Musings on life from a (little red) backpacker who adores highschool language classes so much.
Total Pageviews
Thursday, November 14, 2013
Report Card mula sa Cinema One Originals 2013 – Day 02
Huwebes (kahapon, November 14) na ako nag-resume sa festival. Una sa dalawang araw ko rin ito ng leave dahil hindi nga masyadong kagandahan ang pagkaka-plot ng schedule. Kung tutuusin, halos ‘yung pang-12pm lang ang dahilan ng bakasyon pero gan’un talaga. Kailangan ko ring dumayo pa sa Trinoma para magswak ang 17 pelikula sa dalawang araw na leave at dalawang araw sa weekend.
Syanga pala, kamukha rin ng nakasanayan na, hindi na ako nanonood ng trailer. Nadala ko lang ‘yung practice at gumagana naman. Nakatatlo pala ako sa ikalawang araw ko:
SHORT FILM SELECTION Dalawa sa selection ay hindi na masyadong sariwa. Ang Cannes-winning na ANINO (Raymond Red) ay makailang beses ko nang napanood noong panahon ng Pelikula at Lipunan early 2000’s. Hindi ko naman maitatago na hanggang ngayon ay may tama pa rin ang pelikulang ito. Parang ang nangyayari tuloy, pahid tayo nang pahid ng gamot sa pamamagitan ng mga ganitong social commentary pero wala namang gumagaling. Naipalabas na rin ang LOLA (Joey Agbayani) sa Cinemalaya pero hindi ko na matandaan kung kelan. Work in progress pa yata ito noon pero hindi na ako sigurado. Nakitaan ko ng ilang impluwensiya ng mga pelikula ni Quentin Tarantino ang DEATH SQUAD DOGS (Josemaria Basa). Talky ito kahit na ang totoong underlying na tema ay medyo marahas (tungkol sa mga pakawala ng gobyerno na assassin na nagbabawas ng mga masasamang damo). Gusto ko ‘yung konsepto kahit na natalakay na rin ng ilang beses ang nasabing isyu (Engkwentro, Sheika). Ang totoong pinag-uusapan talaga ng dalawang mamamatay-tao rito ay tungkol sa buhay, walang ipinagkaiba sa usapan kahit sa sa simbahan, sa ospital o sa inuman sa kanto. Puwedeng puwede na itong i-explore pa sa feature length. Wala akong masyadong nakitang bago sa GALIMGIM (Cristina Santiago) maliban sa ideya na nabibigyan dapat ng mas maraming proyekto si Neri Naig at ang kahulugan mismo ng pamagat na hindi masyadong ginagamit sa bokabularyo. Kung bagong filmmaking style lang ang pag-uusapan, medyo fresh naman ang BUOG (Rommel Tolentino) kumpara sa mga nagawa na ng direktor. Mga bata pa rin ang pangunahing puntirya, at ang mga karapatan nila, pero hindi ako masyadong nabili sa pagiging manipulative n’ung mga eksenang nananakot. Ang PROLOGO SA ANG DAKILANG DESAPERCIDO (Lav Diaz) naman ay parang teaser ng isang feature length film tungkol sa walang kamatayang paghahanap ng bangkay ni Andres Bonifacio (na kung hindi ako nagkakamali ay nagdiriwang ng ika-150 anibersaryo ng kanyang pagkabayani). Sa totoo lang, nandito na lahat ng trapping para sa isang materyal na purong Lav Diaz: ang melancholia ng pag-iisa, ang depression na sumusumpong sa isang namatayan at ang walang katapusang running time na nakalagak sa paghahanap ng bagay na hindi makikita. Pero ang pinakanakakuha sa akin ng atensyon ay ang production design para sa isang period project. ‘Yan ang aabangan ko kapag naging feature length na ito. Kahit na technically above average ang 50/50 (Mikey Red), hindi ako masyadong kinagat ng premise nito. Naaliw lang ako sa “Straw Dogs” reference ng isang imahe. Good to see Gio Alvarez bilang lead.
BENDOR (Ralston Jover) Nasa pelikula ang lahat ng sangkap na magugustuhan ko ito. Una, kamukha ng mga naunang pelikula ni Ralston, tumalakay rin ito sa isang pagtulay sa alambre ng isang pangkaraniwang Pinoy. Ang karakter na si Blondie (Vivian Velez sa isang effort ng pag-arangkada sa kanyang acting career), isang bendor ng gulay at mga kandila’t pamparegla sa tabi ng simbahan sa Quiapo, ay kamukha rin ng kubrador, mga batang namumulot ng bakal, mga tao sa likod ng porn industry at mga isnatser na nabigyan ng perspektibo kung paano nila tinatawid ang buhay. Sa kaso ni Blondie, kailangan n’ya ng pera upang makaipon ng pera para sa asawang maysakit (na wala naman talaga s’yang amor at pinandigan lang dahil sa mga anak). Ito ay sa kabila ng paglalako ng mga paninda mismo na sumasalungat sa angkop na dikta ng pananampalataya (kamukha ng mga tauhan sa “Divinas Palabras” na ginawang dula ng DUP dati). Ikalawa, hindi pa naman ako nagsasawa sa real time at hindi ko ito kailanman nakitang kakulangan. Wala naman akong kaso sa naratibo maliban na lang nang magpakita na ng pahapyaw na magic realism bilang tool na susundot sa konsensya ng bida. Medyo odd din ang mga choices kung paano ito inilatag at hindi nakatulong para sa akin ang last frame upang maisalba ang mga bagay na nagustuhan ko.
BUKAS NA LANG SAPAGKAT GABI NA (Jet Leyco) Ikalawang pelikula na ito ng direktor na napanood ko. At kamukha n’ung una, amusing ang kanyang energy sa panganganak ng pelikula na bordering sa pagiging eksperimental pero nananatiling intact ang mga nakasanayang arko ng naratibo. Sa “Ex-Press” ay pinaglaruan n’ya ang hulma ng isang docu upang makabuo ng mundo mga tao sa likod ng PNR at ang komentaryo ng buong biyahe sa panahon ni Marcos. Sa “Bukas na Lang....” naman, ibinigay n’ya agad-agad ang impresyon na eksperimental ang buong pelikula (na posibleng maka-turn off sa ilan) at pakonti-konting ‘pinresenta na hindi naman pala ito sobrang kakaiba, na kapag inupuan mo ito hanggang dulo, hindi naman pala ito gan’un ka-alienating. Sobrang solid ang pelikula para sa akin kahit na walang mga karakter dito na madaling mahalin at kahit na may konting hiccup 'yung isang eksenang kailangang i-censor.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment