Sunday, March 29, 2015

Ilang Epiphany sa Sinag Maynila 2015


Parang nagpapahiwatig na merong magaganap na pagsisisi nang hindi agad lumabas ang mga maleta sa NAIA Terminal 2 isang tanghali noong March 20, Biyernes ‘yan. Hindi naman nakakagulat na matagal talagang maganap ang “arrival” sa airport na ‘yon dahil madalas na pinagsasama nila ang mga bagahe ng dalawa o tatlong eroplano sa iisang conveyor belt. Sa kaso ng paglapag ko sa araw na ‘yan, merong galing Osaka, Nagoya at Narita (Tokyo). Tumagal ng mahigit isang oras ang buhos ng mga bagahe. Nagkapalit daw ang bukana na napagdalhan ng luggage na sinelyuhan naman ng anunsyo ng delay para sa “technical reason”. Kung ano man ‘yan, si Lucio Tan lang ang nakakaalam.

Hindi pa riyan natapos ang premonition. Bilang Biyernes yata (madalas na Sabado o Linggo ako dumarating), madalang din ang mga demetrong taxi sa labas. Gutom, pagod, puyat (mula sa isang flight na kailangang mag-set ng alarm na kasing aga ng alas-4 ng umaga). Dinikdik pa ako lalo ng trapik sa pagitan ng Resorts World at NAIA Terminal 3 dahil sa ginagawang kalsada roon. Halos papalubog na ang araw nang baybayin ni manong ang Skyway. Sumuko na lang ang katawan ko sa ganda nito at sa katotohanang nasa Pilipinas na ako ulit habang mahinhing nag-uunahang umusbong ang sakura sa Japan.

Madali lang mag-plot ng schedule sa Sinag Maynila. Limang pelikula lang ang paulit-ulit at papalit-palit na ipinapalabas sa pitong branch ng SM Cinemas (SM Aura ang pinaka-convenient sa akin). At the minimum, isang buong araw lang ang kailangan para ma-marathon lahat ng kalahok (na balita ko ay handpicked daw mula sa pinagsanib na puwersa nina Brillante Mendoza at Wilson Tieng ng Solar Entertainment Corporation). Kung line-up lang ang huhusgahan, walang itulak-kabigin sa mga pangalang Remton Zuasola, Paul Sta. Ana, Zig Dulay, Lawrence Fajardo at Jim Libiran. Lahat sila ay naging kalahok na sa ibang festival at hindi na masyadong donselya sa ganitong kalakaran.

Sa kabuuhan, hindi naman ako masyadong nanghihinayang na pinalampas ko ang taunang pamamayagpag ng cherry blossoms kapalit ang pagkakataon na mapanood ang limang pelikula. Wala akong issue sa programming. Tingin ko, nabigyan lahat ang pelikula ng hinihinging patas na exposure sa kabila ng kawalan ng kapit nito sa malalaking TV station. Marami pa itong kakaining bigas kamukha ng pagkakaroon sana ng film talk sa ilang screening at ang pagbuo ng audience kung saan malaya itong magkikita-kita at magkukumustahan.

Ilang tala (ayon sa pagkakasalinsin ng panonood):
  
Swap (Remton Zuasola) Hindi ako masyadong nakuha ng sophomore attempt n’ya sa feature length (“Soap Opera” para sa Cinema One Originals noong isang taon). Dito sa kanyang ikatlo, parang tuluyang nabasag ang banga bilang maingay ako sa pamamayagpag noon ng kanyang mga short film at unang feature length. Pero sinasabi ko ito na, kamukha ng iba, may panghihinayang at walang bahid ng pagkainis. Given na sigurong pansinin pa na masyadong ambisyoso ang pangarap ni Remton sa “Swap”. Naalala ko ‘yong sinabi dati ni Lars von Trier sa kanyang “Dogville” (2003) tungkol sa pagtanggal ng filter sa isang pelikula at kung paano tatanggapin ng audience ang ganitong eksperimento. Halos nasa isang malaking warehouse lang ang binuong maliit na community ni Lars sa nasabing pelikula. Ang espasyo ng fruit stand, halimbawa, ay tila ginuhitan lang ng chalk at halatang ginamitan ng hindi natural na ilaw ang bawat eksena. Confident ang direktor na makakarating pa rin sa audience ang struggle ng isang babae (Nicole Kidman) kahit na sinasadyang peke ang ginagalawan nitong set. Nasa ganitong vision ang “Swap”. Ang ginamit ay isang location lang din na tila warehouse habang sinusundan ng isang pasada ng camera ang mga kaganapan, flashback man, split screen o dream sequence. Ang tema: tungkol sa isang kidnapping case na ayon sa credits ay base raw sa totoong pangyayari.

Hindi umobra ang pagsasabong ng ambisyosong storytelling device at ang real life drama. Ang una, puwede pang matanggap dahil bibihira ang mga filmmaker na merong ganitong boses. Sa kaso ng “Dogville”, ang tema na tinalakay ni Lars ay madali lang maabot na sa kabila ng dark undertone ng materyal ay merong naghuhumiyaw na suhestiyon na kasing babaw lang ito ng mga plot ng teleserye. Ang kidnapping sa “Swap” ay hindi ganito kabilis maabot. Hindi pa nakatulong na hindi malinaw ang ilang detalye sa kaso ng tatay na ninakawan ng anak bilang pamalit sa anak ng among mayaman. Kung ang subject ay inihulma naman sa kumbensyonal na storytelling, maaari pa sigurong gumana pero baka masyado nang simple ito para kay Remton. Tuluyang gumuho ang pelikula nang hindi nakatulong sa pag-usad ang akting ng ilang prime actors na kasali rito. May ilang continuity issue rin at may ilan naman na halatang naiilang ang execution dahil wala nang pagkakaton na ulitin pa ang take.

Ninja Party (Jim Libiran) Kailangan kong silipin ang coffee table book ng Tanghalang Pilipino upang makasiguro kung kailan ko napanood ang staging nila ng “Lysistrata” na ginanapan ni Irma Adlawan. Ang natatandaan ko lang, ang buong stage ay punung puno ng mga naghuhumindig na phallic symbol bilang patungkol sa tema nito na figuratively ay hawak ng kababaihan ang “sandata” ng kani-kanilang mga asawa. Kung mamarapatin pa, nasa ganitong dominasyon ang magdidikta ng giyera sa nasabing Greek comedy ni Aristophanes.

Sa unang 15 minuto ng “Ninja Party”, malinaw na ipinakita ang apat na highschool girls dito (remarkable performance mula kina Annicka Dolonius, Julz Savard, Elora Espano at Bea Galvez) ang parallelism sa mga karakter ng “Lysistrata”. Ang apat ay may sariling mababaw na supresyon sa isang exclusive school sa kabila ng assurance na kayang kaya nilang imanipula ang bayag ng mga lalaki. Isang drive upang mapaniwala ako na kung kaya nilang ipuhunan ang pagkababae upang mangibabaw sa mga lalaki (casual date sa harap ng convenience store, blowjob sa kotse, pagho-host ng party, atbp.), kaya rin nilang himasin ang inilatag na “giyera” ng school principal na si Odette Khan (na tingin ko ay hindi masyadong nakatulong upang pakapalin ang terror).

Ang una kong impresyon, walang masyadong gustong tumbukin ang pelikula. Bagama’t isang level-up ito mula sa dalawang feature length ni Jim Libiran tungkol sa mga nakaapak (“Tribu”) o nasa ilalim (“Happyland”) ng poverty line at nagawa n’yang kapani-paniwala ang rapport ng mga elitistang bidang babae (na bihirang makita sa Philippine cinema), mistulang mababaw lang ang pinupuntong supresyon dito. Sa katunayan, hindi lang ito mababaw. Hindi rin nila ito kayang pagtagumpayanan (na kabaliktaran ng mga protagonist sa “Lysistrata”). Ang mga magulang din nila mismo ang nagwawalis ng kanilang kalat. Sa parteng ito, gusto kong isipin na statement ito tungkol sa community sa upper class na talagang mababaw lang ang kanilang mga concern sa buhay, na ang kanilang bersyon ng supresyon ay walang kasing selfish, at ang pagtawid dito ay masyadong self-serving at wala nang ibang mas malawak na makikinabang. Hindi ito kamukha ng mga rally sa kalye na maaring magbunsod ng pagsusulat ng bill sa kongreso o magkaroon man lang ng kamalayan sa publiko. Ang napapaligaya lang ng mga bidang babae rito ay ang kanilang libido. Valid man ang observation na ito o hindi, malinaw sa akin ang statement ng direktor.  

Bambanti (Zig Dulay) Ito na siguro ang pinakamadaling maabot sa mga isinulat o idinirehe ni Zig Dulay. Tungkol ito sa Solomonic na pagmamahal ng isang biyuda at mahirap na ina (outstanding perfomance mula kay Alessandra de Rossi) sa kanyang anak. Pinasunod nito ang audience na abangan ang mga kaganapan ng kaso tunkol sa nawawalang relo at ang kahihinatnan ng hustisya at konsensya. Bilang ito ang pinaka-polished na naidirek ni Zig, masasabi kong mas umangat ang kanyang pagiging direktor dito kesa pagiging manunulat. Kung may nakita man akong clever sa materyal dito, ito ‘yong pagbuo ng comparison sa moralidad ng isang pamilyang walang ama at mahirap, at isang pamilyang kumpleto subalit mayaman. Hindi ako magugulat na marami ang magkakagusto sa pelikula dahil madali itong sundan at mahalin sa paraang inaabangan natin ang mga kaganapan ng isang panggabing soap opera. Mas humihinga lang ang mga karakter dito. Sa isang eksena, halimbawa, kung saan tinanong ng mga anak ang illiterate na ina kung anong mas makabuluhan sa pagitan ng “times” at “addition”, gumawa ito ng palusot at sinabing ‘wag abalahin ang kanilang ina kapag nagtatrabaho. Para sa akin, ang performance pa lang dito ni Alessandra de Rossi ay sapat na para masulit ang ibinayad na ticket. Gusto ko rin ang binuong picture tungkol sa community sa malayong probinsya, na ang isang maliit na kaso ng nawawalang relo ay sapat na upang mabulabog ang katahimikan nito at hamunin ang pinagkakaingatang moralidad ng taumbayan, may pera man o wala.  

Balut Country (Paul Sta. Ana) Kamukha ni Zig Dulay, writer din na naging writer/director si Paul Sta. Ana. Hindi na surpresa sa akin na isang magandang “workshop” sa pagsusulat ang finished product ng “Balut Country”. Walang issue sa akin na preditable minsan ang pelikula, ‘wag lang sanang masyadong halata. Sa unang salang pa lang ng nabubuong conflict sa pagitan ng ManileƱo na si Rocco Nacino at ang katiwalang mawawalan ng bahay at hanapbuhay na si Ronnie Quizon, alam ko na kung saan ako dadalhin at hindi nga ito lumiko. Sagana ang planting dito, mula sa batong tumama sa salamin ng taxi hanggang sa dalawang beses na pagkahulog ng kontrata ng lote. At hindi masyadong nakatulong na ang atake ni Rocco rito ay walang masyadong makapitan, isang malaking contrast na parang ramdam mo ang bigat ng mundo sa atake ni Ronnie. Pero sa kabila ng payak at diretsong storytelling sa pelikula, gusto ko na pilit isiniksik ang proseso sa balut industry. Minsan ay masyado na itong obvious pero katibayan ito ng isa sa mga inaasahan mula sa isang manuulat, ang mag-research. Given na rin ‘yong irony sa pagitan ng pangingitlog ng itik bilang kabuhayan, ang issue ng bidang lalaki tungkol sa girlfriend na buntis na nagbunsod upang ibenta ang lupa at ang itik na nais kumawala sa kanyang shell bilang hudyat ng bagong simula para sa bida na nagkaroon ng direksyon ang buhay.  

