Total Pageviews

Tuesday, August 05, 2014

Cinemalaya 2014: Ikaapat na Araw


Unang weekday para sa festival at ito ang mga napanood ko:

PANGALAY: ANG PAGBABALIK SA TAWI-TAWI (Nanette Matilac) Classic case ito kung saan ang subject ay mas malawak pa sa docu mismo. Ngayon ko lang narinig ang pangalan ni Ligaya Fernando-Amilbangsa (at matapos mapanood, parang nakakahiya na tuloy aminin). Ganoon pala kalaki ang contribution n’ya sa pagsasaliksik sa mga sayaw sa Mindanao at kung paano n’ya ito dinala sa Maynila (considering na taga-Luzon talaga s’ya). Basic lang din ang docu pero may progression naman ito. Unang tatlong minuto pa lang, naisalpak na n’ya ang geography ng Tawi-Tawi at ang halaga ng pagbabalik ng subject sa lugar na kanyang iniwan matapos mamayapa ang asawang kapatid ng datu. Ipinakita rin partly ang kanyang personal na buhay. Pinakagusto ko ay ‘yong halos hindi magkasya sa camera ang nagsusumigaw na passion ng subject sa pagsayaw. Dito siguro pinakanagtagumpay ang docu, ‘yong pagpili ng mga tamang imahen upang makabuo ng isang karakter. Hindi ko na inaasahan ‘yong dulo at kung paano tinalakay ang patutunguhan ng pangalay sa history ng Philippine dances. Kumbaga ay hindi lang huminto ang pelikula sa pag-capture ng passion ni Ligaya Fernando-Amilbangsa kundi naki-rally rin ito sa mga gusto n’yang iparating. Bonus na lang na pagkatapos ng screening ay nagpakita ng sample ang subject (70 years old na s’ya) at wala akong nagawa kundi humanga.

Dahil mas maaga sa inaasahan na natapos ang Pangalay, nagawa ko pang sumingit sa docu segment ng Ani (Gawad CCP 2013). Honest to goodness ang “Saka” (Harold M. Calderon) pero parang tamad sa akin ang immersive na take na ito tungkol sa SONA ng agrikultura. Mahirap panoorin ang “Tortyur sa Ilalim ng Martial Law” (Milo A. Paz) at ito naman ang gusto talagang iparating ng dokumentarista. Essential viewing din ito lalo na sa mga kabataang walang alam sa period na ‘yon ng Philippine history.

SUNDALONG KANIN (Janice O’Hara/Denise O’Hara) So far, ito ang pinaka-engaging na New Breed na entry na napanood ko kung ang pagbabasehan lang ay ang reaction ng mga tao sa loob ng Little Theater. Madali naman talagang maabot kapag ang subject ay mga bata lalo na’t nalalagay sila sa peligro. As it is, ayos naman sa akin ‘yong finished product. Ang problema ko lang sa kanya, hindi na ako masyadong nabigyan ng espasyo upang namnamin s’ya. Isiniwalat na lahat. As in lahat-lahat, wala nang itinira. Kapag hindi pa naman nakuha ng manonood ang naghuhumiyaw na statement nito kung gaano ka-horror ang war, ewan na lang. Maliban d’yan, klaro naman na hindi ko nakitang amateurish ang filmmaking part. ‘Yong production design, naalagaan. Period movie pero hindi ko nakitang tinipid o mukhang minadali. Kahit ‘yong aktingan, bagama’t hindi ito ang best ensemble so far, nakita ko naman ang kayang ibuga pagdating sa pagpapa-motivate sa mga bata. At hindi ko rin nakita ‘yong pressure na ang mga direktor ay pamangkin ni Mario O’Hara. Magkaiba sila ng approach at walang mga poesiya.  

THE JANITOR (Mike Tuviera) Ilang minuto bago matapos ang pelikula, siguradong sigurado ako na genre movie ito. Malinis ang pagkakagawa at sa loob ng isa at kalahating oras, hindi ko namalayan na nasa CCP Main Theater ako. Kung na-implore pa nang mas ekstensibo ‘yong mga fight scene, kamukha noong para sa huling dalawang salarin, puwedeng isa ito sa pinakaepektibong action film sa bagong era. Pero iba pala ang gusto nitong tahakin sa mga huling minuto. Medyo disjointed pero baka ganito ang direksyon na nais sanayin ng sumulat na si Aloy Adlawan. Malakas kasing makabasag ng kumbensyon pagdating sa pagsusulat. Ida-drive sa isang kalye sa 2/3 ng pelikula at biglang liliko pala sa ibang kalye sa huling 1/3 (medyo ganito rin ‘yong “Third Eye” dati ni Carla Abellana). Kung kayang panindigan ito, hindi na masama. Maliban sa kalinisan ng pelikula (‘yong editing na lang, naghuhumiyaw na ibigay sa pelikula ang award para sa Best Editing), gusto ko rin ‘yong dark na commentary n’ya sa kapulisan. Trite na pero hindi ako nagsasawa dahil hindi dapat binabalewa. Magandang makarating ito sa mas malawak na movie viewing public upang ma-magnify ang gustong sabihin.  

MARIQUINA (Milo Sogueco) Sa kabuuhan, isa itong family drama at ang tema, bagama’t hindi kasing eventful ng mga naglipanang teleserye, ay pamilyar at madaling maabot. Distinct ang materyal sa isang city pero kung tutuusin, lahat ng emosyon dito ay kasing generic din naman sa ibang lugar. Tahimik nga lang ang pagkakakuwento, kasing tahimik n’ong Marikina River na s’yang naging saksi sa ilang buhay (at kamatayan) ng mga tauhan sa pelikula. Tungkol din ito sa mga sapatos at kung paano nagkaroon ng koneksyon ang economic situation ng bansa sa upper middle class o sa isang komunidad ng shoemaking industry. Sa kabila ng katahimikan, na-hook ako sa buong palabas. Siguro primarily dahil sa cast at dahil well defined ang mga karakter. Mylene Dizon is never boring on screen. ‘Yong presence n’ya ay presence ng isang makabagong babae na malakas ang loob at hindi agad-agad nagpapa-outwit sa buhay. Malinaw ang kaibahan nito sa kanyang ama na kahit sa negosyo ay mabilis mapanghinaan ng loob. Si Ricky Davao ay wala na yatang hindi kayang gawin (considering na kakanood ko lang sa kanya sa “The Janitor” bilang isang conniving na police officer) at nakuha n’ya ako rito bilang isang ama na nag-uumalpas ang mga kinikimkim na emosyon. Nakita ko sa kanya ang bigat na dinadala, ang pag-ibig na hindi na matutumbasan at ang pagsuko sa mga bagay na hindi na maiibalik. Ang asawang si Che Ramos-Cosio at ang kabit na si Bing Pimentel ay epektibo rin. Kitang kita ang contrast sa kanilang characterization (ilan ito sa mga nagustuhan ko sa sinulat ni Jerrold Tarog dito). At ayaw ko mang aminin, mahusay si Barbie Forteza sa ginawa n’ya sa pelikula.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...