Thursday, December 05, 2013

Biyaheng Boni

Bilang ika-150 na taon ng kapanganakan ni Andres Bonifacio ngayong taon (November 30, 1863, ang kanyang birthday), kabi-kabila ang mga produksyong pang-entablado tungkol sa ating isa pang pambansang bayani. Base sa apat na napanood ko, ang kapansin-pansing hamon ay ‘yung magkaroon si Bonifacio ng puwang sa kamalayan ng ilan na ang tanging pambansang bayani lang ay si Jose Rizal. Isang produksyon ang tila nais itama ang kasaysayan, samantalang ang isa naman ay itinutulak ang manonood na magtaas ng daliri kay Emilio Aguinaldo. Ang isa ay inilagay si Bonifacio sa pedestal na parang isang santo habang ang isa naman ay nagbuhos ng atensyon sa artistikong perspektibo ng Supremo.

Narito ang ilang tala:

Bonifacio: Isang Sarsuwela
Produksyon: Philippine Stagers Foundation
Direksyon: Vince Tañada
Libretto: Vince Tañada
Musika: Pipo Cifra
Mga Nagsiganap: Vince Tañada, Cindy Liper, Jordan Ladra, Patrick Libao, atbp.

Sa apat, ito ang mala-epiko ang pagtalakay sa buhay ni Andres Bonifacio (Vince Tañada), mula sa ilang tala sa kanyang pagsilang hanggang kamatayan. Very academic ang take at halatang dumaan sa proseso ng research dahil na-emphasize nito maging ang maliit na detalye na hindi raw naman pala dominant na kayumanggi ang kutis ng Supremo. Medyo banayad din ang pagtingin kay Emilio Aguinaldo (Jordan Ladra) rito dahil ipinalabas s’ya na pinuno na may puso at kailangan lang gawin ang nararapat sa tungkulin (para bang si Poncio Pilato sa ilang paglalarawan sa mga huling araw ni Hesus). Lumalabas na nasa mga galamay lamang ng El Presidente ang mga totoong kontrabida sa kasaysayan ng bansa.

Bago para sa PSF ang hugis ng dula dahil humulma ito sa isang sarsuwela. Wala naman akong masyadong input kung ano ba dapat ang mga katangian pero base sa mga napanood ko dati, maliban sa meron itong kantahan, medyo realistic dapat ang mga tauhan at ang mga tagpo ay pinakamalapit na sa totoong buhay. Kadalasan din na ang dulo, bagama’t dumaan sa masalimuot na gitna, ay nagtatapos sa happy ending na punung puno ng pag-asa at enthusiasm. At dito ko nagustuhan ang icing on the cake ng materyal. Sa pagkahaba-haba ng prusisyon, lumabas ang punto na si Andres Bonifacio dapat ang may hawak ng bandila habang iwinagayway ito sa Kawit, Cavite. Makikita mula sa malayo si Emilio Aguinaldo at maybahay nito sa isang taimtim na pagsuko at pagsang-ayon.

Sa limitasyon na rin ng materyal na hindi lumampas sa historical accuracy nito, bihirang bihira ang mga nakasanayang ad lib ng mga pangunahing aktor dito. Ang natatandaan ko lang ay ‘yung eksena na nanliligaw si Bonifacio kay Gregoria de Jesus (Cindy Liper) at ang hindi ko inaasahang Juan dela Cruz (Coco Martin) impersonation ni Emilio Jacinto (Patrick Libao). Bilang isang theater group na ang pinaka-vision ay aliwin ang mga estudyante at agawin pabalik ang atensyon, naiintindihan ko ito. Hindi naman ito nakabawas sa impresyon ko na ito sigurong produksyon ng PSF tungkol kay Bonifacio, kumpara sa mga nagawa na nilang produksyon, ang pinakaganap ang pagkakahinog.  

Neo-Filipino [Rock] Supremo
Produksyon: Ballet Philippines
Direksyon: Paul Alexander Morales
Libretto: Nicolas Pichay
Musika: Radioactive Sago Project, Peso Movement, Kai Honasan, Rico Blanco, Dong Abay, Ebe Dancel, Peryodiko, Sandwich, Pedicab, Tarsius at Gloc9
Mga Nagsiganap: Ballet Philippines

Aaminin ko, unang una, na wala akong alam sa lenguwahe ng ballet. Ito ‘yung isang klase ng performing arts na hindi ko masyadong maintindihan at makagiliwan. Pero dahil sa kakaibang kombinasyon ng rock OPM mula sa collaborating bands at sa titik ni Nicolas Pichay, nagkaroon ako ng giya na baka makuha ko naman ito. Ang structure ng produksyon ay nakalatag sa iba’t ibang chapter ng buhay, pag-ibig at kamatayan ni Bonifacio na literal na hinati sa sampung kanta (ang isa rito, “Yugto” ni Rico Blanco, ay na-publish na dati pa). May number na para sa pag-iibigan ng Supremo at ni Ka Oryang (“Iyong Liwanag” ni Kai Honasan at ang paborito kong “Lakambini” ni Ebe Dancel) at meron din namang harap-harapan ang pangunguwestiyon kay Emilio Aguinaldo (“Hoy Emilio!” ng Radioactive Sago Project).

Sa kabuuhan, gusto ko ang playlist (na mga ilang araw ko ring ninamnam sa player). Wala rin naman akong masasabi sa mga nag-ambag ng ballet pieces dito. Ang napansin ko lang ay ‘yung paga-articulate ng tema na tinatalakay ng bawat kanta. Gumamit ng skit na tila nag-uusap ang isang estudyante at kanyang guro upang mailagay sa konteksto ang tinatalakay, bago at pagkatapos pumasada ng sayaw. Minsan ay humihingal pa ang “estudyante” na kasali rin sa performance bago ito magbitiw ng konklusyon. Para sa akin, mas namuhunan sana sa kumpiyansa na kayang “ipaliwanag” ng galaw ang bawat punto ng kanta. Pero baka ako lang ito na wala namang alam sa ballet.  

Teatro Porvenir (Ang Katangi-tanging Kasaysayan nina Andres Bonifacio, Macario Sakay at Aurelio Tolentino sa Entablado)
Produksyon: Dulaang UP
Direksyon: Alexander Cortez
Mandudula: Tim Dacanay
Mga Nagsiganap: Romnick Sarmenta/Russell Legaspi, Fitz Bitana/Jojit Lorenzo, Joel Saracho, Karen Gaerlan/Jean Judith Javier, Paul Cedrick Juan, atbp.

Para sa akin, ang pinakamabisang nagawa ng dula ay ang pagbigay-diin nito sa isang mas maliit na aspeto ng buhay ni Andres Bonifacio, ang kanyang sining bilang morista. Napalago ng suhestiyon na ito ang kanyang kagitingan para sa bayan na may mga punla mula sa disiplina at pagkamalikhain ng isang taga-teatro. Kung si Rizal ay naging edukado (at sa dulo ay nakatagpo ng kanyang epiphany) mula sa kanyang paninirahan sa Europa, si Bonifacio naman, ayon sa dula, ay umukit ng motibasyon sa pakikidigma at pagtatanggol sa bayan mula sa entablado. Lumalabas ang pagpupursigi ng mandudula at direktor tungkol sa teatro bilang pagkaangkop sa kasaysayan at vice versa.

