Total Pageviews

Friday, August 01, 2014

Cinemalaya 2014: Unang Araw


Mahigit isang buwan yata akong diyeta sa pelikula bago umapak sa CCP para sa taunang festival na ‘to. Well, nabasag lang noong pinanood ko ‘yung “Like Father, Like Son” (Hirokazu Koreeda, 2013) sa eroplano noong isang araw, habang bumabaybay sa isang matagtag na bahagi ng biyahe dahil sinasalubong daw ang isang bagyo, sabi ng piloto. Kinakabahan ako at naiiyak nang magkasabay. Noon na lang yata ako nakaranas ng ganoon ka-ekstensibong turbulence (ang huling natatandaan ko ay noong 2003 pa). At hindi masama ang pelikula (character study na idinaan sa father and son relationshiop) upang paiyakin ako habang pasulpot-sulpot ang kaba. Noong lumapag nang matiwasay ang eroplano, ang una kong naisip, “Putsa, makakapag-Cinemalaya pala ako!” Alas-5 ng hapon pa lang ay nasa tagiliran na ako ng CCP. Umaambon. Mahaba na ang pila sa dalawang butas ng box office sa ibaba at may ilang press at patron na rin sa lobby ng Main Theater. Sa unang pagkakataon, ipinasok sa loob ng Tanghalang Nicanor Abelardo ang opening salvo ng festival. At mukhang wala akong kawala kundi panoorin ang ceremony bago isalang ang opening film. Iniiwasan ko kasi ‘yung mga trailer kapag ‘pinapakilala na ang mga kalahok. Mas maayos ang flow. Hindi magulo ang traffic ng mga manonood na dati-rati ay pinaghalong pumipila para sa opening film at nanonood ng recognition.

Anyway….  

DOCUMENTED (Jose Antonio Vargas) Maraming ginawang impression ‘yung docu tungkol sa isang illegal, este, undocumented immigrant (si Jose Antonio Vargas mismo) na patuloy na nakikibaka sa kanyang papeles. ‘Yong balls ng subject eh mala-Michael Moore ang dating sa akin. May isang eksena rito kasama ang presidentiable na si Mitt Romney at ilang bigatin sa mundo ng newscast sa US. Nandoon ‘yong tahasang pagtulay n’ya sa alambre at ang maaaring kapalit nitong deportation. Sa aspetong ito ng katapangan, hindi lang bilang isang kababayan o isang Asyano na madalas na ma-stereotype na tahimik at mapagkimkim, kundi nabibilang sa minority, humanga ako sa subject. Sa kabilang banda, lumihis bigla ang docu sa isang avenue kung saan tinumbok naman ang isang literal at figurative na distant relationship ng anak sa US at kanyang ina sa Pilipinas at ang kanilang hindi pagkikita sa loob ng mahigit 20 taon. Naisip ko, dalawang buwan ko nga lang hindi nakita ang nanay ko, malaking bagay na. Paano pa kaya ang dalawang dekada? Dito umusbong ang puso ng docu na hindi ko nakita sa mga ginawa ni Michael Moore. At nanganak ito nang nanganak hanggang nasukol ako sa ilang eksena at nasundot. Kung tutuusin, wala akong masyadong makitang aspeto sa docu na lutang ang pagka-Pilipino ng materyal maliban na lang na Pilipino talaga si Jose Antonio Vargas at nasa Pilipinas ang kanyang ina. O, ‘yung fascination ng subject na lumiko sa pagpapaigting ng drama (may mga eksenang ‘pinapakitang nagbe-breakdown scene s’ya o nagpupumigil umiyak) bilang isang bansa tayo ng melodrama at teleserye. Ang lahat ay sumisipol sa kanyang pagiging Amerikano, ang kanyang kontribusyon sa kapwa Amerikano at sa ikakaaliwalas ng mga batas na sasaklaw sa mga Amerikano. Maaari ngang walang katumbas na prestige ang pag-uwi sa bansa kung mamamasukan, halimbawa, sa ABS-CBN o GMA, pero sa dulo ay serbisyo pa rin naman ito sa kapwa kasabay ng pagkakataong makapiling ang sariling ina at mahanap pa ang sarili. Lumabas ako sa sinehan na nagtatanong kung bakit ba hindi na lang s’ya umuwi. At mukhang ang sagot dito ay dahil ayaw n’yang sumuko sa laban na kanyang sinimulan. Maliban sa mga borloloy ng mga inilatag nito tungkol sa usapin sa human rights at immigration, lumalabas na ang sentro ng docu ay isang character study ng katapangan, hindi matanggihang koneksyon ng anak sa ina at patuloy na pagsiyasat sa kaakohan.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...