Monday, November 25, 2013

Insenso

Maxie, the Musicale
Produksyon: Bit by Bit Company
Direksyon: Dexter Santos
Libretto: Nicolas Pichay (halaw mula sa dulang pampelikula ni Michiko Yamamoto na “Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros” na idinirehe ni Auraeus Solito)
Musika: William Elvin Manzano, JJ Pimpinio at Janine Santos
Mga Nagsiganap: Jayvhot Galang, Jojo Riguerra, Al Gatmaitan, Jay Gonzaga, Nazer Salcedo, Aaron Ching, atbp.

Sa isang eksena sa bahay, inilagay ni Maxie (Jayvhot Galang) ang namantsahang damit ng kanyang kuya na si Boy (Al Gatmaitan) sa isang malaking lata at sinindihan ito. Makikita ang usok na nagmumula sa lata na marahang binuhat ni Maxie. Bumaba s’ya ng hagdan bitbit pa rin ang umuusok na lata at lumabas ng bahay, papunta sa isang kapitbahayan na tila malapit nang gumuho (salamat sa take sa urban poor ng stage designer na si Gino Gonzales). Ang imahe ay parang isang mongha na nagwawasiwas ng insenso upang sumalangit ang mga tao sa paligid, mabawasan ang pagkarupok ng mga haligi ng bahay, maselyuhan ang lamat ng kristal at mapalaya ang moralidad sa pagkakatali.

Marami pa sanang maaaring mabanggit na magandang eksena sa musical pero uunahin ko na na ang pinakamahalaga sa lahat ay ‘yung kumpiyansa na na-translate nang buo ang lahat ng components ng pelikula. Tungkol ito sa isang batang bakla na sigurado na sa kanyang sexuality bago pa man dumating ang kanyang first love sa katauhan ng isang matinong pulis na si Victor (Jojo Riguerra). Malinaw na sa kabi-kabilang katiwalian sa lugar (mga isnatser, pokpok, patayaan ng ending, mga batang hindi pumapasok sa school at iba pa), sa isang taong busilak sa serbisyo pa na-inlab si Maxie. Maliban sa adventure ng unang pag-ibig, ang pelikula at dula ay tumalakay rin sa kabutihan ng loob ng isang bata at kung paano ito nag-morph upang maging isang sindi ng pagbabago. Kung tutuusin, ganito rin ang tema ng Magnifico na si Michiko Yamamoto rin ang sumulat ng script. Marami talagang mahahalukay na pag-asa mula sa kawalan ng muwang ng isang bata.

Kung meron man akong hindi nagustuhan sa adaptation, ‘yun siguro ‘yung pagkaka-articulate ng emotional POV ng pulis na si Victor. Sa dula, binigyan ang audience ng hint bilang isa s’yang “ka-loveteam” ni Maxie. Sa pelikula, one-sided lang lahat. Nakikiramdam at nakikibaka ang viewer mula sa perspektibo ni Maxie at malinaw roon na naaaliw lang ang pulis sa kanyang bagong kaibigan. Sa awit na Kaybilis ng Pangyayari, halimbawa, unang beses pa lang halos ng bonding nina Maxie at Victor pero nagsasalo na sila sa isang duet. Meron itong mga linya na “Sa ingay ng lungsod, yakap mo ngayon ang puso kong mamon” na parang hindi masyadong angkop na kantahin din ni Victor. Bumawi nga lang sa isang number (“Pelikula”) na parang isang tribute sa source ng dula at biglang pag-magnify na rin sa hilig ni Maxie sa panonood ng DVD. Para akong napako sa pagkakaupo dahil ipinakita rito ang isang montage ng mga eksenang tila hinugot mula sa imagination ng isang taong mahilig sa pelikula. Nagsilbi rin itong palusot upang matanggap na ang emotional POV ni Victor ay maaaring nasa kukote lang ng bidang si Maxie.

Mula sa challenge na isang adaptation ang musical, lumipad pa ito upang maabot ang expected na audience sa PETA Theater. Radio-friendly ang mga awit na tumugma sa mga pitik ng lyrics ni Nicolas Pitchay at paminsan-minsan ay dumadapo sa chord ng mga OPM hits kamukha ng Boy (Cherie Gil), Katawan (Hagibis) at Kapag Tumibok ang Puso (Donna Cruz). At nakakaaliw ‘yung eksena na sumulpot ang isa sa mga composer na si William Elvin Manzano bilang lasenggo at tinawanan lang ang audience. Ang maliit na beauty contest scene sa pelikula ay pinayabong din dito (na sabi nga ng isang kabarkada ni Maxie, “nang bonggang bongga”). Ang produkto ay isang buong pageant na may production number, evening gown at swimsuit competition, talent portion at Q&A segment. Dito na nahulas sa kakatawa ang audience bago pa sumapit sa mabibigat na bahagi ng dula.

Revelation si Jayvhot Galang dito. Tumbling ang lahat sa kanyang solo na Lalagnatin Ako na pinaghalong Adele at Beyonce ang kanyang atake. Hindi ko lang gusto kapag nagfa-falsetto s’ya dahil hindi ito masyadong magandang pakinggan. Naisip ko na lang na baka character singing ito, na baka merong tinutumbok bilang batang bading ang bida. Mahusay rin ang mga kabarkada ni Maxie at sa mga number nila pinakana-compliment ang choreography ni Dexter Santos. Na-pull off din ni Al Gatmaitan ang hinihinging guilt ng character at nakatulong ang kanyang pagiging isang competent na singer at aktor.

Nag-enjoy ako sa buong experience. Lumabas ako ng theater nang nakangiti at hindi masyadong inalintana ang pagpatak ng ambon. Hindi ito ‘yung mga Dexter Santos musical (o straight play) na nakasanayan ko sa DUP. Nagpakita s’ya ng gilas na kaya n’ya palang makagawa ng isang produksyon na mas nakakaangat ang teksto (libretto, lyrics, naratibo) kesa sa comfort zone n’ya na makapagkuwento sa pamamagitan ng galaw. Isang example ang produksyon na nagkasabay-sabay ang tamang stage design, tamang music at libretto, tamang pag-arte, tamang choreography at direction, at tamang pagkakakuwento mula sa isang materyal na dati nang naikuwento. Sa ganitong constellation naging isang ganap na dalaga si Maximo Oliveros.

No comments:

Post a Comment