Musings on life from a (little red) backpacker who adores highschool language classes so much.
Friday, September 05, 2014
Ilang Tala Mula sa Panonood ng Musikal! (O, Kung Paano Nangawit ang mga Kamay ko sa Pagpalakpak)
Sa ika-45 na anibersaryo ng pagkakatatag ng Cultural Center of the Philippines, binuo ang isang revue mula sa mga musical production na naitanghal na. Tumutukod ang range mula sa “Walang Sugat” (ni Severino Reyes) hanggang sa kontemporaryo na “Rak of Aegis” (libretto ni Liza Magtoto). Sa pagbili pa lang ng ticket ilang linggo bago ito naitanghal kagabi (September 5), alam ko na na sobra akong mage-enjoy, mananariwa at muli’t muling aantabay para sa Filipino musical scene.
Walang masyadong gimik ang buong palabas. May ilang “words of wisdom” mula sa ilang performer pero hindi ito kailanman nakakabagot o nakakawala ng momentum. Itinahi-tahi lang ang tig-iisang kanta mula sa 22 (anim rito ay hindi ko pa napapanood) na palabas. Nagkakaroon lang ng pause kung kailangang mag-bow ng mga performer at lumabas ng stage. Maliban d’yan, tuluy-tuloy lang ang pagkumpas ni Gerard Salonga para sa Philppine Philharmonic Orchestra. Ang isang masidhing performance ay susundan ng isa pa at hindi ko yata matandaan ang number na hindi ako pumalakpak man lang.
Kung tutuusin, walang patapon. Maging ‘yong iba na mistulang underwhelming ay hindi pa rin talaga mahina. Naglipana ang technical problem o gusot at nakakatuwa na nangyari ang pinaka-glaring na mess sa “Lakambini” ni Ebe Dancel para sa [Rock] Supremo dahil naramdaman ko na sisiw itong mababawi. Sa mga unang linya, hindi maayos na nata-transmit ang sound sa microphone. Nagmumukhang naka-auto-tune ang mga lumalabas na boses. Akala ko ay kasali sa gimik pero hindi pala. Pero mahusay talaga si Ebe. Lumipad s’ya matapos ang aberya. At lumipad s’ya nang sobra-sobra. Pero aaminin ko na “Lakambini” ang pinakapaborito kong OPM para sa 2013.
Marami pa akong nagustuhan. Ang choral arrangement ng ilang kanta mula sa “Noli Me Tangere, the Musical” (ng tambalang Bien Lumbera at Ryan Cayabyab) na binigyang buhay ng Madrigal Singers ay sobrang sulit. Kung hindi man nakaka-goosebumps ay nakakapagdala sa ito akin pabalik sa ilan sa mga naunang taon ko ng appreciation sa panonood ng performing arts. Pero hindi masyadong represented ang musical stage noong 90’s. Wala ang all-time favorite ko na “Larawan, the Musical” (mula sa Filipino translation at libretto ni Rolando Tinio at musika ni Ryan Cayabyab pa rin). Malakas din ang hatak ng nasabing production dahil sa Tanghalang Nicanor Abelardo (na kadalasang ginagamit na lang ngayon para sa mga Broadway production na nagto-tour) rin ito mismo ginawa at nagkaroon pa ng extension, restaging at rekording (meron ako noong double-cassette). Kung hindi ako nagkakamali, si Rolando Tinio mismo ang direktor ng musical pero pumanaw s’ya bago pa man ito mag-opening night (kaya sinalo ni Tony Mabesa ang responsibilidad). At siyempre, ang “1896” ng PETA na kasing-groundbreaking din. Hindi rin masama kung merong isang representasyon sa pagka-pop ng musical theater scene mula sa Philippine Stagers Foundation o ang pagkaradikal ng tema kamukha ng “Lean, a Filipino Musical”.
Gusto ko rin ‘yong number ng “Batang Rizal” dahil malinis ang rendition nito kahit na pakiramdam ko ay aawit mula sa “Spring Awakening” sina Nicco Manalo at Nar Cabico. Enggrande rin ang dulo ng pinagsama-samang number mula sa “Caredivas”, “Maxie, the Musicale” at “Zsazsa Zaturnnah, ze Muzikal” kahit na medyo overbearing ang rason kung bakit inilagay sila sa iisang segment. Naintriga naman ako kung paano nailatag ang “Lorenzo” (na hindi ko napanood nang ipalabas ito) bilang bigatin ang mga tao sa produksyon (Nonon Padilla, Ryan Cayabyab at Paul Dumol na isa sa mga busy na playwright/librettist noong 90’s). Pasabog din katulad ng inaasahan ang “Aba! Ba-Boogie” mula sa “Katy!” Sa buong number na ito napatunayan na karapatdapat lang maging isa sa mga mukha ng Philippine musical theater si Isay Alvares. At hindi pinalipas ang gabi na hindi mapapamalas ang kanyang versatility sa bilang kasali rin sa number ng “Rak of Aegis” at “Himala, the Musical”. Ang huli, na isinulat mismo ni Ricky Lee ang libretto, ay hindi ko makakalimutan dahil pagkatapos ng palabas ay lumindol sa CCP kasabay ng paghingi ko ng autograph sa batikang scriptwriter. Meron s’yang sinabi noon. Hindi ko masyadong narinig pero parang may komentaryo yata s’ya na wala akong sinasantong natural calamity.
Maliban sa gilas ni Isay Alvares sa “Katy!” portion, marami pa akong hindi makakalimutan. Ang pagkawala ng virginity ni Mailes Kanapi sa pagtatanghal sa Main Theater ay hindi matatawaran, partikular ang ilang sandali na gumagapang s’ya pababa ng hagdan habang kumakanta ng “Titina” mula sa “Stageshow” (na libretto ni Mario O’Hara). Kilala ko s’ya sa pagiging unpredictable sa stage at isa itong halimbawa ng kanyang brand ng performance. Guilty plesure din ang whistle ni Nar Cabico sa “Multo ng Nakaraan” mula sa “Zsazsa Zaturnnah, ze Muzikal” (na tingin ko ay walang masyadong nakapansin) o ‘yong maiksing beatbox ni Myke Salomon sa “Saan Ka Man Dalhin” para sa “Caredivas”.
Sa totoo lang, nakakangawit palang pumalakpak kada isang pagtatanghal na mago-orgasm sa isang mahabang round sa finale. Hindi ako nasurpresa sa napiling kanta sa dulo pero kailanman ay wala akong tanong sa sinseridad nito lalo na’t nakita mo ang buong ensemble na magkakasamang namamayagpag sa iisang stage. Ito ang SONA ng musical theater sa Pinas. Walang duda na magiging maningning pa ang mga susunod na buhay nito dahil kitang kita sa tinig, galaw, gaslaw at indak ng mga performer ang pangako na hindi kailanman masisintunado ang entablado sa bahagi na ito ng mundo.
No comments:
Post a Comment