong ahas.  

PHILIPPINO STORY (Benji Garcia) Tungkol sa relasyon ng isang male prostitute na may puso (Jun-Jun Quintana) at isang bading na pintor (Mark Gil) ang pelikula. Bago pa man magtanong ang audience kung anti-thesis ba ito ng impression sa mga puta na naglalaro sa baga dahil lang sa pera at wala nang iba, maagap naman nitong isiniil na huminahon muna at makinig sa generic na kuwentong ito. At isa itong hindi nakakasawang kuwento lalong lalo na para sa mga taong naniniwala sa puwersa ng pag-ibig (ito naman talaga ang dakilang pampamanhid ng logic, sa totoo lang). Old school ang pagkakadirek (na isang magandang relief sa ‘sangkaterbang daluyong ng mga experimental films ngayong taon) para sa old school na tema, at para sa akin, naitawid naman ito nang maayos at buo. Mahusay si Mark Gil dito. Mahusay rin si Jun-Jun Quintana. Maganda ‘yung sabong ng dalawang talento roon sa eksena sa ospital. Maliban d’yan, gusto ko ‘yung ilang atensyon sa detalye sa paggamit ng tubig bilang uri ng cleansing. May isang eksena rito na ipinakita ang paa ng puta na naagusan ng tubig-baha na na-cut sa isang eksena ng tumutulong tubig-ulan sa isang obra na ‘pinipinta ng artist. ‘Yan ay kung hindi pa naman obvious ang parallel sa pagitan ng dalawang klase ng pagbebenta ng kaluluwa.  

SATURDAY NIGHT CHILLS (Ian Loreños) Nakuha ko naman ang punto ng pelikula tungkol sa mga batang Fil-Chi na patapon ang buhay at kung paano ito mababago sa pamamagitan ng isang epiphany. Sa kabuuhan, nakarating naman 'yan sa akin. Marami lang talaga akong reservation dito na pinapangunahan ng pag-cast kay Matteo Guidicelli. Hindi ko masyadong binili ang delivery ng kanyang emotion na nag-peak sa isang eksena kasama ang nanay at kapatid. Medyo nakukuha pa ako sa so-called improvisation ng tatlong bida (sina Rayver Cruz at Joseph Marco 'yung dalawa pa). Sa katunayan, gusto ko ang energy ng pelikula dahil maraming promise itong puwede pang iluwal. Bihirang bihira ang ganitong ritmo at sensibility sa local film scene. Nakapag-introduce din ito ng mundo ng mga bookie kahit na hindi extensive ang pagtalakay. Medyo one note din sa akin ang pagkakadilig sa mga karakter. May punla pero hindi ito ganap na napayabong lalo na't partly ay character study ang pelikula. Halimbawa, hindi masyadong na-plant sa isang karakter ang kakayanan n'yang humantong sa isang desisyon sa dulo. Mas nag-invest pa sana rito.

Thursday, November 14, 2013

Report Card mula sa Cinema One Originals 2013 – Day 02


Huwebes (kahapon, November 14) na ako nag-resume sa festival. Una sa dalawang araw ko rin ito ng leave dahil hindi nga masyadong kagandahan ang pagkaka-plot ng schedule. Kung tutuusin, halos ‘yung pang-12pm lang ang dahilan ng bakasyon pero gan’un talaga. Kailangan ko ring dumayo pa sa Trinoma para magswak ang 17 pelikula sa dalawang araw na leave at dalawang araw sa weekend.

