Musings on life from a (little red) backpacker who adores highschool language classes so much.
Sunday, August 17, 2014
Cinemalaya 2014: Ikasiyam na Araw
Ito ang pinakama-effort ang marathon dahil kailangang gumising nang maaga upang maabutan ang 10am screening. Kinakailangan din ng tolerance para sa limang palabas. Ilang tala:
SHORTS B First impression: mas solid ang line-up nito kesa sa Shorts A at hindi naman dahil sa biased ako dahil kasali si Alchris Galura sa “Eyeball”. Nag-work sana sa akin ang “Indayog ng Nayatamak” (Joris Fernandez) kung mas steady ang camera work dito. Hinayaan na lang sana na ang mga subject ang sumayaw at binitiwan na ang malikot na lente. Hindi nakatulong na madalas na hindi nakukuha ang lower body dahil kahit ang footwork ay merong nais sabihin. Sobrang impressive ang “Lola” (Kevin Ang) dahil unang una, ito ang pinakamataas uri ng filmmaking sa mga kalahok, mula editing hanggang make-up at ang tamang paglapat ng mga Christmas song. Ikalawa, merong puso. Kahit na nasa genre ng horror, hindi ito naging mababaw. Ikatlo, solid ang storytelling. Hindi ko lang masyadong maintindihan kung bakit lahat ng zombie film ay “Walking Dead” ang reference. Ang pinakapambenta, katulad ng inaasahan bilang ang direktor ay galing sa mundo ng teatro, ng “Nakabibinging Kadiliman” (Paolo O’Hara) ay ang marubdob na aktingan ng dalawang bida rito na sina Sheenly Gener (na lutang na lutang ang matalas na body language) at Mara Marasigan (na namuhunan sa katahimikan at facial expression). Mababaw lang ang “Ina-Tay” (Chloe Ann Veloso) at minsan ay nakakasuka na ang pinaka-chunk n’ya ay kababawan pa rin. Pero naaliw naman ako sa ilang eksena. Natawa ako. Trite ang “Eyeball” (Christopher Nazareno) pero guilty pleasure na makita si Nico Antonio bilang loser. At siyempre, si Alchris Galura.
K’NA, THE DREAMWEAVER (Ida Anita del Mundo) Base sa mga naunang nakanood nito, nakakaantok daw ang pelikula. Marami rin daw nag-walk out at ang malala, mala-National Geographic daw ito. Hindi naman ako nakatulog. Napakihab, oo, pero hindi naman ako tumuka. Mababaw nga lang ang premise pero kahit papaano ay naabot naman ito sa pinaka-human na paraan na hindi kinakailangan ng stop-over sa peace and order situation sa Mindanao. Medyo kahawig nga lang ng “Limbunan” (Gutierrez Mangansakan II) ang punto kaya wala nang masyadong epekto sa akin ang redeeming value ng pelikula. Sa dulo, hindi naman puwedeng balewalain ang effort dito ni Lee Briones upang magkaroon ng fairy tale effect ang finished product.
S6PARADOS (GB Sampedro) Technically, oks naman ang pelikula. Pero kamukha ng impression ng iba, sumasang-ayon ako na parang commercial film na ang pagkakagawa. Puwede naman itong ilako sa labas ng Cinemalaya at sigurado ako na hindi ito mabobokya. Wala akong tanong sa sinseridad ng materyal bilang nasa mga balita dati na may sariling koneksyon ang direktor sa mga usaping hiwalayan. Wala rin akong kaso na multi-character din ito na pinagbuhol-buhol sa isang wedding ceremony. Ang problema ko lang sa kanya, paglabas ko ng sinehan, wala akong masyadong napulot. Walang masyadong insight.
MAUBAN: ANG RESIKO (Lem Lorca) Ang pinaka-beef ko sa pelikula ay ‘yong effort ng cast upang maging immersive experience ang kanilang pagsasabuhay ng mga karakter sa isang community sa Cagbalete Island sa Mauban, Quezon. Maging ang accent ay naitawid nila nang maayos. Gusto ko ‘yong parang careless ang mga karakter at ang lahat ay dinadaan lang sa pagtagay ng lambanog. Hindi nga lang napalutang ang undertone nito (ang pag-inom, halimbawa, ay isang paraan ng cleansing). Nagmukhang wala talagang nangyayari ang mga eksenang walang nangyayari. Hindi rin masyadong nailatag nang maayos ‘yong mga isyu ng karakter ni Sid Lucero rito. Maganda sana kung mas madali s’yang maabot lalo na r’on sa eksenang nakatingin lang s’ya sa dagat at tumatagay sa sariling pagkalasing sa buhay. Gustung gusto ko ang tambalan dito nina Alessandra de Rossi at Jess Mendoza partikular ang isang eksena na magpapaluma kina Anna Marie Gutierrez at Daniel Fernando sa “Scorpio Nights”.
A THIEF, A KID & A KILLER (Nathan Adolfson) Medyo underwhelming ang closing film ngayon. Fun naman ‘yong pagkakagawa at nakikita ko na mataas naman ang sensibility ng sumulat lalo na sa mga eksenang nagi-inject ng dry humor. Mahirap ding itanggi na engaging naman ito. Hindi nga lang masyadong satisfying ang resolution n’ya. Pero hindi naman ako nalugi kina Epy Quizon and Felix Roco sa pelikula.
POST-SCRIPT: Habang pauwi ng apartment mula CCP, biglang pumutok ang balita na na-upload sa Youtube ang lahat ng Cinemalaya film noong 2012 at 2013. Speechless ako hindi dahil napanood ko ito lahat kundi ang hirap ma-absorb kung anong nangyayari. Pagkakamali lang ba ito? Kung pagkakamali nga, sinasadya ba o hindi? Wala naman ako sa posisyon ng mga filmmaker upang magalit kung hindi sila nasabihan tungkol dito pero ramdam ko ang kanilang pighati. Sa kabilang banda, naiintindihan ko ang isyu ng accessibility bilang kadalasan na hindi naman nadi-distribute legally ang mga pelikula sa Cinemalaya. Minsan ay naiiwan sa dilim ang mga nais manood at walang ibang paraan upang matugunan ito.
Sunday, August 10, 2014
Cinemalaya 2014: Ikawalong Araw
Muntik-muntikan akong ma-late para sa unang pelikula ng 10am. Limang pelikula sana para araw na ito pero kinansela ang "Kuwentong Gilas" ng walang dahilan. Ilang note (na isinulat sa Cinemalaya X Lounge sa 3rd floor):
KASAL (Joselito Altarejos) One word: script. Maiksi lang ang timeline ng plot pero marami itong sinabi tungkol sa isang relasyon at ang limitasyon ng pagiging ilegal ng same sex marriage sa bansa. Pinapasok ang manonood sa buhay ng isang couple. Nakita natin silang nag-aaway, nakita natin ang vulnerability ng relasyon at ang pagiging prone nito sa tukso. Nakita natin silang magtalik, magtawananan at magbigay ng suporta sa kani-kaniyang pamilya. Character study rin ito ng isang discreet na lawyer (Arnold Reyes na sa tingin ko ay deserving ng Best Actor recognition) at ang pagiging safe n’ya na masaktan at magtiwala. Tungkol din ito sa whim ng kabiyak n’yang film director (Oliver Aquino) at ang walang sawang paniniwala sa pag-ibig. Ang baseline talaga rito ay ang statement tungkol sa same sex marriage at ang mga bagay na kaya nitong protektahan kapag naisabatas ito. Pero hindi kailanman isinubo sa manood ang gusto nitong i-preach. Subtle ang comparison na ginamit tungkol sa isang kasal na magkahiwalay naman ang loob (kasing subtle ng pagtanggal ng butones sa leeg ng barong ng groom). Naglipana rin ang mga maskara sa bahay ng couple at bahay sa probinsya bilang patunay na ang isa sa dalawa ay umaarte lamang.
DAGITAB (Giancarlo Abrahan V) Hindi ako masyadong na-impress matapos itong mapanood sa unang beses dahil sa kaingayan ng isang babae sa may likuran. Wala s’yang ginawa kung hindi magbigay ng comment kamukha ng “Naka-move on na ‘yan kasi bagong shave!” o “Hindi ito (referring sa isang love scene) magugustuhan ni Neri (kung sino man s’ya)!”. Kinakailangan pa naman ng mabusising pagsiyasat sa mga sinasabi ng dalawang tauhan, sina Issey at Jimmy (Eula Valdez at Nonie Buencamino), na sa gitna ng paghihiwalay. Sa ikalawang beses kong panonood ng pelikula (minsan ko lang itong gawin sa Cinemalaya) noong huling araw ng festival, mas nabasa ko na s’ya. Merong itong inilatag na argumento tungkol sa tinatawag na sparks pagdating sa mga relasyon. Para sa mga hopeless romantic, isa itong malaking bagay. Kailangan munang kiligin. Sa kaso ng dalawang main character, pareho silang thinking person na nagsasama kahit absent ang tinatawag na sparks (sa ilang pagkakataon, ‘pinapakitang hindi makahabol ang isa sa kanilang pagtakbo sa UP). Naka-footnote ito sa isang batang couple na pareho ring thinking person. Hindi maiiwasang mapansin ang contrast ng literal na dagitab habang ipinapakita ang pagkalamig nina Issey at Jimmy sa isa’t isa: ang uling sa barbecue stand, ang apoy sa gubat, ang mga kandila sa simbahan, ang fireworks, ang pundidong bumbilya sa bahay at marami pang iba. Sa dalawang pagkakataon, ipinakita na tinupok ito bilang hudyat sa nakaambang realization. Sa dulo, patuloy itong nagtatanong kung kailangan ba talaga ang sparks. O kung nakabilanggo na sa isang tali, maaari bang pilitin itong ikiskis upang magliyab? Maraming eksena rito na hindi ko pa nakikita sa ibang pelikula. ‘Yong iba, nakapa-casual ng execution pero maraming sinasabi at matatas ang undertone. Visually stunning din ito. Ang tahimk na eksena sa beach ay hindi ko makakalimutan, ang lumulutang na sparks sa huling eksena at marami pang iba. Hindi ko rin makakalimutan sina Eula at Nonie rito, pati na rin si Martin del Rosario.
1ST KO SI 3RD (Real Florido) Hindi ko nakitang pangit ang pelikula kumpara sa mga nasabi na ng iba. Dragging lang s’ya at predictable. May ilang pagkakataon na tumatawa ang mga manonood at para sa akin ay sapat na ito. Refreshing makita si Nova Villa bilang main character na nanganganib lamunin ng isang closure na hindi maisara-sara.
Friday, August 08, 2014
Cinemalaya 2014: Ikapitong Araw
Maaraw ulit noong Huwebes. Wala akong papanoorin sa 3:30pm slot kaya nagpagupit muna at nagrelaks. Ilang tala:
THE VOYAGE OF THE BALANGAY (Minda Ponce-Rodriguez) Unang impression ko, sayang. Maganda sana ‘yong konsepto para sa isang docu na ma-capture mo ‘yong essence ng adventure sa pagtatangkang ma-simulate kung paano maglayag ang mga ninuno natin noon gamit ang balangay. Pero kulang ito. Maraming pagkakataon na kailangan pang ikwento ng mga kasali sa voyage ang mga nangyari. Bakit hindi ito nakuha sa camera? Parang nagmukha tuloy accidental lang (at puwede nang patawarin) ang pagkaka-document.
EDNA (Ronnie Lazaro) Disappointing. Sobrang disappointing. Ang ganda sana ng cast: Irma Adlawan, Frances Makil-Ignacio, Ronie Lazaro, Sue Prado, Nicco Manalo, o maging si Kiko Matos. Refreshing treat din na si Ronie Lazaro ang nagdirek nito. Ang problema: script. OK, gets ko na para ito sa mga OFW at nararapat lang naman talagang bigyan sila ng nararapat na papuri (ang Edna, halimbawa, ay puwedeng word play ng EDSA na attributed sa People Power). Gets ko rin na madalas na hindi sila appreciated kapag umuuwi. Marami nang pelikula sa mainstream ang tumalakay nito. “Anak” ni Rory Quintos o ‘yong “A Mother’s Story” ni John D. Lazatin. Pero ang OFW rito ay sobrang minalas naman at lahat na yata ng kabulukan ay naranasan n’ya. Sige, granted na exaggeration ito para lang makapag-drive ng point. Pero sana, humihinga naman ‘yong script. Wala man lang mabuting bagay na nangyayari sa bida at napakahirap maka-relate kapag ganito (considering na magkakaroon ito ng commercial run). Kahit sa maliit na community sa probinsya, wala namang ganito kademonyo na combination ng mga kamag-anak. Maging sa mga decision sa direction, andami ring hindi na kailangan. Halimbawa, ‘yong tight shot sa love scene ng dalawang character ay mahirap maipaliwanag kung bakit kailangang bumabad. May ilang haka-haka na nabago raw ang ending ng stage adaptation ng “Bona” para sa PETA na isinulat din ni Layeta Bucoy. May pakiramdam akong ‘yong frustration n’ya na magupit ang gusto n’yang ending sa dula eh ibinuhos n’ya rito sa pelikula.
VIRGIN PEOPLE (Celso Ad Castillo) Sana kaya kong makapagbigay ng input tungkol sa color grading at restoration upang ma-justify ang viewing experience sa digitally remastered na version na ito ng pelikula ni The Kid. Malinis naman ang pagkakalapat ng technology. Mukhang fresh meat. Pero sa panonood mismo noong film, medyo nakita ko ngayon na sexist s’ya. Isang lalaki na mistulang hulog ng langit ang nananalasa sa tatlong magagandang birheng babae. Parang hinugot ang premise mula sa isang pantasya ng isang macho. At some point, wala namang masama sa execution dahil malapit ang pagkakahulma nito na maging Biblical ang reference. Nag-work sa akin ‘yong vision. Bagama’t in-attempt na maging titillating ang mga sex scene, conscious naman ito na maglahok pa rin ng pambalanse. Ang lucky bastard na character na si Isaac, halimbawa, ay merong speech problem. May love scene din na nakikipagpalitan ng frame sa isang agila na kumakain ng isda.
Thursday, August 07, 2014
Cinemalaya 2014: Ikaanim na Araw
Ngayon lang unang beses nagpakita ang araw sa itinakbo ng festival. Nakakalungkot na nasa kalahati na ako. Ilang note:
DOCUMENTARIES FROM GMA NEWS CHANNEL Suki na sa Ani segment Cinemalaya ang isa o dalawang docu mula sa GMA 7. Good to have din naman dahil walang pagkakataon na mapanood ito minsan sa TV. Sa taong ito, naka-focus ang twinbill sa mga batang inabandona. Ang una ay ang “Dungkoy” (Sigrid Bernardo) na tumalakay sa kakaibang set-up ng batang ulila na nag-aalaga sa lola na bedridden. Kahit mabigat ang materyal, nakuha ng direktor na ma-highlight pa rin ‘yong sense of humor n’ong bata. Walang ipinagkaiba ang subject ng “Ulilang Lubos” (Joseph Laban). At mukhang matalino ang bata. Nakaka-distract lang na halos buong docu yata ay merong musical score.
RONDA (Nick Olanka) Madali namang makuha ‘yong gustong iparating na immersion kung gaano nakakapagod at nakakabagot ang pagroronda ng kapulisan sa Maynila. May ilang shade ng pagka-noir ng City After Dark pero hindi ito masyadong nag-push pagdating sa mga makukulay na karakter. Gets ko rin ‘yong gustong iparating na maraming pulis ang nasasakripisyo ang kalidad ng relasyon nito sa pamilya dahil sa serbisyo. Gusto ko si Ai-Ai delas Alas dito lalo na sa effort n’ya to underact.
HARI NG TONDO (Carlitos Siguion Reyna) Ito na siguro ang may pinakamarami at pinakamadalas ang reaction mula sa audience. Isang bagay na kahit sa mga slapstick na mainstream movie ngayon ay hindi ko na nararanasan. Bumenta ang pagka-entertaining n’ya, ang timing ng direktor sa comedy at ang eksaktong pagkaka-visualize sa mga punchline ng script (sobrang marami ito). Hindi ko ito inaasahan dahil nakasanayan natin ang direktor sa drama. Noong una, nakokornihan ako sa materyal pero nagpadala na lang ako sa anod na isa talaga itong entertaining film. Naisip ko dati na parang hindi politically correct, na parang isa na naman itong maling pagtingin sa mga mahihirap. Pero sa kabilang banda, maligned din naman ang take n’ya sa mga mayayaman kaya patas lang. Parody kung parody na may kasama pang Greek chorus. Gusto ko ang pagka-game ng cast, ‘yong bilis ng mga eksena at ‘yong sobrang klaro ang vision ng gumawa.
