Total Pageviews

Sunday, January 19, 2014

Isang Tumo-Throwback na Blog Para sa Cinemanila 2012 at ang Nag-uumapaw na Kaibahan nito sa Cinemanila 2013


Ang pinaka-distinct na kailangang alalahanin sa Cinemanila ay ‘yung hindi dapat masyadong naglalagak ng oras para asaming i-marathon ang line-up. May mga pagkakataon na hindi naiipalabas ang pelikula at may ilang insidente naman na nariyan nga ang kopya pero merong aberya sa subs. Wala namang masyadong “nabago” sa festival noong makalawang taon. Medyo nadagdagan lang ang hassle dahil magkadugtong ang Cinema One Originals at Cinemanila. ‘Yun nga lang, para sa huli, maraming pagkakataon na malabong mapanood ang lahat ng kanilang palabas dahil masyadong overwhelming ang dami ng mga kasali sa line-up ng Cinemanila 2012. Merong kailangang isakripisyo.

Ginanap ang Cinemanila 2012 (mainly) sa Market! Market! (kamukha rin n’ung 2011) noong December 5 – 11. Nagpakilala sila ng tinatawag na “Cinemanila Cinemaclub Gold Membership” sa halagang P1,500 na may katumbas na 12 pelikula. Ang regular price ay P150 kada screening kaya nakadiskwento ng dalawang pelikula kung kukunin ang nasabing pass. Ang game plan ko noon ay 10 entries lang kaya ipinasa ko na sa iba ‘yung natitirang dalawa para hindi naman masayang. May ilang ipinalabas sa U-View ng Fully Booked sa High Street pero wala akong napanood doon (kung naging open man ito at all sa publiko).

Narito ang sampung napanood ko:

Le Havre (Aki Kauriskami) Dahil sa pelikula, pinilit ko talagang isingit sa itinerary sa pagpunta sa Normandy noong 2013 na makita ang lugar na ito sa Northern France. Hindi ko alam kung may significance para sa direktor ang location bilang kasali raw ito sa planong trilogy sa buhay-buhay sa mga pantalan na gagawin sa iba’t ibang siyudad sa labas ng kanyang sariling Finland. O kung meron itong statement bilang isa sa mga bayang nasalanta noong World War II. Pero wala namang malinaw na pagkakadugtong sa history ang premise tungkol sa isang batang Africano na ilegal na kinupkop ng isang matandang shoeshiner. Kung tutuusin, hindi nagkakaintindihan ang dalawang pangunahing karakter sa kani-kaniyang lengwahe pero klaro ang palitan ng pangangailangan sa pagitan ng isang batang walang matuluyan at isang matandang tila hindi na nagkaanak sa piling ng asawang maysakit. Kamukha ng ibang ginawa ni Kauriskami (kokonti lang ang napanood ko), basic lang din ang pagkakalahad n’ya ng kuwento rito. Walang pakitang gilas sa estilo o maging sa turn of events at isa ito sa mga charm ng kanyang aesthetic.  

Barbara (Christian Petzold) Kung hindi ako nagkakamali, ito yata ang entry ng Germany sa Oscars para sa Best Foreign Language Film category. Naka-set ang pelikula noong 80’s kung kelan mayroon pang hati sa pagitan ng West and East Germany (na sa dinami-dami ng mga awardwinning na pelikula sa Europa ay merong ganitong tema). Si Barbara ay isang nurse sa isang probinsya na bagama’t universal ang pagkakawang-gawa sa isang ospital ay may pansariling giyera na konektado sa lugar na kanyang kinabibilangan. Character study ito sa umpisa (na isang magandang pagtingin sa kababaihan sa Germany sa dekada na ‘yun) pero ang huling quarter ay nahulog na rin sa bitag na maging plot driven. Gusto ko ang bida rito na si Nina Hoss dahil hinihingi ng kanyang physique ang pinagsamang pagiging strongwilled at ang paglantad ng sensuality kung kinakailangan.  

Post Tenebras Lux (Carlos Reygadas) Kung igagawa ng synopsis ang pelikula, parang walang masyadong masasabi tungkol sa isang burgis na pamilya na nakatira sa glass walled na bahay sa isang rural area sa Mexico. Sa isang sweeping na eksena sa umpisa ay ipinakita ang isang batang nakikipaglaro sa mga hayop habang sa likod ay isang pagbabanta ng ulan. Wala itong kasing laya at na-complement naman ito ng filmmaker dahil hinayaan n’yang magbabad ang camera sa eksena. Kahit ako, ayokong matapos ang buong sequence na ‘yun. Halos ganito lang ang daloy ng mga eksena sa pelikula at wala itong masyadong arko. May ilang cut na kinunan sa labas ng Mexico (rugby at spa scene) bilang pagpapatibay ng kaburgisan ng pamilya, kasabay ng maayos na pakikitungo ng patriarch sa mga kapitbahay n’yang litaw ang kapayakan. Sa isa ring hindi makakalimutang eksena, lumabas ang kulay pulang demonyo at siniyasat nito ang bahay ng mayamang pamilya na parang nagbigay tuldok sa nais tumbukin ng pelikula. Sa kabila ng kaayusan ng set-up (social divide), tila merong mali sa nasabing contrast. Ang display ng karangyaan ay s’ya ring display ng decay kahit hindi ito tahasang sinabi as opposed, halimbawa, sa “Oro, Plata, Mata” ni Peque Gallaga o “Il Gattopardo” ni Luchino Visconti. At ito ang gustung gusto ko sa pelikula.  

Home (Chookiat Sakveerakul) Mula sa direktor ng isang hit movie sa Cinemanila na “Love of Siam” kasali si Mario Maurer (na nanalo pang Best Actor), ikinuwento naman sa pelikula ang pinagtagni-tagning buhay sa isang probinsya sa Thailand. Maaliwalas ang texture ng pelikula at kasabay ng mga kuwentong relatable, tila nagkukumahog ito ng pansin upang madaling maabot ng audience at nagawa naman ito nang buo. ‘Yun nga lang, hindi ito kasing engaging ng inaasahan. May mga subplot na halos hindi naman gan’un kainteresante at may nabubuong impresyon na ang lahat ay ibubuhol sa dulo (na hindi naman ako nagkamali). Pero maliban d’yan, mas memorable siguro ang pelikula sa akin dahil sa kalagitnaan nito ay ibinulong ng aking katabi na talo si Pacquiao sa laban n’ya kay Marquez.  

Juvenile Offender (Yi-kwan Kang) Inuwi ng pelikulang ito mula sa South Korea ang Best Actor award para kay Seo Young-Joo na gumanap sa title role. Sa performance pa lang ng teenager na artista, sulit na ang pamamanata sa Cinemanila. Character study rin ang pelikula tungkol sa isang juvenile na walang direkyon ang buhay at sinubukang kumambiyo nang malamang buhay pa pala ang ina na akala ay matagal nang patay. Napaka-raw ng kanyang atake rito at hindi kailanman nahulog sa mga nakagawiang histrionic. Ang kanyang stare na halos lumamon sa mga frame ay may karagdagang bigat mula sa isang tao na halos wala nang itinirang sense of wonder sa sarili mula sa kanyang sapilitang pamamaalam sa kainosentahan.  

Amour (Michael Haneke) Iniisip ko kung ano ang common sa pelikulang ito at sa iilang napanood ko na Michael Haneke. Ang isang eksena, halimbawa, sa “The Piano Techer”, ay obvious ang self inflicted na terror ng isang karakter na suppressed ang inhibitions. Sa “White Ribbon” naman, walang ipinakitang terror sa buong pelikula at naramdaman mo lang ito matapos magbasa ng ilang artikulo tungkol sa significance n’ung mga batang lumaki sa community na subject dito. Sa “Amour” (nakakainlab ang ideya na napanood ko ito sa big screen) ay mas pumasok yata sa unang halimbawa ng terror na banayad na nililok mula sa tahimik na buhay ng matandang mag-asawa na pumapalaot sa kinakalawang na bahagi ng kanilang pagsasama. Bilang patungkol sa pag-ibig ng pamagat, walang eksena rito na bumitaw sa pagmamahalan, mula sa pag-aaruga sa asawang maysakit hanggang sa desisyon sa dulo ng kabiyak. May konting stand din na symbiotic ang magagandang alaala sa kahit anumang relasyon. Sa kaso ng matandang mag-asawa, nasadlak ito sa isang pader kung saan ang alaalang magpapanatili ng asim at init ay dahan-dahang tumatakas. At dito na pumasok ang ikalawang halimbawa ng terror ni Michael Haneke. Na bagama’t ang isang relasyon ay nasubok na ng mahabang panahon at lumampas na sa mga karaniwang balakid bilang couple, dadalawin pa rin ito ng takot na tila wala naman talagang ginto sa dulo ng pagsasama.  

Kayan (Maryam Najafi) Paminsan-minsan ay sinusuwerte tayo ng mga pelikulang parang wala lang nangyayari, ‘yung masyadong flatline at walang circus. Isang halimbawa itong pelikula tungkol sa isang Middle-Eastern community sa Vancouver na konektado ng isang restaurant. Pag-aari ito ng isang Lebanese, si Hanin (Oula Hamadeh), at s’ya ang nagsilbing puwersa sa gitna ng tila mga kumukulong pagbabadya ng pagguho. Pero hindi tahasang ipinakita na merong gumuho. Sa exterior ay parang walang nangyayari: ina ng dalawang anak na s’ya ring nagpapalakad ng restaurant, mga trabahador nito, mga belly dancer at mga parokyanong naghahanap ng native flavor. Isa itong statement tungkol sa mga immigrant na sinusubukang tumulay sa alambre, isang balancing act na mahirap pero kinakailangang ipamukhang kayang kaya. Curious tuloy ako kung anong merong “sinasaing” sa mga Pinoy resto na napuntahan ko sa Apeldoorn sa Netherlands, halimbawa, o ‘yung Kainan Cafe sa Belfast, Northern Ireland. May sarili rin kaya silang “exterior” sa pagbuo ng munting Pilipinas sa ibang bansa o wala lang?  

Antapal (Kongkiat Khomsiri) Period movie ito tungkol sa mga gangster sa Thailand noong 50’s. Wala akong masyadong napulot dito maliban sa pagiging sleek n’ung pagkaka-execute at kabi-kabila ang violence. May pagka-Asiong Salonga ni Tikoy Aguiluz ang hulma pero mild lang ang patayan dito. Napansin ok rin na mukhang mainstream ang target audience nito. As it is, solid naman s’ya.  

Flashback Memories (Tetsuaki Matsue) Mabilis akong makuha ng mga pelikulang nakaangkla sa utak ng isang tao bilang tagapagdikta ng kapalaran. Kahit na masyadong sell-out ang tema, fascinated ako sa mga walang kamatayang pagtalakay sa amnesia at kung paano ito umeeklipse sa anumang nararamdaman. Ang documentary na ito ay tungkol sa musikero na si Goma, isang sikat na didgeridoo (wind instrument na ginagamit ng mga indigenous tribe sa Australia) performer sa Japan, na nalagasan ng alaala matapos ang isang car accident. Tinalakay rito kung paano n’ya sinubukang liluking muli ang kanyang art kahit na nilapa na ito ng isang trahedya. Sa kabilang dako, ipinakita rin ang ilang nabuksang talento matapos ang pangyayari. Open-ended ang docu pero optimistic naman ito na ang lahat ay mababalik sa dati sa tulong ng mga imahe na magbibigay suhestiyon sa kung ano ang nakaraan ng subject, kabilang na ang pelikula mismo. Hindi masyadong factual ang finished product. Idinaan lang ang dilemma ni Goma sa mga performance na ginawa n’ya dati n’ung sobrang sikat pa ito at ang kanyang pangangapa matapos ang aksidente. Pero kahit na ganito kapayak ang pagkaka-expose ng buhay n’ya sa docu, nakuha ko naman ang pinakaimportanteng mensahe na gusto nitong ipaalala, na ang puso ay isang imbakan din ng sining, pag-asa at kung anu-ano pang masasayang bagay.  

Something in the Air (Olivier Assayas) Personal film daw ito ng direktor n’ung kapanahunan ng sigalot sa mga kalye sa France n’ung late 60’s. At base sa structure ng pelikula na parang walang hinahabing arko, na parang nagsusulat lang sa journal ang pagkakalahad, mukhang authentic na memoir nga ito. Gusto ko ‘yung ganitong execution na halos tumatawid na sa pagkakaroon ng docu feel. Hindi naman talaga ito tungkol sa mga karakter o maging ‘yung political situation sa isang bansa kung hindi sa mga aksyon na kinahinatnan bunga ng mga paniniwala ayon sa hinihingi ng panahon. Sa totoo lang, wala itong sermon sa mga dapat na responsibilidad ng isang mamamayan kumpara, halimbawa, kung gagawin ito ng ilang Pinoy filmmaker. Ipinakita lang kung ano ang maaaring consequence ng isang circumstance. Sa kaso ng central character, mula sa pagiging aktibista, napasama s’ya sa film industry at patuloy na nakikibaka sa larangan ng sining.

