Wednesday, September 17, 2014

Tinimbang at Hindi Kulang


Measure for Measure/Hakbang sa Hakbang
Produksyon: Dulaang UP
Direksyon: Alexander Cortez
Tagasalin sa Filipino: Ron Capinding
Mga Nagsiganap: Jeremy Domingo, Cindy Lopez, Russell Legaspi, Delphine Buencamino, Tarek el Tayech, Cedrick Juan, Joel Saracho, Jojit Lorenzo, atbp. 

Sa Pinas, bihira tayong makasaksi ng mga staging ng Shakespearean play na hindi natatapos sa trahedya. Puwedeng dahil ito talaga ang mas pamilyar sa mga manonood o dahil kapos sa resources (kopya, translation at sadyang Third World problem). Puwede rin namang mas ganap na masokista tayo kesa escapist kaya’t mas gusto nating namamatay ang bida sa dulo o hindi nagkakatuluyan ang magkasintahan. Kung kaya’t nitong nagkaroon ng pagkakataon na maisadula ng Dulaang UP ang “Measure for Measure” (o “Hakbang sa Hakbang” mula sa Filipino translation ni Ron Capinding na napanood ko nang isinalang ng Tanghalang Ateneo noong 2005 o 2006 yata; hindi ko na maalala), kahit na maaaring basahin ito nang masigla at umaasa, ay binigyan pa rin ng sariling lamlam ng direktor na si Alexander Cortez ang dulo. Kung hindi man kalabisan, ang unang pasabog ng DUP para sa tagdulang ito ay paunang itinawid ng vision mula sa direktor, hindi sa translation o kung ano pa man. Sumunod na lamang ang iba pang aspeto.

Ang dula ay kamukha rin ng ibang nilikha ni Shakespeare na kaduda-dudang stage play on stage play ang feel. Isang duke ang nagpanggap na pari upang masukat ang tinatawag na sense and sensibility ng kanyang korte. Wala rin naman itong ipinagkaiba sa nagpapatay-patayang si Juliet o ang nagpapanggap na lalaki na si Viola o maging ang pagsasapawan ng karakter na mga mortal at engkantada. Ang duke marahil ay nagpapakadiyos (sa likod ng abito, hindi bilang pulubi o kung ano pa man) at gustong sukatin ang mga bagay sa labas ng kanyang presensya. Isa sa mga sinusukat ay ang nobisyanang si Isabella na lahat ay gagawin kapalit ng pagpapalaya sa kanyang kapatid na si Claudio na nakatakdang mabitay. Ang isa pa at pangunahing sinusukat ay si Angelo na nanunulay sa pagkakataong umibig o sundin ang pagpapakatotoo.

Kung tutuusin, all is well that ends well sana ang drama ng materyal. Pero ginawa ng direktor na maradaman ng manonood ang estado na nasasakal at wala nang pagpipilian pa sa katauhan ni Isabella (at ang pag-optimize ng dilim sa huling frame). At dito na tayo pupunta sa opresyon na gustong tumbukin pero ayoko nang ulit-ulitin pa dahil hindi na kailangan. Ang duke ni Jeremy Domingo sa English version ay puno ng tikas at pagkaistrikto kung kaya’t napaigting nito ang pakiramdam ng dead end. Ang duke naman ni Russell Legaspi, na katulad ng inaasahan na reactive ang galaw o ad lib sa bawat pangungusap sa Filipino (bilang kabaligtaran ng basta masambit lang o matapos lang ang linya), ay kumikindat na parang ang lahat ay isang malaking laro lamang. Nagbigay naman ito ng pagkabalisa bago mawala ang ilaw sa pagtatanghal dahil hindi mo alam kung seryoso ba s’ya o hindi. Gusto ko rin na malinaw ang transformation n’ya mula sa isang duke patungong pari.

