Friday, September 05, 2014

Cinemalaya 2014: Ikasampung Araw


“Bwaya” ang nag-uwi ng Best Picture (New Breed) para sa ikasampung edition ng Cinemalaya. Wala naman akong reklamo rito maliban lang sa mas gustong manalo ang “Children’s Show”. Mayroong haka-haka na ang isa sa mga jury ay nasa linya ng suporta sa mga ethnic minority at ang Best Picture ay nasa pagitan lang daw ng “Bwaya” at “K’na, the Dreamweaver” (na nanalo ng Jury Prize).

Hindi na rin surpresa ang ibang nanalo. Si Nora Aunor ay sureball na sa Best Actress sa Director’s Showcase. Hindi ako nagduda rito. Gusto ko rin na nanalo ang cinematography ng “Bwaya” at si Migs Cuaderno para sa “Children’s Show” na siguro naman ay hindi na kukuha ng character na kailangan ulit s’yang paliguan. Deserving din ang Best Picture (Director’s Showcase) ng “Kasal” pero inaasahan kong masusungkit din nito na ang Best Screenplay na isinulat ni Zig Dulay (napunta kay Aloy Adlawan ang premyo para sa “The Janitor”). Si Robert Arevalo ang una kong naisip na mananalo ng Best Actor (Director’s Showcase) para sa “Hari ng Tondo” (na gusto ko namang manalo sa Best Direction) pero ito ay bago ko mapanood ang “Kasal”. Tingin ko, mas malawak ang range at mas adventurous ang ipinakita ni Arnold Reyes sa pelikula.

In general, parang well distributed ang mga award. Hindi ito kasing tapang ng decision ng jury noong nakaraang taon kung saan halata kung sino ang tsina-champion nito. Pero hindi naman ito masyadong affecting. Mas nakakabahala ‘yong issue ng pag-upload sa Youtube ng mga pelikula noong nakaraang tatlong taon. Hindi naman ito hinayaan ng ilang concerned citizen sa industry sa pagbabasa ng kanilang statement noong awards night mismo. O baka ang mas higit na nakakakaba ay ‘yong direction ng Cinemalaya sa mga susunod na taon. Sana maitawid nila dahil isang malaking kagampan na ang nalikha nila para sa mga filmmaker at manonood.

No comments:

Post a Comment