Thursday, March 13, 2014

Benteng Pinakamahusay na Pelikulang Pilipino Para sa 2013


May kasabihan na “Huli man at magaling…” pero hindi ko na kukumpletuhin dahil hindi namn ako magaling. Medyo nakalimutan ko na ngang isulat ito at wala rin naman akong obligasyon na gumawa ng listahan. Nagkataon lang na kasalukuyan nang ipinapalabas ang “Norte, Hangganan ng Kasaysayan” sa Ayala Cinemas (March 11 sa Trinoma, March 18 sa Ayala Center – Cebu, March 25 naman sa Greenbelt 3 at March 31 sa Glorietta 4; lahat ay mag-uumpisa ng 6:30pm) at mukhang hudyat na rin ito na ma-imortalize (at least sa blog na ito) ang mga napusuan kong pelikulang Pinoy n’ung 2013. May ilan akong hindi napanood (sa bilang ko ay pumatak ng 29 o 30 mula sa total na 157 at hindi na ito masama) kabilang na ang “Burgos” (Joel Lamangan), “It Takes a Man and a Woman” (Cathy Garcia-Molina), “Juana C, the Movie” (Jade Castro), “Ang Maestra” (Joven Tan) na naabutan ko ang pinakahuling frame, “Bang Bang Alley” (Ely Buendia) at iba pang pelikula na naipalabas sa Robinsons Galleria.

Gusto ko ring i-single out ang ilang pelikula na hindi ko na maiisingit sa bente pero tingin ko ay kailangan ding mabanggit. Sa ngayon, apat lang ang nasa radar ko: Ang Huling Chacha ni Anita (Sigrid Bernardo), Puti (Mike Alcazaren), Kabisera (Borgy Torre) at Otso (Elwood Perez). Merong insight ang nauna tungkol sa kaibahan ni Anita kay Maximo Oliveros. Si Anita ay natuklasan lamang ang sarili nang unang beses itong umibig samantalang si Maximo ay alam na n'ya kung sino s'ya bago pa man dumating ang pulis. Maraming promise ang ikalawa at merong scientific explanation na B&W ang ating panaginip. 'Yun nga lang, hindi ako masyadong nakuha sa paggamit ng panaginip. May konting laylay ang ikatlo dahil medyo mapusyaw ang pagsabog sa dulo pero hinding hindi ko makakalimutan ang "Bato sa Buhangin" scene ni Joel Torre sa pelikula. Ang ikaapat naman ay isang patunay na marami pang asim si Elwood Perez.

Pero heto ang mga nakatawid:  

20. Salvi, Ang Pagpadayon (TM Malones) Wala pa akong napapanood na ganito ka-ambisyoso ang vision para sa isang pelikulang Pinoy, regional man o hindi, na tumatalakay sa post-apocalypse, sa kabila ng kakulangan ng budget. Dito ako napaisip kung ano bang meron sa Bacolod at tila rito yata nanggagaling ang mga direktor na merong “mata”: Peque Gallaga, Erik Matti at Richard Somes. Sa kabila ng visual treat, hindi nito nakalimutan ang humor na paminsan-minsan ay sumusulpot o ang kahusayan ng mga nagsiganap na isang hakbang lang sa hukay ay magiging katawa-tawa.  

19. Guerrilla is a Poet (Sari Dalena and Kiri Dalena) Gusto ko ang feel ng buong pelikula na para kang nasa isang tula, at ang kasabay na pakiramdam na isa itong documentary pero hindi naman. Gusto ko rin na hindi naghuhumiyaw ang mga artista rito na “Ako si Jose Maria Sison!” o “Ako si Corazon Aquino”, o maging ang bawat frame ay hindi humingi ng title card upang maiangkla ang hinihinging panahon. Kung tutuusin, ang subject ay nasa sa isang position na paulit-ulit na sumasalamin at nagtatanong sa accountability ng gobyerno pero hindi ito kailanman sumigaw nang nakatiklop ang kamao sa ere.  

18. Quick Change (Eduardo Roy, Jr.) Fascinating ang mga pelikula na bagama’t topical ay naghahatid sa ‘yo sa isang mundo na halos hindi masyadong pamilyar. Sa kaso ng “Quick Change”, dinala nito ang manonood sa mundo ng ilegal na cosmetic surgery at sa moralidad na nais nitong tanungin hindi mismo sa sekswalidad kung hindi sa kung hanggang saan ang lalim na kailangang hiwain upang ipuhunan ang panlabas na kaanyuan.

