Total Pageviews

Thursday, August 07, 2014

Cinemalaya 2014: Ikaanim na Araw



Ngayon lang unang beses nagpakita ang araw sa itinakbo ng festival. Nakakalungkot na nasa kalahati na ako. Ilang note:  

DOCUMENTARIES FROM GMA NEWS CHANNEL Suki na sa Ani segment Cinemalaya ang isa o dalawang docu mula sa GMA 7. Good to have din naman dahil walang pagkakataon na mapanood ito minsan sa TV. Sa taong ito, naka-focus ang twinbill sa mga batang inabandona. Ang una ay ang “Dungkoy” (Sigrid Bernardo) na tumalakay sa kakaibang set-up ng batang ulila na nag-aalaga sa lola na bedridden. Kahit mabigat ang materyal, nakuha ng direktor na ma-highlight pa rin ‘yong sense of humor n’ong bata. Walang ipinagkaiba ang subject ng “Ulilang Lubos” (Joseph Laban). At mukhang matalino ang bata. Nakaka-distract lang na halos buong docu yata ay merong musical score.  

RONDA (Nick Olanka) Madali namang makuha ‘yong gustong iparating na immersion kung gaano nakakapagod at nakakabagot ang pagroronda ng kapulisan sa Maynila. May ilang shade ng pagka-noir ng City After Dark pero hindi ito masyadong nag-push pagdating sa mga makukulay na karakter. Gets ko rin ‘yong gustong iparating na maraming pulis ang nasasakripisyo ang kalidad ng relasyon nito sa pamilya dahil sa serbisyo. Gusto ko si Ai-Ai delas Alas dito lalo na sa effort n’ya to underact.  

HARI NG TONDO (Carlitos Siguion Reyna) Ito na siguro ang may pinakamarami at pinakamadalas ang reaction mula sa audience. Isang bagay na kahit sa mga slapstick na mainstream movie ngayon ay hindi ko na nararanasan. Bumenta ang pagka-entertaining n’ya, ang timing ng direktor sa comedy at ang eksaktong pagkaka-visualize sa mga punchline ng script (sobrang marami ito). Hindi ko ito inaasahan dahil nakasanayan natin ang direktor sa drama. Noong una, nakokornihan ako sa materyal pero nagpadala na lang ako sa anod na isa talaga itong entertaining film. Naisip ko dati na parang hindi politically correct, na parang isa na naman itong maling pagtingin sa mga mahihirap. Pero sa kabilang banda, maligned din naman ang take n’ya sa mga mayayaman kaya patas lang. Parody kung parody na may kasama pang Greek chorus. Gusto ko ang pagka-game ng cast, ‘yong bilis ng mga eksena at ‘yong sobrang klaro ang vision ng gumawa.  

#Y (Gino Santos) Ito ang isa pang entry sa New Breed na dinala ako sa kakaibang mundo. Akala ko ay masyado na akong familiar sa mundo ng kabataan pero hindi pa rin pala. On paper, tungkol ito sa angst at mindset ng bagong henerasyon. Gusto lang sabihin na kinakailangan nila ng mas maarugang atensyon upang lubos na maintindihan. Pinakanakuha ako na hindi ito direktang nagpaliwanag kung bakit nakarating ito sa dulo. Kung ipapanood ito sa mga parents, magandang i-highlight ‘yong point na baka sa huli ay hindi pa rin talaga sila maintindihan. Tingin ko, kasing-relevant din ito ng nira-rally ng ibang kalahok sa New Breed. Malinaw rin ang boses ng pelikula. Nag-uumigting ‘yong energy n’ya, nakakahawa. Refreshing. Mula sa editing hanggang sa cinematography, distinct ang pagiging youthful n’ya. Kahit ‘yong script, may sarili ring dating. Walang masyadong arko at well earned ang umpisa at huli. Mahusay rin ang cast. Hindi ako dati nagagalingan kay Elmo Magalona pero lumipad s’ya rito. Baka nakatulong na ang karamihan sa speaking lines ay nasa English. At hindi rin nagpahuli ang tatlo pa n’yang kasama: Kit Thompson, Sophie Albert at Coleen Garcia.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...