*** 


Ang Cinemanila 2013 naman, na nasa ika-15 taon na ng festival, ayon mismo sa festival director na si Tikoy Aquiluz, ay parang binalutan ng superstition para sa numerong 13. Ginawa ito mula sa December 18 (Miyerkules) hanggang 22 (Linggo) sa SM Aura Premier na halos tatawid lang ng bakod mula Market! Market! Medyo conflicting sa MMFF New Wave dahil sabay-sabay sila ng schedule kahit na mas mahaba ang nasabing festival ng dalawang araw (na nagkasabay pa rin dahil sa extension ng Cinemanila 2013). Palabas ang mga pelikula sa dalawang sinehan, ang Director’s Club (P300, na meron lang 32 seats) at Cinema 1 (P220, na regular cinema).

Nakaka-overwhelm ang line-up ng mga pelikula isang linggo bago ang festival. Sa katunayan, ang opening film na “Terror, Live” ay punung puno ng mga guest mula sa industriya base sa mga nakita kong baguhan at beteranong filmmaker na nagsalo-salo muna sa lobby ng Samsung Hall bago bumaba sa Cinema 1. Ang mga piling host pa ng opening program ay sina Jake Macapagal at Angeli Bayani na galing sa dalawang magkaibang pelikulang pambato sa Oscars (ng UK at Singapore). Nagpaunlak din ng ilang kanta si Pepe Smith (habang nasa likuran ang ilang imahe ng kanyang bagong pelikula na “Above the Clouds” na idinirehe ni Pepe Diokno) kahit na hindi gan’un kasuwabe ang suporta mula sa mga sound technician sa event. Maayos naman itong nairaos nang walang halong bahid ng nakaambang discomfort sa mga sumunod na araw.

Para sa unang araw (December 18), may isa pa sanang screening ng “Terror, Live” na open sa public pero hindi ito natuloy na ikinalungkot ng ilan na sumugod agad sa venue. Kinabukasan (at sa mga sumunod na araw), hindi pa rin masyadong naplantsa ang sitwasyon at nagkaroon ng practice na kailangang tawagan na lang muna ang SM bago pumunta. May ilang abiso sa Facebook pero minsan ay pabago-bago ito. Mula sa isang manonood at fan ng festival, hindi masyadong malinaw kung ano ang nagaganap sa loob. Tamang speculation na lang ang puwedeng ibigay at ang game face sa mga pagbabago. At some point, naaliw naman ako dahil nagkakaroon ng konting adrenaline rush kapag merong biglaang ipapalabas. Halimbawa, noong huling araw (Linggo ‘yan), wala akong masyadong ginawa sa umaga at natulog lang ako. Pero biglang inilabas ang anunsyo na ipapalabas ang Cannes-decorated na “The Missing Picture” sa tanghali. Napaligo ako nang wala sa oras at kinumpromiso ang planong pagsimba (inilagay ko na lang ito sa 3pm at hinabol ang misa sa Greenbelt Chapel at bumalik din sa Aura pagkatapos).

Sa kabila ng buong circus, heto ang lilimang napanood ko:

Terror, Live (Kim Byung-woo) Dahil sa imbitasyon sa opening night, napanood ko ang pelikulang ito tungkol sa isang fictional na terorismo sa Korea na nakakulong sa loob ng isang TV studio. Masakit mang isipin, parang nasa kategorya ito ng pinausong term na “maindie”. Dahil sa turn of events sa ibinigay na premise, malinaw naman na nais nitong bumenta sa audience na mahilig sa popcorn film. Pero ang delivery rito ay minimal na hindi kasing grandiyoso ng isang Hollywood popcorn film. Madalas na ang mga sequence ay nasa loob lamang ng isang kuwarto nangyari na para sa akin ay isang malaking challenge para sa filmmaker upang maging edge-of-your-seat. At nagawa naman ito. Satisfying sa akin kung paano ito nilapatan ng resolusyon sa dulo. Bagama’t mainstream ang vision, marami pa rin naman s’yang binali: optimized ang CGI at hindi nakakalunod, ang hindi inaasahang mood ng ending, walang masyadong anggulo ng love team at iba pa.  