Syanga pala, kamukha rin ng nakasanayan na, hindi na ako nanonood ng trailer. Nadala ko lang ‘yung practice at gumagana naman. Nakatatlo pala ako sa ikalawang araw ko:  

SHORT FILM SELECTION Dalawa sa selection ay hindi na masyadong sariwa. Ang Cannes-winning na ANINO (Raymond Red) ay makailang beses ko nang napanood noong panahon ng Pelikula at Lipunan early 2000’s. Hindi ko naman maitatago na hanggang ngayon ay may tama pa rin ang pelikulang ito. Parang ang nangyayari tuloy, pahid tayo nang pahid ng gamot sa pamamagitan ng mga ganitong social commentary pero wala namang gumagaling. Naipalabas na rin ang LOLA (Joey Agbayani) sa Cinemalaya pero hindi ko na matandaan kung kelan. Work in progress pa yata ito noon pero hindi na ako sigurado. Nakitaan ko ng ilang impluwensiya ng mga pelikula ni Quentin Tarantino ang DEATH SQUAD DOGS (Josemaria Basa). Talky ito kahit na ang totoong underlying na tema ay medyo marahas (tungkol sa mga pakawala ng gobyerno na assassin na nagbabawas ng mga masasamang damo). Gusto ko ‘yung konsepto kahit na natalakay na rin ng ilang beses ang nasabing isyu (Engkwentro, Sheika). Ang totoong pinag-uusapan talaga ng dalawang mamamatay-tao rito ay tungkol sa buhay, walang ipinagkaiba sa usapan kahit sa sa simbahan, sa ospital o sa inuman sa kanto. Puwedeng puwede na itong i-explore pa sa feature length. Wala akong masyadong nakitang bago sa GALIMGIM (Cristina Santiago) maliban sa ideya na nabibigyan dapat ng mas maraming proyekto si Neri Naig at ang kahulugan mismo ng pamagat na hindi masyadong ginagamit sa bokabularyo. Kung bagong filmmaking style lang ang pag-uusapan, medyo fresh naman ang BUOG (Rommel Tolentino) kumpara sa mga nagawa na ng direktor. Mga bata pa rin ang pangunahing puntirya, at ang mga karapatan nila, pero hindi ako masyadong nabili sa pagiging manipulative n’ung mga eksenang nananakot. Ang PROLOGO SA ANG DAKILANG DESAPERCIDO (Lav Diaz) naman ay parang teaser ng isang feature length film tungkol sa walang kamatayang paghahanap ng bangkay ni Andres Bonifacio (na kung hindi ako nagkakamali ay nagdiriwang ng ika-150 anibersaryo ng kanyang pagkabayani). Sa totoo lang, nandito na lahat ng trapping para sa isang materyal na purong Lav Diaz: ang melancholia ng pag-iisa, ang depression na sumusumpong sa isang namatayan at ang walang katapusang running time na nakalagak sa paghahanap ng bagay na hindi makikita. Pero ang pinakanakakuha sa akin ng atensyon ay ang production design para sa isang period project. ‘Yan ang aabangan ko kapag naging feature length na ito. Kahit na technically above average ang 50/50 (Mikey Red), hindi ako masyadong kinagat ng premise nito. Naaliw lang ako sa “Straw Dogs” reference ng isang imahe. Good to see Gio Alvarez bilang lead.  

BENDOR (Ralston Jover) Nasa pelikula ang lahat ng sangkap na magugustuhan ko ito. Una, kamukha ng mga naunang pelikula ni Ralston, tumalakay rin ito sa isang pagtulay sa alambre ng isang pangkaraniwang Pinoy. Ang karakter na si Blondie (Vivian Velez sa isang effort ng pag-arangkada sa kanyang acting career), isang bendor ng gulay at mga kandila’t pamparegla sa tabi ng simbahan sa Quiapo, ay kamukha rin ng kubrador, mga batang namumulot ng bakal, mga tao sa likod ng porn industry at mga isnatser na nabigyan ng perspektibo kung paano nila tinatawid ang buhay. Sa kaso ni Blondie, kailangan n’ya ng pera upang makaipon ng pera para sa asawang maysakit (na wala naman talaga s’yang amor at pinandigan lang dahil sa mga anak). Ito ay sa kabila ng paglalako ng mga paninda mismo na sumasalungat sa angkop na dikta ng pananampalataya (kamukha ng mga tauhan sa “Divinas Palabras” na ginawang dula ng DUP dati). Ikalawa, hindi pa naman ako nagsasawa sa real time at hindi ko ito kailanman nakitang kakulangan. Wala naman akong kaso sa naratibo maliban na lang nang magpakita na ng pahapyaw na magic realism bilang tool na susundot sa konsensya ng bida. Medyo odd din ang mga choices kung paano ito inilatag at hindi nakatulong para sa akin ang last frame upang maisalba ang mga bagay na nagustuhan ko.  