Hindi ako masyadong fan ng mga nasulat ni Tim Dacanay dati sa Virgin Labfest. Para sa dulang ito (na ang script ay nanalo sa Palanca), hindi ko rin agad mabilis na nalunok ang ilang desisyon sa pagbabago ng beat sa pagitan ng dalawang act. Sa Act 1, halimbawa, mas linear ang pagkakakuwento mula kay Bonifacio (Romnick Sarmenta at Russell Legaspi) bilang isang struggling artist. Ipinakita ang kanyang karakter bilang panganay sa anim na magkakapatid, ang kanyang pakikipagsapalaran sa buhay bilang tagabenta ng tungkod at ang kanyang pag-ibig kay Gregoria de Jesus (Karen Gaerlan at Jean Judith Javier). Sa pagitan, ipinakita rin ang kanyang kontribusyon bilang isa sa mga tagatatag ng Teatro Porvenir (kabilang sina Macario Sakay at Aurelio Tolentino na ginampanan nina Fitz Bitana at Jojit Lorenzo, at Joel Saracho), ilang politika sa pagkakaroon ng theater group (na tingin ko ay relevant pa rin maging sa kasalukuyan kahit hindi lang masyadong napapansin ng Pinoy audience) at ang kanyang pagpiga sa creative juices. Malinaw rin sa parteng ito ang parallel sa pagitan ng pagsasaentablado ng isang produksyon sa teatro at ang "pagdidirek" ng pag-aalsa ng bayan para sa isang himagsikan. Sa Act 2, nagbago ang boses ng dula. Nakatutok na ito sa POV ni Aurelio Tolentino at mula sa kanya ay ipinakita ang kinahinatnan ng bawat kasapi ng teatro kabilang ang kanyang piniling landas sa pagsusulat. Pero kahit na magkaiba ang tono ng dalawang act (hindi ko alam ang lawak o kapayakan ng kontribusyon ni Floy Quintos sa “dramaturgy at additional dialogue”), hindi ko maiikaila na gumana ito para sa akin. Ang Act 2 ay nagsilbing magkakasunod na monologo nina Andres Bonifacio, Emilio Jacinto (Paul Cedrick Juan) at Macario Sakay hanggang umabot sila sa kanya kanyang pagbaba ng telon. Nalungkot ako hindi talaga dahil sa mga taong kayang isakripisyo ang buhay para sa bayan kundi sa metaphor nito kung paano gumuho ang isang teatro dahil may mga bagay na mas kagila-gilalas sa labas ng bulwagan.

Sa puntong ito, gusto ko lang ibahagi na dahil nakuha ako ng unang pagtatanghal, inulit ko ang dula para na rin mapanood ang alternate cast. Wala nang kuwestiyon sa husay ni Romnick Sarmenta at magandang ideya na makita s’yang muli sa isang DUP production. Ang kanyang Bonifacio ay pinagsamang command sa stage presence at, bilang artista sa pelikula at telebisyon, nabigyang kulay n’ya ang mga drama sa pakikipagsapalaran ng isang bayani. Ang Bonifacio naman ni Russell Legaspi ay mas organic. Nakita ko sa kanya ang anonymity na kahit sino ay kayang maging bayani. Sina Jojit Lorenzo rin at Joel Saracho ay malaki ang kontribusyon upang panatilihing humihinga ang dula. Nakita ko sa kanila na si Macario Sakay ay free spirited naman pala at may kiliti sa katawan, at si Aurelio Tolentino ay isang intellectual na taga-teatro na kasingtining din ng mga masisipag na playwright natin ngayon. Pero maliban sa kanila, gusto ko sanang pansinin ang new blood sa cast. Ang Gregoria de Jesus ni Karen Gaerlan ay pinagsamang fragility at tapang samantalang ang Macario Sakay naman ni Fitz Bitana ay nag-uumapaw sa timing sa komedya at articulation sa transition ng kanyang pagiging komedyante at pagkamapusok sa pakikidigma. Ang Emilio Jacinto ni Paul Cedrick Juan ay magkahalong gilas ng isang baguhan sa teatro at pakikidigma, intellect at timbang sa buong pakikibaka ng kilusan. Gustung gusto ko ‘yung isang monologue n’ya na binibigyan ng saysay ang mga napiling istratehiya ni Bonifacio kahit na kailangang suungin n’ya ito ng may pagdududa.

Sa lahat, maliban sa mga nabanggit ko na, ang pinakanangangailangan ng komendasyon ay ang pagtawid ng dula bilang isang historical argument na madaling maabot ng manonood. Hindi ko alam kung ano ang mga sangkap na inilagay ng mandudula pero hindi ito kailanman naging alienating kahit na malayo-layo na rin ang pagitan ng panahon ng himagsikan at ngayon. Baka naman deliberate ito bilang sabi nga sa dula at sa bibig mismo ni Jose Rizal nanggaling, ang salitang “porvenir” ay nangangahulugan ng “kinabukasan”.

San Andres B.
Produksyon: Tanghalang Pilipino
Direksyon: Floy Quintos
Libretto: Virgilio Almario
Musika: Chino Toledo
Mga Nagsiganap: Dondi Ong, Margarita Roco, Arman Ferrer, atbp.

Kamukha ng ballet, hindi ko rin thing ang opera. Hindi ko masyadong maintidihan ang kakaibang high na nakukuha ng specific audience sa matataas na timbre ng boses ng mga opera singer. Ang stage design ay payak at minimalist. Bihirang bihira ang mga gumagalaw na set piece at kung anu-ano pang gimik. Madalas din na hindi ito kailanman nakikialam sa pisikal na affiliation ng aktor sa kanyang karakter. Hindi ko alam kung stereotypical lang ako pero ang impresyon ko sa mga artist sa ganitong genre ay malulusog. Hindi na lang siguro sa hugis na katawan. ‘Yung “Madama Butterfly” ni Puccini (na napanood ko isang beses sa Prague), halimbawa, ay isinulat ng isang Italyano na may mga karakter na Hapon na ginanapan ng mga Caucasian. Hindi naman talaga ito importante. After all, kapag naging issue ito, mababawasan na ang tiwala sa kakayahan ng teatro na makagawa ng magic.

Sa produksyong ito ng Tanghalang Pilipino, parang gusto kong bawiin ang aking impresyon sa opera. Nand’un pa rin naman ang mga elementong nabanggit pero hindi ako kailanman nabato. Kumpara sa tatlong naunang produksyon na napanood ko, ito ang pinakasimple ang argumento at naratibo. Hindi nito pinili ang approach na academic at iisa lang ang nais tumbukin, na si Andres Bonifacio (Dondi Ong) ay isang santo at ang isang santo ay may masaganang pagkakahambing sa isang bayani. Kung tutuusin, wala rin ang mga inaasahang karakter kamukha ni Emilio Aguinaldo. Ang naiwan lang na historical figure ay sina Gregoria de Jesus (Margarita Roco) at Emilio Jacinto (Arman Ferrer). Ang yin-yang sa materyal, salamat sa ating National Artist for Literature na si Virgilio Almario, ay isang grupo ng mga lalaki na nakabihis Espanya at isang grupo ng mga babae na nakabihis na parang mga santa. Sa bawat pakikibaka ng ating Supremo, nariyang lalabas ang dalawang grupo at magsasadula ng sariling himagsikan sa utak ni Bonifacio.

Naiwan ang materyal hindi sa pagpapabulaklak sa katapangan ng mga bayani kundi sa isang proseso na pinipili ng tadhana at pinakikintab na parang isang diyamante. Naging ganap ang “pagkasanto” ni Bonifacio nang s’ya ay inilagay sa pedestal at pinaslang. May mumunting suhestiyon din kung bakit nakarating ang dula sa ganitong konklusyon. Parang gusto nitong tumbukin na ang kasalukuyang bansa na lugmok sa opresyon ay kinakailangang magdasal sa isang santo upang mabuntis ng katapangan. Inaasahan na matapos lumabas sa Tanghalang Aurelio Tolentino sa CCP ay alam na ng manonood kung sino ang kanilang luluhuran at tatawagin

Friday, November 29, 2013

Mga Batang Namatanda

Games People Play
Produksyon: Bahagi ng Karnabal: A Def. Defying Festival ng Sipat Lawin Ensemble
Direksyon: Ed Lacson, Jr.
Mandudula: Glenn Sevilla Mas
Mga Nagsiganap: Dorothea Maria Yrastorza, Kalil Almonte at Abner Delina, Jr.

Sa papel, ang materyal ay tungkol sa tatlong magkakaibigang bata, mga larong kanilang nilalaro mula pagkabata hanggang sa pagtanda (mula 11 years old hanggang 28 years old), mga tao sa kanilang paligid (partikular ang kanilang mga magulang) at kung paano nabuo ang kanilang pagkatao. Tatlong complex na karakter na may complex na back story na isinasabuhay ng tatlong aktor. Kung tutuusin, parang napaka-challenging nitong idirek dahil kinakailangan ng masusing pagsiyasat sa bawat eksena at sa hinihinging beat nito upang makarating sa isang madilim na coming of age tale. At hindi naman nagkulang ang direktor dito na sinubukang “hamunin” ang Palanca-winning na teksto ni Glenn Sevilla Mas.

Sa pagpasok ng performance space sa third floor ng NCCA Building sa Intramuros (unang naipalabas ang dula sa Teatro Hermogenes Ylagan sa UP bilang thesis play), merong isang “ATM” na yari sa karton. Iginiya kami ng isang usher na kailangan daw naming mag-withdraw ng “pera” mula rito gamit ang “ATM card” na gawa rin sa karton. Mula sa makina ay lumuwa ang papel na galing sa “Bank of Imagination”. Ito ay bilang pag-simulate sa laro na s’yang tema ng dula. Pagpasok sa isang hindi kalakihang silid, mapupuna na halos hubad lang ang stage. Hinati ito sa tatlong partition na rumerepresenta sa tatlong tauhan na sina Luna (Dorothea Maria Yrastorza) sa kaliwa, Diego (Kalil Almonte) sa gitna at Julio (Abner Delina, Jr.) sa kanan. Sa likod ni Luna ay isang maliit na simbahan. Isang gubat naman ang nasa likod ni Diego at isang palasyo sa likod ni Julio. Lahat ng structure ay gawa sa karton (na idinisenyo ni Ed Lacson, Jr. mismo), kabilang na ang mga kahon na bumabalot sa footlights at sa iniilawang ID sa ulunan ng mga aktor.      

Noong una, hindi ko halos nakuha kung ano’ng relevance n’ung mga title cards na manual na ipinapakita ng mga karakter. Sa umpisa rin ay meron silang tig-iisang monologo tungkol sa tila deconstruction ng fairy tale na sumasalamin sa avatar ng kanilang kinahantungan. Naging malinaw na lang lahat makalipas ang una at ikalawang eksena na magkakasama ang mga karakter bilang magkababata sa isang probinsya sa Pilipinas. Sa nakasanayang Filipino English ang kanilang accent (hindi American o British) at hindi properly articulated ang bawat bagsak ng salita. Para silang nagsasalita sa punto at bigkas na Tagalog (o sa regional language) pero English. Nakadagdag ito ng pagkakaroon ng sariling timpla ang dula na distinct sa ibang produksyon sa local theater scene. Ilan lang ‘yan sa mga mahusay na desisyon ng direktor upang maitawid nang matining ang isang obra na may impresyon akong hindi madaling isadula.

Mapapansin din ang transition ng tatlong aktor bilang iba pang mga karakter na bubuo sa back story ng tatlong bida. At hindi ito simpleng back story. Kung tutuusin, madilim ang bawat yugto nito na pinaigting ng haunting na score ni Teresa Barrozo at ang pagpatay-sindi ng mga pangalan ng mga karakter sa kanilang ulunan. Bagama’t hindi siguro sinasadya, may kakaibang kilabot sa tuwing namamatayan sila ng ilaw. Parang merong undertone ito ng kawalan ng pag-asa. Kung tutuusin, ang mga structure sa likuran ay sumisimbolo sa kani-kaniyang kulungan. Si Luna, halimbawa, ay lumaki kapiling ang amang lasenggo (si Kalil Almonte rin) at inang sagrado Katoliko (Abner Delina, Jr.). Ang kanyang sekswalidad ay nababalot ng hypocrisy ng simbahan. Si Diego naman ay kapiling ang ina (si Abner Delina, Jr. ulit) na walang ginawa kundi tumunghay sa bintana at maghintay sa ama na kailanman ay hindi na babalik. Ang kanyang patuloy na “pangangaso” ay hatid ng presensya ng magulang na nariyan pero wala naman. Si Julio ay lumaki sa supresyon ng ina (Dorothea Maria Yrastorza) at mga kapatid na babae (parehong si Kalil Almonte) upang mabuhay na ayon sa inaasahan ng iba at hindi ng sarili. Ang palasyo sa kanyang likod ay isang pader upang tuluyan s’yang maging malaya.

Ang resolusyon ay tila isang unscripted na bahagi ng dula kung saan ipinakita ang kinahinatnan ng mga laro na nilalaro ng mga tao makalipas ang maraming taon. Maaaring may mga laro sila na hindi pa game over o meron ding ilan na nilalaro nang walang pagkasawa. Kung sa dulo ay nagmukhang talunan ang tatlong karakter, hindi talaga ito kasalanan ng kani-kanilang game plan. Ang totoong madaya ay ang mga tao sa paligid nila na patuloy na naglalaro nang marumi sa labas ng panuntunan, parang mga patotot sa patintero na lumalampas sa linya o tagabantay ng nakatali palang lata sa tumbang preso. Naipinta sa kapalaran ng tatlong dating bata kung ano ang bagong kahulugan ng namatanda.

Monday, November 25, 2013

Insenso

Maxie, the Musicale
Produksyon: Bit by Bit Company
Direksyon: Dexter Santos
Libretto: Nicolas Pichay (halaw mula sa dulang pampelikula ni Michiko Yamamoto na “Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros” na idinirehe ni Auraeus Solito)
Musika: William Elvin Manzano, JJ Pimpinio at Janine Santos
Mga Nagsiganap: Jayvhot Galang, Jojo Riguerra, Al Gatmaitan, Jay Gonzaga, Nazer Salcedo, Aaron Ching, atbp.

Sa isang eksena sa bahay, inilagay ni Maxie (Jayvhot Galang) ang namantsahang damit ng kanyang kuya na si Boy (Al Gatmaitan) sa isang malaking lata at sinindihan ito. Makikita ang usok na nagmumula sa lata na marahang binuhat ni Maxie. Bumaba s’ya ng hagdan bitbit pa rin ang umuusok na lata at lumabas ng bahay, papunta sa isang kapitbahayan na tila malapit nang gumuho (salamat sa take sa urban poor ng stage designer na si Gino Gonzales). Ang imahe ay parang isang mongha na nagwawasiwas ng insenso upang sumalangit ang mga tao sa paligid, mabawasan ang pagkarupok ng mga haligi ng bahay, maselyuhan ang lamat ng kristal at mapalaya ang moralidad sa pagkakatali.

Marami pa sanang maaaring mabanggit na magandang eksena sa musical pero uunahin ko na na ang pinakamahalaga sa lahat ay ‘yung kumpiyansa na na-translate nang buo ang lahat ng components ng pelikula. Tungkol ito sa isang batang bakla na sigurado na sa kanyang sexuality bago pa man dumating ang kanyang first love sa katauhan ng isang matinong pulis na si Victor (Jojo Riguerra). Malinaw na sa kabi-kabilang katiwalian sa lugar (mga isnatser, pokpok, patayaan ng ending, mga batang hindi pumapasok sa school at iba pa), sa isang taong busilak sa serbisyo pa na-inlab si Maxie. Maliban sa adventure ng unang pag-ibig, ang pelikula at dula ay tumalakay rin sa kabutihan ng loob ng isang bata at kung paano ito nag-morph upang maging isang sindi ng pagbabago. Kung tutuusin, ganito rin ang tema ng Magnifico na si Michiko Yamamoto rin ang sumulat ng script. Marami talagang mahahalukay na pag-asa mula sa kawalan ng muwang ng isang bata.

Kung meron man akong hindi nagustuhan sa adaptation, ‘yun siguro ‘yung pagkaka-articulate ng emotional POV ng pulis na si Victor. Sa dula, binigyan ang audience ng hint bilang isa s’yang “ka-loveteam” ni Maxie. Sa pelikula, one-sided lang lahat. Nakikiramdam at nakikibaka ang viewer mula sa perspektibo ni Maxie at malinaw roon na naaaliw lang ang pulis sa kanyang bagong kaibigan. Sa awit na Kaybilis ng Pangyayari, halimbawa, unang beses pa lang halos ng bonding nina Maxie at Victor pero nagsasalo na sila sa isang duet. Meron itong mga linya na “Sa ingay ng lungsod, yakap mo ngayon ang puso kong mamon” na parang hindi masyadong angkop na kantahin din ni Victor. Bumawi nga lang sa isang number (“Pelikula”) na parang isang tribute sa source ng dula at biglang pag-magnify na rin sa hilig ni Maxie sa panonood ng DVD. Para akong napako sa pagkakaupo dahil ipinakita rito ang isang montage ng mga eksenang tila hinugot mula sa imagination ng isang taong mahilig sa pelikula. Nagsilbi rin itong palusot upang matanggap na ang emotional POV ni Victor ay maaaring nasa kukote lang ng bidang si Maxie.

Mula sa challenge na isang adaptation ang musical, lumipad pa ito upang maabot ang expected na audience sa PETA Theater. Radio-friendly ang mga awit na tumugma sa mga pitik ng lyrics ni Nicolas Pitchay at paminsan-minsan ay dumadapo sa chord ng mga OPM hits kamukha ng Boy (Cherie Gil), Katawan (Hagibis) at Kapag Tumibok ang Puso (Donna Cruz). At nakakaaliw ‘yung eksena na sumulpot ang isa sa mga composer na si William Elvin Manzano bilang lasenggo at tinawanan lang ang audience. Ang maliit na beauty contest scene sa pelikula ay pinayabong din dito (na sabi nga ng isang kabarkada ni Maxie, “nang bonggang bongga”). Ang produkto ay isang buong pageant na may production number, evening gown at swimsuit competition, talent portion at Q&A segment. Dito na nahulas sa kakatawa ang audience bago pa sumapit sa mabibigat na bahagi ng dula.

Revelation si Jayvhot Galang dito. Tumbling ang lahat sa kanyang solo na Lalagnatin Ako na pinaghalong Adele at Beyonce ang kanyang atake. Hindi ko lang gusto kapag nagfa-falsetto s’ya dahil hindi ito masyadong magandang pakinggan. Naisip ko na lang na baka character singing ito, na baka merong tinutumbok bilang batang bading ang bida. Mahusay rin ang mga kabarkada ni Maxie at sa mga number nila pinakana-compliment ang choreography ni Dexter Santos. Na-pull off din ni Al Gatmaitan ang hinihinging guilt ng character at nakatulong ang kanyang pagiging isang competent na singer at aktor.

Nag-enjoy ako sa buong experience. Lumabas ako ng theater nang nakangiti at hindi masyadong inalintana ang pagpatak ng ambon. Hindi ito ‘yung mga Dexter Santos musical (o straight play) na nakasanayan ko sa DUP. Nagpakita s’ya ng gilas na kaya n’ya palang makagawa ng isang produksyon na mas nakakaangat ang teksto (libretto, lyrics, naratibo) kesa sa comfort zone n’ya na makapagkuwento sa pamamagitan ng galaw. Isang example ang produksyon na nagkasabay-sabay ang tamang stage design, tamang music at libretto, tamang pag-arte, tamang choreography at direction, at tamang pagkakakuwento mula sa isang materyal na dati nang naikuwento. Sa ganitong constellation naging isang ganap na dalaga si Maximo Oliveros.

Sunday, November 24, 2013

Keukenhof Reduxe


Last May this year, I paid a visit to Keukenhof with no particular reason other than taking pictures for the Instagram era. When I first saw the fields of tulips in the said park back in 2006, it was more of curiosity. I thought then that once I saw it, that's pretty much it. The said flower garden only opens during springtime which is interesting to note. It has that exclusivity that makes the experience so unique every year. Maybe that pushed me a bit to have a second look. Anyway, I was accompanied by a colleague on our way to Keukenhof. I remember taking a train first to Amsterdam - Schiphol then another bus (Bus 858) that goes straight to the entrance of the park. We got our tickets through online (www.keukenhof.nl) and that saved us some time as opposed to queuing. At this point, let me finish the rest of the story with flowers (complete set of pictures here):

Friday, November 22, 2013

Ilang mga Pretensyosong Bagay na Napulot ko sa Bagyong Yolanda


1. Lahat ng best lessons in life ay galing sa totoong experience. Ngayon, alam na natin kung ano ang storm surge. Meron na tayong experience kung gaano ito kadelikado. Noong late 90’s, pinakilala sa atin ang Super Typhoon at natuto na rin tayo partly kung ano ito;

2. Lahat ng nasasalanta ay tinutulungan. Hindi lang sana dahil na-magnify ‘yung destruction (to a point na pati ang Empire State Building ay meron pang Philippine colors ang ilaw o dahil tumutulong si Justin Bieber). Kumbaga, sana tumutulong ang tao hindi dahil isang sensation ang pagtulong o volunterism kundi dahil ‘yun naman talaga ang hinihingi mula sa tao. Pero marami pang pagkasalanta sa bansa ha. Art scene. Pelikula. Theater. Edukasyon. Benepisyo ng ating mga sundalo at guro. Lahat ‘yan, dapat tinutulungan din na kasing passionate ng pagtulong sa binagyo;

3. P1.00 donasyon sa Red Cross > 1 million rants sa social media. Proven na ‘to. Sino ba ang nakakabasa sa Facebook o Twitter? Tayu-tayo lang din. And most of the time, alam na natin lahat ‘yan. Nakakatulili lang sa tenga, sabi nga. Ang lubos na nangangailangan ng “wisdom” mula sa ni-repost eh ‘yung mga taong nasa labas mismo ng bakuran ng social media. Lumabas ng bahay. Kausapin ang mga kapitbahay na nangangailangan. Turuan ang mga bata sa kalye ng mga dapat malaman. Magbuhat ng sako ng bigas sa DSWD. Wala rin namang masama sa pagiging opinionated maliban sa ginagawa mo lang ito upang magpaguwapo sa chicks na Facebook friend mo. Maganda nga ‘yun, proactive ka para sa bansa. Pero sana makatawid ng bakod ang satsat. O ‘yung abilidad mong magbigay ng opinyon ay nakakaabot sa mga taong kinakailangang maging proactive din kagaya mo. ‘Yun lang naman;

4. ‘Wag naman sanang gawing parang UAAP ang religion. Ang take dapat eh walang better religion in the same manner na walang diskriminasyon sa pagiging spiritual lalong lalo na sa panahon ng pagkasalanta. Pangit lang kasi n’ung kultura na palibhasa’t hindi gumuho ang isang simbahan ay nakopo na ang championship. O ‘yung mindset na dahil sa mas maraming porsyento ng nasalanta ay nabibilang sa isang relihiyon, weakest link na ito. Ano na lang ‘yung pagki-cringe natin kapag may napapanood tayo na pelikula tungkol sa mga Jew sa loob ng concentration camp? Hindi ba’t gan’un din ang emotional point? Pero malawak pa ‘yang isyu ng relihiyon ha. Kapamilya newscaster. CNN newscaster. Kapuso newscaster. Political party. Local government. Presidency; at

5. Hindi mo kailanman magiging bespren ang netizens. Kapag sinabi nilang (netizens) ‘wag kang mag-post ng selfie o mga pagkain o karangyaan, ‘wag kang maniwala. Hindi ka nila kilala at hindi mo sila kilala. Mas sundin mo ang mga totoong kaibigan at pamilya dahil kahit na mag-post ka na kumain ka sa Vikings, maiintindihan nila ang pinaghuhugutan mo without batting an eyelash. ‘Tsaka new age na ngayon. Lahat ay puwedeng maging tama o mali, depende sa bankability ng ideya para sa mga netizens. Gawin mo ang bagay na gusto mo hanggang umabot sa punto na gustuhin mo na ang makatulong.

Report Card mula sa Cinema One Originals 2013 – Day 06


Sa Trinoma ko tinapos ang festival sa pamamagitan ng isang guest film. Work day pero kayang kaya namang habulin ang 7:30pm screening (salamat sa MRT na huminto pa sa emergency lane ng Shaw Boulevard station dahil ayaw sumara ng Car # 4). Pero hindi ‘yan ang masyadong highlight n’ung experience. Bago kasi mag-umpisa, umupo sa kanan ko si Zanjoe Marudo (na tinawag ni Evelyn Vargas na Zanjoe Cerrudo), samantalang apat na upuan lang din ang layo ko sa kaliwa with De Rossi sisters. Sure, nakaka-starstruck. Ito yata ang unang beses kong manood ng sine na katabi ko mismo ang isang artista. Hindi ko alam kung gagamitin ko ba ‘yung arm n’ung upuan o ipagpaparaya ko lang. Ang masaya lang eh ‘yung merong side comments kamukha ng “D’yan, pagod na talaga kami d’yan!” at “Magaling ‘yang aktor na ‘yan kaso nakalimutan ko lang ang pangalan.” (referring kay Kristoffer King).

Anyway:  

DEATH MARCH (Adolf Alix) Ang iniisip ko bago ito mapanood ay parang isang koleksyon ng mga monologo mula sa mga bihag na sundalong nakibaka sa Death March sa Bataan. ‘Yan lang bale ang expectation ko at kung paano ito maita-translate sa film language. Pero iba pala ang tinahak ng pelikula (na isinulat ni Rody Vera at nanalo sa Palanca). Gusto pala nito na maramdaman din ng manonood ang pagod, gutom, uhaw at pagkabagot na libo-libong beses na naranasan ng mga sundalo. Ang production design na deliberate sa pagiging peke ay nakatulong sa vision ng direktor kung paano masa-simulate ang hirap. Nakagawa ito ng discomfort lalong lalo na roon sa mga hindi sanay sa mga ganitong aesthetic. Naalala ko ang Dogville ni Lars von Trier. Naalala ko rin kung paano n’ya na-derive ang desisyon na tanggalin ang isang filter (pekeng production design versus totoong location/set) sa klase ng pagkukwento. At nakakabilib ang mga ganitong klase ng experimentation. Sa dulo ng martsa ko na lang nalaman kung paano na-utilize nang buo ang discomfort. Base sa huling tatlong pelikulang ginawa ni Adolf, mukhang iba’t ibang scriptwriter ang kayang nais makatrabaho (Ralston Jover sa Porno at Lav Diaz sa Alamat ni China Doll). Hindi ko alam kung meron pa rin s’yang ini-explore kung naratibo lang ang pag-uusapan. Dito, gustung gusto ko ang surrealism sa pelikula partikular na ‘yung eksena na kausap ng isang sundalo (Sid Lucero) ang mga multo ng mga nauna nang casualty. Nakapagbigay ito ng insight kung totoong buhay ka pa ba o naglalakad lang na patay. Sa isang punto ay kailangang patunayan ng sundalo na buhay pa s’ya. Kung ang 2013 ay taon ng ensemble acting (Transit, Iskalawags), ang star studded na cast (Sam Milby, Jason Abalos, Felix Roco, Carlo Aquino, Jacky Woo, Luis Alandy, Jun-Jun Quintana at iba pa) ay kasali dapat sa listahan.

Monday, November 18, 2013

Report Card mula sa Cinema One Originals 2013 – Day 05


Chill na lang ang ikalawa sa huling araw ko sa festival (Linggo, November 17). Dalawa na lang kasi ang kulang ko mula sa listahan ng mga kasali. Wala na namang masyadong kaganapan maliban sa mangilan-ngilang Q&A at ang mahabang pila ng mga manonood ng Shift.

Ilang note:

WOMAN OF THE RUINS (Keith Sicat) Ang problema ko sa pelikula ay hindi ako makakonek sa kanya. Parang ang layo nito sa akin at wala akong makapitan. Noong una nga ay hindi ko alam na post-apocalyptic pala ito (o ang sinabi ng director sa Q&A na alternate history dahil post-WWII daw ito). Maganda sana ‘yung konsepto ng isang maliit na community at kung paano mama-magnify ang isang bansa mula rito pero wala akong masyadong naramdaman na ganito. Buo naman ang naratibo rito at dahil nga alternate history, puwedeng maging generous sa mga eksenang magtataka ka kung bakit ginawa. Dahil sa pagka-distant nito, halos hindi ko napansin na mataas ang grado sa teknikal dito. Maganda ang kulay, malinis ang rehistro sa screen ng mga eksena, idyllic ang ginamit na ruins sa Corregidor at relatively well acted.

SHIFT (Siege Ledesma) Hindi ko masyadong nakitaan ng lalim ng Endo, ang mga undertone nito at pagbuo n’ung mga karakter, dahil masyadong iisa ang direksyon ng pelikula. Para s’yang video journal nang minsang makaramdam ng pag-ibig at mabigo. Napaka-authentic, sa totoo lang. Merong pinaghuhugutan. Maganda rin ‘yung peek sa BPO life though tingin ko, marami pang puwedeng ma-explore dito na mas thought provoking kesa sa pag-iimbestiga ng metrics. Naka-deliver naman si Yeng Constantino (bilang Estella) rito pero sa mga stare ni Felix Roco (bilang bading na si Trevor) ko nakita ‘yung emotional requirement n’ung karakter. Sayang lang at masyadong flat ang pagkakasulat sa kanya to a point na hindi mo maintindihan sa dulo kung ano nga ba talaga ang gusto n’ya. Kung meron man akong sobrang nagustuhan dito (kasama ng OST) eh ‘yung parang study s’ya sa isang (work) environment na people come and go, at kung paano ito makakaapekto sa pagbuo/pagkawala ng isang relationship

Sunday, November 17, 2013

Report Card mula sa Cinema One Originals 2013 – Day 04


Nakalima ulit ako kahapon (Sabado, November 16). Sa Glorietta pa rin. Weekend na kaya medyo nage-expect ako na mas marami ang makakapunta (at totoo naman ito sa karamihan sa mga pelikulang ipinalabas). Unang beses ko ring nakita ang festival pass na wala akong ideya kung paano dini-distribute. Hindi na rin kasi ako nag-effort na magtanong pa kung binibenta ‘yun, ipinakita lang ng isang peer.

