Total Pageviews

Wednesday, September 17, 2014

Tinimbang at Hindi Kulang


Measure for Measure/Hakbang sa Hakbang
Produksyon: Dulaang UP
Direksyon: Alexander Cortez
Tagasalin sa Filipino: Ron Capinding
Mga Nagsiganap: Jeremy Domingo, Cindy Lopez, Russell Legaspi, Delphine Buencamino, Tarek el Tayech, Cedrick Juan, Joel Saracho, Jojit Lorenzo, atbp. 

Sa Pinas, bihira tayong makasaksi ng mga staging ng Shakespearean play na hindi natatapos sa trahedya. Puwedeng dahil ito talaga ang mas pamilyar sa mga manonood o dahil kapos sa resources (kopya, translation at sadyang Third World problem). Puwede rin namang mas ganap na masokista tayo kesa escapist kaya’t mas gusto nating namamatay ang bida sa dulo o hindi nagkakatuluyan ang magkasintahan. Kung kaya’t nitong nagkaroon ng pagkakataon na maisadula ng Dulaang UP ang “Measure for Measure” (o “Hakbang sa Hakbang” mula sa Filipino translation ni Ron Capinding na napanood ko nang isinalang ng Tanghalang Ateneo noong 2005 o 2006 yata; hindi ko na maalala), kahit na maaaring basahin ito nang masigla at umaasa, ay binigyan pa rin ng sariling lamlam ng direktor na si Alexander Cortez ang dulo. Kung hindi man kalabisan, ang unang pasabog ng DUP para sa tagdulang ito ay paunang itinawid ng vision mula sa direktor, hindi sa translation o kung ano pa man. Sumunod na lamang ang iba pang aspeto.

Ang dula ay kamukha rin ng ibang nilikha ni Shakespeare na kaduda-dudang stage play on stage play ang feel. Isang duke ang nagpanggap na pari upang masukat ang tinatawag na sense and sensibility ng kanyang korte. Wala rin naman itong ipinagkaiba sa nagpapatay-patayang si Juliet o ang nagpapanggap na lalaki na si Viola o maging ang pagsasapawan ng karakter na mga mortal at engkantada. Ang duke marahil ay nagpapakadiyos (sa likod ng abito, hindi bilang pulubi o kung ano pa man) at gustong sukatin ang mga bagay sa labas ng kanyang presensya. Isa sa mga sinusukat ay ang nobisyanang si Isabella na lahat ay gagawin kapalit ng pagpapalaya sa kanyang kapatid na si Claudio na nakatakdang mabitay. Ang isa pa at pangunahing sinusukat ay si Angelo na nanunulay sa pagkakataong umibig o sundin ang pagpapakatotoo.

Kung tutuusin, all is well that ends well sana ang drama ng materyal. Pero ginawa ng direktor na maradaman ng manonood ang estado na nasasakal at wala nang pagpipilian pa sa katauhan ni Isabella (at ang pag-optimize ng dilim sa huling frame). At dito na tayo pupunta sa opresyon na gustong tumbukin pero ayoko nang ulit-ulitin pa dahil hindi na kailangan. Ang duke ni Jeremy Domingo sa English version ay puno ng tikas at pagkaistrikto kung kaya’t napaigting nito ang pakiramdam ng dead end. Ang duke naman ni Russell Legaspi, na katulad ng inaasahan na reactive ang galaw o ad lib sa bawat pangungusap sa Filipino (bilang kabaligtaran ng basta masambit lang o matapos lang ang linya), ay kumikindat na parang ang lahat ay isang malaking laro lamang. Nagbigay naman ito ng pagkabalisa bago mawala ang ilaw sa pagtatanghal dahil hindi mo alam kung seryoso ba s’ya o hindi. Gusto ko rin na malinaw ang transformation n’ya mula sa isang duke patungong pari.