BUKAS NA LANG SAPAGKAT GABI NA (Jet Leyco) Ikalawang pelikula na ito ng direktor na napanood ko. At kamukha n’ung una, amusing ang kanyang energy sa panganganak ng pelikula na bordering sa pagiging eksperimental pero nananatiling intact ang mga nakasanayang arko ng naratibo. Sa “Ex-Press” ay pinaglaruan n’ya ang hulma ng isang docu upang makabuo ng mundo mga tao sa likod ng PNR at ang komentaryo ng buong biyahe sa panahon ni Marcos. Sa “Bukas na Lang....” naman, ibinigay n’ya agad-agad ang impresyon na eksperimental ang buong pelikula (na posibleng maka-turn off sa ilan) at pakonti-konting ‘pinresenta na hindi naman pala ito sobrang kakaiba, na kapag inupuan mo ito hanggang dulo, hindi naman pala ito gan’un ka-alienating. Sobrang solid ang pelikula para sa akin kahit na walang mga karakter dito na madaling mahalin at kahit na may konting hiccup 'yung isang eksenang kailangang i-censor.

Tuesday, November 12, 2013

Report Card mula sa Cinema One Originals 2013 – Day 01


Hindi naman talaga para sa Day 01 ‘to. November 10 (noong Linggo) pa talaga nagkaroon ng kick-off ang festival na inumpisahan ng restored version ng “Ganito Kami Noon, Paano Kayo Ngayon?” sa Trinoma. More of Day 01 ko dahil sa unang sabak ko sa festival. Hassle kasi (as usual) ang pagkaka-program ng mga entries. May hinuha ako na parang pinitik lang sa hangin ang line-up at wala akong napulot na parang pinag-isipan man lang ang ilang kunsiderasyon sa pagpa-plot. Halimbawa, merong dalawang slot ang isang pelikula sa Sabado at Linggo. Sa mga nais mag-marathon sa weekend, nabawasan agad sila ng isa mula sa 15 na kalahok at ilang “guest films” (kamukha ng “Iloilo” at “Death March”) plus “Short Film Program”. Ikalawa, wala na ngang slot sa weekend (na madali namang maintindihan dahil sa 15 na kalahok, 10 time slot lang per cinema ang pasok), ilalagay pa ang pelikula sa patay na oras, either nasa eskuwelahan pa ang mga estudyante o nasa opisina pa ang iba. Benefit of the doubt na lang na siguro ay wala namang politics dito.

First things first. Tatlong sinehan lahat ang kalahok (isang step-up mula noong isang taon na dalawa). Maliban sa Robinsons Movieworld sa Galleria (na naging tahanan na yata ng Cinema One Originals), nagkaroon din sila ng screening sa Ayala Cinemas, partikular ang Trinoma (sa QC) at Glorietta (sa Makati). Magandang strategy ito kung location lang ang pag-uusapan. Parehong reachable, literally at figuratively, ang Trinoma at Glorietta. ‘Yun nga lang, P200 ang ticket sa Ayala Cinemas at P151 (ang ekstra na P1 ay para sa Red Cross) sa Galleria. Mas mahal kesa sa inaasahan (o sa napag-ipunan) pero in general, accessibility, Sureseats and all, hindi na ito masama. Well distributed din ang premiere (meron sa bawat location) at naglatag din ng ilang araw para sa mga screening na merong nakadikit na Q&A (na bago rin ngayong taon).