At heto ang ilang harvest (officially, ito ‘yung paglampas ko sa kalahati ng mga entry sa festival):  

ISLANDS (Whammy Alcazaren) Ipinakita ng pelikula na ang melancholia, mula sa (literal na) pagsisiyasat ng filmmaker at crew, ay nagaganap sa nakaraan (pre-historic), kasalukuyan (dilemma ng mga magulang na haharapin ang pag-iisa) at hinaharap (isang astronaut sa kalawakan ang paulit-ulit sa kanyang routine). At inilatag ang isolation dito na madaling maabot: outstanding visuals, saktong putol ng mga sequence at competent cast (mula kina Irma Adlawan hanggang kay Benjamin Alves pati na rin ang maikling eksena ni Peque Gallaga). Hindi ito kailanman naging alienating at masturbatory. Ang huling chunk ay pumatungkol sa nabanggit sa tula na ang kalungkutan ay nasusustentuhan ng pag-ibig. Lumabas ang Assistant Director at hinarap ang cure sa pamamagitan ng isang mala-Before Sunrise na conversation kasama ang isang babaeng kaibigan na naghintay sa kanya na matapos ang shoot. Marami itong gustong sabihin. Ang pelikula na isinisilang ay extension ng puso, isip at kaluluwa ng sinumang filmmaker o crew nito. Ang mga argumentong inilatag sa fictional film ay saloobin ng mga gumawa nito. At mula rito ay sumasalok tayo ng pansariling laban kung paano ito mapapagtakpan at tuluyang magamot sa labas ng pelikula papasok sa loob ng buhay.  

ISKALAWAGS (Keith Deligero) Mukhang ito ang bubuo sa circle ng mga kasali sa festival na tumo-throwback. Hindi ko alam kung dapat akong matuwa na halos lahat ng era na gustong balikan ng mga kalahok ay may tama sa akin. Sa lahat, dito sa pelikulang ito pinakana-evoke nang buo ang pakiramdam na maging batang muli. Binuhay nito ang kaligayahan na makapaglaro sa kalye, magtampisaw sa dagat (sa kaso ko, ang maligo sa ulan) at bumuo ng alliance kasama ang mga kalaro na kapitbahay. Ito ay sa panahon na wala pang text at internet at halos paparating pa lang ang bugso ng mga video games. Libangan ko rin noon ang manood ng betamax sa bahay o sa kapitbahay na may bayad (pero masaya naman dahil kasama mong manood ang iba). Gusto ko rin ang maraming eksena na gumagamit ang mga bata rito (lahat non-actors at para sa akin ay ang ensemble nila ang pinakamahusay gumanap sa lahat ng napanood ko so far) ng flashlight upang makapaglaro sa gabi. Halos ayokong matapos ang pelikula. Ayokong umabot sa dulo na siguradong magpapabago sa kanilang samahan, maging ito man ay isang maayos na paghihiwalay o isang malungkot na pangyayari. Kamukha ito ng pagsakay sa train ng mga bata sa pelikulang Innocence ni Lucille Hadzihalilovic. At hindi ito maiiwasan. Nang makasaksi ang mga bata ng isang pangyayari, na halos tumatawid na sa pagitan ng reyalidad at totoong buhay (salamat sa nakaisip ng pag-cast kay Jeric Raval), tuluyan nang nagbago ang lahat. Wala na itong balikan. Umpisa na ito ng kakaibang phase, ng bagong biyahe. Hindi man kasing carefree kamukha ng kamusmusan, ang maturity naman ang magbubunsod upang mahinog ang pagkatao at magpahalaga sa pagbalik sa nakaraan na walang ibang pinoproblema kundi makapaglaro.  

ANGUSTIA (Kristian Kordero) Ang pinakaproblema ko sa pelikula ay ‘yung script considering na character study ito ng isang pari sa turn of the century (na na-pull off ng production design) sa bansa. Wala akong kaso sa materyal. Wala akong isyu kahit sukdulan sa pagiging irreverent nito lalo na sa simbahang Katoliko. Paminsan-minsan ay healthy namang maging matalas ang kuro upang masuri natin ang ating sarili sa klase ng relihiyon na ating kinabibilangan (assuming siyempre na Katoliko rin ang direktor). ‘Yung eksena na ninakaw ang ostiya at ipinakain sa alagang manok ay may kamukhang eksena sa El Crimen del Padre Amaro (Carlos Carrera) kung saan isang matandang churchgoer ang nag-uwi ng “pagkain” para sa kanyang alagang pusa. Pero hindi ko masyadong maintindihan kung anong nais ipalabas sa karakter na kura na si Don Victorino Fernandez (Alex Medina na tingin ko ay merong struggle sa dialect na ginamit sa kuwento). Dito ay pinakita s’ya na banayad at inosenteng pari sa umpisa na ang tanging libangan ay detalyadong magpinta ng mga nakukuhang plant species sa gubat. Hindi ko alam pero ang pagiging pintor (o botanist, halimbawa) ay may disiplina na malayo sa hinagap na babaliktad ang karakter. Wala ring malinaw na transition. Dahil dito, hindi justified ‘yung isang chunk ng naratibo na tumalakay naman sa pagbisita ng konsensya. Siguro kung nalinis ang pagkakahabi ng mga ito, kahit na sobrang loud pa rin ang commentary sa religion, baka nagustuhan ko ang pelikula.  

ALAMAT NI CHINA DOLL (Adolf Alix) Hindi ko alam kung sinong filmmaker ang china-channel dito ni Adolf pero ang inaabangan ko ay kung ano ang kalalabasan ng isang pelikula na ang script ay isinaing ni Lav Diaz pero iba ang naglagay sa pinggan. Nabasa ko dati ang kanyang Reclusion Perpetua (na para sana kay Nora Aunor) at halos ganito rin ang pagkakalatag ng papapalit-palit at pabalik-balik na panahon (present, flashback, balik sa present, sa gitna). Pero tungkol ba saan ang pelikula? Hindi ko kasi kilala si China Doll (Angelica Panganiban). Wala akong nabalitaan sa dyaryo kung ano ang pedigree n’ya sa ilang high profile crime sa Pilipinas (maliban na lamang kung sobrang luma na ito at hindi ko naabutan o kung totoo s’ya at all). Hindi rin naman talagang tinalakay kung ano s’ya. Siguro ay may ilang pahapyaw na commentary sa mukha ng terorismo, na sa kaso ng pelikula ay isang makinis, maamo at magandang babae. Pero ang sumaklaw sa kalakhan ng running time ay ang rigodon ng mga tao sa likod ng witness protection program at media. Tinumbok din ang korupsyon sa likod nito na hindi na nakakarating pa sa kung ano ang mga nababasa at nakikita sa TV at dyaryo. Baka ito ang punto, na madalas ang mga walang access o koneksyon at mga mahihina ay napapaglamangan sa katotohanan. Maliban sa suhestiyon nito na mawalan ng tiwala sa mga may kapangyarihan, gusto ko rin na hindi ito masyadong nagpapaliwanag. Mataas ang sensibility n’ung materyal. At hindi ako magugulat na sa dulo ay maraming magtatanong kung ano talaga ang nangyari.  

