Games
People Play
Produksyon:
Bahagi ng Karnabal: A Def. Defying Festival ng Sipat Lawin Ensemble
Direksyon:
Ed Lacson, Jr.
Mandudula:
Glenn Sevilla Mas
Mga
Nagsiganap: Dorothea Maria Yrastorza, Kalil Almonte at Abner Delina, Jr.
Sa papel, ang materyal ay tungkol sa tatlong
magkakaibigang bata, mga larong kanilang nilalaro mula pagkabata hanggang sa
pagtanda (mula 11 years old hanggang 28 years old), mga tao sa kanilang paligid
(partikular ang kanilang mga magulang) at kung paano nabuo ang kanilang
pagkatao. Tatlong complex na karakter na may complex na back story na
isinasabuhay ng tatlong aktor. Kung tutuusin, parang napaka-challenging nitong
idirek dahil kinakailangan ng masusing pagsiyasat sa bawat eksena at sa hinihinging
beat nito upang makarating sa isang madilim na coming of age tale. At hindi
naman nagkulang ang direktor dito na sinubukang “hamunin” ang Palanca-winning
na teksto ni Glenn Sevilla Mas.
Sa pagpasok ng performance space sa third
floor ng NCCA Building sa Intramuros (unang naipalabas ang dula sa Teatro
Hermogenes Ylagan sa UP bilang thesis play), merong isang “ATM” na yari sa
karton. Iginiya kami ng isang usher na kailangan daw naming mag-withdraw ng
“pera” mula rito gamit ang “ATM card” na gawa rin sa karton. Mula sa makina ay
lumuwa ang papel na galing sa “Bank of Imagination”. Ito ay bilang pag-simulate
sa laro na s’yang tema ng dula. Pagpasok sa isang hindi kalakihang silid,
mapupuna na halos hubad lang ang stage. Hinati ito sa tatlong partition na
rumerepresenta sa tatlong tauhan na sina Luna (Dorothea Maria Yrastorza) sa
kaliwa, Diego (Kalil Almonte) sa gitna at Julio (Abner Delina, Jr.) sa kanan.
Sa likod ni Luna ay isang maliit na simbahan. Isang gubat naman ang nasa likod
ni Diego at isang palasyo sa likod ni Julio. Lahat ng structure ay gawa sa
karton (na idinisenyo ni Ed Lacson, Jr. mismo), kabilang na ang mga kahon na
bumabalot sa footlights at sa iniilawang ID sa ulunan ng mga aktor.
Noong una, hindi ko halos nakuha kung ano’ng
relevance n’ung mga title cards na manual na ipinapakita ng mga karakter. Sa
umpisa rin ay meron silang tig-iisang monologo tungkol sa tila
deconstruction ng fairy tale na sumasalamin sa avatar ng kanilang kinahantungan.
Naging malinaw na lang lahat makalipas ang una at ikalawang eksena na
magkakasama ang mga karakter bilang magkababata sa isang probinsya sa
Pilipinas. Sa nakasanayang Filipino English ang kanilang accent (hindi American
o British) at hindi properly articulated ang bawat bagsak ng salita. Para
silang nagsasalita sa punto at bigkas na Tagalog (o sa regional language) pero
English. Nakadagdag ito ng pagkakaroon ng sariling timpla ang dula na distinct
sa ibang produksyon sa local theater scene. Ilan lang ‘yan sa mga mahusay na
desisyon ng direktor upang maitawid nang matining ang isang obra na may
impresyon akong hindi madaling isadula.
Mapapansin din ang
transition ng tatlong aktor bilang iba pang mga karakter na bubuo sa back story
ng tatlong bida. At hindi ito simpleng back story. Kung tutuusin, madilim ang
bawat yugto nito na pinaigting ng haunting na score ni Teresa Barrozo at ang
pagpatay-sindi ng mga pangalan ng mga karakter sa kanilang ulunan. Bagama’t
hindi siguro sinasadya, may kakaibang kilabot sa tuwing namamatayan sila ng
ilaw. Parang merong undertone ito ng kawalan ng pag-asa. Kung tutuusin, ang mga
structure sa likuran ay sumisimbolo sa kani-kaniyang kulungan. Si Luna, halimbawa,
ay lumaki kapiling ang amang lasenggo (si Kalil Almonte rin) at inang
sagrado Katoliko (Abner Delina, Jr.). Ang kanyang sekswalidad ay nababalot ng hypocrisy ng
simbahan. Si Diego naman ay kapiling ang ina (si Abner Delina, Jr. ulit) na walang
ginawa kundi tumunghay sa bintana at maghintay sa ama na kailanman ay hindi na
babalik. Ang kanyang patuloy na “pangangaso” ay hatid ng presensya ng magulang
na nariyan pero wala naman. Si Julio ay lumaki sa supresyon ng ina (Dorothea
Maria Yrastorza) at mga kapatid na babae (parehong si Kalil Almonte) upang
mabuhay na ayon sa inaasahan ng iba at hindi ng sarili. Ang palasyo sa kanyang
likod ay isang pader upang tuluyan s’yang maging malaya.
Ang resolusyon ay tila isang unscripted na
bahagi ng dula kung saan ipinakita ang kinahinatnan ng mga laro na nilalaro ng
mga tao makalipas ang maraming taon. Maaaring may mga laro sila na hindi pa
game over o meron ding ilan na nilalaro nang walang pagkasawa. Kung sa dulo ay nagmukhang talunan ang tatlong karakter, hindi talaga ito kasalanan ng kani-kanilang
game plan. Ang totoong madaya ay ang mga tao sa paligid nila na patuloy na
naglalaro nang marumi sa labas ng panuntunan, parang mga patotot sa patintero na lumalampas sa linya o
tagabantay ng nakatali palang lata sa tumbang preso. Naipinta sa kapalaran ng tatlong dating
bata kung ano ang bagong kahulugan ng namatanda.
No comments:
Post a Comment