17. Debosyon (Alvin Yapan) Mabigat ang paratang dito ni Alvin Yapan na mas dakila ang debosyon ng mga engkanto sa tao kesa ang debosyon ng mga tao sa kinikilalang diyos. Sa kabila ng impresyon na kontrabida ang ilang diwata, hindi nito kailanman binitawan ang pananampalayata sa mga mortal kahit na nagbabago ito ng anyo, namamatay at merong ipinapanganak. Magandang salamin ito ng busilak na uri ng relihiyon, isang panata na higit pa sa itatagal ng sariling buhay.  

16. Babagwa (Jason Laxamana) Isa itong example ng categorically indie film na kayang tumawid at maaaring maabot ng pangkaraniwang viewer. Tumalakay ito sa pagbabalat-kayo bilang hanapbuhay at ang karampatang kapalit nito kapag bumaliktad na ang tinatawag na karma. Muli, isang revelation si Alex Medina rito, partikular sa isang eksena na kailangan n’yang gumawa ng transition bilang isang kriminal papunta sa pagiging biktima.

15. Ang Mundo sa Panahon ng Bakal (Mes de Guzman) Ang ikatlo sa trilogy ni Mes de Guzman ay tungkol sa partisipasyon natin sa mga ilegal na trabaho na may kinalaman sa mga elementong nasasaka sana nang libre. Isa itong statement sa maling pangangalakal at ang diretsahang kapalit ng anumang paglukso sa tinik. Mahirap kong makakalimutan ang isang eksena rito ng ama na tila walang katapusang naghahanap sa anak na hindi pa umuuwi.  

14. Death March (Adolf Alix) Kung simulation lang ng pagkabagot, uhaw at pagod ang pag-uusapan, masasabi kong tagumpay ito. Akala ko ay magiging distraction ang artsy na production design pero naging mitsa pala ito ng kawalan ng saysay ng naturang martsa ng mga sundalo natin. Ang dulo ay pinalitan ng mga totoong puno at totoong daan upang magbukas naman sa kalayaan na hinahanap. Minsan lang ding magkasama-sama sa isang project ang ilan sa mahuhusay nating aktor: Sid Lucero, Kristoffer King, Jason Abalos, Sam Milby at marami pang iba.  

13. Boy Golden (Chito Roño) Nagmukhang Greek tragedy ang action film na ito. Siguro ay alam na ng sumulat na ang mga ganitong “film bio” ay kadalasang natatapos sa isang eksena kung saan mamamatay ang bidang kriminal. Hindi rin kumurap ang humor dito, mula sa a capella singing sa isang gun fight hanggang sa pagbunot ng buhok sa kilikili ni Gloria Sevilla. Sa kabilang banda, MMFF material pa rin ito. Star-studded, madaling sundan pero hindi kailanman nagkulang sa sustansya.  

12. La Ultima Pelicula (Raya Martin) Paano kung tama ang mga Mayan at nagtapos nga ang mundo noong 2012? Ito na siguro ang magiging ultimate documentary. Pero sino ang makakanood? Isang filmmaker ang tila nasa midlife crisis ang nangangamba habang isang katutubo (o isang local na nakasuot katutubo) ang kumurap sabay sabing napapagod na s’ya. Bonus: isang pagbisita sa museum.  

11. Kordero sa Dios (Keith Deligero) Inumpisahan ang pelikula sa isang narration na tila nagmumula sa Diyos dahil ang POV nito ay mula sa langit, pababa sa mga ulap at papuntang lupa. Sa lupa ay makikita naman natin ang pag-uumpugan ng bato sa pagitan ng mga anghel at mga demonyo na nakapaligid sa isang binatilyo. Magandang Bibliya ito sa makabagong panahon. O, maaari ring isang suhestiyon na hindi naman kailangan ang Bibliya dahil katulad ng rotonda sa Cebu, ang buhay ay bilog at hindi kailangan ng anumang kanto na pagsasabitan ng moralidad.  

10. Islands (Whammy Alcazaren) Tatlong timeline, tatlong hugis ng pag-iisa. Isang pre-historic ng pangungulila na walang ibang ginawa ang mangangaso kung hindi ang makipagtagisan ng buhay sa mga malalaking hayop. Isang futuristic na melancholia ng isang astronaut na walang ibang form of survival kung hindi ang mga alala ng nakalipas. Sa gitna ay isang matanda at balong ina na pilit itinutulak ng anak na mag-migrate. Inilaglag itong lahat sa pag-inject ng film on film na atake sa dulo, kasabay ng isang matamis na epilogue na antidote sa pag-iisa.  