Imbisibol (Lawrence Fajardo) Hindi ko napanood ang version ng dula para sa Virgin Labfest pero kahit kaunti ay hindi ko naramdaman sa pelikula ang pinag-ugatan nito. Halimbawa, sa unang eksena na na nagtatalo ang isang maybahay na Pinay na si Linda (Ces Quesada) at ang kanyang asawang hapon, nakatutok lang ang camera sa isang takure na sa dulo ay kumulo. Aninag ang dalawang karakter na nag-uusap sa likod pero nakatutok ang focus sa pagkulo. Maliban sa ilang huling minuto, static lang halos ang camera sa buong kwento ng mga undocumented na OFW sa Japan. Bihirang bihira na magpa-pan ito. Parang gustong ikulong ang mga karakter, gustong ipinid ang kanilang buhay, pag-ibig, pangarap at kabiguan. Sa sandaling naging dynamic ang camera, gusto rin nitong habulin ang nais tumakas at sundan ang bawat paghulagpos na parang daga na walang lunggang mapasukan at mapagtaguan. Dito pa lang sa aspetong binabantayan ng direktor ang kanyang camera work, bilang tagapagtawid din ng kwento, kuhang kuha na ako. Ang mga ganitong klase ng focus ay malamang kesa hindi na hinugot mula sa isang direktor na nasa kanyang trono at may kasiguraduhan sa kanyang vision sa materyal.

Hindi na rin naman bago ang mga play na tumatalakay sa mga OFW. Ang una kong naisip ay ang “Bayan-Bayanan” ni Bienvenido Noriega, Jr. na tungkol din sa mga konek-konek na tauhan. Ang pelikulang “American Adobo” (2001) ni Laurice Guillen ay nasa ganito ring kategorya. Ang iniangat lang ng “Imbisibol” ay hindi mayadong pilit ang pagkakabuhol ng mga tauhan dito. Ang “Mama San” (Ces Quesada) na nagpaparenta ng kuwarto sa mga Pinoy na walang papeles ay walang masyadong koneksyon maliban sa kanyang pagiging landlady. Sa dulo ay nalaman nating kaibigan pala s’ya ng matandang si Benjie (isang mahusay na pagganap mula kay Bernardo Bernardo) na may sariling hinagpis nang ma-deport ang kasintahang si Edward (Ricky Davao). Ang pinaglumaang hosto na si Manuel (Allen Dizon sa isa sa mga hindi malilimutang pagganap) ay namamalimos ng pagtanggap habang ang trabahador na si Rodel (JM de Guzman) ay tahimik na nangangarap ng isang maayos na buhay para sa anak na nasa Pilipinas. May sari-sariling running time (at moment) ang mga tauhan pero hindi ito nagmukhang manipulative, nagmamadali o masyadong nagpapaliwanag. Mas organic ang pagkakalatag sa kanila, dahilan upang madaling maabot ang kanilang mga pinaghuhugutan. Kahit hindi ako OFW, ramdam na ramdam ko ang bigat ng kanilang dinadala sa kabila ng lamig na dulot ng snow (na nagsilbing karakter din mismo sa buong pelikula). Sa kabila ng kalakihan ng hinihingi ng dula (maraming karakter, location shoot sa Hokkaido, Japan, at ang angkop na execution ng mga eksenang tahimik at maaksyon), merong mga mumunting bagay na hindi nito nakalimutan. Humihinga ang mga karakter dito, tumatawa, nagmamahal, nagpapahinga. Sa isang maliit na sequence, halimbawa, makikita ang suhestiyon ng pag-usbong ng pagtitinginan nina Rodel at ang Haponesa sa cafeteria. Makikita rin ang attempt na maghapi-hapi sa isang videoke bar para sa kaarawan ni Edward (kahit na wala ito). Ang isa sa mga Pinay na natulungan ni Linda ay nakuhang magbiro tungkol sa pagkakaroon ng maraming alyas.

Hindi ko alam kung deliberate ang pagkaka-cast ng mga aktor dito na halos lahat ay galing sa teatro mula kay Ces Quesada, Bernardo Bernardo, Ricky Davao hanggang kina Mailes Kanapi, JM de Guzman, Onyl Torres, JC Santos at Fred Lo. Maliban lang kay Allen Dizon na ironically ay nag-iisang merong “stage performance” sa pelikula.