Musings on life from a (little red) backpacker who adores highschool language classes so much.
Total Pageviews
Sunday, August 17, 2014
Cinemalaya 2014: Ikasiyam na Araw
Ito ang pinakama-effort ang marathon dahil kailangang gumising nang maaga upang maabutan ang 10am screening. Kinakailangan din ng tolerance para sa limang palabas. Ilang tala:
SHORTS B First impression: mas solid ang line-up nito kesa sa Shorts A at hindi naman dahil sa biased ako dahil kasali si Alchris Galura sa “Eyeball”. Nag-work sana sa akin ang “Indayog ng Nayatamak” (Joris Fernandez) kung mas steady ang camera work dito. Hinayaan na lang sana na ang mga subject ang sumayaw at binitiwan na ang malikot na lente. Hindi nakatulong na madalas na hindi nakukuha ang lower body dahil kahit ang footwork ay merong nais sabihin. Sobrang impressive ang “Lola” (Kevin Ang) dahil unang una, ito ang pinakamataas uri ng filmmaking sa mga kalahok, mula editing hanggang make-up at ang tamang paglapat ng mga Christmas song. Ikalawa, merong puso. Kahit na nasa genre ng horror, hindi ito naging mababaw. Ikatlo, solid ang storytelling. Hindi ko lang masyadong maintindihan kung bakit lahat ng zombie film ay “Walking Dead” ang reference. Ang pinakapambenta, katulad ng inaasahan bilang ang direktor ay galing sa mundo ng teatro, ng “Nakabibinging Kadiliman” (Paolo O’Hara) ay ang marubdob na aktingan ng dalawang bida rito na sina Sheenly Gener (na lutang na lutang ang matalas na body language) at Mara Marasigan (na namuhunan sa katahimikan at facial expression). Mababaw lang ang “Ina-Tay” (Chloe Ann Veloso) at minsan ay nakakasuka na ang pinaka-chunk n’ya ay kababawan pa rin. Pero naaliw naman ako sa ilang eksena. Natawa ako. Trite ang “Eyeball” (Christopher Nazareno) pero guilty pleasure na makita si Nico Antonio bilang loser. At siyempre, si Alchris Galura.
K’NA, THE DREAMWEAVER (Ida Anita del Mundo) Base sa mga naunang nakanood nito, nakakaantok daw ang pelikula. Marami rin daw nag-walk out at ang malala, mala-National Geographic daw ito. Hindi naman ako nakatulog. Napakihab, oo, pero hindi naman ako tumuka. Mababaw nga lang ang premise pero kahit papaano ay naabot naman ito sa pinaka-human na paraan na hindi kinakailangan ng stop-over sa peace and order situation sa Mindanao. Medyo kahawig nga lang ng “Limbunan” (Gutierrez Mangansakan II) ang punto kaya wala nang masyadong epekto sa akin ang redeeming value ng pelikula. Sa dulo, hindi naman puwedeng balewalain ang effort dito ni Lee Briones upang magkaroon ng fairy tale effect ang finished product.
S6PARADOS (GB Sampedro) Technically, oks naman ang pelikula. Pero kamukha ng impression ng iba, sumasang-ayon ako na parang commercial film na ang pagkakagawa. Puwede naman itong ilako sa labas ng Cinemalaya at sigurado ako na hindi ito mabobokya. Wala akong tanong sa sinseridad ng materyal bilang nasa mga balita dati na may sariling koneksyon ang direktor sa mga usaping hiwalayan. Wala rin akong kaso na multi-character din ito na pinagbuhol-buhol sa isang wedding ceremony. Ang problema ko lang sa kanya, paglabas ko ng sinehan, wala akong masyadong napulot. Walang masyadong insight.
MAUBAN: ANG RESIKO (Lem Lorca) Ang pinaka-beef ko sa pelikula ay ‘yong effort ng cast upang maging immersive experience ang kanilang pagsasabuhay ng mga karakter sa isang community sa Cagbalete Island sa Mauban, Quezon. Maging ang accent ay naitawid nila nang maayos. Gusto ko ‘yong parang careless ang mga karakter at ang lahat ay dinadaan lang sa pagtagay ng lambanog. Hindi nga lang napalutang ang undertone nito (ang pag-inom, halimbawa, ay isang paraan ng cleansing). Nagmukhang wala talagang nangyayari ang mga eksenang walang nangyayari. Hindi rin masyadong nailatag nang maayos ‘yong mga isyu ng karakter ni Sid Lucero rito. Maganda sana kung mas madali s’yang maabot lalo na r’on sa eksenang nakatingin lang s’ya sa dagat at tumatagay sa sariling pagkalasing sa buhay. Gustung gusto ko ang tambalan dito nina Alessandra de Rossi at Jess Mendoza partikular ang isang eksena na magpapaluma kina Anna Marie Gutierrez at Daniel Fernando sa “Scorpio Nights”.
A THIEF, A KID & A KILLER (Nathan Adolfson) Medyo underwhelming ang closing film ngayon. Fun naman ‘yong pagkakagawa at nakikita ko na mataas naman ang sensibility ng sumulat lalo na sa mga eksenang nagi-inject ng dry humor. Mahirap ding itanggi na engaging naman ito. Hindi nga lang masyadong satisfying ang resolution n’ya. Pero hindi naman ako nalugi kina Epy Quizon and Felix Roco sa pelikula.
POST-SCRIPT: Habang pauwi ng apartment mula CCP, biglang pumutok ang balita na na-upload sa Youtube ang lahat ng Cinemalaya film noong 2012 at 2013. Speechless ako hindi dahil napanood ko ito lahat kundi ang hirap ma-absorb kung anong nangyayari. Pagkakamali lang ba ito? Kung pagkakamali nga, sinasadya ba o hindi? Wala naman ako sa posisyon ng mga filmmaker upang magalit kung hindi sila nasabihan tungkol dito pero ramdam ko ang kanilang pighati. Sa kabilang banda, naiintindihan ko ang isyu ng accessibility bilang kadalasan na hindi naman nadi-distribute legally ang mga pelikula sa Cinemalaya. Minsan ay naiiwan sa dilim ang mga nais manood at walang ibang paraan upang matugunan ito.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment