Sunday, November 10, 2013

Isang Tumo-Throwback na Blog Para sa Cinema One Originals 2012 Bago Mag-umpisa ang Festival Ngayong Taon


Hindi ko halos namalayan na wala pa akong naiisulat tungkol sa Cinema One Originals, Cinemanila o maging ang MMFF na rin n’ung nakaraang taon. Tumambak na lang nang tumambak, hanggang parang isang montage na lang ng isang Star Cinema movie ang isang taong pagkatamad o kawalan ng gana (pakiramdam ko, hindi ako nag-iisa sa bugtong na ito). Hindi naman talaga kailangan na merong maisulat pero kapag napalampas ko, baka wala nang ibang gumawa o baka makalimutan ko. Sabihin na lang natin na pansarili ang pananariwa sa mga sumusunod:

Ang natatandaan ko, nagkaroon ito ng medyo unusual na kick-off sa lobby mismo ng Movie World ng Robinsons Galleria (November 28, ganap na mas late kumpara ngayong taon). Hindi ko alam kung nagamit na ito sa ibang kamukhang okasyon pero may kakaibang pakiramdam na ang mga guest ay abot na abot ng mga nagdadaang namamasyal sa mall. Nagkaroon lang kuwadradong harang na halos hanggang bewang. Kung hindi ako nagkakamali, ganito rin ang set-up kapag merong autograph signing para sa cover girl ng FHM.

Newly restored na Oro, Plata, Mata ang palabas. Dahil merong anunsyo noon sa Facebook group na Cinephiles sa mga maaaring makanenok ng invite, sumagot ako at nakakuha naman. Wala sa radar ko na mapanood ulit ang obra ni Peque, remastered man o hindi, dahil tatlong beses ko na yata itong napanood. Excited lang ako sa munting reunion ng mga nagsiganap at mga taga-produksyon. Nand’un din siyempre ang representative ng mga kalahok na pelikula at nakatatlong cocktail drink yata ako habang ka-table ang grupo nina Fe Hyde ng “Ang Paglalakbay ng mga Bituin sa Gabing Madilim”.


Ilang eksena mula sa opening night

Dalawa ang venue ng festival, Robinsons Galleria at Shang Cineplex, na kung lalakarin mo sa pinakamortal na paraan eh halos 30 minuto ang pagitan. Nag-plot ako ng ilang pelikula na may option upang mangapit-sinehan kasehodang makipagbangayan sa usok ng bus sa EDSA. P150 ang bawat ticket na hindi na rin naman masama. Walang masyadong urge na humakot ng ticket kahit na willing ang isa sa mga sinehan na magbenta in advance. Hindi naman napupuno ang screening nila kahit dati-dati pa. Well, maliban pala noong nasa Gateway ito at merong entry sina Enchong Dee at Erich Gonzales.

Sa mga entry, pinakanabingwit ako ng Mamay Umeng (Dwein Baltazar) dahil naalala ko ang lola ko (na kapatid ng totoo ko talagang lola sa nanay) na tumira sa amin noong nag-uumpisa pa lang akong magtrabaho. Wala kasi s’yang pamilya at nagdesisyon ang nanay ko na kupkupin na s’ya sa amin. Masyado nang nakalatag ang konsepto na isang scrutiny ang pelikula tungkol sa twilight years ng isang lolo. Sa katunayan, wala ito n’ung pangkaraniwang structure na nakasanayan natin pero hitik na hitik naman sa gustong iparamdam kung paano tumanda na sa kabila ng presensya ng mga kamag-anak ay tila dumudulay pa rin na parang may sariling dimensyon. Sa isang eksena, nakikitang natutulog si Mamay Umeng at sa ilang sandali ay itinaas nito ang mga kamay na parang merong gustong abutin. Madalas itong ginagawa ng aking lola. Nakakakilabot pa na sinasabi n’yang sinusundo na raw s’ya ng nanay n’ya kaya n’ya itinataas ang mga kamay n’ya. At mas nakakakilabot na wala pang isang linggo ang pagitan ng pagkamatay ng aking lola at ang totoo kong lola. Hindi ko alam kung anong iisipin pero magkapareho ang petsa ng pagkamatay ng lola ko talaga at ang nanay nila.  

Baybayin (Aureus Solito) ang una kong napanood sa buong festival. Nakuha ko naman ang gustong iparating tungkol sa kung paano maisasalba ang isang sining sa pamamagitan ng teksto. Sa katunayan, ganito rin naman ang mensahe ng sining na matatagpuan sa mga imahe sa mga liblib na kuweba. O, maging ‘yung pagkayamot natin sa jejemon sa SMS dahil kinakain nito ang hugis. Para kasing time capsule ang titik na muli’t muli ay magpapaalala sa mga bagay-bagay bago pa mawala ang angkin nating pananabik sa mga alaala. Naligaw lang ako sa dalawang artista na bida rito (ang magkapatid na Assunta de Rossi at Alessandra de Rossi bilang magkapatid din na Palaweño). Hindi ko naramdaman ‘yung koneksyon at authenticity bilang indigenous people, at malaking bagay ito para sa mga materyal na nais gumawa ng tulay sa pinagmulan at kinahinatnan. Maganda pa naman sana ‘yung parallel sa pagitan ng pagbisita sa tradisyon at ang tungkol sa magkapatid na pinaglayo at nagkitang muli.

Tribute naman daw apparently ang Palitan (Ato Bautista) sa masterpiece ni Peque Gallaga na Scorpio Nights. Totoo na nand'un lahat ng elements ng deceit at ang kabi-kabilang sex scene (na sobrang sensual kumpara sa mga naglipanang kabit movies) sa pagitan ng mag-asawa (Alex Medina at Mara Lopez na parehong nag-uwi ng Best Actor at Best Actress award) at ang third party (Mon Confiado) pero hindi masyadong bumenta sa akin 'yung execution ng madness scene sa may dulo (ang scorpio ay isa raw species na may kakayahang mag-self destruct). Hindi ko alam kung saan ito nagkamali, kung sa editing ba o ang script mismo ang nagkanulo.

Nagpamalas na naman ng ibang estilo ang Mater Dolorosa (Adolf Alix) kamukha ng mga ginawa ng direktor nito lately. Kung ang kanyang “Kalayaan” ay sinasabing may pagka-Apichatpong Weerasethakul, ang entry n’ya sa Cinema One Originals ay walang masyadong distinct na kamukha. At dahil dito ay nakitaan ko ang pelikula ng pag-asa na magkaroon ng sariling boses. Naisip ko n’un na ito na marahil ang starting point n’ya (na nabali rin eventually sa “Porno”). B&W ang halos buong pelikula. Tungkol ito sa isang balo (Gina Alajar na napakagaling dito kahit na unang inialok ang role kina Nora Aunor at Vilma Santos) na pinalaki ang mga anak sa mundo ng illegal gambling at iba pa. Para itong isang larong chess na wala na ang hari at ang mga anak ay ginawang pawn upang manatiling buhay. Simple lang ang premise at madaling mahulaan ang magaganap sa dulo sa unang beses pa lang na ipinakita ang nag-iisang anak na sumasalungat sa agos. Kung na-execute lang siguro nang perpekto ang isang climactic na eksena sa dulo, sobrang magugustuhan ko ito. Pero kahit na, bentang benta pa rin sa akin ang ensemble acting dito.

Medyo mataas ang expectation ko sa Slumber Party (Emmanuel dela Cruz) dahil gustung gusto ko ang “Sarong Banggi” at credited dito bilang creative consultant sina Jade Castro at Michiko Yamamoto. ‘Yung premise n’ya tungkol sa magkakaibang bading na nagkasama-sama sa bisperas ng paglaban ni Venus Raj sa Miss Universe ay oks lang naman. Kahit papaano, parang deconstruction ito ng mga gay themed films na madalas ipalabas sa Robinsons Galleria. Ang peg yata rito ay maging fun film lang, ‘yung wala nang kung anu-anong subtext sa opresyon at diskriminasyon. Nagtagumpay naman sa ilan, lalo na sa pagganap ni Archie Alemania, pero parang mas marami yata ang pagkadapa. May bad aftertaste pa ang isang eksena na pahapyaw na nagpugay sa rape.

Ang Catnip (Kevin Dayrit) at “Anak Araw” (Gym Lumbera) ang ilan sa mga pelikulang nagbibigay distinction sa Cinema One Originals bilang isang film festival na mataas ang kalayaan pagdating sa so-called indie filmmaking. Eksperimental kasi ito pareho para sa akin. Maliban sa pag-cast kina Lauren Young at Maxene Magalona sa “Catnip”, wala akong nakitang desisyon sa final product na magsasabing ginawa ang mga pelikula upang maging reachable sa mas malawak na audience o makumpromiso ang creative vision nito. Aaminin ko na hindi ko “thing” ang mga ganitong timbre ng storytelling. Ang “Catnip”, halimbawa, ay hindi ko nasundan kahit na may suhestiyon ito na parang naglalatag naman ng pangkaraniwang kuwento. Ang “Anak Araw” ay may ilang anino ng mga nagawa nang pelikula ni Raya Martin at wala akong sipag noon na aralin pa kung ano man ang nasa ilalim ng mga imahe at wit. Sa kabila nito, hindi maitatanggi na very promising ang cinematography sa pelikula ni Gym Lumbera.  