How to Disappear Completely (Raya Martin) Marami akong nagustuhan sa pelikulang ito. Una, experimental pa rin ang finished product pero nagkaroon ako ng peek kung paano gagawin ni Raya Martin ang isang material na merong traditional na naratibo. Tungkol ito sa isang pamilya (si Nonie Buencamino ang ama, si Shamaine Centenera-Buencamino ang asawa at si Ness Roque ang anak na dalagita) sa isang probinsya. Base sa kanilang mga pinag-uusapan sa dining table (na nag-peak para sa akin sa isang meta scene na dini-discourage ng mag-asawang Buencamino, parehong theater artist, ang kanilang anak na sumali sa isang play), isa itong dysfunctional family. Ang asawang babae ay maka-Diyos samantalang ang asawang lalaki naman ay dinodiyos ang sabong. Isang eksena, halimbawa, ang pinakitang nagdadasal ang babae at sa isang eksena naman, ang lalaki ay kumakausap sa kanyang manok. Ang titulo bale ay mula sa perspektibo ng dalagitang anak na nais kumawala sa mga taong nangangalaga dapat sa kanya pero sa kabaliktaran ay isa palang tahasang nag-uumpugang bato. Ang nakita kong peek ay isang subtle na dramang pampamilya na tingin ko ay kayang lumamon sa mga kasalukuyang dramatista ng Pinoy cinema. Pero hindi talaga ganito ang package ng pelikula. May post-script ito sa dulo na tila disjointed sa kanyang unang tatlong quarter na pinatiim ng isa pang disjointed na musical score mula sa Eyedress. Dito ko nabuo ang konklusyon na experimental pa rin ang pelikula pero baka ako lang ‘yun. Mga ilang araw na tumutugtog sa isip ko ang musical score nito. At kasabay nito ay ang mga imahe nina Ness Roque at Abner Delina na hindi mawala-wala.

Harmony Lessons (Emir Baigazin) Nag-umpisa ang harmony lesson ko sa panonood ng pelikula nang hindi maayos ng staff ng Director’s Club ang subtitle. Ang masaya r’un, halos wala itong dialogue sa loob ng 10 minuto. At ang pinakamasaya, meron itong eksena sa umpisa na merong kinakatay na tupa (isa sa pinakamahirap panoorin para sa akin ay ang mga hayop na pinapatay). Nakatatlong beses yata ito ng pagsalang bago tuluyang naayos. Simple lang ang tema ng pelikulang ito mula sa Kazakhstan: bullying. Sa labas, tungkol ito sa revenge. Pero sa kabila ng disturbing na turn of events, steady lang ang camera rito na parang walang nangyayari. Very Zen-like ang composition ng mga frame na nagbibigay ng isang magandang contrast at espasyo upang mas lalong magsumiksik ang juvenile violence. Umangat lalo ang pelikula sa ibang meron ding kaparehas na tema sa epilogo nito. Ang mga huling imahe ay masyadong lyrical upang makalimutan agad.

The Missing Picture (Rithy Panh) Cannes-decorated ang pelikulang ito at ang madala ito sa local shore ay isa sa mga tatak ng Cinemanila experience na mahirap tapatan. Pero unique mismo ang vision ng materyal tungkol sa malagim na bahagi ng kasaysayan sa Cambodia sa ilalim ng Khmer Rouge. Dahil sa kawalan ng pruweba ng lagim (walang video o sapat na larawan), ni-recreate na lang ang chapter sa tulong ng mga nililok na clay figures. Pero sino ba naman ang gustong maalala ang isang bagay na mahirap makalimutan? Maging sa Germany, halimbawa, nais nilang maubos ang mga pader na naghahati dati ng East at West Berlin. Ang take ng direktor ay isabuhay ang nakaraan (marahil upang maging malaya sa dahas at opresyon) sa pamamagitan ng mga pigura na hindi gumagalaw. Parang dito pa lang ay meron na itong gustong sabihin. Nakadagdag din ng igting ‘yung pagpapakita na nilililok ang pigura, binubuo ang karakter nito, ang horror sa mukha ang transition nito sa iba’t ibang episode ng kasaganaan at kapayakang nilamon ng panahon. Magandang study sana ito para sa mga Pinoy na sikat sa kawalan ng sense of history. May mga bahagi rin ng kasaysayan na nawawala at wala tayong masyadong braso upang ibalik ito, aralin at subukang hindi na maulit.