Marami pang kasukat-sukat na performance sa produksyon at masasabi kong isa ito sa mga pagtatanghal na madaling makita na vital ang interpretasyon ng performer sa pagkagiliw ng panonood. Siguro marahil ay dalawang beses ko itong pinanood na ginanapan ng dalawang magkaibang cast. Mabilis kaawaan ang atake ni Tarek el Tayech bilang Angelo dahil lutang ang kanyang humanity sa isang eksena na nagdarasal s’ya kahit na iba ang nilalaman ng kanyang utak. Hindi n’ya kailanman ginawang caricature ang karakter kahit na pagdating ng kanyang Judgement Day ay mabilis itong asahan. Sa isang hindi natuloy na panghahalay sana kay Isabella, halimbawa, inayos pa n’ya ang kasuotan ng nobisyana bilang pagsuko sa paninimbang ng kanyang kunsensya. Wala akong itulak kabigin kina Cindy Lopez at Delphine Buencamino bilang Isabella. Immaculate ang projection ng una na nagpaigting sa pagkabakal ni Jeremy Domingo bilang duke samantalang lumabas naman ang tila pagkalito ng pangalawa na nagpalitaw sa kanyang karupukan. Gusto ko rin ‘yong matapang na exterior ni Cedrick Juan bilang Claudio sa Filipino version kahit sa loob ay nangangamba s’ya sa ideya na iiwanan n’ya ang kanyang mag-ina (kung hindi pa man sapat ang pananraydor ng fragility ng kanyang mukha, isang magandang contrast). Ang partisipasyon naman nina Joel Saracho at Jojit Lorenzo, sa Filipino version pa rin, ay isang patunay na walang maliit na role. Pero kung meron mang isang aktor na nasurpresa ako, si Lehner Mendoza ‘yon (sa parehong English at Filipino version), ang kanyang swag, ang kanyang timing sa deadpan humor o maging ang kanyang mga delivery sa kokonting linya. Aabangan ko ang mga susunod pa n’yang kayang ipakita.

Hindi lang naman sa direksyon at pagganap nahimlay ang spectacle ng produksyon. Maganda ang contrast sa pagitan ng ilaw (Meliton Roxas, Jr.) at stage design (Faust Peneyra), at ang paggamit ng monochromatic na katsa, abaca at iba pa sa costume design ni Gino Gonzales. Bagama’t malinis ang details ng mga damit, hindi ito kailanman nangangain ng eksena (at least para sa akin). Nasurpresa rin ako sa music ni Teresa Barrozo. Ito na siguro ang isa pinaka-conventional ang tunog sa kanyang mga ginawa at nakasabay ito sa daloy ng isang mas malaking vision. Sa dulo, malinaw na malaki ang naiambag ng aspetong teknikal upang makuha ang pansin ng mga pabata nang pabata na miyembro ng manonood. Kung isa sa mga ito ang hindi nakatawid, baka humihikab na ako sa kalagitnaan pa lang.

Naisip ko lang, totoo naman na napapanatili ang katahimikan ng isang bayan sa pagkakaroon ng mga patakaran. Mga bawal, mga hindi bawal. Dito nasusukat ang isang tao kung ang kanyang ginawa ay may karampatang parusa o wala. Sa tulong nito, natututong mabuhay ang mga nasa paligid na sagana sa harmony kapalit ng kalayaan na gawin ang kahit na ano mang naisin. Pero marami itong nasisikil. Pag-ibig, pagnanasa at iba pa. May ilan na pilit pa ring iginigiit ang nais at umaabot sa pagkakataon na subukang baliin (o baguhin upang maging mas angkop sa panahon) ang patakaran. Ang duke, halimbawa, ay hindi nagkasya na sumukat sa harap ng kanyang presensya. Kailangan n’yang maging “diyos” upang makita ang lahat at upang makapanghusga nang nararapat. Sa kabila ng ‘sandamakmak na headline ngayon, mukhang kinakailangan natin ng isang “duke” na hindi lang basta matuwid kundi mapagmasid din. O, kahit nakikita na ang lahat, nakakapaglapat din sana ng tamang panukat.

Friday, September 05, 2014

Ilang Tala Mula sa Panonood ng Musikal! (O, Kung Paano Nangawit ang mga Kamay ko sa Pagpalakpak)


Sa ika-45 na anibersaryo ng pagkakatatag ng Cultural Center of the Philippines, binuo ang isang revue mula sa mga musical production na naitanghal na. Tumutukod ang range mula sa “Walang Sugat” (ni Severino Reyes) hanggang sa kontemporaryo na “Rak of Aegis” (libretto ni Liza Magtoto). Sa pagbili pa lang ng ticket ilang linggo bago ito naitanghal kagabi (September 5), alam ko na na sobra akong mage-enjoy, mananariwa at muli’t muling aantabay para sa Filipino musical scene.

Walang masyadong gimik ang buong palabas. May ilang “words of wisdom” mula sa ilang performer pero hindi ito kailanman nakakabagot o nakakawala ng momentum. Itinahi-tahi lang ang tig-iisang kanta mula sa 22 (anim rito ay hindi ko pa napapanood) na palabas. Nagkakaroon lang ng pause kung kailangang mag-bow ng mga performer at lumabas ng stage. Maliban d’yan, tuluy-tuloy lang ang pagkumpas ni Gerard Salonga para sa Philppine Philharmonic Orchestra. Ang isang masidhing performance ay susundan ng isa pa at hindi ko yata matandaan ang number na hindi ako pumalakpak man lang.

Kung tutuusin, walang patapon. Maging ‘yong iba na mistulang underwhelming ay hindi pa rin talaga mahina. Naglipana ang technical problem o gusot at nakakatuwa na nangyari ang pinaka-glaring na mess sa “Lakambini” ni Ebe Dancel para sa [Rock] Supremo dahil naramdaman ko na sisiw itong mababawi. Sa mga unang linya, hindi maayos na nata-transmit ang sound sa microphone. Nagmumukhang naka-auto-tune ang mga lumalabas na boses. Akala ko ay kasali sa gimik pero hindi pala. Pero mahusay talaga si Ebe. Lumipad s’ya matapos ang aberya. At lumipad s’ya nang sobra-sobra. Pero aaminin ko na “Lakambini” ang pinakapaborito kong OPM para sa 2013.

Marami pa akong nagustuhan. Ang choral arrangement ng ilang kanta mula sa “Noli Me Tangere, the Musical” (ng tambalang Bien Lumbera at Ryan Cayabyab) na binigyang buhay ng Madrigal Singers ay sobrang sulit. Kung hindi man nakaka-goosebumps ay nakakapagdala sa ito akin pabalik sa ilan sa mga naunang taon ko ng appreciation sa panonood ng performing arts. Pero hindi masyadong represented ang musical stage noong 90’s. Wala ang all-time favorite ko na “Larawan, the Musical” (mula sa Filipino translation at libretto ni Rolando Tinio at musika ni Ryan Cayabyab pa rin). Malakas din ang hatak ng nasabing production dahil sa Tanghalang Nicanor Abelardo (na kadalasang ginagamit na lang ngayon para sa mga Broadway production na nagto-tour) rin ito mismo ginawa at nagkaroon pa ng extension, restaging at rekording (meron ako noong double-cassette). Kung hindi ako nagkakamali, si Rolando Tinio mismo ang direktor ng musical pero pumanaw s’ya bago pa man ito mag-opening night (kaya sinalo ni Tony Mabesa ang responsibilidad). At siyempre, ang “1896” ng PETA na kasing-groundbreaking din. Hindi rin masama kung merong isang representasyon sa pagka-pop ng musical theater scene mula sa Philippine Stagers Foundation o ang pagkaradikal ng tema kamukha ng “Lean, a Filipino Musical”.

Gusto ko rin ‘yong number ng “Batang Rizal” dahil malinis ang rendition nito kahit na pakiramdam ko ay aawit mula sa “Spring Awakening” sina Nicco Manalo at Nar Cabico. Enggrande rin ang dulo ng pinagsama-samang number mula sa “Caredivas”, “Maxie, the Musicale” at “Zsazsa Zaturnnah, ze Muzikal” kahit na medyo overbearing ang rason kung bakit inilagay sila sa iisang segment. Naintriga naman ako kung paano nailatag ang “Lorenzo” (na hindi ko napanood nang ipalabas ito) bilang bigatin ang mga tao sa produksyon (Nonon Padilla, Ryan Cayabyab at Paul Dumol na isa sa mga busy na playwright/librettist noong 90’s). Pasabog din katulad ng inaasahan ang “Aba! Ba-Boogie” mula sa “Katy!” Sa buong number na ito napatunayan na karapatdapat lang maging isa sa mga mukha ng Philippine musical theater si Isay Alvares. At hindi pinalipas ang gabi na hindi mapapamalas ang kanyang versatility sa bilang kasali rin sa number ng “Rak of Aegis” at “Himala, the Musical”. Ang huli, na isinulat mismo ni Ricky Lee ang libretto, ay hindi ko makakalimutan dahil pagkatapos ng palabas ay lumindol sa CCP kasabay ng paghingi ko ng autograph sa batikang scriptwriter. Meron s’yang sinabi noon. Hindi ko masyadong narinig pero parang may komentaryo yata s’ya na wala akong sinasantong natural calamity.

Maliban sa gilas ni Isay Alvares sa “Katy!” portion, marami pa akong hindi makakalimutan. Ang pagkawala ng virginity ni Mailes Kanapi sa pagtatanghal sa Main Theater ay hindi matatawaran, partikular ang ilang sandali na gumagapang s’ya pababa ng hagdan habang kumakanta ng “Titina” mula sa “Stageshow” (na libretto ni Mario O’Hara). Kilala ko s’ya sa pagiging unpredictable sa stage at isa itong halimbawa ng kanyang brand ng performance. Guilty plesure din ang whistle ni Nar Cabico sa “Multo ng Nakaraan” mula sa “Zsazsa Zaturnnah, ze Muzikal” (na tingin ko ay walang masyadong nakapansin) o ‘yong maiksing beatbox ni Myke Salomon sa “Saan Ka Man Dalhin” para sa “Caredivas”.

Sa totoo lang, nakakangawit palang pumalakpak kada isang pagtatanghal na mago-orgasm sa isang mahabang round sa finale. Hindi ako nasurpresa sa napiling kanta sa dulo pero kailanman ay wala akong tanong sa sinseridad nito lalo na’t nakita mo ang buong ensemble na magkakasamang namamayagpag sa iisang stage. Ito ang SONA ng musical theater sa Pinas. Walang duda na magiging maningning pa ang mga susunod na buhay nito dahil kitang kita sa tinig, galaw, gaslaw at indak ng mga performer ang pangako na hindi kailanman masisintunado ang entablado sa bahagi na ito ng mundo.

Cinemalaya 2014: Ikasampung Araw


“Bwaya” ang nag-uwi ng Best Picture (New Breed) para sa ikasampung edition ng Cinemalaya. Wala naman akong reklamo rito maliban lang sa mas gustong manalo ang “Children’s Show”. Mayroong haka-haka na ang isa sa mga jury ay nasa linya ng suporta sa mga ethnic minority at ang Best Picture ay nasa pagitan lang daw ng “Bwaya” at “K’na, the Dreamweaver” (na nanalo ng Jury Prize).

Hindi na rin surpresa ang ibang nanalo. Si Nora Aunor ay sureball na sa Best Actress sa Director’s Showcase. Hindi ako nagduda rito. Gusto ko rin na nanalo ang cinematography ng “Bwaya” at si Migs Cuaderno para sa “Children’s Show” na siguro naman ay hindi na kukuha ng character na kailangan ulit s’yang paliguan. Deserving din ang Best Picture (Director’s Showcase) ng “Kasal” pero inaasahan kong masusungkit din nito na ang Best Screenplay na isinulat ni Zig Dulay (napunta kay Aloy Adlawan ang premyo para sa “The Janitor”). Si Robert Arevalo ang una kong naisip na mananalo ng Best Actor (Director’s Showcase) para sa “Hari ng Tondo” (na gusto ko namang manalo sa Best Direction) pero ito ay bago ko mapanood ang “Kasal”. Tingin ko, mas malawak ang range at mas adventurous ang ipinakita ni Arnold Reyes sa pelikula.

In general, parang well distributed ang mga award. Hindi ito kasing tapang ng decision ng jury noong nakaraang taon kung saan halata kung sino ang tsina-champion nito. Pero hindi naman ito masyadong affecting. Mas nakakabahala ‘yong issue ng pag-upload sa Youtube ng mga pelikula noong nakaraang tatlong taon. Hindi naman ito hinayaan ng ilang concerned citizen sa industry sa pagbabasa ng kanilang statement noong awards night mismo. O baka ang mas higit na nakakakaba ay ‘yong direction ng Cinemalaya sa mga susunod na taon. Sana maitawid nila dahil isang malaking kagampan na ang nalikha nila para sa mga filmmaker at manonood.
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...