Musings on life from a (little red) backpacker who adores highschool language classes so much.
Total Pageviews
Monday, November 10, 2014
Report Card sa Ikalawang Araw ng Cinema One Originals 2014
Bilang naghahabol ako sa ilang hindi napanood sa QCinema, iisa lang ang naka-plot sa akin na Cinema One Originals film (na napanood ko sana kung alam ko lang na open pala sa public ang pelikula basta’t makapag-register). Dahil sa iniwang espasyo ng schedule, nagawa ko pang maisingit ang “The Trial” ng Star Cinema na palabas pa rin sa SM Megamall. Isang MRT ride lang naman ang katapat upang maibuhol lahat.
THE LUNCHBOX (Ritesh Batra) Ang pinakagusto kong aspeto ng pelikula ay ‘yong redeeming value n’ya, partikular ‘yong tungkol sa pag-cope ng depresyon na nakukuha natin sa mga taong hindi natin kakilala. Kung tutuusin, medyo trite na ‘yon pero merong distinct na appeal ang local flavor ng India (sana ay marating ko pagdating ng panahon): ang beautiful mess ng lugar, ang amoy ng paligid, ang mouth-watering na mga pagkain at ang koneksyon ng ating bansa bilang isang third-world country. Naka-relate din ako nang konti na ang trabaho ng isang karakter dito ay taga-approve ng expense claim, isang bagay na medyo pamilyar sa mundo na pinagtatrabahuhan ko (lalo na sa tuwing nagkakaroon ng onsite work kamukha ng lumamon sa akin ilang araw bago mag-umpisa ang festival). Gusto ko rin ‘yong pagkaka-establish ng director sa distansya, isang bagay na maaaring magbunsod sa atin sa matinding isolation: ang layo ng pagdadala ng lunchbox mula sa bike hanggang sa train, ang absence ng tiyahin na boses lamang ang naririnig, ang layo ng bahay ng ina ng babaeng karakter at ang pagiging distant ng kanyang asawa, at ang paulit-ulit na pagkakasambit ng mga lugar na malayo. Bonus na lang ang screen presence at mahusay na pagganap ng dalawang pangunahing aktor dito.
P.S. Gusto ko na ring isingit ‘yong lahat ng napanood ko sa araw na ito (habang nasa mood pang magsulat).
THE TRIAL (Chito Roño) Ang impresyon ko matapos mapanood ang pelikula, isa talaga si Chito Roño sa pinakamahusay na mainstream director sa Philippine cinema ngayon. Gamay na gamay n’ya ang kanyang audience pero hindi ito kailanman bumababa nang sagad sa lupa. Ang mga detalye sa pelikula ay malinis, isang bagay na hindi na siguro pagtutuunan ng pansin ng ibang direktor. Na-establish n’ya nang maayos ang koneksyon ng mga karakter at hindi kailanman naging magulo ang kanyang visual (halimbawa, ang pagtingin ng karakter ni Gretchen Barretto sa basurahan upang mag-evoke ng nakaraan at ang malinaw na parallel ng isang trahedya sa kontemporaryong panahon na sinahugan ng clear cut na editing). Ito ay sa kabila ng lahat na mababaw lang ang vision ng materyal. Ito ‘yong klase ng pelikula na mas matatas ang dramatic structure kesa kung ano pa man. Merong sampalan. Merong breakdown scene. Merong maeksenang eksena sa korte (na halos predictable na sa unang bahagi pa lang). At iba pa. Pero on the side, parang alam naman ng direktor ang mga ganitong kahinaan. Sa katunayan, ‘yong Greek chorus ng mga impersonator sa loob ng korte na nakabuo ng commentary ay isang guilty pleasure. O, maging ‘yong ideya na ang mga magulang ni John Lloyd Cruz dito ay isang bading at isang tomboy. Nai-inject ang mga ganitong contrast upang hindi magmukhang manipulative ang buong pelikula at magmistulang pangkaraniwang tearjerker. Unfortunately, nakuha ako ng drama ng pelikula. At nakuha ako nito nang balde-balde.
ANG ‘DI PAGLIMOT NG MGA ALAALA (Carl Papa) Uunahan ko na hindi ako masyadong fan ng mga experimental film (at alam naman ito ni Carl). Pero gustung gusto ko ang mga personal film na halos hubad na hubad na ang kaluluwa ng filmmaker para makita ng mundo. Ganito ang kaso ng pelikula. Alam ko naman ang ilang bahagi ng kuwento ng filmmaker (at ang kapatid na assistant director na madalas kong kasama sa mga film festival) at ang kanilang struggle sa pagkawala ng kanilang ina. Lutang na lutang ang lahat ng puwede pang mahugot upang tuluyang maka-move on. At mula rito ay marami akong concern. Hindi ba mahirap itong panoorin? Naalala ko dati ang “music video” na libreng ibinigay sa amin ng punerarya noong namatay ang dad ko. At tandang tanda ko na sa tuwing ipinapanood ito sa nanay ko ay naiiyak s’ya (at naiiyak na rin ako) kaya’t naisip ko na hindi siguro advisable na panoorin ito na kasing religious ng panonood ng teleserye. Mas nanaisin ko na nakatago na lang muna s’ya sa kahon. Ikalawa, kung tutuusin, ‘yong pagpili sa video call bilang main chunk ng pelikula ay medyo may pagka-unsentimental. Ang bidang babae, halimbawa, ay hindi kailanman ipinakitang emotional sa buong proseso. At sa pagitan ay may ilang narration na hitik na hitik naman sa sentimentality. Kung paano naitawid sa akin ang kakaibang kombinasyon na ito, hindi ko alam. Ang sigurado lang ako na fascinated ako ay ‘yong immersion na ginawa sa artista upang maging kasali sa buong ordeal ng pamilya. Curious ako sa filmmaking dito, kung meron itong script at kung paano na-execute ang mga eksena na hindi kailanman naging peke. ‘Yon nga lang, nakaka-miss nang todo ang conventional na naratibo ni Carl sa kanyang mga short film.