KABISERA (Alfonso Torre III) Hindi maiikaila na isa itong love letter ng pamangkin na direktor sa kanyang uncle (akala ko dati ay mag-ama sila so kailangan kong itama) na napakahusay na aktor sa kanyang panahon. Litaw na litaw ang reference ni Vic Silayan (na para sa akin ay pinakamahusay na Pilipinong aktor sa buong larangan ng Philippine cinema) kay Joel Torre (bilang pangunahing tauhan na si Andres). Bonus na lang siguro ‘yung mala-Kisapmata (na ikinagulat ko na ang peg ng mga nagtanong sa Q&A ay ang pamosong TV show na Breaking Bad at hindi ang pelikula ni Mike de Leon) na inspiration dito. Bukod d’yan, hindi ko nakitaan ang direktor na unang beses pa lang n’yang magdidirek ng feature length. Kitang kita ang kanyang vision para sa buong pelikula at na-execute n’ya ito na para bang hindi s’ya nangangapa (cinematography, scipt, editing, akting, atbp). Puwedeng puwede na itong ilako dahil nasa iisang market lang ito at ang OTJ ni Erik Matti, madaling masundan pero hindi kailanman naging mababaw. Mahusay rin ang ensemble dito: Bing Pimentel, Art Acuña, Ketchup Eusebio, Bernard Palanca o maging ‘yung ilan na bilang na bilang ang mga eksena. Kung ganito ang magiging direksyon ng mga crime films sa bansa, hindi ako magrereklamo lalo na’t meron itong wit na kamukha ng pagkanta sa videoke ng “Bato sa Buhangin” at mga karakter na may pangalang Andres at Jose.

Friday, November 15, 2013

Report Card mula sa Cinema One Originals 2013 – Day 03


Nakalima ako kahapon (Biyernes, November 15) sa Glorietta. Ikalawa at huling araw ko rin ng leave. Suweldo Day ng ilan at merong Midnight Madness sa mall. Minsan nga ay parang ayoko nang lumabas ng cinema area dahil baka matukso lang ako at merong mabili. Maliban d’yan, merong Q&A pagkatapos ng lahat ng screening, isang effort na unang ginawa sa history ng festival. Narito ang mga napanood ko:  

RIDDLES OF MY HOMECOMING (Arnel Mardoquio) Nasa kategoryang silent film ang pelikula dahil wala itong speaking lines at ang bawat sequence ay may nakalapat na musika, unang beses na ginawa ng direktor sa kanyang filmography. Isa itong indication na ang Cinema One Originals ay malakas makaihip ng bagong hangin. Pero mukhang aware naman si Arnel sa kanyang bagong sinubukan. Nasa title, halimbawa, ang clue na ang entry ay hindi diretso ang gustong sabihin. Sa umpisa ay meron ding title card na nagpapaliwanag ng buong paniniwala sa Mindanao tungkol sa mga taong namayapa na at bumabalik sa kanilang lupa upang ito ay protektahan, sapat na itong giya upang mapangatawanan ang viewing experience. Pero ‘yun na ‘yun. Mabilis ang pagkakahati ng mga sequence (salamat sa kontribusyon ng editor nitong si Chuck Gutierrez) na nagpapakita ng mga imahe ng natural calamity, sigalot, gender equality at korupsyon na nakapinta gamit ang mga kulay na walang bahid ni anino ng dahas. Naalala kong bigla ‘yung ilang pelikula na halos nasa ganitong molde, ‘yung Anacbanua (Christopher Gozum) at Colossal (Whammy Alcazaren). Ang kaibahan lang sa mga nabanggit, binibigkas ang tula kasabay ng kabi-kabilang imahe na tila ninakaw mula sa panaginip. Dito, ang pelikula ay ang buong tula mismo. May ilan itong teksto ng mga nagpapapalit-palit (B&W at color) na reality at ang netherworld pero hindi ito binigkas nang literal. Bilang manonood, bahala ka nang lumusong sa ilog upang ramdamin ang pagkabanayad ng tubig at hayaang ang ilog ang yumakap sa ‘yong mga paa.  

BLUE BUSTAMANTE (Miko Livelo) Nakabagbukas ang pelikula ng pinto upang makapagbalik-tanaw sa aking kabataan noong late 80’s hanggang early 90’s, partikular sa unang pagkakataon na hindi ko pinanood ang Saturday Entertainment (Saturday edition ng That’s Entertainment sa GMA7) dahil sa kauna-unahang episode ng Tagalized version na Shaider. Pero maliban dito, klaro naman ang pagkakadugtong ng mga OFW (Joem Bascon) bilang mga bayani. Kailangan na lang pumili kung sino ang bayaning gagamitin (dito ay isang generic na miyembro ng isang superhero group na Force Five na isang palabas sa TV mula sa Japan). Pero kahit na generic ang base premise, on the side ay may ilan naman itong gustong sabihin tungkol sa imported na pop culture, relasyon ng bata sa kanyang absent na magulang at ang panonood ng TV bilang escapism. Makulay rin ang costume at production design na sinahugan pa ng wit na patok (ayon sa mga kasabay kong nanood), sapat na upang kumutan ang katawan ng seryosong tema nito.  

ANG PAGBABALAT NG AHAS (Timmy Harn) Nagustuhan ko ang Pascalina (Pam Miras) dahil nagpakilala ito ng isang karakter na strange (isipin ang mga kontrabida sa X-Files na TV show noong late 90’s) habang nakatali pa rin sa premise na ultra realistic ang pagkakatanim. May ganitong pakiramdam ang unang feature length ni Timmy Harn (na co-director ng experimental na short film na Class Picture kasama si Gym Lumbera) na sinulat ni Pam Miras, gamit ang kamera na ginamit din sa Pascalina. Bagama’t ang pinaka-premise nito ay ang nag-uumpisang decay ng isang middle class na pamilyang Pilipino (nanay na may pabaritong anak, kapatid na madamot, ama na walang pakialam sa pamilya at asawa na nangangabit), kada pintig ay itutuon ang ating atensyon sa isang urban legend tungkol sa isang taong ahas (na noon ay nababalita na itinatago raw ng isang mayamang pamilya na may-ari ng isang mall). Idikit ang dalawang aspetong ito sa tulong ng isang karakter na anak na merong skin allergy at nag-uumpisang matuklap ang balat sa leeg. Kahit na maigting ang deadpan humor ng pelikula at tila walang nangyayari, malalim para sa akin ang manifestation ng decay sa taong ahas.  

PHILIPPINO STORY (Benji Garcia) Tungkol sa relasyon ng isang male prostitute na may puso (Jun-Jun Quintana) at isang bading na pintor (Mark Gil) ang pelikula. Bago pa man magtanong ang audience kung anti-thesis ba ito ng impression sa mga puta na naglalaro sa baga dahil lang sa pera at wala nang iba, maagap naman nitong isiniil na huminahon muna at makinig sa generic na kuwentong ito. At isa itong hindi nakakasawang kuwento lalong lalo na para sa mga taong naniniwala sa puwersa ng pag-ibig (ito naman talaga ang dakilang pampamanhid ng logic, sa totoo lang). Old school ang pagkakadirek (na isang magandang relief sa ‘sangkaterbang daluyong ng mga experimental films ngayong taon) para sa old school na tema, at para sa akin, naitawid naman ito nang maayos at buo. Mahusay si Mark Gil dito. Mahusay rin si Jun-Jun Quintana. Maganda ‘yung sabong ng dalawang talento roon sa eksena sa ospital. Maliban d’yan, gusto ko ‘yung ilang atensyon sa detalye sa paggamit ng tubig bilang uri ng cleansing. May isang eksena rito na ipinakita ang paa ng puta na naagusan ng tubig-baha na na-cut sa isang eksena ng tumutulong tubig-ulan sa isang obra na ‘pinipinta ng artist. ‘Yan ay kung hindi pa naman obvious ang parallel sa pagitan ng dalawang klase ng pagbebenta ng kaluluwa.  

SATURDAY NIGHT CHILLS (Ian Loreños) Nakuha ko naman ang punto ng pelikula tungkol sa mga batang Fil-Chi na patapon ang buhay at kung paano ito mababago sa pamamagitan ng isang epiphany. Sa kabuuhan, nakarating naman 'yan sa akin. Marami lang talaga akong reservation dito na pinapangunahan ng pag-cast kay Matteo Guidicelli. Hindi ko masyadong binili ang delivery ng kanyang emotion na nag-peak sa isang eksena kasama ang nanay at kapatid. Medyo nakukuha pa ako sa so-called improvisation ng tatlong bida (sina Rayver Cruz at Joseph Marco 'yung dalawa pa). Sa katunayan, gusto ko ang energy ng pelikula dahil maraming promise itong puwede pang iluwal. Bihirang bihira ang ganitong ritmo at sensibility sa local film scene. Nakapag-introduce din ito ng mundo ng mga bookie kahit na hindi extensive ang pagtalakay. Medyo one note din sa akin ang pagkakadilig sa mga karakter. May punla pero hindi ito ganap na napayabong lalo na't partly ay character study ang pelikula. Halimbawa, hindi masyadong na-plant sa isang karakter ang kakayanan n'yang humantong sa isang desisyon sa dulo. Mas nag-invest pa sana rito.

Thursday, November 14, 2013

Report Card mula sa Cinema One Originals 2013 – Day 02


Huwebes (kahapon, November 14) na ako nag-resume sa festival. Una sa dalawang araw ko rin ito ng leave dahil hindi nga masyadong kagandahan ang pagkaka-plot ng schedule. Kung tutuusin, halos ‘yung pang-12pm lang ang dahilan ng bakasyon pero gan’un talaga. Kailangan ko ring dumayo pa sa Trinoma para magswak ang 17 pelikula sa dalawang araw na leave at dalawang araw sa weekend.

Syanga pala, kamukha rin ng nakasanayan na, hindi na ako nanonood ng trailer. Nadala ko lang ‘yung practice at gumagana naman. Nakatatlo pala ako sa ikalawang araw ko:  

SHORT FILM SELECTION Dalawa sa selection ay hindi na masyadong sariwa. Ang Cannes-winning na ANINO (Raymond Red) ay makailang beses ko nang napanood noong panahon ng Pelikula at Lipunan early 2000’s. Hindi ko naman maitatago na hanggang ngayon ay may tama pa rin ang pelikulang ito. Parang ang nangyayari tuloy, pahid tayo nang pahid ng gamot sa pamamagitan ng mga ganitong social commentary pero wala namang gumagaling. Naipalabas na rin ang LOLA (Joey Agbayani) sa Cinemalaya pero hindi ko na matandaan kung kelan. Work in progress pa yata ito noon pero hindi na ako sigurado. Nakitaan ko ng ilang impluwensiya ng mga pelikula ni Quentin Tarantino ang DEATH SQUAD DOGS (Josemaria Basa). Talky ito kahit na ang totoong underlying na tema ay medyo marahas (tungkol sa mga pakawala ng gobyerno na assassin na nagbabawas ng mga masasamang damo). Gusto ko ‘yung konsepto kahit na natalakay na rin ng ilang beses ang nasabing isyu (Engkwentro, Sheika). Ang totoong pinag-uusapan talaga ng dalawang mamamatay-tao rito ay tungkol sa buhay, walang ipinagkaiba sa usapan kahit sa sa simbahan, sa ospital o sa inuman sa kanto. Puwedeng puwede na itong i-explore pa sa feature length. Wala akong masyadong nakitang bago sa GALIMGIM (Cristina Santiago) maliban sa ideya na nabibigyan dapat ng mas maraming proyekto si Neri Naig at ang kahulugan mismo ng pamagat na hindi masyadong ginagamit sa bokabularyo. Kung bagong filmmaking style lang ang pag-uusapan, medyo fresh naman ang BUOG (Rommel Tolentino) kumpara sa mga nagawa na ng direktor. Mga bata pa rin ang pangunahing puntirya, at ang mga karapatan nila, pero hindi ako masyadong nabili sa pagiging manipulative n’ung mga eksenang nananakot. Ang PROLOGO SA ANG DAKILANG DESAPERCIDO (Lav Diaz) naman ay parang teaser ng isang feature length film tungkol sa walang kamatayang paghahanap ng bangkay ni Andres Bonifacio (na kung hindi ako nagkakamali ay nagdiriwang ng ika-150 anibersaryo ng kanyang pagkabayani). Sa totoo lang, nandito na lahat ng trapping para sa isang materyal na purong Lav Diaz: ang melancholia ng pag-iisa, ang depression na sumusumpong sa isang namatayan at ang walang katapusang running time na nakalagak sa paghahanap ng bagay na hindi makikita. Pero ang pinakanakakuha sa akin ng atensyon ay ang production design para sa isang period project. ‘Yan ang aabangan ko kapag naging feature length na ito. Kahit na technically above average ang 50/50 (Mikey Red), hindi ako masyadong kinagat ng premise nito. Naaliw lang ako sa “Straw Dogs” reference ng isang imahe. Good to see Gio Alvarez bilang lead.  

BENDOR (Ralston Jover) Nasa pelikula ang lahat ng sangkap na magugustuhan ko ito. Una, kamukha ng mga naunang pelikula ni Ralston, tumalakay rin ito sa isang pagtulay sa alambre ng isang pangkaraniwang Pinoy. Ang karakter na si Blondie (Vivian Velez sa isang effort ng pag-arangkada sa kanyang acting career), isang bendor ng gulay at mga kandila’t pamparegla sa tabi ng simbahan sa Quiapo, ay kamukha rin ng kubrador, mga batang namumulot ng bakal, mga tao sa likod ng porn industry at mga isnatser na nabigyan ng perspektibo kung paano nila tinatawid ang buhay. Sa kaso ni Blondie, kailangan n’ya ng pera upang makaipon ng pera para sa asawang maysakit (na wala naman talaga s’yang amor at pinandigan lang dahil sa mga anak). Ito ay sa kabila ng paglalako ng mga paninda mismo na sumasalungat sa angkop na dikta ng pananampalataya (kamukha ng mga tauhan sa “Divinas Palabras” na ginawang dula ng DUP dati). Ikalawa, hindi pa naman ako nagsasawa sa real time at hindi ko ito kailanman nakitang kakulangan. Wala naman akong kaso sa naratibo maliban na lang nang magpakita na ng pahapyaw na magic realism bilang tool na susundot sa konsensya ng bida. Medyo odd din ang mga choices kung paano ito inilatag at hindi nakatulong para sa akin ang last frame upang maisalba ang mga bagay na nagustuhan ko.  

BUKAS NA LANG SAPAGKAT GABI NA (Jet Leyco) Ikalawang pelikula na ito ng direktor na napanood ko. At kamukha n’ung una, amusing ang kanyang energy sa panganganak ng pelikula na bordering sa pagiging eksperimental pero nananatiling intact ang mga nakasanayang arko ng naratibo. Sa “Ex-Press” ay pinaglaruan n’ya ang hulma ng isang docu upang makabuo ng mundo mga tao sa likod ng PNR at ang komentaryo ng buong biyahe sa panahon ni Marcos. Sa “Bukas na Lang....” naman, ibinigay n’ya agad-agad ang impresyon na eksperimental ang buong pelikula (na posibleng maka-turn off sa ilan) at pakonti-konting ‘pinresenta na hindi naman pala ito sobrang kakaiba, na kapag inupuan mo ito hanggang dulo, hindi naman pala ito gan’un ka-alienating. Sobrang solid ang pelikula para sa akin kahit na walang mga karakter dito na madaling mahalin at kahit na may konting hiccup 'yung isang eksenang kailangang i-censor.