Musings on life from a (little red) backpacker who adores highschool language classes so much.
Sunday, August 10, 2014
Cinemalaya 2014: Ikawalong Araw
Muntik-muntikan akong ma-late para sa unang pelikula ng 10am. Limang pelikula sana para araw na ito pero kinansela ang "Kuwentong Gilas" ng walang dahilan. Ilang note (na isinulat sa Cinemalaya X Lounge sa 3rd floor):
KASAL (Joselito Altarejos) One word: script. Maiksi lang ang timeline ng plot pero marami itong sinabi tungkol sa isang relasyon at ang limitasyon ng pagiging ilegal ng same sex marriage sa bansa. Pinapasok ang manonood sa buhay ng isang couple. Nakita natin silang nag-aaway, nakita natin ang vulnerability ng relasyon at ang pagiging prone nito sa tukso. Nakita natin silang magtalik, magtawananan at magbigay ng suporta sa kani-kaniyang pamilya. Character study rin ito ng isang discreet na lawyer (Arnold Reyes na sa tingin ko ay deserving ng Best Actor recognition) at ang pagiging safe n’ya na masaktan at magtiwala. Tungkol din ito sa whim ng kabiyak n’yang film director (Oliver Aquino) at ang walang sawang paniniwala sa pag-ibig. Ang baseline talaga rito ay ang statement tungkol sa same sex marriage at ang mga bagay na kaya nitong protektahan kapag naisabatas ito. Pero hindi kailanman isinubo sa manood ang gusto nitong i-preach. Subtle ang comparison na ginamit tungkol sa isang kasal na magkahiwalay naman ang loob (kasing subtle ng pagtanggal ng butones sa leeg ng barong ng groom). Naglipana rin ang mga maskara sa bahay ng couple at bahay sa probinsya bilang patunay na ang isa sa dalawa ay umaarte lamang.
DAGITAB (Giancarlo Abrahan V) Hindi ako masyadong na-impress matapos itong mapanood sa unang beses dahil sa kaingayan ng isang babae sa may likuran. Wala s’yang ginawa kung hindi magbigay ng comment kamukha ng “Naka-move on na ‘yan kasi bagong shave!” o “Hindi ito (referring sa isang love scene) magugustuhan ni Neri (kung sino man s’ya)!”. Kinakailangan pa naman ng mabusising pagsiyasat sa mga sinasabi ng dalawang tauhan, sina Issey at Jimmy (Eula Valdez at Nonie Buencamino), na sa gitna ng paghihiwalay. Sa ikalawang beses kong panonood ng pelikula (minsan ko lang itong gawin sa Cinemalaya) noong huling araw ng festival, mas nabasa ko na s’ya. Merong itong inilatag na argumento tungkol sa tinatawag na sparks pagdating sa mga relasyon. Para sa mga hopeless romantic, isa itong malaking bagay. Kailangan munang kiligin. Sa kaso ng dalawang main character, pareho silang thinking person na nagsasama kahit absent ang tinatawag na sparks (sa ilang pagkakataon, ‘pinapakitang hindi makahabol ang isa sa kanilang pagtakbo sa UP). Naka-footnote ito sa isang batang couple na pareho ring thinking person. Hindi maiiwasang mapansin ang contrast ng literal na dagitab habang ipinapakita ang pagkalamig nina Issey at Jimmy sa isa’t isa: ang uling sa barbecue stand, ang apoy sa gubat, ang mga kandila sa simbahan, ang fireworks, ang pundidong bumbilya sa bahay at marami pang iba. Sa dalawang pagkakataon, ipinakita na tinupok ito bilang hudyat sa nakaambang realization. Sa dulo, patuloy itong nagtatanong kung kailangan ba talaga ang sparks. O kung nakabilanggo na sa isang tali, maaari bang pilitin itong ikiskis upang magliyab? Maraming eksena rito na hindi ko pa nakikita sa ibang pelikula. ‘Yong iba, nakapa-casual ng execution pero maraming sinasabi at matatas ang undertone. Visually stunning din ito. Ang tahimk na eksena sa beach ay hindi ko makakalimutan, ang lumulutang na sparks sa huling eksena at marami pang iba. Hindi ko rin makakalimutan sina Eula at Nonie rito, pati na rin si Martin del Rosario.
1ST KO SI 3RD (Real Florido) Hindi ko nakitang pangit ang pelikula kumpara sa mga nasabi na ng iba. Dragging lang s’ya at predictable. May ilang pagkakataon na tumatawa ang mga manonood at para sa akin ay sapat na ito. Refreshing makita si Nova Villa bilang main character na nanganganib lamunin ng isang closure na hindi maisara-sara.
No comments:
Post a Comment