Marami pang kasukat-sukat na performance sa produksyon at masasabi kong isa ito sa mga pagtatanghal na madaling makita na vital ang interpretasyon ng performer sa pagkagiliw ng panonood. Siguro marahil ay dalawang beses ko itong pinanood na ginanapan ng dalawang magkaibang cast. Mabilis kaawaan ang atake ni Tarek el Tayech bilang Angelo dahil lutang ang kanyang humanity sa isang eksena na nagdarasal s’ya kahit na iba ang nilalaman ng kanyang utak. Hindi n’ya kailanman ginawang caricature ang karakter kahit na pagdating ng kanyang Judgement Day ay mabilis itong asahan. Sa isang hindi natuloy na panghahalay sana kay Isabella, halimbawa, inayos pa n’ya ang kasuotan ng nobisyana bilang pagsuko sa paninimbang ng kanyang kunsensya. Wala akong itulak kabigin kina Cindy Lopez at Delphine Buencamino bilang Isabella. Immaculate ang projection ng una na nagpaigting sa pagkabakal ni Jeremy Domingo bilang duke samantalang lumabas naman ang tila pagkalito ng pangalawa na nagpalitaw sa kanyang karupukan. Gusto ko rin ‘yong matapang na exterior ni Cedrick Juan bilang Claudio sa Filipino version kahit sa loob ay nangangamba s’ya sa ideya na iiwanan n’ya ang kanyang mag-ina (kung hindi pa man sapat ang pananraydor ng fragility ng kanyang mukha, isang magandang contrast). Ang partisipasyon naman nina Joel Saracho at Jojit Lorenzo, sa Filipino version pa rin, ay isang patunay na walang maliit na role. Pero kung meron mang isang aktor na nasurpresa ako, si Lehner Mendoza ‘yon (sa parehong English at Filipino version), ang kanyang swag, ang kanyang timing sa deadpan humor o maging ang kanyang mga delivery sa kokonting linya. Aabangan ko ang mga susunod pa n’yang kayang ipakita.

Hindi lang naman sa direksyon at pagganap nahimlay ang spectacle ng produksyon. Maganda ang contrast sa pagitan ng ilaw (Meliton Roxas, Jr.) at stage design (Faust Peneyra), at ang paggamit ng monochromatic na katsa, abaca at iba pa sa costume design ni Gino Gonzales. Bagama’t malinis ang details ng mga damit, hindi ito kailanman nangangain ng eksena (at least para sa akin). Nasurpresa rin ako sa music ni Teresa Barrozo. Ito na siguro ang isa pinaka-conventional ang tunog sa kanyang mga ginawa at nakasabay ito sa daloy ng isang mas malaking vision. Sa dulo, malinaw na malaki ang naiambag ng aspetong teknikal upang makuha ang pansin ng mga pabata nang pabata na miyembro ng manonood. Kung isa sa mga ito ang hindi nakatawid, baka humihikab na ako sa kalagitnaan pa lang.

Naisip ko lang, totoo naman na napapanatili ang katahimikan ng isang bayan sa pagkakaroon ng mga patakaran. Mga bawal, mga hindi bawal. Dito nasusukat ang isang tao kung ang kanyang ginawa ay may karampatang parusa o wala. Sa tulong nito, natututong mabuhay ang mga nasa paligid na sagana sa harmony kapalit ng kalayaan na gawin ang kahit na ano mang naisin. Pero marami itong nasisikil. Pag-ibig, pagnanasa at iba pa. May ilan na pilit pa ring iginigiit ang nais at umaabot sa pagkakataon na subukang baliin (o baguhin upang maging mas angkop sa panahon) ang patakaran. Ang duke, halimbawa, ay hindi nagkasya na sumukat sa harap ng kanyang presensya. Kailangan n’yang maging “diyos” upang makita ang lahat at upang makapanghusga nang nararapat. Sa kabila ng ‘sandamakmak na headline ngayon, mukhang kinakailangan natin ng isang “duke” na hindi lang basta matuwid kundi mapagmasid din. O, kahit nakikita na ang lahat, nakakapaglapat din sana ng tamang panukat.

No comments:

Post a Comment