Musings on life from a (little red) backpacker who adores highschool language classes so much.
Total Pageviews
Tuesday, November 12, 2013
Report Card mula sa Cinema One Originals 2013 – Day 01
Hindi naman talaga para sa Day 01 ‘to. November 10 (noong Linggo) pa talaga nagkaroon ng kick-off ang festival na inumpisahan ng restored version ng “Ganito Kami Noon, Paano Kayo Ngayon?” sa Trinoma. More of Day 01 ko dahil sa unang sabak ko sa festival. Hassle kasi (as usual) ang pagkaka-program ng mga entries. May hinuha ako na parang pinitik lang sa hangin ang line-up at wala akong napulot na parang pinag-isipan man lang ang ilang kunsiderasyon sa pagpa-plot. Halimbawa, merong dalawang slot ang isang pelikula sa Sabado at Linggo. Sa mga nais mag-marathon sa weekend, nabawasan agad sila ng isa mula sa 15 na kalahok at ilang “guest films” (kamukha ng “Iloilo” at “Death March”) plus “Short Film Program”. Ikalawa, wala na ngang slot sa weekend (na madali namang maintindihan dahil sa 15 na kalahok, 10 time slot lang per cinema ang pasok), ilalagay pa ang pelikula sa patay na oras, either nasa eskuwelahan pa ang mga estudyante o nasa opisina pa ang iba. Benefit of the doubt na lang na siguro ay wala namang politics dito.
First things first. Tatlong sinehan lahat ang kalahok (isang step-up mula noong isang taon na dalawa). Maliban sa Robinsons Movieworld sa Galleria (na naging tahanan na yata ng Cinema One Originals), nagkaroon din sila ng screening sa Ayala Cinemas, partikular ang Trinoma (sa QC) at Glorietta (sa Makati). Magandang strategy ito kung location lang ang pag-uusapan. Parehong reachable, literally at figuratively, ang Trinoma at Glorietta. ‘Yun nga lang, P200 ang ticket sa Ayala Cinemas at P151 (ang ekstra na P1 ay para sa Red Cross) sa Galleria. Mas mahal kesa sa inaasahan (o sa napag-ipunan) pero in general, accessibility, Sureseats and all, hindi na ito masama. Well distributed din ang premiere (meron sa bawat location) at naglatag din ng ilang araw para sa mga screening na merong nakadikit na Q&A (na bago rin ngayong taon).
Updated na schedule kada sinehan
Isang entry lang muna ang na-cross out ko sa listahan:
SITIO (Mes de Guzman) Parang deconstruction ito ng buong filmography ni Mes. Unang frame pa lang, alam mo nang hindi ito ang nakasanayan na. Kung ang tema noon na ang rural area ay isang comfort zone, isang karakter na tila magulang na kumakanlong sa mga anak, dito ay iginiit n’ya na ang probinsya ay kasing bangis ng siyudad. Hindi lang ‘yan. Mukhang adaptation din ito ng “Straw Dogs” (Sam Peckinpah), na halos lahat ng elements ng psychological violence ay nailatag n’ya rito. Ang nagustuhan ko lang, humihinga ang mga tauhan kahit na may panganib na nakaamba. Mabilis ang pacing at handheld ang camera sa buong pelikula. Medyo loud din ang musical score at ang texture ng ilang frame ay halos tumatawid-bakod na sa pagiging glossy. Maging ang signature na non-acting ay itinaob n’ya rito. Pero sa totoo lang, sa kabila ng nakakasamid na paninibago at pagkabano, nag-enjoy ako sa malaking transition. Marami pa rin naman kasing itinira. Ang charm ng bucolic life ay nand’un pa rin. Maging ‘yung sweeping na image sa dulo, hindi ‘yan ibinaon sa lupa. Meron pa ring espasyo para sa diskusyon tungkol sa migrasyon at sa pagkamaang sa bagong ritmo na dala nito, sa decay, sa relasyon ng magkakapatid (sa puntong ito, naalala ko ang "Kislap sa Dilim" ni Lino Brocka tungkol sa relasyon ng mag-asawa na sinubok ng dahas) at sa pagsilip sa maliit na bahagi ng isang komunidad. Sa OBB pala, napansin ko na may second title ito na “The Muhon Trilogy”. Kung ang salitang muhon ay ang Filipino word mismo para sa landmark, parang may ideya na ako kung ano pa at tungkol saan ang mga susunod na pelikula.
POSTCRIPT: Halos nasa tamang oras namang nag-start ang screening sa Glorietta para sa 10pm kahit na isa itong premiere. Inilagay na lang nila sa dulo ang pagpapakilala sa bumubuo ng produksyon at cast. May konting ambiance naman s’ya ng isang film festival dahil, well, puno ang sinehan. Sa katunayan, noong bumili ako ng ticket n’ung mga 8pm, front row seats na lang ang available.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment