Thursday, December 05, 2013

Biyaheng Boni

Bilang ika-150 na taon ng kapanganakan ni Andres Bonifacio ngayong taon (November 30, 1863, ang kanyang birthday), kabi-kabila ang mga produksyong pang-entablado tungkol sa ating isa pang pambansang bayani. Base sa apat na napanood ko, ang kapansin-pansing hamon ay ‘yung magkaroon si Bonifacio ng puwang sa kamalayan ng ilan na ang tanging pambansang bayani lang ay si Jose Rizal. Isang produksyon ang tila nais itama ang kasaysayan, samantalang ang isa naman ay itinutulak ang manonood na magtaas ng daliri kay Emilio Aguinaldo. Ang isa ay inilagay si Bonifacio sa pedestal na parang isang santo habang ang isa naman ay nagbuhos ng atensyon sa artistikong perspektibo ng Supremo.

Narito ang ilang tala:

Bonifacio: Isang Sarsuwela
Produksyon: Philippine Stagers Foundation
Direksyon: Vince Tañada
Libretto: Vince Tañada
Musika: Pipo Cifra
Mga Nagsiganap: Vince Tañada, Cindy Liper, Jordan Ladra, Patrick Libao, atbp.

Sa apat, ito ang mala-epiko ang pagtalakay sa buhay ni Andres Bonifacio (Vince Tañada), mula sa ilang tala sa kanyang pagsilang hanggang kamatayan. Very academic ang take at halatang dumaan sa proseso ng research dahil na-emphasize nito maging ang maliit na detalye na hindi raw naman pala dominant na kayumanggi ang kutis ng Supremo. Medyo banayad din ang pagtingin kay Emilio Aguinaldo (Jordan Ladra) rito dahil ipinalabas s’ya na pinuno na may puso at kailangan lang gawin ang nararapat sa tungkulin (para bang si Poncio Pilato sa ilang paglalarawan sa mga huling araw ni Hesus). Lumalabas na nasa mga galamay lamang ng El Presidente ang mga totoong kontrabida sa kasaysayan ng bansa.

Bago para sa PSF ang hugis ng dula dahil humulma ito sa isang sarsuwela. Wala naman akong masyadong input kung ano ba dapat ang mga katangian pero base sa mga napanood ko dati, maliban sa meron itong kantahan, medyo realistic dapat ang mga tauhan at ang mga tagpo ay pinakamalapit na sa totoong buhay. Kadalasan din na ang dulo, bagama’t dumaan sa masalimuot na gitna, ay nagtatapos sa happy ending na punung puno ng pag-asa at enthusiasm. At dito ko nagustuhan ang icing on the cake ng materyal. Sa pagkahaba-haba ng prusisyon, lumabas ang punto na si Andres Bonifacio dapat ang may hawak ng bandila habang iwinagayway ito sa Kawit, Cavite. Makikita mula sa malayo si Emilio Aguinaldo at maybahay nito sa isang taimtim na pagsuko at pagsang-ayon.

Sa limitasyon na rin ng materyal na hindi lumampas sa historical accuracy nito, bihirang bihira ang mga nakasanayang ad lib ng mga pangunahing aktor dito. Ang natatandaan ko lang ay ‘yung eksena na nanliligaw si Bonifacio kay Gregoria de Jesus (Cindy Liper) at ang hindi ko inaasahang Juan dela Cruz (Coco Martin) impersonation ni Emilio Jacinto (Patrick Libao). Bilang isang theater group na ang pinaka-vision ay aliwin ang mga estudyante at agawin pabalik ang atensyon, naiintindihan ko ito. Hindi naman ito nakabawas sa impresyon ko na ito sigurong produksyon ng PSF tungkol kay Bonifacio, kumpara sa mga nagawa na nilang produksyon, ang pinakaganap ang pagkakahinog.  

Neo-Filipino [Rock] Supremo
Produksyon: Ballet Philippines
Direksyon: Paul Alexander Morales
Libretto: Nicolas Pichay
Musika: Radioactive Sago Project, Peso Movement, Kai Honasan, Rico Blanco, Dong Abay, Ebe Dancel, Peryodiko, Sandwich, Pedicab, Tarsius at Gloc9
Mga Nagsiganap: Ballet Philippines

Aaminin ko, unang una, na wala akong alam sa lenguwahe ng ballet. Ito ‘yung isang klase ng performing arts na hindi ko masyadong maintindihan at makagiliwan. Pero dahil sa kakaibang kombinasyon ng rock OPM mula sa collaborating bands at sa titik ni Nicolas Pichay, nagkaroon ako ng giya na baka makuha ko naman ito. Ang structure ng produksyon ay nakalatag sa iba’t ibang chapter ng buhay, pag-ibig at kamatayan ni Bonifacio na literal na hinati sa sampung kanta (ang isa rito, “Yugto” ni Rico Blanco, ay na-publish na dati pa). May number na para sa pag-iibigan ng Supremo at ni Ka Oryang (“Iyong Liwanag” ni Kai Honasan at ang paborito kong “Lakambini” ni Ebe Dancel) at meron din namang harap-harapan ang pangunguwestiyon kay Emilio Aguinaldo (“Hoy Emilio!” ng Radioactive Sago Project).

Sa kabuuhan, gusto ko ang playlist (na mga ilang araw ko ring ninamnam sa player). Wala rin naman akong masasabi sa mga nag-ambag ng ballet pieces dito. Ang napansin ko lang ay ‘yung paga-articulate ng tema na tinatalakay ng bawat kanta. Gumamit ng skit na tila nag-uusap ang isang estudyante at kanyang guro upang mailagay sa konteksto ang tinatalakay, bago at pagkatapos pumasada ng sayaw. Minsan ay humihingal pa ang “estudyante” na kasali rin sa performance bago ito magbitiw ng konklusyon. Para sa akin, mas namuhunan sana sa kumpiyansa na kayang “ipaliwanag” ng galaw ang bawat punto ng kanta. Pero baka ako lang ito na wala namang alam sa ballet.  

Teatro Porvenir (Ang Katangi-tanging Kasaysayan nina Andres Bonifacio, Macario Sakay at Aurelio Tolentino sa Entablado)
Produksyon: Dulaang UP
Direksyon: Alexander Cortez
Mandudula: Tim Dacanay
Mga Nagsiganap: Romnick Sarmenta/Russell Legaspi, Fitz Bitana/Jojit Lorenzo, Joel Saracho, Karen Gaerlan/Jean Judith Javier, Paul Cedrick Juan, atbp.

Para sa akin, ang pinakamabisang nagawa ng dula ay ang pagbigay-diin nito sa isang mas maliit na aspeto ng buhay ni Andres Bonifacio, ang kanyang sining bilang morista. Napalago ng suhestiyon na ito ang kanyang kagitingan para sa bayan na may mga punla mula sa disiplina at pagkamalikhain ng isang taga-teatro. Kung si Rizal ay naging edukado (at sa dulo ay nakatagpo ng kanyang epiphany) mula sa kanyang paninirahan sa Europa, si Bonifacio naman, ayon sa dula, ay umukit ng motibasyon sa pakikidigma at pagtatanggol sa bayan mula sa entablado. Lumalabas ang pagpupursigi ng mandudula at direktor tungkol sa teatro bilang pagkaangkop sa kasaysayan at vice versa.