9. Sana Dati (Jerrold Tarog) Ito na siguro ang pinaka-agresibo ang pananaw tungkol sa kung ano nga ba ang kahulugan ng kasal. Ito ba ay isang klase ng graduation sa isang napakahabang getting-to-know stage o isang simula upang tuluyang mahanap ang sarili? Hindi ko makakalimutan si Lovi Poe at ang kanyang atake sa isang babaeng malapit nang ikasal subalit nanatiling nagdadalawang-isip (o nagdadalawang-puso?).  

8. Ekstra (JeffreyJeturian) Bagama’t hindi pa ito ang definitive na gauge ng dedication ni Vilma Santos sa bugso ng indie, kuhang kuha naman ako ng tanong sa dulo. Sino nga ba ang namatay? Tanong ng mga nag-aabang sa teleserye. Tanong din ito ng bidang babae na kumakatawan sa mga manggagawa na ang puhunan ay higit pa sa sarili.  

7. Badil (Chito Roño) Sa lahat ng mga kasali sa Sineng Pambansa (All-Masters Edition), parang ito lang ang sobrang umangat sa inaasahan at sumabog sa mukha ng sinumang botante na nais ingatan ang kanyang boto. Halatang at ease ang direktor sa materyal dahil nasa dugo nito ang pagiging politiko. Pero hindi ito hardcore. Sa kabila ng tema, hindi nito kailanman binitawan ang pangkaraniwang manonood. Ang atake, sa totoo lang, ay maaari ring tumawid sa bakod ng isang suspense movie.  

6. Bukas na Lang Sapagkat Gabi Na (Jet Leyco) Mahirap panoorin ang umpisa. Napaka-eksperimental. Parang gusto n’yang salain ang manonood kung hanggang saan lang ang maaaring itagal (isang bagay na hindi ko naramdaman sa “ExPress”). Kapag lumampas ka rito, kapag lumampas ka sa VHS feel ng unang bahagi ng kuwento, isang ginto ang naghihintay.

 5. OTJ (Erik Matti) Wala akong matandaang pelikulang Pinoy nitong mga huling taon na naghikayat sa maraming non-believer upang tumangkilik at manood sa sinehan. Considering na ito ay may bahid pa ng Star Cinema o ang karamihan sa mga artista rito ay mga network talent. May sagot na sa maraming tanong kamukha ng “Kaya bang gumawa ng so-called mainstream ng isang pelikulang maaari ring pag-isipan?” o hindi kaya, “Meron pa bang hindi kayang gawin si Joel Torre?”

4. Ang Pagbabalat ng Ahas (Timmy Harn) Medyo eksperimental din ang atake sa materyal. Categorically ay comedy ito pero hindi ito ‘yung klase ng kiliti na tatabo sa takilya. Namimili ito ng kilikili. Sa ibabaw ay makikita natin ang reference ng taong ahas sa isang tabloid story n’ung early 90’s. Sa ilalim naman ay isang pagsisiyasat kung paano naaagnas ang isang pamilya bilang isang institusyon.  

3. Dukit (Armando Lao) Maraming naukit dito. Una, litaw na litaw ang kapasidad ni Bing Lao bilng filmmaker. Nakikita n’ya nang buo mula sa malayo ang patsi-patsing component ng materyal tungkol sa isang Christian movie na hindi kailanman nagsusumigaw na relihiyoso ito. Found story rin ito ng isang alagad ng sining kung saan ang subject ay s’ya ring pangunahing aktor. At hindi ako mahihiyang aminin na maraming beses akong pinaiyak ng pelikula.  

2. Norte, Hangganan ng Kasaysayan (Lav Diaz) Dito ko naramdaman nang todo ang sinasabing organic filmmaking ng direktor. Bagama’t tumahak ito ng apat na oras na running time, ramdam pa rin ang presensya ng scriptwriter (Rody Vera). Ito na rin siguro ang pinakamalapit na reimagining ng “Crime and Punishment” ni Dostoyevski. Ang huling oras ay nakalaan sa isang pagkasukol ng main protagonist (Sid Lucero) upang maintindihan ang kanyang bersyon ng hustisya.  

1. Iskalawags (Keith Deligero) May sariling beat at feel ang pelikula na para kang ipinaghehele sa tila makatang pananariwa ng kabataan sa Cebu. Maraming beses akong kinuwelyuhan dito. Parang ako mismo ang kinakausap ng filmmaker. Ang isang montage ng mga batang nanghuhuli ng mga maliliit na alimango sa dalampasigan ay parang on the spot akong ibinalik sa aking batang sarili. At meron pang VHS watching sa friendly neighborhood. Meron ding Jeric Raval. Higit sa lahat, ang nakaka-mindfuck na banggaan ng reyalidad at pelikula sa dulo. Lumabas ang narrator sa kontemporaryong panahon upang ipaalala na may mga bagay na hinding hindi na mababalikan.