#Y (Gino Santos) Ito ang isa pang entry sa New Breed na dinala ako sa kakaibang mundo. Akala ko ay masyado na akong familiar sa mundo ng kabataan pero hindi pa rin pala. On paper, tungkol ito sa angst at mindset ng bagong henerasyon. Gusto lang sabihin na kinakailangan nila ng mas maarugang atensyon upang lubos na maintindihan. Pinakanakuha ako na hindi ito direktang nagpaliwanag kung bakit nakarating ito sa dulo. Kung ipapanood ito sa mga parents, magandang i-highlight ‘yong point na baka sa huli ay hindi pa rin talaga sila maintindihan. Tingin ko, kasing-relevant din ito ng nira-rally ng ibang kalahok sa New Breed. Malinaw rin ang boses ng pelikula. Nag-uumigting ‘yong energy n’ya, nakakahawa. Refreshing. Mula sa editing hanggang sa cinematography, distinct ang pagiging youthful n’ya. Kahit ‘yong script, may sarili ring dating. Walang masyadong arko at well earned ang umpisa at huli. Mahusay rin ang cast. Hindi ako dati nagagalingan kay Elmo Magalona pero lumipad s’ya rito. Baka nakatulong na ang karamihan sa speaking lines ay nasa English. At hindi rin nagpahuli ang tatlo pa n’yang kasama: Kit Thompson, Sophie Albert at Coleen Garcia.
Wednesday, August 06, 2014
Cinemalaya 2014: Ikalimang Araw
Nararamdaman ko na nang konti na hassle nang bumangon dahil sa bed weather noong Martes. Pero sugod pa rin para sa mga sumusunod:
JEEPNEY (Esy Casey) Gets ko naman kung ano’ng gusto n’yang gawin. Philippine jeepney bilang piping saksi sa history at economy ng bansa. At noble ‘yong idea. Wala lang ‘yong mga inaasahan kong pasahero sa dyip bilang interviewee: estudyante, nagtitinda ng gulay sa palengke, mago-opisina at iba pa. Guilty pleasure ‘yong maiksing oras na naka-allot sa pop art. I don’t mind kung d’yan na lang sana nag-focus ‘yong docu. Wala rin naman akong masyadong napiga mula sa mga napiling subject. Ang lakas lang ng undertone na nakuha natin sa mga Kano ang jeep kasabay ng ideya na pilit na sumasagot ang mga subject sa English.
SHORTS A Clearly, “Asan si Lolo Me?” (Sari Estrada) ang pinaka-stand-out sa collection na ito. Witty, not too artsy, visual at kumpleto ang pagkukwento. Nahulaan naman ng katabi ko sa Main Theater ang dulo ng “Mga Ligaw na Paruparo” at hindi naman ito mahirap hulaan. Memoir-ish ang “Tiya Bening” (Ralph Aldrin Quijano) pero masyadong personal para makakonek sa audience. Zoned out naman ang “The Ordinary Things We Do” (David Corpuz) at medyo tinatamad akong i-explore kung ano ang gusto nitong sabihin. Mukhang statement ito sa gender equality pero nakaguhit mismo sa short film ang borderline sa kasarian. Guilty pleasure sa akin ang “Padulong sa Pinuy-anan” (Eden Villarba) para sa ilang emotion. Pero preachy ito at halos isubo na ang gustong ipa-absorb sa manonood.
BWAYA (Francis Xavier Pasion) Paglabas ko ng sinehan, ang unang naiwan sa akin ay ang rehistryo ng Agusan marsh sa screen. Tahimik ito, payapa at parang natural light lang ang ginamit na ilaw. Hindi ito naghuhumiyaw at nagsasabing s’ya ang bida sa pelikula kahit na breathtaking na mismo ang nasabing lugar. Dahil dito, maayos na naipinta ang contrast ng pagiging kalmado n’ong community (kabilang ang relasyon ng mga tao rito) at ang turmoil mula sa trahedyang naganap. Pero sa kabila ng mga kaganapan, restrained pa rin ang execution ng mga eksena. Marami itong pause para malunok ang gustong iparating at hindi kailanman nagmamadali. Bunga ba ito ng input mula kina Bing Lao na at some point ay attributed sa Cinemalaya bilang creative consultant at Sherad Sanchez na taga-Cinema One Originals naman (dati)? Hindi ko inaasahan na maternal pala ang materyal at tingin ko, justified naman ang pagkakapasok. Katulad na inaasahan, impressive si Angeli Bayani rito pero si Karl Medina ang halos hindi ko na makilala at parang nilamon na ng kanyang karakter (kahit limitado ang eksena).
Tuesday, August 05, 2014
Cinemalaya 2014: Ikaapat na Araw
Unang weekday para sa festival at ito ang mga napanood ko:
PANGALAY: ANG PAGBABALIK SA TAWI-TAWI (Nanette Matilac) Classic case ito kung saan ang subject ay mas malawak pa sa docu mismo. Ngayon ko lang narinig ang pangalan ni Ligaya Fernando-Amilbangsa (at matapos mapanood, parang nakakahiya na tuloy aminin). Ganoon pala kalaki ang contribution n’ya sa pagsasaliksik sa mga sayaw sa Mindanao at kung paano n’ya ito dinala sa Maynila (considering na taga-Luzon talaga s’ya). Basic lang din ang docu pero may progression naman ito. Unang tatlong minuto pa lang, naisalpak na n’ya ang geography ng Tawi-Tawi at ang halaga ng pagbabalik ng subject sa lugar na kanyang iniwan matapos mamayapa ang asawang kapatid ng datu. Ipinakita rin partly ang kanyang personal na buhay. Pinakagusto ko ay ‘yong halos hindi magkasya sa camera ang nagsusumigaw na passion ng subject sa pagsayaw. Dito siguro pinakanagtagumpay ang docu, ‘yong pagpili ng mga tamang imahen upang makabuo ng isang karakter. Hindi ko na inaasahan ‘yong dulo at kung paano tinalakay ang patutunguhan ng pangalay sa history ng Philippine dances. Kumbaga ay hindi lang huminto ang pelikula sa pag-capture ng passion ni Ligaya Fernando-Amilbangsa kundi naki-rally rin ito sa mga gusto n’yang iparating. Bonus na lang na pagkatapos ng screening ay nagpakita ng sample ang subject (70 years old na s’ya) at wala akong nagawa kundi humanga.
Dahil mas maaga sa inaasahan na natapos ang Pangalay, nagawa ko pang sumingit sa docu segment ng Ani (Gawad CCP 2013). Honest to goodness ang “Saka” (Harold M. Calderon) pero parang tamad sa akin ang immersive na take na ito tungkol sa SONA ng agrikultura. Mahirap panoorin ang “Tortyur sa Ilalim ng Martial Law” (Milo A. Paz) at ito naman ang gusto talagang iparating ng dokumentarista. Essential viewing din ito lalo na sa mga kabataang walang alam sa period na ‘yon ng Philippine history.
SUNDALONG KANIN (Janice O’Hara/Denise O’Hara) So far, ito ang pinaka-engaging na New Breed na entry na napanood ko kung ang pagbabasehan lang ay ang reaction ng mga tao sa loob ng Little Theater. Madali naman talagang maabot kapag ang subject ay mga bata lalo na’t nalalagay sila sa peligro. As it is, ayos naman sa akin ‘yong finished product. Ang problema ko lang sa kanya, hindi na ako masyadong nabigyan ng espasyo upang namnamin s’ya. Isiniwalat na lahat. As in lahat-lahat, wala nang itinira. Kapag hindi pa naman nakuha ng manonood ang naghuhumiyaw na statement nito kung gaano ka-horror ang war, ewan na lang. Maliban d’yan, klaro naman na hindi ko nakitang amateurish ang filmmaking part. ‘Yong production design, naalagaan. Period movie pero hindi ko nakitang tinipid o mukhang minadali. Kahit ‘yong aktingan, bagama’t hindi ito ang best ensemble so far, nakita ko naman ang kayang ibuga pagdating sa pagpapa-motivate sa mga bata. At hindi ko rin nakita ‘yong pressure na ang mga direktor ay pamangkin ni Mario O’Hara. Magkaiba sila ng approach at walang mga poesiya.
THE JANITOR (Mike Tuviera) Ilang minuto bago matapos ang pelikula, siguradong sigurado ako na genre movie ito. Malinis ang pagkakagawa at sa loob ng isa at kalahating oras, hindi ko namalayan na nasa CCP Main Theater ako. Kung na-implore pa nang mas ekstensibo ‘yong mga fight scene, kamukha noong para sa huling dalawang salarin, puwedeng isa ito sa pinakaepektibong action film sa bagong era. Pero iba pala ang gusto nitong tahakin sa mga huling minuto. Medyo disjointed pero baka ganito ang direksyon na nais sanayin ng sumulat na si Aloy Adlawan. Malakas kasing makabasag ng kumbensyon pagdating sa pagsusulat. Ida-drive sa isang kalye sa 2/3 ng pelikula at biglang liliko pala sa ibang kalye sa huling 1/3 (medyo ganito rin ‘yong “Third Eye” dati ni Carla Abellana). Kung kayang panindigan ito, hindi na masama. Maliban sa kalinisan ng pelikula (‘yong editing na lang, naghuhumiyaw na ibigay sa pelikula ang award para sa Best Editing), gusto ko rin ‘yong dark na commentary n’ya sa kapulisan. Trite na pero hindi ako nagsasawa dahil hindi dapat binabalewa. Magandang makarating ito sa mas malawak na movie viewing public upang ma-magnify ang gustong sabihin.
MARIQUINA (Milo Sogueco) Sa kabuuhan, isa itong family drama at ang tema, bagama’t hindi kasing eventful ng mga naglipanang teleserye, ay pamilyar at madaling maabot. Distinct ang materyal sa isang city pero kung tutuusin, lahat ng emosyon dito ay kasing generic din naman sa ibang lugar. Tahimik nga lang ang pagkakakuwento, kasing tahimik n’ong Marikina River na s’yang naging saksi sa ilang buhay (at kamatayan) ng mga tauhan sa pelikula. Tungkol din ito sa mga sapatos at kung paano nagkaroon ng koneksyon ang economic situation ng bansa sa upper middle class o sa isang komunidad ng shoemaking industry. Sa kabila ng katahimikan, na-hook ako sa buong palabas. Siguro primarily dahil sa cast at dahil well defined ang mga karakter. Mylene Dizon is never boring on screen. ‘Yong presence n’ya ay presence ng isang makabagong babae na malakas ang loob at hindi agad-agad nagpapa-outwit sa buhay. Malinaw ang kaibahan nito sa kanyang ama na kahit sa negosyo ay mabilis mapanghinaan ng loob. Si Ricky Davao ay wala na yatang hindi kayang gawin (considering na kakanood ko lang sa kanya sa “The Janitor” bilang isang conniving na police officer) at nakuha n’ya ako rito bilang isang ama na nag-uumalpas ang mga kinikimkim na emosyon. Nakita ko sa kanya ang bigat na dinadala, ang pag-ibig na hindi na matutumbasan at ang pagsuko sa mga bagay na hindi na maiibalik. Ang asawang si Che Ramos-Cosio at ang kabit na si Bing Pimentel ay epektibo rin. Kitang kita ang contrast sa kanilang characterization (ilan ito sa mga nagustuhan ko sa sinulat ni Jerrold Tarog dito). At ayaw ko mang aminin, mahusay si Barbie Forteza sa ginawa n’ya sa pelikula.