Updated na schedule kada sinehan

Isang entry lang muna ang na-cross out ko sa listahan:  

SITIO (Mes de Guzman) Parang deconstruction ito ng buong filmography ni Mes. Unang frame pa lang, alam mo nang hindi ito ang nakasanayan na. Kung ang tema noon na ang rural area ay isang comfort zone, isang karakter na tila magulang na kumakanlong sa mga anak, dito ay iginiit n’ya na ang probinsya ay kasing bangis ng siyudad. Hindi lang ‘yan. Mukhang adaptation din ito ng “Straw Dogs” (Sam Peckinpah), na halos lahat ng elements ng psychological violence ay nailatag n’ya rito. Ang nagustuhan ko lang, humihinga ang mga tauhan kahit na may panganib na nakaamba. Mabilis ang pacing at handheld ang camera sa buong pelikula. Medyo loud din ang musical score at ang texture ng ilang frame ay halos tumatawid-bakod na sa pagiging glossy. Maging ang signature na non-acting ay itinaob n’ya rito. Pero sa totoo lang, sa kabila ng nakakasamid na paninibago at pagkabano, nag-enjoy ako sa malaking transition. Marami pa rin naman kasing itinira. Ang charm ng bucolic life ay nand’un pa rin. Maging ‘yung sweeping na image sa dulo, hindi ‘yan ibinaon sa lupa. Meron pa ring espasyo para sa diskusyon tungkol sa migrasyon at sa pagkamaang sa bagong ritmo na dala nito, sa decay, sa relasyon ng magkakapatid (sa puntong ito, naalala ko ang "Kislap sa Dilim" ni Lino Brocka tungkol sa relasyon ng mag-asawa na sinubok ng dahas) at sa pagsilip sa maliit na bahagi ng isang komunidad. Sa OBB pala, napansin ko na may second title ito na “The Muhon Trilogy”. Kung ang salitang muhon ay ang Filipino word mismo para sa landmark, parang may ideya na ako kung ano pa at tungkol saan ang mga susunod na pelikula.

POSTCRIPT: Halos nasa tamang oras namang nag-start ang screening sa Glorietta para sa 10pm kahit na isa itong premiere. Inilagay na lang nila sa dulo ang pagpapakilala sa bumubuo ng produksyon at cast. May konting ambiance naman s’ya ng isang film festival dahil, well, puno ang sinehan. Sa katunayan, noong bumili ako ng ticket n’ung mga 8pm, front row seats na lang ang available.

Sunday, November 10, 2013

Isang Tumo-Throwback na Blog Para sa Cinema One Originals 2012 Bago Mag-umpisa ang Festival Ngayong Taon


Hindi ko halos namalayan na wala pa akong naiisulat tungkol sa Cinema One Originals, Cinemanila o maging ang MMFF na rin n’ung nakaraang taon. Tumambak na lang nang tumambak, hanggang parang isang montage na lang ng isang Star Cinema movie ang isang taong pagkatamad o kawalan ng gana (pakiramdam ko, hindi ako nag-iisa sa bugtong na ito). Hindi naman talaga kailangan na merong maisulat pero kapag napalampas ko, baka wala nang ibang gumawa o baka makalimutan ko. Sabihin na lang natin na pansarili ang pananariwa sa mga sumusunod:

Ang natatandaan ko, nagkaroon ito ng medyo unusual na kick-off sa lobby mismo ng Movie World ng Robinsons Galleria (November 28, ganap na mas late kumpara ngayong taon). Hindi ko alam kung nagamit na ito sa ibang kamukhang okasyon pero may kakaibang pakiramdam na ang mga guest ay abot na abot ng mga nagdadaang namamasyal sa mall. Nagkaroon lang kuwadradong harang na halos hanggang bewang. Kung hindi ako nagkakamali, ganito rin ang set-up kapag merong autograph signing para sa cover girl ng FHM.

Newly restored na Oro, Plata, Mata ang palabas. Dahil merong anunsyo noon sa Facebook group na Cinephiles sa mga maaaring makanenok ng invite, sumagot ako at nakakuha naman. Wala sa radar ko na mapanood ulit ang obra ni Peque, remastered man o hindi, dahil tatlong beses ko na yata itong napanood. Excited lang ako sa munting reunion ng mga nagsiganap at mga taga-produksyon. Nand’un din siyempre ang representative ng mga kalahok na pelikula at nakatatlong cocktail drink yata ako habang ka-table ang grupo nina Fe Hyde ng “Ang Paglalakbay ng mga Bituin sa Gabing Madilim”.