Hindi ako masyadong fan ng mga nasulat ni Tim Dacanay dati sa Virgin Labfest. Para sa dulang ito (na ang script ay nanalo sa Palanca), hindi ko rin agad mabilis na nalunok ang ilang desisyon sa pagbabago ng beat sa pagitan ng dalawang act. Sa Act 1, halimbawa, mas linear ang pagkakakuwento mula kay Bonifacio (Romnick Sarmenta at Russell Legaspi) bilang isang struggling artist. Ipinakita ang kanyang karakter bilang panganay sa anim na magkakapatid, ang kanyang pakikipagsapalaran sa buhay bilang tagabenta ng tungkod at ang kanyang pag-ibig kay Gregoria de Jesus (Karen Gaerlan at Jean Judith Javier). Sa pagitan, ipinakita rin ang kanyang kontribusyon bilang isa sa mga tagatatag ng Teatro Porvenir (kabilang sina Macario Sakay at Aurelio Tolentino na ginampanan nina Fitz Bitana at Jojit Lorenzo, at Joel Saracho), ilang politika sa pagkakaroon ng theater group (na tingin ko ay relevant pa rin maging sa kasalukuyan kahit hindi lang masyadong napapansin ng Pinoy audience) at ang kanyang pagpiga sa creative juices. Malinaw rin sa parteng ito ang parallel sa pagitan ng pagsasaentablado ng isang produksyon sa teatro at ang "pagdidirek" ng pag-aalsa ng bayan para sa isang himagsikan. Sa Act 2, nagbago ang boses ng dula. Nakatutok na ito sa POV ni Aurelio Tolentino at mula sa kanya ay ipinakita ang kinahinatnan ng bawat kasapi ng teatro kabilang ang kanyang piniling landas sa pagsusulat. Pero kahit na magkaiba ang tono ng dalawang act (hindi ko alam ang lawak o kapayakan ng kontribusyon ni Floy Quintos sa “dramaturgy at additional dialogue”), hindi ko maiikaila na gumana ito para sa akin. Ang Act 2 ay nagsilbing magkakasunod na monologo nina Andres Bonifacio, Emilio Jacinto (Paul Cedrick Juan) at Macario Sakay hanggang umabot sila sa kanya kanyang pagbaba ng telon. Nalungkot ako hindi talaga dahil sa mga taong kayang isakripisyo ang buhay para sa bayan kundi sa metaphor nito kung paano gumuho ang isang teatro dahil may mga bagay na mas kagila-gilalas sa labas ng bulwagan.

Sa puntong ito, gusto ko lang ibahagi na dahil nakuha ako ng unang pagtatanghal, inulit ko ang dula para na rin mapanood ang alternate cast. Wala nang kuwestiyon sa husay ni Romnick Sarmenta at magandang ideya na makita s’yang muli sa isang DUP production. Ang kanyang Bonifacio ay pinagsamang command sa stage presence at, bilang artista sa pelikula at telebisyon, nabigyang kulay n’ya ang mga drama sa pakikipagsapalaran ng isang bayani. Ang Bonifacio naman ni Russell Legaspi ay mas organic. Nakita ko sa kanya ang anonymity na kahit sino ay kayang maging bayani. Sina Jojit Lorenzo rin at Joel Saracho ay malaki ang kontribusyon upang panatilihing humihinga ang dula. Nakita ko sa kanila na si Macario Sakay ay free spirited naman pala at may kiliti sa katawan, at si Aurelio Tolentino ay isang intellectual na taga-teatro na kasingtining din ng mga masisipag na playwright natin ngayon. Pero maliban sa kanila, gusto ko sanang pansinin ang new blood sa cast. Ang Gregoria de Jesus ni Karen Gaerlan ay pinagsamang fragility at tapang samantalang ang Macario Sakay naman ni Fitz Bitana ay nag-uumapaw sa timing sa komedya at articulation sa transition ng kanyang pagiging komedyante at pagkamapusok sa pakikidigma. Ang Emilio Jacinto ni Paul Cedrick Juan ay magkahalong gilas ng isang baguhan sa teatro at pakikidigma, intellect at timbang sa buong pakikibaka ng kilusan. Gustung gusto ko ‘yung isang monologue n’ya na binibigyan ng saysay ang mga napiling istratehiya ni Bonifacio kahit na kailangang suungin n’ya ito ng may pagdududa.

