Total Pageviews

Friday, February 21, 2014

Pagkaagnas


Ang Bangkay
Produksyon: Philippine Stagers Foundation
Direksyon: Vince Tañada
Mandudula: Vince Tañada
Mga Nagsiganap: Vince Tañada, Monique Azerreda, Glory Ann Nacional, Cindy Liper at Jordan Ladra

Fascinated ako sa mga play na tumatalakay sa decay, sa scope man na pambansa (kamukha ng “Collection” ni Floy Quintos na hindi ko pa nagagawan ng note hanggang ngayon), pampamilya (ilang dula nina Wilfrido Ma. Guerrero at Nick Joaquin) o maging sa level na pang-indibidwal (adaptation ng “Bona”). Maganda rin kasi na paminsan-minsan ay tumatawid tayo sa hindi nakasanayan upang mabuo at lalong umigting ang nakasanayan na. Mainam na pagmunian ang bawat himulmol ng pagkaagnas upang kapulutan ito ng mga sinulid na maaring tumahi sa ating pagkadurog. Ang tanong nga sa pelikulang “Legend” ni Ridley Scott noong 1985, “What is light without darkness?”

Ang Señor Segismundo (Vince Tañada) sa dula, halimbawa, ay isang paternal na anino na bumabalot sa mga tao sa bawat sulok ng kanyang tahanan na kadikit ng kanyang punerarya. Sa buong pagtatanghal ay hindi nakikita ng audience ang dungis ng kanyang morgue, maliban na lang sa isang apron na nababahiran ng dugo na kanyang suot sa isang eksena. Gumagalaw ang mga karakter na parang nakataling puppet sa isang malinis at marangyang sala at silid-tulugan ng nag-iisang dalagang anak na si Isabel (Monique Azerreda). Sa likod ng kapanatagan ay ang nabubulok na pagkatao ng señor at kung paano ito humahawa sa pagkasariwa ng iba: si Isabel mismo, ang mga katulong na sina Miding (Glory Ann Nacional) at Oryang (Cindy Liper), at ang pobreng si Lemuel (Jordan Ladra).

Masyadong given ang metaphor na ginamit sa pagitan ng pag-embalsamo ng señor sa mga patay upang hindi ito mabulok at ang “pag-embalsamo” sa mga buhay upang ito ay tuluyang mabulok. Maliban dito, antithesis din ito na ang nakalipas ay hindi palaging bukal ng kapayakan, kapayapaan at kasiguraduhan, na kung susumahin ay mas masahol pa nga ang lagim sa loob ng Corintho kumpara sa mga balita sa kontemporaryong panahon. Hindi rin ito kailanman nagpugay sa pamilya bilang isang matibay na pundasyon sa isang komunidad. Ang ilaw ng tahanan ay pundido at ang haligi naman ay s’yang ugat mismo ng kalawang. Maging ang nakakabulag na kadalisayan ng pobreng si Lemuel ay hindi kasing sagrado ng mga kapos-palad na karakter sa mga teleserye o pelikula. S’ya ay lumaki sa hirap pero pinakitang mabilis masilaw sa posibleng pag-ahon. Ang kanyang moralidad ay mabilis lumiko mula sa pagnanais na mabigyan ng marangal na burol ang ina hanggang sa pagbebenta ng kaluluwa para sa pansariling retribusyon. Ang nag-iisang representasyon ng dakilang pag-ibig ni Miding ay hindi rin sapat upang makatawid sa liwanag, bagkos ay naging susi pa ito upang lalong lumapot ang kadiliman. Isa sanang tulay sa pagbabago si Oryang pero masyado itong mabilis mabasag, ‘singbilis ng kanyang pagkahumaling sa lalaki. Si Isabel lang ang natitirang puro at binigyang diin ang kanyang kalinisan bilang tagahukom sa dulo. Kung susuriin, hindi talaga balanse ang tama ng liwanag sa loob ng Corintho. Madilim ito hindi dahil sarado ang mga bintana kundi dahil mismo sa mga aninong gumagalaw sa loob.

Masasabi kong acting piece ang dula. Pinakamadugo ang mala-Vic Silayan na karakter ng señor. Buo itong naitawid ni Vince Tañada nang wala ni isang bahid ng punchline kamukha ng kanyang mga tauhan sa musical. Maging ang pagiging kikay ni Oryang ay nangangailangan ng shift mula sa pagkabukas nito sa usaping sex at ang pagkagulat nito sa kanyang nakita sa dulo. Kung mababawasan siguro ang pagka-high pitch ng karakter ni Miding at piniling tahakin ang atake na mas kontrolado subalit nasa ilalim ang kulo, mas nanamnamin ko ang kanyang bulkan na sumabog sa dulo. Nabasa ko rin nang pahapyaw ang script sa website mismo ng Palanca Awards at doon ko nalaman na may namumuong madness pala kay Isabel. Hindi ko masyadong napansin sa dula pero hinihingi ng script na magpapamalas ito ng takot, galit at paglampas sa ulirat bago dumilim ang entablado sa huling yugto.

Pagkatapos ng pagtatanghal, binuksan ang teatro para sa maikling Q&A kasama ang buong cast. Merong isang miyembro ng audience, isang estudyante, ang nagtanong kung ano raw ang back story ng señor. Nais n’yang malaman kung anu-ano ang kanyang pinaghuhugutan upang magkaroon ng ganoong antas ng kademonyohan. Tanong ko rin sana ito. Pinagtagni-tagni ko na lang na ang panahon na hinihingi ng dula ay turn of the century kung saan ang gobyerno ng Pilipinas ay wala pang sapat na tibay ng tuhod at ang kinabukasan ng bansa ay wala pa ni katiting na umaandap-andap na pag-asa. Malamang ay laganap ang pagkalasing sa kawalan ng pupuntahan at ang sikolohikal na estado ng mga Pilipino ay wala sa wisyo. Mas suwabe sana ang hinihinging characterization ng mga tauhan dito kung nasasalat ang ganitong demand ng kasaysayan sa napiling panahon ng dula. Maliban sa mga sinaunang kasuotan at mga salitang halos hindi na natin ginagamit (kamukha ng “tokador” at iba pa), walang malinaw na suhestiyon na nais nitong dalhin ang audience sa socio-political na estado ng bansa noon. Sa kabilang banda, puwede rin itong komentaryo na ang pagkaagnas, personal man o pangmalawakan, ay walang pinipiling panahon o lugar.
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...