Melodrama Negra (Maribel Legarda) Gusto kong i-highlight na isinulat ni Layeta Bucoy ang screenplay. Naisip ko, kaya naman pala merong “pinagdadaanan” ang kanyang mga script na pang-entablado, nasa isang phase pala s’ya ng pagtawid sa bakod. Ang kanyang dula na “Walang Kukurap”, halimbawa, ay pampelikula na ang scope. Bagama’t hindi pa palong palo ang kanyang sabak sa pelikula, naigapang naman ang isang materyal sa pagkakaroon ng, well, dark melodrama. Na-introduce ang isang genre (kung ganito nga ba ang intensyon) tungkol sa pinagtagni-tagning buhay ng mga multo sa paraang lumalampaso sa kasalukuyang andar ng teleserye. Gumana naman ang ilang kuwento sa paraang gumagana ang mga palabas na naglipana sa primetime television. Gumana rin na ang lahat ng mga kaganapan sa pelikula ay pinagbibidahan (na ang root word na bida ay halaw mula sa Espanyol na “vida” na nangangahulugan ng “buhay”) ng mga patay. Mataas, sa totoo lang, ‘yung maaaring basahin dito. ‘Yun nga lang, hindi naiputok nang maayos ang ambisyon sa dulo upang magkaroon ng selyo ang ikinasa nito sa umpisa tungkol sa konek-konek at orchestration na ang lahat ng bagay sa mundo ay kontrolado ng tadhana.  

Pascalina (Pam Miras) Isa sa mga paborito ko sa festival ang pelikulang ito na ang una at huling impresyon ay kinunan lamang mula sa celfone. Dito ko naramdaman ang edge ng Cine One Originals bilang isang festival na mababa ang kumpromiso mula sa mga kasali. Bagama’t nasa iisang bubong ang Cinema One at Star Cinema, hindi ko naramdaman na nakunsidera ang paglalako ng pelikula sa mas malaking audience o ‘yung tinatawag nating pagkakaroon ng commercial release. Madilim at marumi ang texture ng pelikula (dahil sa napiling technology nito). Halos hindi mo na makita ang nangyayari sa buong frame dahil sa dungis. Character study ito ng isang middle class na babae na itinutulak ang konsensya ng kanyang pinaggalingan upang maging isang ganap ng aswang. Sa totoo lang, hindi naman ito talaga isang aswang movie. May ilang bahid ng pagka-contemporary horror pero hindi ito ang talagang ibinebenta. Sa hindi ko alam na paraan ay naipasok n’ya ako sa realm ni Pascalina (Maria Veronica Santiago) na nalilito kung ang kanyang mga desisyon at aksyon sa buhay ay hatid ng kanyang inner aswang o mula sa mga nakapaligid na “aswang” (kasintahan, kaopisina, atbp.).  

Aberya (Christian Linaban) Konek-konek din ang pelikulang ito ng apat na karakter na partly ay nagkaroon ng dugtong sa isang vehicular accident. Ang una kong impression, napaka-cold ng pelikula. Madalas itong bumuo ng frame na halos close-up lang sa mga karakter at hindi halos maramdaman ang kanilang kinalalagyan. Pero ‘yun naman siguro ang gustong tumbukin ng pelikula, tungkol sa mga buhay-buhay na halos kasing lamig ng bakal ang silbi.  

EDSA XXX (Khavn dela Cruz) Sayang at hindi natapos ang musical treat na ito. Ang ganda pa naman sana ng kulay at feel nito, at nakakaaliw ang mga musical numbers na parang walang kuwenta pero seryoso sa pagkukwento. Statement ba ito mismo sa kwenta ng tatlong EDSA revolution na idinaos? Apparently, ang XXX sa titulo ay treinta o 30, hindi triple X, na sa dinami-rami ng paulit-ulit na hinaing ng mga Pilipino na sinusulusyunan ng revolution, umabot na ito sa ika-30 na beses. Kinunan sa Corregidor ang buong musical. Hindi lang significant ang bayan sa history ng Pilipinas kundi nangangahulugan din ito ng pagwawasto (may kaugnayan sa salitang “correction”).

Dalawa ang pelikula ni Richard Somes sa festival, ang Mariposa sa Hawla ng Gabi (Richard Somes) na kasali talaga sa festival bilang official entry at Supremo (Richard Somes) na nagkaroon lang ng special screening. Ang una ay tumalakay sa tema ng survival, partikular na tungkol sa isang probinsyanang (Erich Gonzales sa isa sa mga pinaka-challenging na role) kinaharap ang tadhana sa madilim na gubat ng siyudad. Ang isa naman ay tungkol sa pagsasapelikula ng buhay ni Andres Bonifacio (Alfred Vargas na kasali rin sa “Mariposa”), mula sa kanyang pagsapi sa Katipunan at hanggang sa kanyang malagim na kamatayan sa kamay ng kapwa Pilipino. Bagama’t hindi ito ganap na nakatawid (may ilang execution na hindi masyadong authentic), nakitaan ko naman si Richard Somes dito ng dedikasyon bilang filmmaker. Tumaas (lalo) ang respeto ko sa kanya sa kabila ng kakulangan sa budget. Naisip ko, paano pa kaya kung nag-uumapaw ang budget sa pelikula. Malamang ay isa na ito sa listahan ng required viewing. Kung anu’t ano pa man, iisa ang nag-uumigting na verdict sa dalawang pelikula: outstanding production design.

Halata na sumusubok ang direktor sa Ang Paglalakbay ng mga Bituin sa Gabing Madilim (Arnel Mardoquio) dahil gumamit ito ng naratibo na hindi masyadong masalita. Hindi ko pa ito napapanood sa kanyang filmography at ang resulta ay kasing epektibo pa rin naamn. Nakakapanibago lang talaga. Pakiramdam ko, may ilang eksena na inaasahan ko ang dialogue pero mas piniling wala na lang. Litaw pa rin naman ang paboritong tema (sigalot sa Mindanao) rito at ang mga performances ng mga nagsiganap ay nag-uumapaw (Fe Hyde, Irish Karl Monsanto, atbp.). Medyo iba lang talaga ito sa mga nakasanayan na n’yang ginawa. At muli, babalik tayo sa kung gaano kalaya ang Cinema One Originals.

Kasali rin sa festival ang Alagwa (Ian Loreños) bilang bahagi ng listahan ng merong special screening. Nagkaroon ito ng regular run sa mga SM Cinemas kamakailan lamang, matapos sumuyod ng ilang awards mula sa ilang international film festivals. Isa itong advocacy film na nagbibigay babala (unang una sa mga magulang) sa hindi natin masyadong napapansin na human trafficking sa bansa. Pero puwede rin itong tungkol lang sa mag-ama na sina Robert (Jericho Rosales na humakot ng kabi-kabilang Best Actor award mula sa pelikula, sa Pilipinas at sa ibang bansa) at Brian (Bugoy Cariño). Tinalakay ng pelikula ang kanilang relasyon bilang magkasama (na hindi parating matiwasay) at magkahiwalay (sa mga gabing sumubok sa pagmamahal ng isang ama na kamukha ng tagaula at ang nawawalang tupa). Tingin ko, ito na sa ngayon ang pinakamagandang proyekto na nagawa ni Jericho Rosales bilang aktor. Puwede nang palampasin ang ilang eksena na umaalagwa ang kanyang akting sa inaasahan (lalo na sa mga chase scenes) pero ang isang eksena sa dulo ng pangungulila, pagsuko at pagtanggap ay hindi matatawaran. Mahirap kalimutan ‘yun. Pero maliban kay Echo, para sa akin, mahusay ring sounding board si Bugoy, at ang ugnayan ng mag-ama ay madalas na maningning dahil sa batang aktor.

Nagkaroon din pala ng Short Film Program ang festival. Kasali sa line-up ang mga sumusunod: Para Kay Ama (Relyn Tan) na kasali rin sa Cinemalaya 2013 at nanalo pa ng award, kung hindi ako nagkakamali, Mani (Hubert Tibi) na balik-tambalan ng direktor at ang kanyang aktor sa mga early films na si Alchris Galura, Ulian (Chuck Gutierrez) na kasali sa Cinemalaya 2012, Imik (Ana Isabelle Matutina) na epektibong tumalakay sa isang klase ng domestic violence, Abot-Kamay (Victor Villanueva) na paborito ko sa line-up dahil sa humor nito tungkol sa isang deaf na gustong maging artista at Salvi (TM Malones) na isa palang feature length at naipalabas bilang kasali sa Sineng Pambansa (All Masters Edition) nitong taon.

No comments:

Post a Comment