Monday, August 04, 2014
Cinemalaya 2014: Ikatlong Araw
Line-up-wise, hindi masyadong eventful ang ikatlong araw para sa akin. Ilang tala:
ANI: GAWAD CCP 2013 SHORT FEATURE WINNERS Sa limang ipinalabas (kabilang ang napanood ko nang “Death Squad Dogs” na nagustuhan ko sa unang pagkakataon), ang common sa kanilang lahat ay nakapaglatag pa rin ng kuwento sa maiksing panahon na walang conceit na idaan sa pagiging artsy o pagpapakalalim (dahil ba dapat nasa experimental na kategorya ito, kung gan’on?). Patok sa akin ang narrative ng “Punla” (Kenneth Mandrilla) at ang imahe ng tumubong halaman sa ilalim ng see-saw. Pero sa “Ang Walay Kahumanang Adlaw” (Glenmark Doromal) ako pinakanakuha. May sundot ang content (unrequited love) kahit na paulit-ulit na natin itong nakita at hindi ako magsasawa. ‘Yong waiting game dito ay pinamukhang kasing common at kasing infinite ng araw.
ANI: KAPAMPANGAN CINEMA MOVEMENT SHORT FEATURE Una, masayang makitang mamayagpag ang (Kapampangan) regional cinema at mas masayang malaman na meron itong org upang maisulong ang artistry. Sa apat na napanood ko, pinakagusto ko ang pagiging personal ng “Lisyun Qng Geografia” (Petersen Vargas). Parang napaka-vivid pa kasi n’ong detalye rito, parang kakahugot lang sa alaala (na hindi mabilis mabura). Dito nag-work sa akin ‘yong short film kahit na wala itong masyadong arko o kung anu-anong statement. Bittersweet. Tender. At sino ba ang makakalimot sa atin ng first love? Hindi ko masyadong makita ang tinutumbok ng “Matwang Dalaga” (Carlo Catu) maliban siguro ang ma-capture sa pinaka-Fernando Amorsolo na feel ang Mt. Arayat. Pero basically, tungkol ito sa mga life changing decision. Kamukha ito ng “U.S.F.A.” (Jason Paul Laxamana). Tungkol din sa mga desisyon ang tema na inilatag sa angst at humor (na reminiscent sa akin ng sensibility ni Victor Villanueva). Mukhang fun ginawa ang “Cabatingan” (Brianne Amparado) at promising i-explore ‘yung genre na purely socio-economic ang commentary.
CHILDREN’S SHOW (Roderick Cabrido) Sa hinaba-haba ng panonood ko sa Cinemalaya, bihira sa akin ‘yong mga pagkakataon na unang sabak ko pa lang sa New Breed ay very satisfying na agad. Medyo delikado rin ang ganito dahil nagse-set ito ng kakaibang standard sa iba pang kalahok. Sa unang impresyon, ang pelikulang ay parang nasa kaparehong breed ng mga nauna nang pelikula sa Cinemalaya: Ranchero, Cuchera, Oros, Quick Change. Dinala ulit ako sa isang mundo na hindi ko pa nakikita (kahit sa TV man lang). Pero hindi ito ang pinaka-beef ng pelikula. Tungkol pa rin s’ya sa survival mula sa perspektibo ng dalawang bata na maagang ninakawan ng kainosentehan. Malinaw ang gusto nitong ipakumpara sa pagitan ng boksing at totoong laban sa buhay. At madalas na natatalo ay ang mga bata mismo. Impressed ako sa mga sinulat ni Ralston Jover at hindi kakaiba ang pelikulang ito. Madalas na tinatalakay n’ya ang dungis ng Pilipinas at, nitong mga huli, sinasahugan n’ya ng mumunting magic realism. Ang nakakatakot na boses sa “Porno”. Ang doppelganger sa “Bendor”. May kakaibang statement ito kung ganito na ang pagtingin sa socio-economic na estado ng bansa. Dito ako unang-una nakuha ng pelikula. Kumbaga, script-wise, nag-meet ang inaasahan ko at ang final product. Ikalawa, halatang merong mata ang direktor. Maraming storyteller ng ganitong genre (kung matatawag mang genre) ang hindi masyadong gifted sa visual. Bonus na lang ang kanyang deliberate na humor sa mga eksena ni Kara. Mukhang conscious s’ya na masikip higupin ang tema at nararapat lang na sahugan ito ng ilang breather. At panghuli, sinelyuhan nito na mahusay talaga si Buboy Villar na dating child actor. Kitang kita ang dedication n’ya sa physicality ng karakter habang tumutulay pa rin sa dramatic realm n’ong materyal.
DON’T STOP BELIEVIN’: EVERYMAN’S JOURNEY (Ramona Diaz) Masyado nang trite ang materyal. Interesting sana ito dahil sa tinatawag na Pinoy Pride pero parang wala namang naiangat ang docu upang gawin itong interesante. Very basic. Simple. Formula. O, siguro wala akong masyadong napulot kay Arnel Pineda na hindi ko pa naririnig dati.
Sunday, August 03, 2014
Cinemalaya 2014: Ikalawang Araw
Ilang note sa ikalawang araw:
ANI: GAWAD CCP 2013 ANIMATION AND EXPERIMENTAL WINNERS Ito ulit ‘yung pagkakataon na makahabol sa mga animation at experimental films na hindi ko napanood noong isang taon (sa layo ng UPFI, halimbawa, at ang mga schedule nila na hindi masyadong friendly sa mga nagtatrabaho ng 8-to-5 sa Makati o Taguig). O, puwede ring gusto ko lang din talagang sulitin ang festival pass. Pero masaya ang line-up. Napanood ko na ang “iNay” (Carl Papa, na isang masugid na Cinemalaya patron) at hindi pa rin nagbabago ang kurot na ginawa nito. Siguro medyo biased kung sasabihin kong alam ko ang pinaghuhugutan ng director at ito primarily ang rason kung bakit ko nagustuhan ang pelikula. Sa kabilang banda, ang medyo extensive na animation na ‘pinakita ng “Milky Boy” (Arnold Arre) ay kasalungat naman pagdating sa bigat (o gaan) ng tema. Tungkol ito sa isang loser na nais kumawala sa isang loser na character. May konting pahapyaw sa mito ng pagiging superhero na nakasalang sa mala-Star Cinema na formula. At umobra sa akin ang concoction na ganito. Bittersweet naman ang “Ang Tala” (Arlei Dormiendo) at striking ang mga imahe ng “Ang Libingan ng mga Pantas ng Perya” (Joyen Santos).
ASINTADO (Luisito Ignacio) Na-turn off ako sa speech pa lang ng direktor sa introduction nito para sa pelikula. Sabi n’ya (hindi eksaktong salita), “Hindi ako makapaniwala na sa halagang P3.5M ay makakagawa ka na ng isang obra. At ang obra na ito ay ang Asintado”. Una, hindi obra ang pelikula para sa akin. Ayoko nang mag-focus sa kung ano dapat ang feel o vision ng isang Cinemalaya entry pero sabihin na lang natin na ang isang makatotohanang materyal ay kinakailangan ng isang makatotohanang perspektibo (though inaamin ko na masyado itong relative at demanding pakinggan). Bakit nakakairita sa lahat ng eksena si Rochelle Pangilinan dito? Bakit maraming manang (tiya, ina, kamag-anak siguro) sa bahay ni Gabby Eigenmann? Sila ba ang mga producer ng pelikula? Sa unang sampung minuto pa lang, asintado na ang itatakbo ng materyal. Pero promising ang umpisa sa pagiging talky ng mga nakatira sa purok (mga tsismisan at iba pa) at bumabad ang camera sa mga ganitong eksena. Hindi masama. Nag-umpisa lang dumating ang delubyo nang nararamdaman mo nang nagaganap na ang premonition na nakita mo sa unang sampung minuto. At hindi nga nagkamali. Ang masama rito ay ubod ng sama. Ang mabuti, ubod ng buti. Klaro naman ang limitasyon. Sana man lang ay ginawang interesante and dina-drive nitong denouement.
SEARCHING OELLA (Jonah AƱonuevo Lim) Lost ako sa pelikulang ito na attributed sa Mapua Institute of Technology. Mabuti na lang at isang oras lang ang itinagal. Wala na munang kwestiyon sa kakulangan nito sa aspetong teknikal kahit na maraming student film na kasado ang mataas na standard sa cinematography, sound at iba pa. Ayos lang din sa akin na meron itong mga twist sa dulo at isa pang twist pagkatapos nito. Wala ring kaso sa akin kahit na mababaw ang research sa retrograde amnesia. Ang pinakaayaw ko ay ‘yung paggamit ng fluidity ng sexuality bilang isang resolution na happy ending, na para bang ang pinakamabigat na nangyari sa lead character ay ang paninibago sa kanyang kasarian at ang pinakalunas dito ay Biblical pa rin at ayon sa nakasanayan ng society.
HUSTISYA (Joel Lamangan) Surprise, surprise! Napaka-rare para sa isang Lamangan film na ang naaalala kong eksena ay ‘yong mga tahimik at wala lang, hindi ang mga pasabog na breakdown scene at histrionics. Oo, meron pa ring eksena (murder scene, last frame, etc.) na tipong ire-rave ng FAP o FAMAS (kesa YCC o Urian, halimbawa) pero mas nakakarami ang kasalungat nito. Ang mga paglalakad ni Nora sa mga kalye ng Maynila ay isang indikasyon kung gaano s’ya nagbe-blend bilang isang pangkaraniwang ale. At may gusto itong sabihin tungkol sa pilosopiya ng pelikula. Ang karakter na si Biring ay nabubuhay sa paga-outwit sa kabulukan ng Pilipinas. ‘Pinapakitang nasusuhulan n’ya ang opresyon sa ilang pagkakataon pero ang lahat ng mabubuting bagay ay may hangganan. Ang gown ni Nora sa gabi ng premiere ay kalahating puti at kalahating itim. Tila naisip na ng kanyang stylist ang karampatang suot para sa pelikulang tumatalakay sa pagtitinikiling sa kabutihan at kasamaan. Ang Ricky Lee na nakita ko rito at malakas maka-reverse psychology. Hindi na ito tahasang pumapatungkol sa kaapihan. Parang tumanggap s’ya rito ng pagkatalo sa sistema at tiningnan na lang ang society nang may pagsuko (o para sa iba, maturity). Pero may pagsuko nga ba? Ang halakhak ni Nora sa isang hindi makakalimutang eksena ay halakhak ng comfort o pagiging at home sa isang panig ng kulay. Convenient na s’ya sa pagkabulok. At dito ako nagkaroon ng discomfort bilang isang manonood. Without being too preachy, nakapaglatag ito ng reflection na sa tingin ko ay mananatiling napapanahon. Ito na siguro ang Joel Lamangan film na pinag-isip ako. Naroon pa rin ang mga signature na decision n’ya kung paano ie-execute ang eksena pero naaliw ako na parang nag-level up s’ya rito. Pati ‘yung ibang teknikal, naalagaan. Pati ang treatment n’ya kay Nora, light lang at punung puno ng kampante na hindi kailangan ng isang mahusay na aktres sa pelikula ang sigawan at iyakan.
Friday, August 01, 2014
Cinemalaya 2014: Unang Araw
Mahigit isang buwan yata akong diyeta sa pelikula bago umapak sa CCP para sa taunang festival na ‘to. Well, nabasag lang noong pinanood ko ‘yung “Like Father, Like Son” (Hirokazu Koreeda, 2013) sa eroplano noong isang araw, habang bumabaybay sa isang matagtag na bahagi ng biyahe dahil sinasalubong daw ang isang bagyo, sabi ng piloto. Kinakabahan ako at naiiyak nang magkasabay. Noon na lang yata ako nakaranas ng ganoon ka-ekstensibong turbulence (ang huling natatandaan ko ay noong 2003 pa). At hindi masama ang pelikula (character study na idinaan sa father and son relationshiop) upang paiyakin ako habang pasulpot-sulpot ang kaba. Noong lumapag nang matiwasay ang eroplano, ang una kong naisip, “Putsa, makakapag-Cinemalaya pala ako!” Alas-5 ng hapon pa lang ay nasa tagiliran na ako ng CCP. Umaambon. Mahaba na ang pila sa dalawang butas ng box office sa ibaba at may ilang press at patron na rin sa lobby ng Main Theater. Sa unang pagkakataon, ipinasok sa loob ng Tanghalang Nicanor Abelardo ang opening salvo ng festival. At mukhang wala akong kawala kundi panoorin ang ceremony bago isalang ang opening film. Iniiwasan ko kasi ‘yung mga trailer kapag ‘pinapakilala na ang mga kalahok. Mas maayos ang flow. Hindi magulo ang traffic ng mga manonood na dati-rati ay pinaghalong pumipila para sa opening film at nanonood ng recognition.
Anyway….
DOCUMENTED (Jose Antonio Vargas) Maraming ginawang impression ‘yung docu tungkol sa isang illegal, este, undocumented immigrant (si Jose Antonio Vargas mismo) na patuloy na nakikibaka sa kanyang papeles. ‘Yong balls ng subject eh mala-Michael Moore ang dating sa akin. May isang eksena rito kasama ang presidentiable na si Mitt Romney at ilang bigatin sa mundo ng newscast sa US. Nandoon ‘yong tahasang pagtulay n’ya sa alambre at ang maaaring kapalit nitong deportation. Sa aspetong ito ng katapangan, hindi lang bilang isang kababayan o isang Asyano na madalas na ma-stereotype na tahimik at mapagkimkim, kundi nabibilang sa minority, humanga ako sa subject. Sa kabilang banda, lumihis bigla ang docu sa isang avenue kung saan tinumbok naman ang isang literal at figurative na distant relationship ng anak sa US at kanyang ina sa Pilipinas at ang kanilang hindi pagkikita sa loob ng mahigit 20 taon. Naisip ko, dalawang buwan ko nga lang hindi nakita ang nanay ko, malaking bagay na. Paano pa kaya ang dalawang dekada? Dito umusbong ang puso ng docu na hindi ko nakita sa mga ginawa ni Michael Moore. At nanganak ito nang nanganak hanggang nasukol ako sa ilang eksena at nasundot. Kung tutuusin, wala akong masyadong makitang aspeto sa docu na lutang ang pagka-Pilipino ng materyal maliban na lang na Pilipino talaga si Jose Antonio Vargas at nasa Pilipinas ang kanyang ina. O, ‘yung fascination ng subject na lumiko sa pagpapaigting ng drama (may mga eksenang ‘pinapakitang nagbe-breakdown scene s’ya o nagpupumigil umiyak) bilang isang bansa tayo ng melodrama at teleserye. Ang lahat ay sumisipol sa kanyang pagiging Amerikano, ang kanyang kontribusyon sa kapwa Amerikano at sa ikakaaliwalas ng mga batas na sasaklaw sa mga Amerikano. Maaari ngang walang katumbas na prestige ang pag-uwi sa bansa kung mamamasukan, halimbawa, sa ABS-CBN o GMA, pero sa dulo ay serbisyo pa rin naman ito sa kapwa kasabay ng pagkakataong makapiling ang sariling ina at mahanap pa ang sarili. Lumabas ako sa sinehan na nagtatanong kung bakit ba hindi na lang s’ya umuwi. At mukhang ang sagot dito ay dahil ayaw n’yang sumuko sa laban na kanyang sinimulan. Maliban sa mga borloloy ng mga inilatag nito tungkol sa usapin sa human rights at immigration, lumalabas na ang sentro ng docu ay isang character study ng katapangan, hindi matanggihang koneksyon ng anak sa ina at patuloy na pagsiyasat sa kaakohan.