IDA (Pawel Pawlikowski) Gusto ko ang small film feel ng pelikula. Tungkol pa rin s’ya sa mga Nazi at mga Jews pero hindi blatant na ito ang gusto n’yang tumbukin. Parang post-mortem at sa kabilang banda ay baka mas mahapdi ang sugat na nais ipasiyasat dito. Isang dalagita ang nakatakdang maging ganap na madre na napilitang balikan ang nakaraan (o ang kawalan nito). Sa kabilang banda, sa aspetong ispiritwal, parang gusto naman nitong sabihin na ang pagyakap sa langit ay nangangailangan muna ng pagyakap sa lupa upang maging buo. Isa itong magandang study at universal ang atake tungkol sa sari-sariling demonyo. Kuhang kuha rin ako ng dalawang artista rito kahit wala silang masyadong sinasabi. Ang caveat ko lang talaga sa pelikula ay masyadong maganda ang mga imahe sa B&W. Nakakaagaw minsan ng atensyon at hindi ko masyadong makonek ang charm na ito sa tema na tinatalakay.
Sunday, November 09, 2014
Report Card sa Unang Araw ng Cinema One Originals 2014
Ilang araw bago mag-umpisa ang festival, nakakaurat ‘yong balita na hindi naman pala open sa public ang “opening night” ng Cinema One Originals 2014 sa Trinoma. Minsan tanggap ko naman ang mga ganitong by invitation sa unang gabi (kahit na merong ilang film festival na libre ang palabas sa umpisa) pero ang mahirap tanggapin ay ‘yong tutulo lang pala ang laway mo sa “Esoterika: Maynila” dahil hindi na maiipalabas sa buong festival. Una, sana nagkaroon man lang ng disclaimer sa mga schedule na kinalat nila. Ikalawa, sana ginawan talaga nila ng paraan na maipalabas ulit o nagkaroon man lang ng isang handang sagot sa mga ganitong concern.
Anyway, sikat naman ang Cinema One Originals sa mga aberya sa pagkaka-plot ng palabas. Ganyan na dati pa. Ang pinakanatatandaan kong insidente ay noong 2009 kung saan walang schedule sa weekend ang “Wanted: Border”. Meron pa rin ngayon. Ang “Violator”, halimbawa, ay isang beses lang ipapalabas sa Glorietta samantalang merong apat na screening doon ng Short Film Program nila. Pero ayon nga, sa dulo ay pilit mo pa ring gagawan ng paraan na makanood kahit na imposible (at kahit na kailangang kainin ang sinabi at kapalan ang mukha upang magpaimbita para lang makanood). Kung hindi ito pag-ibig, hindi ko na alam.
ESOTERIKA: MAYNILA (Elwood Perez) Pasensya sa mga mao-offend pero ‘yong ritmo na nakita ko sa pelikula ay kamukha noong nais gawin ng “To the Wonder” ni Terrence Malick: maiksi, dreamy at reflective na parang walang naratibo. Sa big picture, tungkol ito sa sexuality, na na-highlight sa end credits na bumanggit kay Moira Lang bilang isang inspirasyon. Sa loob, meron itong maliit na premise tungkol sa paghahanap sa sarili, sa mga has-been na gigolo at sa bohemia ng Maynila. Solid naman ang pelikula. Sa katunayan, consistent ito sa mga borloloy tungkol sa tema (ang isyu ng magpipinsan sa boarding house, lalaking diva sa opera, ang babaeng gumigiling sa macho dance, ang mga balatkayo ng mga bampira at marami pang iba), isang bagay na nagustuhan ko. Kasabay ng pangingilala ng narrator sa kanyang sekswalidad, on the side ay pinapakita ang mukha ng Maynila na hindi madalas makita sa pelikula. Nagsisiwalat ito ng kakaibang amoy at hugis na para bang naglilinis ng bituka. Pero sa totoo lang, masyado ko yatang sineryoso ang pelikula. Ramdam ko na sa buong proseso ng filmmaking ni Elwood Perez ay kumikindat s’ya at tumatawa nang nakatalikod. Bumenta sa akin ang pagka-camp nito na nag-iimbita na hindi dapat sineseryo. Hindi ako masyadong makakonek emotionally kay Ronnie Liang. Pero maganda ang rehistro n’ya sa screen. ‘Yong pinaghuhugutan na lang siguro ang kulang pa. Mahusay si Vince Tañada sa mga eksenang emotional s’ya. Kung ipu-push na maging meta ang materyal (bilang inilagay na rin sa cast si Carlos Celdran), makulit siguro kung isang pinaglumaang bold star ang gumanap.
Subscribe to:
Posts (Atom)