Ilang eksena mula sa opening night

Dalawa ang venue ng festival, Robinsons Galleria at Shang Cineplex, na kung lalakarin mo sa pinakamortal na paraan eh halos 30 minuto ang pagitan. Nag-plot ako ng ilang pelikula na may option upang mangapit-sinehan kasehodang makipagbangayan sa usok ng bus sa EDSA. P150 ang bawat ticket na hindi na rin naman masama. Walang masyadong urge na humakot ng ticket kahit na willing ang isa sa mga sinehan na magbenta in advance. Hindi naman napupuno ang screening nila kahit dati-dati pa. Well, maliban pala noong nasa Gateway ito at merong entry sina Enchong Dee at Erich Gonzales.

Sa mga entry, pinakanabingwit ako ng Mamay Umeng (Dwein Baltazar) dahil naalala ko ang lola ko (na kapatid ng totoo ko talagang lola sa nanay) na tumira sa amin noong nag-uumpisa pa lang akong magtrabaho. Wala kasi s’yang pamilya at nagdesisyon ang nanay ko na kupkupin na s’ya sa amin. Masyado nang nakalatag ang konsepto na isang scrutiny ang pelikula tungkol sa twilight years ng isang lolo. Sa katunayan, wala ito n’ung pangkaraniwang structure na nakasanayan natin pero hitik na hitik naman sa gustong iparamdam kung paano tumanda na sa kabila ng presensya ng mga kamag-anak ay tila dumudulay pa rin na parang may sariling dimensyon. Sa isang eksena, nakikitang natutulog si Mamay Umeng at sa ilang sandali ay itinaas nito ang mga kamay na parang merong gustong abutin. Madalas itong ginagawa ng aking lola. Nakakakilabot pa na sinasabi n’yang sinusundo na raw s’ya ng nanay n’ya kaya n’ya itinataas ang mga kamay n’ya. At mas nakakakilabot na wala pang isang linggo ang pagitan ng pagkamatay ng aking lola at ang totoo kong lola. Hindi ko alam kung anong iisipin pero magkapareho ang petsa ng pagkamatay ng lola ko talaga at ang nanay nila.  

Baybayin (Aureus Solito) ang una kong napanood sa buong festival. Nakuha ko naman ang gustong iparating tungkol sa kung paano maisasalba ang isang sining sa pamamagitan ng teksto. Sa katunayan, ganito rin naman ang mensahe ng sining na matatagpuan sa mga imahe sa mga liblib na kuweba. O, maging ‘yung pagkayamot natin sa jejemon sa SMS dahil kinakain nito ang hugis. Para kasing time capsule ang titik na muli’t muli ay magpapaalala sa mga bagay-bagay bago pa mawala ang angkin nating pananabik sa mga alaala. Naligaw lang ako sa dalawang artista na bida rito (ang magkapatid na Assunta de Rossi at Alessandra de Rossi bilang magkapatid din na Palaweño). Hindi ko naramdaman ‘yung koneksyon at authenticity bilang indigenous people, at malaking bagay ito para sa mga materyal na nais gumawa ng tulay sa pinagmulan at kinahinatnan. Maganda pa naman sana ‘yung parallel sa pagitan ng pagbisita sa tradisyon at ang tungkol sa magkapatid na pinaglayo at nagkitang muli.

Tribute naman daw apparently ang Palitan (Ato Bautista) sa masterpiece ni Peque Gallaga na Scorpio Nights. Totoo na nand'un lahat ng elements ng deceit at ang kabi-kabilang sex scene (na sobrang sensual kumpara sa mga naglipanang kabit movies) sa pagitan ng mag-asawa (Alex Medina at Mara Lopez na parehong nag-uwi ng Best Actor at Best Actress award) at ang third party (Mon Confiado) pero hindi masyadong bumenta sa akin 'yung execution ng madness scene sa may dulo (ang scorpio ay isa raw species na may kakayahang mag-self destruct). Hindi ko alam kung saan ito nagkamali, kung sa editing ba o ang script mismo ang nagkanulo.

