Total Pageviews

Friday, November 15, 2013

Report Card mula sa Cinema One Originals 2013 – Day 03


Nakalima ako kahapon (Biyernes, November 15) sa Glorietta. Ikalawa at huling araw ko rin ng leave. Suweldo Day ng ilan at merong Midnight Madness sa mall. Minsan nga ay parang ayoko nang lumabas ng cinema area dahil baka matukso lang ako at merong mabili. Maliban d’yan, merong Q&A pagkatapos ng lahat ng screening, isang effort na unang ginawa sa history ng festival. Narito ang mga napanood ko:  

RIDDLES OF MY HOMECOMING (Arnel Mardoquio) Nasa kategoryang silent film ang pelikula dahil wala itong speaking lines at ang bawat sequence ay may nakalapat na musika, unang beses na ginawa ng direktor sa kanyang filmography. Isa itong indication na ang Cinema One Originals ay malakas makaihip ng bagong hangin. Pero mukhang aware naman si Arnel sa kanyang bagong sinubukan. Nasa title, halimbawa, ang clue na ang entry ay hindi diretso ang gustong sabihin. Sa umpisa ay meron ding title card na nagpapaliwanag ng buong paniniwala sa Mindanao tungkol sa mga taong namayapa na at bumabalik sa kanilang lupa upang ito ay protektahan, sapat na itong giya upang mapangatawanan ang viewing experience. Pero ‘yun na ‘yun. Mabilis ang pagkakahati ng mga sequence (salamat sa kontribusyon ng editor nitong si Chuck Gutierrez) na nagpapakita ng mga imahe ng natural calamity, sigalot, gender equality at korupsyon na nakapinta gamit ang mga kulay na walang bahid ni anino ng dahas. Naalala kong bigla ‘yung ilang pelikula na halos nasa ganitong molde, ‘yung Anacbanua (Christopher Gozum) at Colossal (Whammy Alcazaren). Ang kaibahan lang sa mga nabanggit, binibigkas ang tula kasabay ng kabi-kabilang imahe na tila ninakaw mula sa panaginip. Dito, ang pelikula ay ang buong tula mismo. May ilan itong teksto ng mga nagpapapalit-palit (B&W at color) na reality at ang netherworld pero hindi ito binigkas nang literal. Bilang manonood, bahala ka nang lumusong sa ilog upang ramdamin ang pagkabanayad ng tubig at hayaang ang ilog ang yumakap sa ‘yong mga paa.  

BLUE BUSTAMANTE (Miko Livelo) Nakabagbukas ang pelikula ng pinto upang makapagbalik-tanaw sa aking kabataan noong late 80’s hanggang early 90’s, partikular sa unang pagkakataon na hindi ko pinanood ang Saturday Entertainment (Saturday edition ng That’s Entertainment sa GMA7) dahil sa kauna-unahang episode ng Tagalized version na Shaider. Pero maliban dito, klaro naman ang pagkakadugtong ng mga OFW (Joem Bascon) bilang mga bayani. Kailangan na lang pumili kung sino ang bayaning gagamitin (dito ay isang generic na miyembro ng isang superhero group na Force Five na isang palabas sa TV mula sa Japan). Pero kahit na generic ang base premise, on the side ay may ilan naman itong gustong sabihin tungkol sa imported na pop culture, relasyon ng bata sa kanyang absent na magulang at ang panonood ng TV bilang escapism. Makulay rin ang costume at production design na sinahugan pa ng wit na patok (ayon sa mga kasabay kong nanood), sapat na upang kumutan ang katawan ng seryosong tema nito.  

ANG PAGBABALAT NG AHAS (Timmy Harn) Nagustuhan ko ang Pascalina (Pam Miras) dahil nagpakilala ito ng isang karakter na strange (isipin ang mga kontrabida sa X-Files na TV show noong late 90’s) habang nakatali pa rin sa premise na ultra realistic ang pagkakatanim. May ganitong pakiramdam ang unang feature length ni Timmy Harn (na co-director ng experimental na short film na Class Picture kasama si Gym Lumbera) na sinulat ni Pam Miras, gamit ang kamera na ginamit din sa Pascalina. Bagama’t ang pinaka-premise nito ay ang nag-uumpisang decay ng isang middle class na pamilyang Pilipino (nanay na may pabaritong anak, kapatid na madamot, ama na walang pakialam sa pamilya at asawa na nangangabit), kada pintig ay itutuon ang ating atensyon sa isang urban legend tungkol sa isang taong ahas (na noon ay nababalita na itinatago raw ng isang mayamang pamilya na may-ari ng isang mall). Idikit ang dalawang aspetong ito sa tulong ng isang karakter na anak na merong skin allergy at nag-uumpisang matuklap ang balat sa leeg. Kahit na maigting ang deadpan humor ng pelikula at tila walang nangyayari, malalim para sa akin ang manifestation ng decay sa taong ahas.  

PHILIPPINO STORY (Benji Garcia) Tungkol sa relasyon ng isang male prostitute na may puso (Jun-Jun Quintana) at isang bading na pintor (Mark Gil) ang pelikula. Bago pa man magtanong ang audience kung anti-thesis ba ito ng impression sa mga puta na naglalaro sa baga dahil lang sa pera at wala nang iba, maagap naman nitong isiniil na huminahon muna at makinig sa generic na kuwentong ito. At isa itong hindi nakakasawang kuwento lalong lalo na para sa mga taong naniniwala sa puwersa ng pag-ibig (ito naman talaga ang dakilang pampamanhid ng logic, sa totoo lang). Old school ang pagkakadirek (na isang magandang relief sa ‘sangkaterbang daluyong ng mga experimental films ngayong taon) para sa old school na tema, at para sa akin, naitawid naman ito nang maayos at buo. Mahusay si Mark Gil dito. Mahusay rin si Jun-Jun Quintana. Maganda ‘yung sabong ng dalawang talento roon sa eksena sa ospital. Maliban d’yan, gusto ko ‘yung ilang atensyon sa detalye sa paggamit ng tubig bilang uri ng cleansing. May isang eksena rito na ipinakita ang paa ng puta na naagusan ng tubig-baha na na-cut sa isang eksena ng tumutulong tubig-ulan sa isang obra na ‘pinipinta ng artist. ‘Yan ay kung hindi pa naman obvious ang parallel sa pagitan ng dalawang klase ng pagbebenta ng kaluluwa.  

SATURDAY NIGHT CHILLS (Ian Loreños) Nakuha ko naman ang punto ng pelikula tungkol sa mga batang Fil-Chi na patapon ang buhay at kung paano ito mababago sa pamamagitan ng isang epiphany. Sa kabuuhan, nakarating naman 'yan sa akin. Marami lang talaga akong reservation dito na pinapangunahan ng pag-cast kay Matteo Guidicelli. Hindi ko masyadong binili ang delivery ng kanyang emotion na nag-peak sa isang eksena kasama ang nanay at kapatid. Medyo nakukuha pa ako sa so-called improvisation ng tatlong bida (sina Rayver Cruz at Joseph Marco 'yung dalawa pa). Sa katunayan, gusto ko ang energy ng pelikula dahil maraming promise itong puwede pang iluwal. Bihirang bihira ang ganitong ritmo at sensibility sa local film scene. Nakapag-introduce din ito ng mundo ng mga bookie kahit na hindi extensive ang pagtalakay. Medyo one note din sa akin ang pagkakadilig sa mga karakter. May punla pero hindi ito ganap na napayabong lalo na't partly ay character study ang pelikula. Halimbawa, hindi masyadong na-plant sa isang karakter ang kakayanan n'yang humantong sa isang desisyon sa dulo. Mas nag-invest pa sana rito.

2 comments:

Pamstr said...

Thank you for watching and writing about Ang Pagbabalat ng Ahas. I would just like to clarify that Ang Pagbabalat ng Ahas was shot on 16mm film and VHS. And not on digital harinezumi like Pascalina as stated in your review. Munti pero mahalagang clarification lang, dahil malaki ang pagkakaiba ng dalawa. Salamat po. -pam

Manuel Pangaruy, Jr. said...

Salamat sa paglilinaw, Miss Pam.

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...