Musings on life from a (little red) backpacker who adores highschool language classes so much.
Sunday, November 17, 2013
Report Card mula sa Cinema One Originals 2013 – Day 04
Nakalima ulit ako kahapon (Sabado, November 16). Sa Glorietta pa rin. Weekend na kaya medyo nage-expect ako na mas marami ang makakapunta (at totoo naman ito sa karamihan sa mga pelikulang ipinalabas). Unang beses ko ring nakita ang festival pass na wala akong ideya kung paano dini-distribute. Hindi na rin kasi ako nag-effort na magtanong pa kung binibenta ‘yun, ipinakita lang ng isang peer.
At heto ang ilang harvest (officially, ito ‘yung paglampas ko sa kalahati ng mga entry sa festival):
ISLANDS (Whammy Alcazaren) Ipinakita ng pelikula na ang melancholia, mula sa (literal na) pagsisiyasat ng filmmaker at crew, ay nagaganap sa nakaraan (pre-historic), kasalukuyan (dilemma ng mga magulang na haharapin ang pag-iisa) at hinaharap (isang astronaut sa kalawakan ang paulit-ulit sa kanyang routine). At inilatag ang isolation dito na madaling maabot: outstanding visuals, saktong putol ng mga sequence at competent cast (mula kina Irma Adlawan hanggang kay Benjamin Alves pati na rin ang maikling eksena ni Peque Gallaga). Hindi ito kailanman naging alienating at masturbatory. Ang huling chunk ay pumatungkol sa nabanggit sa tula na ang kalungkutan ay nasusustentuhan ng pag-ibig. Lumabas ang Assistant Director at hinarap ang cure sa pamamagitan ng isang mala-Before Sunrise na conversation kasama ang isang babaeng kaibigan na naghintay sa kanya na matapos ang shoot. Marami itong gustong sabihin. Ang pelikula na isinisilang ay extension ng puso, isip at kaluluwa ng sinumang filmmaker o crew nito. Ang mga argumentong inilatag sa fictional film ay saloobin ng mga gumawa nito. At mula rito ay sumasalok tayo ng pansariling laban kung paano ito mapapagtakpan at tuluyang magamot sa labas ng pelikula papasok sa loob ng buhay.
ISKALAWAGS (Keith Deligero) Mukhang ito ang bubuo sa circle ng mga kasali sa festival na tumo-throwback. Hindi ko alam kung dapat akong matuwa na halos lahat ng era na gustong balikan ng mga kalahok ay may tama sa akin. Sa lahat, dito sa pelikulang ito pinakana-evoke nang buo ang pakiramdam na maging batang muli. Binuhay nito ang kaligayahan na makapaglaro sa kalye, magtampisaw sa dagat (sa kaso ko, ang maligo sa ulan) at bumuo ng alliance kasama ang mga kalaro na kapitbahay. Ito ay sa panahon na wala pang text at internet at halos paparating pa lang ang bugso ng mga video games. Libangan ko rin noon ang manood ng betamax sa bahay o sa kapitbahay na may bayad (pero masaya naman dahil kasama mong manood ang iba). Gusto ko rin ang maraming eksena na gumagamit ang mga bata rito (lahat non-actors at para sa akin ay ang ensemble nila ang pinakamahusay gumanap sa lahat ng napanood ko so far) ng flashlight upang makapaglaro sa gabi. Halos ayokong matapos ang pelikula. Ayokong umabot sa dulo na siguradong magpapabago sa kanilang samahan, maging ito man ay isang maayos na paghihiwalay o isang malungkot na pangyayari. Kamukha ito ng pagsakay sa train ng mga bata sa pelikulang Innocence ni Lucille Hadzihalilovic. At hindi ito maiiwasan. Nang makasaksi ang mga bata ng isang pangyayari, na halos tumatawid na sa pagitan ng reyalidad at totoong buhay (salamat sa nakaisip ng pag-cast kay Jeric Raval), tuluyan nang nagbago ang lahat. Wala na itong balikan. Umpisa na ito ng kakaibang phase, ng bagong biyahe. Hindi man kasing carefree kamukha ng kamusmusan, ang maturity naman ang magbubunsod upang mahinog ang pagkatao at magpahalaga sa pagbalik sa nakaraan na walang ibang pinoproblema kundi makapaglaro.
ANGUSTIA (Kristian Kordero) Ang pinakaproblema ko sa pelikula ay ‘yung script considering na character study ito ng isang pari sa turn of the century (na na-pull off ng production design) sa bansa. Wala akong kaso sa materyal. Wala akong isyu kahit sukdulan sa pagiging irreverent nito lalo na sa simbahang Katoliko. Paminsan-minsan ay healthy namang maging matalas ang kuro upang masuri natin ang ating sarili sa klase ng relihiyon na ating kinabibilangan (assuming siyempre na Katoliko rin ang direktor). ‘Yung eksena na ninakaw ang ostiya at ipinakain sa alagang manok ay may kamukhang eksena sa El Crimen del Padre Amaro (Carlos Carrera) kung saan isang matandang churchgoer ang nag-uwi ng “pagkain” para sa kanyang alagang pusa. Pero hindi ko masyadong maintindihan kung anong nais ipalabas sa karakter na kura na si Don Victorino Fernandez (Alex Medina na tingin ko ay merong struggle sa dialect na ginamit sa kuwento). Dito ay pinakita s’ya na banayad at inosenteng pari sa umpisa na ang tanging libangan ay detalyadong magpinta ng mga nakukuhang plant species sa gubat. Hindi ko alam pero ang pagiging pintor (o botanist, halimbawa) ay may disiplina na malayo sa hinagap na babaliktad ang karakter. Wala ring malinaw na transition. Dahil dito, hindi justified ‘yung isang chunk ng naratibo na tumalakay naman sa pagbisita ng konsensya. Siguro kung nalinis ang pagkakahabi ng mga ito, kahit na sobrang loud pa rin ang commentary sa religion, baka nagustuhan ko ang pelikula.
ALAMAT NI CHINA DOLL (Adolf Alix) Hindi ko alam kung sinong filmmaker ang china-channel dito ni Adolf pero ang inaabangan ko ay kung ano ang kalalabasan ng isang pelikula na ang script ay isinaing ni Lav Diaz pero iba ang naglagay sa pinggan. Nabasa ko dati ang kanyang Reclusion Perpetua (na para sana kay Nora Aunor) at halos ganito rin ang pagkakalatag ng papapalit-palit at pabalik-balik na panahon (present, flashback, balik sa present, sa gitna). Pero tungkol ba saan ang pelikula? Hindi ko kasi kilala si China Doll (Angelica Panganiban). Wala akong nabalitaan sa dyaryo kung ano ang pedigree n’ya sa ilang high profile crime sa Pilipinas (maliban na lamang kung sobrang luma na ito at hindi ko naabutan o kung totoo s’ya at all). Hindi rin naman talagang tinalakay kung ano s’ya. Siguro ay may ilang pahapyaw na commentary sa mukha ng terorismo, na sa kaso ng pelikula ay isang makinis, maamo at magandang babae. Pero ang sumaklaw sa kalakhan ng running time ay ang rigodon ng mga tao sa likod ng witness protection program at media. Tinumbok din ang korupsyon sa likod nito na hindi na nakakarating pa sa kung ano ang mga nababasa at nakikita sa TV at dyaryo. Baka ito ang punto, na madalas ang mga walang access o koneksyon at mga mahihina ay napapaglamangan sa katotohanan. Maliban sa suhestiyon nito na mawalan ng tiwala sa mga may kapangyarihan, gusto ko rin na hindi ito masyadong nagpapaliwanag. Mataas ang sensibility n’ung materyal. At hindi ako magugulat na sa dulo ay maraming magtatanong kung ano talaga ang nangyari.
KABISERA (Alfonso Torre III) Hindi maiikaila na isa itong love letter ng pamangkin na direktor sa kanyang uncle (akala ko dati ay mag-ama sila so kailangan kong itama) na napakahusay na aktor sa kanyang panahon. Litaw na litaw ang reference ni Vic Silayan (na para sa akin ay pinakamahusay na Pilipinong aktor sa buong larangan ng Philippine cinema) kay Joel Torre (bilang pangunahing tauhan na si Andres). Bonus na lang siguro ‘yung mala-Kisapmata (na ikinagulat ko na ang peg ng mga nagtanong sa Q&A ay ang pamosong TV show na Breaking Bad at hindi ang pelikula ni Mike de Leon) na inspiration dito. Bukod d’yan, hindi ko nakitaan ang direktor na unang beses pa lang n’yang magdidirek ng feature length. Kitang kita ang kanyang vision para sa buong pelikula at na-execute n’ya ito na para bang hindi s’ya nangangapa (cinematography, scipt, editing, akting, atbp). Puwedeng puwede na itong ilako dahil nasa iisang market lang ito at ang OTJ ni Erik Matti, madaling masundan pero hindi kailanman naging mababaw. Mahusay rin ang ensemble dito: Bing Pimentel, Art Acuña, Ketchup Eusebio, Bernard Palanca o maging ‘yung ilan na bilang na bilang ang mga eksena. Kung ganito ang magiging direksyon ng mga crime films sa bansa, hindi ako magrereklamo lalo na’t meron itong wit na kamukha ng pagkanta sa videoke ng “Bato sa Buhangin” at mga karakter na may pangalang Andres at Jose.
No comments:
Post a Comment