Nagpamalas na naman ng ibang estilo ang Mater Dolorosa (Adolf Alix) kamukha ng mga ginawa ng direktor nito lately. Kung ang kanyang “Kalayaan” ay sinasabing may pagka-Apichatpong Weerasethakul, ang entry n’ya sa Cinema One Originals ay walang masyadong distinct na kamukha. At dahil dito ay nakitaan ko ang pelikula ng pag-asa na magkaroon ng sariling boses. Naisip ko n’un na ito na marahil ang starting point n’ya (na nabali rin eventually sa “Porno”). B&W ang halos buong pelikula. Tungkol ito sa isang balo (Gina Alajar na napakagaling dito kahit na unang inialok ang role kina Nora Aunor at Vilma Santos) na pinalaki ang mga anak sa mundo ng illegal gambling at iba pa. Para itong isang larong chess na wala na ang hari at ang mga anak ay ginawang pawn upang manatiling buhay. Simple lang ang premise at madaling mahulaan ang magaganap sa dulo sa unang beses pa lang na ipinakita ang nag-iisang anak na sumasalungat sa agos. Kung na-execute lang siguro nang perpekto ang isang climactic na eksena sa dulo, sobrang magugustuhan ko ito. Pero kahit na, bentang benta pa rin sa akin ang ensemble acting dito.

Medyo mataas ang expectation ko sa Slumber Party (Emmanuel dela Cruz) dahil gustung gusto ko ang “Sarong Banggi” at credited dito bilang creative consultant sina Jade Castro at Michiko Yamamoto. ‘Yung premise n’ya tungkol sa magkakaibang bading na nagkasama-sama sa bisperas ng paglaban ni Venus Raj sa Miss Universe ay oks lang naman. Kahit papaano, parang deconstruction ito ng mga gay themed films na madalas ipalabas sa Robinsons Galleria. Ang peg yata rito ay maging fun film lang, ‘yung wala nang kung anu-anong subtext sa opresyon at diskriminasyon. Nagtagumpay naman sa ilan, lalo na sa pagganap ni Archie Alemania, pero parang mas marami yata ang pagkadapa. May bad aftertaste pa ang isang eksena na pahapyaw na nagpugay sa rape.

Ang Catnip (Kevin Dayrit) at “Anak Araw” (Gym Lumbera) ang ilan sa mga pelikulang nagbibigay distinction sa Cinema One Originals bilang isang film festival na mataas ang kalayaan pagdating sa so-called indie filmmaking. Eksperimental kasi ito pareho para sa akin. Maliban sa pag-cast kina Lauren Young at Maxene Magalona sa “Catnip”, wala akong nakitang desisyon sa final product na magsasabing ginawa ang mga pelikula upang maging reachable sa mas malawak na audience o makumpromiso ang creative vision nito. Aaminin ko na hindi ko “thing” ang mga ganitong timbre ng storytelling. Ang “Catnip”, halimbawa, ay hindi ko nasundan kahit na may suhestiyon ito na parang naglalatag naman ng pangkaraniwang kuwento. Ang “Anak Araw” ay may ilang anino ng mga nagawa nang pelikula ni Raya Martin at wala akong sipag noon na aralin pa kung ano man ang nasa ilalim ng mga imahe at wit. Sa kabila nito, hindi maitatanggi na very promising ang cinematography sa pelikula ni Gym Lumbera.  

Melodrama Negra (Maribel Legarda) Gusto kong i-highlight na isinulat ni Layeta Bucoy ang screenplay. Naisip ko, kaya naman pala merong “pinagdadaanan” ang kanyang mga script na pang-entablado, nasa isang phase pala s’ya ng pagtawid sa bakod. Ang kanyang dula na “Walang Kukurap”, halimbawa, ay pampelikula na ang scope. Bagama’t hindi pa palong palo ang kanyang sabak sa pelikula, naigapang naman ang isang materyal sa pagkakaroon ng, well, dark melodrama. Na-introduce ang isang genre (kung ganito nga ba ang intensyon) tungkol sa pinagtagni-tagning buhay ng mga multo sa paraang lumalampaso sa kasalukuyang andar ng teleserye. Gumana naman ang ilang kuwento sa paraang gumagana ang mga palabas na naglipana sa primetime television. Gumana rin na ang lahat ng mga kaganapan sa pelikula ay pinagbibidahan (na ang root word na bida ay halaw mula sa Espanyol na “vida” na nangangahulugan ng “buhay”) ng mga patay. Mataas, sa totoo lang, ‘yung maaaring basahin dito. ‘Yun nga lang, hindi naiputok nang maayos ang ambisyon sa dulo upang magkaroon ng selyo ang ikinasa nito sa umpisa tungkol sa konek-konek at orchestration na ang lahat ng bagay sa mundo ay kontrolado ng tadhana.  

Pascalina (Pam Miras) Isa sa mga paborito ko sa festival ang pelikulang ito na ang una at huling impresyon ay kinunan lamang mula sa celfone. Dito ko naramdaman ang edge ng Cine One Originals bilang isang festival na mababa ang kumpromiso mula sa mga kasali. Bagama’t nasa iisang bubong ang Cinema One at Star Cinema, hindi ko naramdaman na nakunsidera ang paglalako ng pelikula sa mas malaking audience o ‘yung tinatawag nating pagkakaroon ng commercial release. Madilim at marumi ang texture ng pelikula (dahil sa napiling technology nito). Halos hindi mo na makita ang nangyayari sa buong frame dahil sa dungis. Character study ito ng isang middle class na babae na itinutulak ang konsensya ng kanyang pinaggalingan upang maging isang ganap ng aswang. Sa totoo lang, hindi naman ito talaga isang aswang movie. May ilang bahid ng pagka-contemporary horror pero hindi ito ang talagang ibinebenta. Sa hindi ko alam na paraan ay naipasok n’ya ako sa realm ni Pascalina (Maria Veronica Santiago) na nalilito kung ang kanyang mga desisyon at aksyon sa buhay ay hatid ng kanyang inner aswang o mula sa mga nakapaligid na “aswang” (kasintahan, kaopisina, atbp.).  

Aberya (Christian Linaban) Konek-konek din ang pelikulang ito ng apat na karakter na partly ay nagkaroon ng dugtong sa isang vehicular accident. Ang una kong impression, napaka-cold ng pelikula. Madalas itong bumuo ng frame na halos close-up lang sa mga karakter at hindi halos maramdaman ang kanilang kinalalagyan. Pero ‘yun naman siguro ang gustong tumbukin ng pelikula, tungkol sa mga buhay-buhay na halos kasing lamig ng bakal ang silbi.  

EDSA XXX (Khavn dela Cruz) Sayang at hindi natapos ang musical treat na ito. Ang ganda pa naman sana ng kulay at feel nito, at nakakaaliw ang mga musical numbers na parang walang kuwenta pero seryoso sa pagkukwento. Statement ba ito mismo sa kwenta ng tatlong EDSA revolution na idinaos? Apparently, ang XXX sa titulo ay treinta o 30, hindi triple X, na sa dinami-rami ng paulit-ulit na hinaing ng mga Pilipino na sinusulusyunan ng revolution, umabot na ito sa ika-30 na beses. Kinunan sa Corregidor ang buong musical. Hindi lang significant ang bayan sa history ng Pilipinas kundi nangangahulugan din ito ng pagwawasto (may kaugnayan sa salitang “correction”).

Dalawa ang pelikula ni Richard Somes sa festival, ang Mariposa sa Hawla ng Gabi (Richard Somes) na kasali talaga sa festival bilang official entry at Supremo (Richard Somes) na nagkaroon lang ng special screening. Ang una ay tumalakay sa tema ng survival, partikular na tungkol sa isang probinsyanang (Erich Gonzales sa isa sa mga pinaka-challenging na role) kinaharap ang tadhana sa madilim na gubat ng siyudad. Ang isa naman ay tungkol sa pagsasapelikula ng buhay ni Andres Bonifacio (Alfred Vargas na kasali rin sa “Mariposa”), mula sa kanyang pagsapi sa Katipunan at hanggang sa kanyang malagim na kamatayan sa kamay ng kapwa Pilipino. Bagama’t hindi ito ganap na nakatawid (may ilang execution na hindi masyadong authentic), nakitaan ko naman si Richard Somes dito ng dedikasyon bilang filmmaker. Tumaas (lalo) ang respeto ko sa kanya sa kabila ng kakulangan sa budget. Naisip ko, paano pa kaya kung nag-uumapaw ang budget sa pelikula. Malamang ay isa na ito sa listahan ng required viewing. Kung anu’t ano pa man, iisa ang nag-uumigting na verdict sa dalawang pelikula: outstanding production design.

Halata na sumusubok ang direktor sa Ang Paglalakbay ng mga Bituin sa Gabing Madilim (Arnel Mardoquio) dahil gumamit ito ng naratibo na hindi masyadong masalita. Hindi ko pa ito napapanood sa kanyang filmography at ang resulta ay kasing epektibo pa rin naamn. Nakakapanibago lang talaga. Pakiramdam ko, may ilang eksena na inaasahan ko ang dialogue pero mas piniling wala na lang. Litaw pa rin naman ang paboritong tema (sigalot sa Mindanao) rito at ang mga performances ng mga nagsiganap ay nag-uumapaw (Fe Hyde, Irish Karl Monsanto, atbp.). Medyo iba lang talaga ito sa mga nakasanayan na n’yang ginawa. At muli, babalik tayo sa kung gaano kalaya ang Cinema One Originals.

Kasali rin sa festival ang Alagwa (Ian Loreños) bilang bahagi ng listahan ng merong special screening. Nagkaroon ito ng regular run sa mga SM Cinemas kamakailan lamang, matapos sumuyod ng ilang awards mula sa ilang international film festivals. Isa itong advocacy film na nagbibigay babala (unang una sa mga magulang) sa hindi natin masyadong napapansin na human trafficking sa bansa. Pero puwede rin itong tungkol lang sa mag-ama na sina Robert (Jericho Rosales na humakot ng kabi-kabilang Best Actor award mula sa pelikula, sa Pilipinas at sa ibang bansa) at Brian (Bugoy Cariño). Tinalakay ng pelikula ang kanilang relasyon bilang magkasama (na hindi parating matiwasay) at magkahiwalay (sa mga gabing sumubok sa pagmamahal ng isang ama na kamukha ng tagaula at ang nawawalang tupa). Tingin ko, ito na sa ngayon ang pinakamagandang proyekto na nagawa ni Jericho Rosales bilang aktor. Puwede nang palampasin ang ilang eksena na umaalagwa ang kanyang akting sa inaasahan (lalo na sa mga chase scenes) pero ang isang eksena sa dulo ng pangungulila, pagsuko at pagtanggap ay hindi matatawaran. Mahirap kalimutan ‘yun. Pero maliban kay Echo, para sa akin, mahusay ring sounding board si Bugoy, at ang ugnayan ng mag-ama ay madalas na maningning dahil sa batang aktor.

Nagkaroon din pala ng Short Film Program ang festival. Kasali sa line-up ang mga sumusunod: Para Kay Ama (Relyn Tan) na kasali rin sa Cinemalaya 2013 at nanalo pa ng award, kung hindi ako nagkakamali, Mani (Hubert Tibi) na balik-tambalan ng direktor at ang kanyang aktor sa mga early films na si Alchris Galura, Ulian (Chuck Gutierrez) na kasali sa Cinemalaya 2012, Imik (Ana Isabelle Matutina) na epektibong tumalakay sa isang klase ng domestic violence, Abot-Kamay (Victor Villanueva) na paborito ko sa line-up dahil sa humor nito tungkol sa isang deaf na gustong maging artista at Salvi (TM Malones) na isa palang feature length at naipalabas bilang kasali sa Sineng Pambansa (All Masters Edition) nitong taon.
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...