Musings on life from a (little red) backpacker who adores highschool language classes so much.
Total Pageviews
Sunday, November 09, 2014
Report Card sa Unang Araw ng Cinema One Originals 2014
Ilang araw bago mag-umpisa ang festival, nakakaurat ‘yong balita na hindi naman pala open sa public ang “opening night” ng Cinema One Originals 2014 sa Trinoma. Minsan tanggap ko naman ang mga ganitong by invitation sa unang gabi (kahit na merong ilang film festival na libre ang palabas sa umpisa) pero ang mahirap tanggapin ay ‘yong tutulo lang pala ang laway mo sa “Esoterika: Maynila” dahil hindi na maiipalabas sa buong festival. Una, sana nagkaroon man lang ng disclaimer sa mga schedule na kinalat nila. Ikalawa, sana ginawan talaga nila ng paraan na maipalabas ulit o nagkaroon man lang ng isang handang sagot sa mga ganitong concern.
Anyway, sikat naman ang Cinema One Originals sa mga aberya sa pagkaka-plot ng palabas. Ganyan na dati pa. Ang pinakanatatandaan kong insidente ay noong 2009 kung saan walang schedule sa weekend ang “Wanted: Border”. Meron pa rin ngayon. Ang “Violator”, halimbawa, ay isang beses lang ipapalabas sa Glorietta samantalang merong apat na screening doon ng Short Film Program nila. Pero ayon nga, sa dulo ay pilit mo pa ring gagawan ng paraan na makanood kahit na imposible (at kahit na kailangang kainin ang sinabi at kapalan ang mukha upang magpaimbita para lang makanood). Kung hindi ito pag-ibig, hindi ko na alam.
ESOTERIKA: MAYNILA (Elwood Perez) Pasensya sa mga mao-offend pero ‘yong ritmo na nakita ko sa pelikula ay kamukha noong nais gawin ng “To the Wonder” ni Terrence Malick: maiksi, dreamy at reflective na parang walang naratibo. Sa big picture, tungkol ito sa sexuality, na na-highlight sa end credits na bumanggit kay Moira Lang bilang isang inspirasyon. Sa loob, meron itong maliit na premise tungkol sa paghahanap sa sarili, sa mga has-been na gigolo at sa bohemia ng Maynila. Solid naman ang pelikula. Sa katunayan, consistent ito sa mga borloloy tungkol sa tema (ang isyu ng magpipinsan sa boarding house, lalaking diva sa opera, ang babaeng gumigiling sa macho dance, ang mga balatkayo ng mga bampira at marami pang iba), isang bagay na nagustuhan ko. Kasabay ng pangingilala ng narrator sa kanyang sekswalidad, on the side ay pinapakita ang mukha ng Maynila na hindi madalas makita sa pelikula. Nagsisiwalat ito ng kakaibang amoy at hugis na para bang naglilinis ng bituka. Pero sa totoo lang, masyado ko yatang sineryoso ang pelikula. Ramdam ko na sa buong proseso ng filmmaking ni Elwood Perez ay kumikindat s’ya at tumatawa nang nakatalikod. Bumenta sa akin ang pagka-camp nito na nag-iimbita na hindi dapat sineseryo. Hindi ako masyadong makakonek emotionally kay Ronnie Liang. Pero maganda ang rehistro n’ya sa screen. ‘Yong pinaghuhugutan na lang siguro ang kulang pa. Mahusay si Vince Tañada sa mga eksenang emotional s’ya. Kung ipu-push na maging meta ang materyal (bilang inilagay na rin sa cast si Carlos Celdran), makulit siguro kung isang pinaglumaang bold star ang gumanap.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment