Monday, August 04, 2014

Cinemalaya 2014: Ikatlong Araw


Line-up-wise, hindi masyadong eventful ang ikatlong araw para sa akin. Ilang tala:  

ANI: GAWAD CCP 2013 SHORT FEATURE WINNERS Sa limang ipinalabas (kabilang ang napanood ko nang “Death Squad Dogs” na nagustuhan ko sa unang pagkakataon), ang common sa kanilang lahat ay nakapaglatag pa rin ng kuwento sa maiksing panahon na walang conceit na idaan sa pagiging artsy o pagpapakalalim (dahil ba dapat nasa experimental na kategorya ito, kung gan’on?). Patok sa akin ang narrative ng “Punla” (Kenneth Mandrilla) at ang imahe ng tumubong halaman sa ilalim ng see-saw. Pero sa “Ang Walay Kahumanang Adlaw” (Glenmark Doromal) ako pinakanakuha. May sundot ang content (unrequited love) kahit na paulit-ulit na natin itong nakita at hindi ako magsasawa. ‘Yong waiting game dito ay pinamukhang kasing common at kasing infinite ng araw.

ANI: KAPAMPANGAN CINEMA MOVEMENT SHORT FEATURE Una, masayang makitang mamayagpag ang (Kapampangan) regional cinema at mas masayang malaman na meron itong org upang maisulong ang artistry. Sa apat na napanood ko, pinakagusto ko ang pagiging personal ng “Lisyun Qng Geografia” (Petersen Vargas). Parang napaka-vivid pa kasi n’ong detalye rito, parang kakahugot lang sa alaala (na hindi mabilis mabura). Dito nag-work sa akin ‘yong short film kahit na wala itong masyadong arko o kung anu-anong statement. Bittersweet. Tender. At sino ba ang makakalimot sa atin ng first love? Hindi ko masyadong makita ang tinutumbok ng “Matwang Dalaga” (Carlo Catu) maliban siguro ang ma-capture sa pinaka-Fernando Amorsolo na feel ang Mt. Arayat. Pero basically, tungkol ito sa mga life changing decision. Kamukha ito ng “U.S.F.A.” (Jason Paul Laxamana). Tungkol din sa mga desisyon ang tema na inilatag sa angst at humor (na reminiscent sa akin ng sensibility ni Victor Villanueva). Mukhang fun ginawa ang “Cabatingan” (Brianne Amparado) at promising i-explore ‘yung genre na purely socio-economic ang commentary.  

CHILDREN’S SHOW (Roderick Cabrido) Sa hinaba-haba ng panonood ko sa Cinemalaya, bihira sa akin ‘yong mga pagkakataon na unang sabak ko pa lang sa New Breed ay very satisfying na agad. Medyo delikado rin ang ganito dahil nagse-set ito ng kakaibang standard sa iba pang kalahok. Sa unang impresyon, ang pelikulang ay parang nasa kaparehong breed ng mga nauna nang pelikula sa Cinemalaya: Ranchero, Cuchera, Oros, Quick Change. Dinala ulit ako sa isang mundo na hindi ko pa nakikita (kahit sa TV man lang). Pero hindi ito ang pinaka-beef ng pelikula. Tungkol pa rin s’ya sa survival mula sa perspektibo ng dalawang bata na maagang ninakawan ng kainosentehan. Malinaw ang gusto nitong ipakumpara sa pagitan ng boksing at totoong laban sa buhay. At madalas na natatalo ay ang mga bata mismo. Impressed ako sa mga sinulat ni Ralston Jover at hindi kakaiba ang pelikulang ito. Madalas na tinatalakay n’ya ang dungis ng Pilipinas at, nitong mga huli, sinasahugan n’ya ng mumunting magic realism. Ang nakakatakot na boses sa “Porno”. Ang doppelganger sa “Bendor”. May kakaibang statement ito kung ganito na ang pagtingin sa socio-economic na estado ng bansa. Dito ako unang-una nakuha ng pelikula. Kumbaga, script-wise, nag-meet ang inaasahan ko at ang final product. Ikalawa, halatang merong mata ang direktor. Maraming storyteller ng ganitong genre (kung matatawag mang genre) ang hindi masyadong gifted sa visual. Bonus na lang ang kanyang deliberate na humor sa mga eksena ni Kara. Mukhang conscious s’ya na masikip higupin ang tema at nararapat lang na sahugan ito ng ilang breather. At panghuli, sinelyuhan nito na mahusay talaga si Buboy Villar na dating child actor. Kitang kita ang dedication n’ya sa physicality ng karakter habang tumutulay pa rin sa dramatic realm n’ong materyal.  

DON’T STOP BELIEVIN’: EVERYMAN’S JOURNEY (Ramona Diaz) Masyado nang trite ang materyal. Interesting sana ito dahil sa tinatawag na Pinoy Pride pero parang wala namang naiangat ang docu upang gawin itong interesante. Very basic. Simple. Formula. O, siguro wala akong masyadong napulot kay Arnel Pineda na hindi ko pa naririnig dati.

No comments:

Post a Comment