Norte, Hangganan ng Kasaysayan (Lav Diaz) Matagal-tagal na rin akong hindi nakakanood ng Lav Diaz movie. “Melancholia” pa yata ‘yung huli sa sinehan at “Hesus Rebolusyonaryo” naman sa TFC Now. At dito ko na sa pelikulang ito tinapos ang festival kasama ang mga manonood ng halos puno na sinehan. Apat na oras ang running time at bilang paghahanda, nagbaon ako ng popcorn, kape at Coke (na kinakain ko pakonti-konti sa tamang pacing). Habang nanonood, napansin ko na hindi ko naman pala kailangan talagang magbaon dahil madaling maabot ang pelikula. Credited si Rody Vera rito bilang co-writer at ramdam na ramdam ito sa unang tatlong oras. May pagkakataon na tila merong punchline at nakita ko na ito sa ilang pelikula ng manunulat. Eventful ang unang tatlong oras sa paglalatag nito ng deconstruction ng “Crime and Punishment”. Isang krimen na itinulak ng tamang pagtingin sa hustisya. Isang pagkabilanggo dulot ng maling hustisya. Pamilyang tumutulay sa buhay sa kabila ng marangal na pagharap dito. Isang kaluluwang patuloy na sinusubukang arukin ang balanse ng buhay kahit na ang kapalit nito ay ang kanyang sarili. Sa labas nito, specific na ang mga kaganapan ay nakaangkla sa probinsya ng Ilocos na halos nakakabit sa angkan ni Marcos (na madalas hatulan ni Lav Diaz sa ilan n’yang pelikula). May isang eksena sa pelikula mismo na nagdidiskusyon ang mga Law students tungkol sa mga naging presidente ng bansa mula kay Aguinaldo hanggang kay Marcos.

Pero ‘yung pagiging siksik ng unang tatlong oras ay hindi naman mag-isang binaybay ng manunulat. Maging ang direktor ay iniwang panandali ang mga still frame at naglagay ng mga panning shots (pinakaaktibo rito ‘yung eksena ng pagkuha ng gamit ni Mae Paner bilang oportunistang si Magda sa pamilya nina Joaquin at Eliza). ‘Yung nakita ko ring dramatistang direktor sa isang eksena sa “Death in the Land of Encantos” (‘yung kasama si Roeder na naghahanap ng kanyang ina) ay lutang na lutang dito. Sa isang eksena, halimbawa, nakatalikod ang babaeng iniwan ng kanyang asawa upang maging preso ay kinunan mula sa likod. Mula sa madilim na anggulo, papunta sa harap na tinatamaan ng liwanag, ay ipinakita sa audience ang babae na umiiyak at walang binibitawang salita. May mga eksena rin sa preso na hindi ko mapigilang maging emotional, unang beses ko yatang naranasan sa isang Lav Diaz movie. Pero hindi naman nakakapanibago talaga ang finished product. Ang huling oras, halimbawa, ay payak at distinct ang pagkakatalakay sa depression. Nakita na natin ang ganitong self destruction sa “Melancholia” (lalaking kumakain ng papel) o maging sa “Batang West Side” (pagbalik sa Martial Law sa epilogo) at iba pa. Dito ko naramdaman ang pagiging organic sa sining ng direktor kahit na mas eventful ito kumpara sa iba. Naging mala-epiko at nanunuot ang pagtalakay ng microcosm ng Pilipinas kahit na maraming beses na itong natalakay sa ibang pelikula. Hindi ito kailanman nagkukumahog o nag-uumigting sa arko. Mahusay rin ang cast. Bagama’t si Sid Lucero ang central character dito, ang Kristo sa buong Senakulo, nakita ko ang buong ensemble bilang kolektibo ang boses: Angeli Bayani, Archie Alemania, Soliman Cruz, Hazel Orencio, Mailes Kanapi.
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...