Sunday, August 03, 2014

Cinemalaya 2014: Ikalawang Araw


Ilang note sa ikalawang araw:

ANI: GAWAD CCP 2013 ANIMATION AND EXPERIMENTAL WINNERS Ito ulit ‘yung pagkakataon na makahabol sa mga animation at experimental films na hindi ko napanood noong isang taon (sa layo ng UPFI, halimbawa, at ang mga schedule nila na hindi masyadong friendly sa mga nagtatrabaho ng 8-to-5 sa Makati o Taguig). O, puwede ring gusto ko lang din talagang sulitin ang festival pass. Pero masaya ang line-up. Napanood ko na ang “iNay” (Carl Papa, na isang masugid na Cinemalaya patron) at hindi pa rin nagbabago ang kurot na ginawa nito. Siguro medyo biased kung sasabihin kong alam ko ang pinaghuhugutan ng director at ito primarily ang rason kung bakit ko nagustuhan ang pelikula. Sa kabilang banda, ang medyo extensive na animation na ‘pinakita ng “Milky Boy” (Arnold Arre) ay kasalungat naman pagdating sa bigat (o gaan) ng tema. Tungkol ito sa isang loser na nais kumawala sa isang loser na character. May konting pahapyaw sa mito ng pagiging superhero na nakasalang sa mala-Star Cinema na formula. At umobra sa akin ang concoction na ganito. Bittersweet naman ang “Ang Tala” (Arlei Dormiendo) at striking ang mga imahe ng “Ang Libingan ng mga Pantas ng Perya” (Joyen Santos).

ASINTADO (Luisito Ignacio) Na-turn off ako sa speech pa lang ng direktor sa introduction nito para sa pelikula. Sabi n’ya (hindi eksaktong salita), “Hindi ako makapaniwala na sa halagang P3.5M ay makakagawa ka na ng isang obra. At ang obra na ito ay ang Asintado”. Una, hindi obra ang pelikula para sa akin. Ayoko nang mag-focus sa kung ano dapat ang feel o vision ng isang Cinemalaya entry pero sabihin na lang natin na ang isang makatotohanang materyal ay kinakailangan ng isang makatotohanang perspektibo (though inaamin ko na masyado itong relative at demanding pakinggan). Bakit nakakairita sa lahat ng eksena si Rochelle Pangilinan dito? Bakit maraming manang (tiya, ina, kamag-anak siguro) sa bahay ni Gabby Eigenmann? Sila ba ang mga producer ng pelikula? Sa unang sampung minuto pa lang, asintado na ang itatakbo ng materyal. Pero promising ang umpisa sa pagiging talky ng mga nakatira sa purok (mga tsismisan at iba pa) at bumabad ang camera sa mga ganitong eksena. Hindi masama. Nag-umpisa lang dumating ang delubyo nang nararamdaman mo nang nagaganap na ang premonition na nakita mo sa unang sampung minuto. At hindi nga nagkamali. Ang masama rito ay ubod ng sama. Ang mabuti, ubod ng buti. Klaro naman ang limitasyon. Sana man lang ay ginawang interesante and dina-drive nitong denouement.

SEARCHING OELLA (Jonah Añonuevo Lim) Lost ako sa pelikulang ito na attributed sa Mapua Institute of Technology. Mabuti na lang at isang oras lang ang itinagal. Wala na munang kwestiyon sa kakulangan nito sa aspetong teknikal kahit na maraming student film na kasado ang mataas na standard sa cinematography, sound at iba pa. Ayos lang din sa akin na meron itong mga twist sa dulo at isa pang twist pagkatapos nito. Wala ring kaso sa akin kahit na mababaw ang research sa retrograde amnesia. Ang pinakaayaw ko ay ‘yung paggamit ng fluidity ng sexuality bilang isang resolution na happy ending, na para bang ang pinakamabigat na nangyari sa lead character ay ang paninibago sa kanyang kasarian at ang pinakalunas dito ay Biblical pa rin at ayon sa nakasanayan ng society.

HUSTISYA (Joel Lamangan) Surprise, surprise! Napaka-rare para sa isang Lamangan film na ang naaalala kong eksena ay ‘yong mga tahimik at wala lang, hindi ang mga pasabog na breakdown scene at histrionics. Oo, meron pa ring eksena (murder scene, last frame, etc.) na tipong ire-rave ng FAP o FAMAS (kesa YCC o Urian, halimbawa) pero mas nakakarami ang kasalungat nito. Ang mga paglalakad ni Nora sa mga kalye ng Maynila ay isang indikasyon kung gaano s’ya nagbe-blend bilang isang pangkaraniwang ale. At may gusto itong sabihin tungkol sa pilosopiya ng pelikula. Ang karakter na si Biring ay nabubuhay sa paga-outwit sa kabulukan ng Pilipinas. ‘Pinapakitang nasusuhulan n’ya ang opresyon sa ilang pagkakataon pero ang lahat ng mabubuting bagay ay may hangganan. Ang gown ni Nora sa gabi ng premiere ay kalahating puti at kalahating itim. Tila naisip na ng kanyang stylist ang karampatang suot para sa pelikulang tumatalakay sa pagtitinikiling sa kabutihan at kasamaan. Ang Ricky Lee na nakita ko rito at malakas maka-reverse psychology. Hindi na ito tahasang pumapatungkol sa kaapihan. Parang tumanggap s’ya rito ng pagkatalo sa sistema at tiningnan na lang ang society nang may pagsuko (o para sa iba, maturity). Pero may pagsuko nga ba? Ang halakhak ni Nora sa isang hindi makakalimutang eksena ay halakhak ng comfort o pagiging at home sa isang panig ng kulay. Convenient na s’ya sa pagkabulok. At dito ako nagkaroon ng discomfort bilang isang manonood. Without being too preachy, nakapaglatag ito ng reflection na sa tingin ko ay mananatiling napapanahon. Ito na siguro ang Joel Lamangan film na pinag-isip ako. Naroon pa rin ang mga signature na decision n’ya kung paano ie-execute ang eksena pero naaliw ako na parang nag-level up s’ya rito. Pati ‘yung ibang teknikal, naalagaan. Pati ang treatment n’ya kay Nora, light lang at punung puno ng kampante na hindi kailangan ng isang mahusay na aktres sa pelikula ang sigawan at iyakan.

No comments:

Post a Comment