Sa lahat, maliban sa mga nabanggit ko na, ang pinakanangangailangan ng komendasyon ay ang pagtawid ng dula bilang isang historical argument na madaling maabot ng manonood. Hindi ko alam kung ano ang mga sangkap na inilagay ng mandudula pero hindi ito kailanman naging alienating kahit na malayo-layo na rin ang pagitan ng panahon ng himagsikan at ngayon. Baka naman deliberate ito bilang sabi nga sa dula at sa bibig mismo ni Jose Rizal nanggaling, ang salitang “porvenir” ay nangangahulugan ng “kinabukasan”.

San Andres B.
Produksyon: Tanghalang Pilipino
Direksyon: Floy Quintos
Libretto: Virgilio Almario
Musika: Chino Toledo
Mga Nagsiganap: Dondi Ong, Margarita Roco, Arman Ferrer, atbp.

Kamukha ng ballet, hindi ko rin thing ang opera. Hindi ko masyadong maintidihan ang kakaibang high na nakukuha ng specific audience sa matataas na timbre ng boses ng mga opera singer. Ang stage design ay payak at minimalist. Bihirang bihira ang mga gumagalaw na set piece at kung anu-ano pang gimik. Madalas din na hindi ito kailanman nakikialam sa pisikal na affiliation ng aktor sa kanyang karakter. Hindi ko alam kung stereotypical lang ako pero ang impresyon ko sa mga artist sa ganitong genre ay malulusog. Hindi na lang siguro sa hugis na katawan. ‘Yung “Madama Butterfly” ni Puccini (na napanood ko isang beses sa Prague), halimbawa, ay isinulat ng isang Italyano na may mga karakter na Hapon na ginanapan ng mga Caucasian. Hindi naman talaga ito importante. After all, kapag naging issue ito, mababawasan na ang tiwala sa kakayahan ng teatro na makagawa ng magic.

Sa produksyong ito ng Tanghalang Pilipino, parang gusto kong bawiin ang aking impresyon sa opera. Nand’un pa rin naman ang mga elementong nabanggit pero hindi ako kailanman nabato. Kumpara sa tatlong naunang produksyon na napanood ko, ito ang pinakasimple ang argumento at naratibo. Hindi nito pinili ang approach na academic at iisa lang ang nais tumbukin, na si Andres Bonifacio (Dondi Ong) ay isang santo at ang isang santo ay may masaganang pagkakahambing sa isang bayani. Kung tutuusin, wala rin ang mga inaasahang karakter kamukha ni Emilio Aguinaldo. Ang naiwan lang na historical figure ay sina Gregoria de Jesus (Margarita Roco) at Emilio Jacinto (Arman Ferrer). Ang yin-yang sa materyal, salamat sa ating National Artist for Literature na si Virgilio Almario, ay isang grupo ng mga lalaki na nakabihis Espanya at isang grupo ng mga babae na nakabihis na parang mga santa. Sa bawat pakikibaka ng ating Supremo, nariyang lalabas ang dalawang grupo at magsasadula ng sariling himagsikan sa utak ni Bonifacio.

Naiwan ang materyal hindi sa pagpapabulaklak sa katapangan ng mga bayani kundi sa isang proseso na pinipili ng tadhana at pinakikintab na parang isang diyamante. Naging ganap ang “pagkasanto” ni Bonifacio nang s’ya ay inilagay sa pedestal at pinaslang. May mumunting suhestiyon din kung bakit nakarating ang dula sa ganitong konklusyon. Parang gusto nitong tumbukin na ang kasalukuyang bansa na lugmok sa opresyon ay kinakailangang magdasal sa isang santo upang mabuntis ng katapangan. Inaasahan na matapos lumabas sa Tanghalang Aurelio Tolentino sa CCP ay alam na ng manonood kung sino ang kanilang luluhuran at tatawagin